Maya-maya lang ay bumaba ako sa kotse. Bumalot na sa buong pagkatao ko ang emosyon na animo’y nawala na ako sa matinong pag-iisip. Wala na akong pakialam kung maghiwalay man kami o hindi. Sobra-sobra na ang pagpapahirap, pananakit at pagmamaltrato niya sa akin upang muli ko pa siyang mapatawad. Nang mga sandali rin na iyon, tila nandilim na ang aking paningin. Nag-iba na ang turing ko kay Augustus at dama ko na ang pagkasuklam sa kaniya.
Dire-diretso lang akong pumasok sa gate ng aming bahay hanggang sa main door. Marahan kong binuksan ang pinto at doon nakita ko nga ang asawa kong nakadagan pa sa malanding babae niya habang nakikipaghalikan sa sofa. Naninikip ang dibdib kong hindi rin makahinga sa nasaksihan at lalong nawala ako sa aking katinuan. Nakita ko ang baril ni Augustus sa center table saka ako mabilis na naglakad patungo roon at dinampot ang baril. Wala na rin akong pakialam kung makapatay man ako at ang mahalaga ay magbayad ang mga taksil. Tutal, wala rin naman pakialam si Augustus sa nararamdaman ko.
“Mga hayop kayo!” sigaw ko. Itinutok ko rin ang hawak kong forty-five caliber sa kanilang dalawa.
Bumalikwas agad si Augustus sa pagkakadagan niya sa babae habang halata sa mukha ng dalawa ang labis na pagkagulat nang makita ako. Marahang kumilos si Augustus saka niya iniharang ang dalawang kamay tanda na hindi sila lalaban.
“Mga hayop!” Muling namalisbis ang aking mga luha sa mga mata habang nanginginig ang kamay ko sa pagkakahawak sa baril. “P-Paano mo nagawa sa akin ito, Augustus? N-Niloko mo ako! Dapat sa inyo ay mawala sa mundong ito para pare-parehas tayong magdadalamhati!”
“Imari! M-Magpapaliwanag ako! P-Parang awa mo na. Huwag mong gagawin ito. Kasalanan sa batas ang gagawin mo, Imari!” Sinubukan niyang pakalmahin ako saka niya iniharang ang katawan sa babaeng kasama. “Imari, n-nagawa ko lang ito dahil… dahil sa kagustuhan kong magkaroon tayo ng anak. N-Nakipagkasundo ako sa kaniya na bigyan tayo ng anak na aalagaan nating dalawa. I-Ikaw ang m-mahal ko. Ibaba mo iyang baril, Imari. H-Hindi ako lalaban sa iyo at kung gagawin mo ito, h-hindi na natin matutupad ang pangarap natin na magkaroon ng masayang pamilya. T-This is our dream, right?”
Isang kalabit ko na lang sa gatilyo, pagpipiyestahan ng mga uod ang katawan nilang dalawa. Hindi ko rin alam kung paniniwalaan ko ang mga sinasabi ni Augustus gayong kitang-kita naman ng dalawang mga mata ko na niloko niya ako. Sa huli, marahan ko rin ibinaba ang baril. Ang aking asawa naman ay marahan din lumapit sa akin upang bawiin ang baril mula sa akin. Gulong-gulo ang aking isipan nang mga sandaling iyon at pati ang mga salita ng asawa ko sa akin ay pinaniniwalaan ko na naman.
“Augustus, iwanan mo na nga ang desperadang babaeng iyan!” sambit ng babae.
Nagpanting ang tenga ko. Muling umusbong ang galit sa aking katauhan saka ako sumigaw. “Aaahhh! Ang lakas ng loob mong tawagin akong desperada!” Itinaas kong muli ang baril upang paputukan sana ang babae subalit pinigilan ako ni Augustus.
“Imari! Huwag!”
Nakipag-agawan ako ng baril kay Augustus. “Bitiwan mo ang kamay ko, Augustus! P-Papatayin ko ang babae mo!” Mahigpit ang pagkakahawak ko sa baril at hindi ko hahayaang mabawi iyon ng aking taksil na sa asawa.
Ilang minuto pa ang pag-aagawan naming dalawa, umalingawngaw ang putok ng baril sa buong paligid. Napaigtad ako habang nanlaki ang aking mga matang nakatitig kay Augustus. Marahan ko rin ibinaba ang aking tingin saka ko nakita ang pulang mantsa ng dugo sa suot kong blouse na puti. Nanginginig ang kamay ko na may malagkit na dugo na rin hanggang sa naramdaman ko na ako ang tinamaan.
“Imari…” sambit ni Augustus. Bakas din sa mukha niya ang pagkagulat sa nangyari.
Nandidilim na ang paningin ko nang mga oras na iyon. Nanatili lang akong nakatitig kay Augustus hanggang sa unti-unti na rin nanlabot ang aking tuhod. Unti-unti na rin bumagal ang paghinga ko hanggang sa naghahabol na ako. Napakapit pa ako sa braso ng aking asawa habang pinipilit kong labanan ang sariling mabuhay pa.
“Imari!” Tinakpan niya ang sugat ko sa tiyan kung saan ako tinamaan upang mapigilan ang pagdaloy ng dugo.
Subalit huli na ang lahat.
Bumitaw ako ngunit sa huling pagkakataon ay nanatiling nakatitig pa rin aking mga mata sa aking nangalunyang asawa.
Dito na nga ba matatapos ang buhay ko sa kabila ng mga pasakit na natamo ko mula sa malupit kong asawa?
Ang buhay ko ay natapos lang nang dahil sa kagustuhang malaman ang katotohanan. Isa ako sa mga milyong kababaihang nakaranas ng pagmamaltrato at hindi patas na pagtingin ng asawa ko. Sabi nga nila, bilog ang mundo. Ang diyos ay nakatanaw lamang sa mundo upang bantayan ang kaniyang mga nilalang. Nariyan siya upang magbigay ng pangalawang pagkakataon sa mga taong nais itama ang linya ng kanilang kapalaran. At dito pa lang magsisimula ang lahat.
Huh! Napabalikwas ako nang magising ako mula sa mahabang pagkakatulog. Agad kong pinakiramdaman ang aking sarili habang iniisip ko kung ano ang nangyari sa akin. Pakiwari ko ay isang bangungot ang lahat kaya pinilit ko rin magising upang makawala. Maya-maya lang ay naramdaman ko na may kasama ako sa loob ng kwartong kinaroroonan ko saka ako sumulyap sa kanang bahagi.
“Finally, you’re awake.”
My eyes widened when I saw the man wearing his doctor suit and smiled at me. Hindi pa rin nag-sync in sa isipan ko kung ano ang ginagawa niya roon dahil kasalukuyang blangko pa ang lahat. Subalit kagyat lang din na naalala ko ang huling nangyari sa amin ng aking asawa. Huh?! Bigla akong napahawak sa tiyan ko na tinamaan ng baril ngunit wala akong nakapa na bendahe man lang na inilagay doon. Nanariwa sa aking isipan ang lahat nang gabing nakita ko na pinagtataksilan ako ni Augustus.
“Natagpuan kita sa dalampasigan nang gabi ng kabilugan ng buwan. Tatlong araw ka ng natutulog at mabuti naman ay nagising ka rin sa wakas,” paliwanag ng doktor. Nahalata niyang naghahanap agad ako ng kasagutan base sa reaksiyon ng mukha ko.
“Huh? A-Ako? N-Natagpuan mo sa dalampasigan?” pagtataka ko. Ang isa sa mga naalala ko ay nabaril ako dahilan kaya binawian ako ng buhay.
Ngumiti siya. “I should be the one to ask you that. Anong ginagawa ng isang magandang dilag na katulad mo sa dalampasigan?” tanong niya. Nakapamulsa siya habang malalim na nakatitig sa akin.
Hindi ako makasagot. Hindi ko naman maaaring sabihin sa gwapong doktor sa harapan ang tunay na naganap at baka hindi niya ako paniwalaan. Oo at gwapong doktor ang nakatagpo sa aking sa dalampasigan na sinasabi niya at nag-alaga sa aking ng ilang araw habang wala akong malay.
“Sa tingin ko, nalunod ka. Huminto ang lahat ng vital signs mo nang matagpuan kita. Wala rin ibang malapit na ospital dito kaya dito na muna kita dinala. Siyangapala, ako si Duke Justine Villamor. Anong pangalan mo?”
Duke Justin Villamor? Muli akong nakatitig sa gwapong mukha ng doktor at hindi ako nagsasawang tingnan siya. “Wala akong maalala at kahit ang pangalan ko ay hindi ko rin matandaan. Hindi ko rin alam kung ano ang tunay na nangyari sa akin at kung bakit ako napunta sa dalampasigan na sinasabi mo.” Hindi ko maaaring sabihin kung sino ako hangga’t hindi ko alam ang totoong nangyari. Teka... Ano ba talaga ang nangyari sa akin? Paulit-ulit na tanong ko sa sarili habang nasapo ko ang noo sa kakaisip.
“All right.” Tinanggal niya ang pagkakapamulsa saka kinuha ang ballpen sa bulsa ng suot niyang doctor suit saka kinuha ang records niya sa sulok. “Walang pagkakakilanlan at walang maalala sa nangyari.” May isinulat siya. “I will put all the records to know more about you. Dahil hindi mo maalala ang iyong pangalan, tatawagin na lang kita sa pangalan bilang si Luna. Since kabilugan ng buwan nang matagpuan kita sa dalampasigan ng resort ko at pansamantala muna habang hindi mo pa tanda ang iyong pangalan.”
“Luna? Resort?” Naguguluhan pa rin ako sa mga sinasabi niya.
“Yes. Nandito ka sa resort ko sa Siargao. May naalala ka na?”
Muli akong napakunot-noo sa kaniya sabay umiling-iling. “W-Wala pa rin. H-Hindi ko alam kung bakit ako napadpad dito.” Hindi ko rin alam kung bakit ako nabuhay.
“All right. At naisip ko rin since wala kang maalala, dumito ka muna sa resthouse ko. Wala naman akong kasama rito habang nagpapagaling ka. Hindi rin kita pwedeng pabayaan na lang sa ganyan sitwasyon mo at kargo na kita mula ngayon. Is that okay with you, Luna?”
“Uhm, sige. A-Ayos lang.” Luna. Napakagandang pangalan. Parang isang puting lobo sa kabilugan ng buwan pero hindi. Hindi ko pa rin lubos maisip kung bakit ako nandito kaharap ang isang estrangherong doktor. Nasa ibang mundo na ba ako? May kumikirot sa bahagi ng aking kaliwang sentido at naapektuhan nito ang aking pag-iisip sa nangyari sa akin.
“Maiwan muna kita at ihahanda ko lang makakain mo.” Isang malalim na sulyap pa ang ginawa niya sa akin saka siya tumalikod upang lumabas ng kwarto.
Sinundan ko na lang ng tingin ang papalabas doktor. Napakabait niya. Iyon agad ang napuna ko sa doktor na tumulong sa akin. Subalit naisip ko na naman kung paano ako muling nabuhay gayong nabaril ako ng aking asawa. Out of curiosity, tumayo ako at tinungo ang salamin sa isang sulok. Habang papalapit ako ay mas lalo lang akong kinabahan dahil iniisip ko na baka halusinasyon ko lang ang lahat.
When I was there in front of the mirror, I was shocked. Halos bagsakan ako ng langit dahil sa nakita ko na iba na aking ang mukha sa salamin. Nanginginig ang mga palad ko na hinaplos ang aking mukha na mas malayo kaysa orihinal. Napuna ko rin ang ibang pisikal kong anyo kumpara sa dati. Mas matangkad ako ngayon, mas balingkinitan ang katawan, may mahaba na buhok at higit sa lahat, ang kulay ng balat kong hindi gaanong mestisahin. Sa kabuuan, maganda pa rin ang lahat sa katawan ko ngunit hindi ako ito.
Unti-unting namamalisbis ang mga luha ko sa aking pisngi lalo na ngayong ibang tao na ako. Pinipigilan ko rin na humikbi at ayaw kong marinig ako ng doktor na nag-aruga sa akin. Samu’t saring pag-iisip at emosyon na naman ang natamo ko matapos akong magising mula sa trahedyang iyon. Maya-maya lang ay nagpahid din ako ng mga luha saka muling bumalik sa kama at umupo. Sobrang bigat na naman ang pakiramdam ko sa mga nangyari at muling napaisip. May dahilan ang lahat ng ito. Hindi ako makakarating sa puntong ito kung walang dahilan ang lahat. Pilit kong pinakalma ang aking sarili saka muli kong inayos ang aking sarili upang hindi makahalata ang doktor na ako ay nanggaling sa pag-iyak.