7

1045 Words
“HI!” “August,” bati ni January sa lalaking lumapit sa kanya. Pakiramdam niya ay nabitin ang kanyang hininga. Kanina pa siya aware sa kaguwapuhang taglay nito pero parang mas guwapo ito ngayon. Nakamaong lang at red polo shirt si August. Mukhang bagong paligo ito dahil naaamoy pa niya ang sabong ginamit at aftershave lotion nito. Isang matamis na ngiti ang ibinigay nito sa kanya. “Having a great time?” Tumango siya. “Ikaw? Kanina ka pa ba nandiyan?” “Nope. Kadarating ko lang. Talagang nagpahuli ako. Bisita lang naman ako ni Alejo at hindi member ng batch ninyo. Ayokong makaistorbo sa kumustahan ninyo.” “Sinabi mo pa. Hindi nga magkamayaw sa kumustahan kanina pa, medyo ngayon lang natigil. Mga busog na siguro kaya natahimik. Pero ang alam ko, may inihandang program sina Amor.” “Sasali ka?” “Oo naman. Bawal ang killjoy sa gabing ito. Dapat ay game ang lahat.” “So kakanta ka na rin?” Tumango si January. Nagliwanag ang mukha ni August. “Kaya nga ba parang gustung-gusto ko na ring pumunta rito, eh. Naisip kong kakanta ka. Curious akong marinig ang boses mo.” “Hindi ako a la Regine Velasquez.” “And so? Sigurado naman ako, kung sa akin ka iko-compare, milya-milya ang layo mo. Ako, kahit dingding ng banyo, parang mawawasak dahil sa boses ko. Hindi nila masikmura.” “Sobra ka naman.” “Totoo. Wala sa lahi namin ang may talent sa pagkanta.” May tumikhim sa likuran nila kaya pareho silang napalingon. “Jan, may escort ka pala sa reunion na ito,” panunukso ni Joanna Marie. Tinaasan niya ito ng isang kilay bago bumaling kay August. “Si Joanna Marie nga pala, kaklase at best friend ko. Kami ang sabay-sabay na dumating dito kanina.” “So, siya pala ang misis ni Lemuel Crisostomo? Parang ganoon ang tanda ko kaninang nagkuwentuhan tayo. I’m August Marciano.” Mabilis itong naglahad ng kamay kay Joanna Marie. “Nice to meet you, Mrs. Crisostomo. I hope to meet your husband, too.” “Nariyan lang siya sa paligid. Mayamaya, ipapakilala kita. Mukhang matagal na kayong magkakilala ni January, August.” “Joan, siya ang nagmagandang-loob na nagpasakay sa amin kanina. Remember, nasiraan `yong bus na sinakyan ko?” “Oh.” Nanunukso ang tingin sa kanya ni Joanna Marie. “Hello, guys!” Umalingawngaw ang masiglang tinig ni Amor sa sound system. “This is the moment! Welcome to our first-ever high school class reunion!” Nagpalakpakan ang lahat. “Masaya kami na halos lahat ay naririto. Nakakatuwa na muli tayong nagkita-kita. Hindi lang tayo forty ngayon, ang iba ay may-asawa na. Ang iba ay mayroon na ring mga tsikiting!” Ngumiti ito at hinimas ang tiyan. “Ako rin, malapit nang magkaroon.” “Mukhang kabuwanan na ni Amor. Hindi kaya manganak siya mamaya?” sabi ni Joanna Marie. “Kasasabi pa lang niya kanina na next month pa ang due niya,” sagot ni January. “Eh, nanganganay siya. Karaniwan nang advance or delayed ang labor kapag panganay.” “Huwag naman sana ngayon.” “Malapit lang naman ang ospital kung sakali,” sabad ni August. “I hope we’ll all have a good time,” patuloy ni Amor. “Here’s Alejo to give a short message to all of us.” Ipinasa nito kay Alejo ang mikropono. “Welcome, classmates!” bati agad ni Alejo. “Uulitin ko lang nang mas maigsi ang sinabi ni Amor. Ting and I are also happy seeing all of you here. Sana ay mag-enjoy tayong lahat. At gusto ko ring ipaalala sa inyo na walang time limit ang party na ito. Sa mga gustong magpaumaga, may cottages para sa inyo. With complete facilities, of course. Pag-alis n’yo ay saka na lang kayo magbabayad,” biro nito. “The truth is, libre ang stay ninyo. You can stay as long as you want. I made that a special project dahil matagal tayong hindi nagkita-kita at malamang, bitin ang balitaan kung kulang tayo sa oras. The beach is just over there kung nakalimutan na ninyo. Pagkatapos ng party, kung may gustong maligo ay nasa inyo na iyon, kaunting ingat lang. Let’s all party, guys! Mayamaya ay uumpisahan na natin ang parlor games. Magpababa lang muna tayo ng kinain.” Bababa na sana ng maliit na makehift stage si Alejo nang parang may maalala. “Muntik ko nang makalimutan, gusto ko nga palang ipakilala sa inyo ang isang espesyal na kaibigan. Siya ang naging katulong ko para maitayo ang mga cottages na tutuluyan ng iba ngayon. Classmates, please welcome Engineer August Marciano. Pare, halika muna rito sandali!” “Sandali lang, ha?” paalam ni August sa kanila. “Guwapo, Jan!” tukso ni Joanna Marie sa kanya. “And so?” “Mukhang interesado sa iyo.” Itinirik lang ni January ang mga mata. “I guess, attracted ka sa kanya.” “Mali ka ng hula,” sabi niya. “Hmm, nagde-deny ka lang!” “Magandang gabi po sa inyong lahat!” bati ni August, pagkatapos ay ibinalik din kay Alejo ang mikropono. “Pare, wala ka na bang ibang sasabihin?” pabirong tanong ni Alejo. “Hindi ko nga alam na tatawagin mo ako rito, eh,” sagot naman ni August. Ngumisi si Alejo. “Well, ako na lang ang mag-a-announce sa inyong lahat. Binata ang kaibigan kong ito. So, mga female classmates kong single pa, August here is very much available. Mamaya, ibibigay ko sa inyo ang number niya. I-text n’yo!” Nagtawanan ang lahat. “Panalo, Jan! Binata si August. May edge ka na sa ibang classmates natin na baka interesado sa kanya. See? ikaw ang unang in-approach niya kaninang dumating siya.” “Nakakapagtaka ba iyon? Ako ang kakilala niya bukod kina Alejo at Ting. Busy sina Alejo. Ako ang nilapitan niya dahil ako ang walang ginagawa.” “As if I don’t know you. Hoy, Enero, I’m sure kinikilig ka rin diyan. Magde-deny ka pa, eh, kilalang-kilala kita. Alam kong attracted ka rin sa kanya.” “Tumigil ka nga. Mamaya marinig ka niya, nakakahiya!” Hindi na nga kumibo ang kaibigan niya pero nanunukso pa rin ang titig at pagkakangiti sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD