Kinabukasan, nang makauwi ang aking asawa, ipinaalam ko agad sa kaniya na may seminar kami sa Cebu at mawawala ako ng isang linggo. Tumango lang siya bilang pagtugon at hindi man lang nagtanong ng ilang bagay tungkol sa aking pag-alis. Nagawa ko pa na ipagluto siya ng aming tanghalian at ipaghanda sa kabila ng katotohanang kasama niya marahil ang babaeng si Georgina. Inaasikaso ko pa siya sa kabila ng lahat ng mga pasakit na binigay niya sa buhay ko. Masakit! Sobrang sakit ang ginawa mo sa akin, Augustus!
“Beef Caldereta? Anong mayroon at ito ang iniluto mo? Anong okasyon? Wait. Ikaw ang nagluto nito? Nasaan si Aling Virgie at ikaw ang naghanda ng tanghalian natin?” sunod-sunod niyang tanong sa akin.
“Uhm, nagpaalam kanina na uuwi muna siya sa kaniyang anak sa Bulacan. Pumayag na rin ako since wala rin naman ako rito ng isang linggo,” walang gana kong tugon sa kaniya.
“So, sinong gusto mong mag-asikaso ng pagkain ko rito habang wala ka? Wala ka na nga silbi sa bahay na ito tapos papauwiin mo pa ang kasambahay natin!” bulyaw niya. “Nasaan ba ang pag-iisip mo, Imari?”
“Hindi ka naman halos kumakain dito sa bahay kaya naisip kong payagan na lang siya,” sagot ko.
“Anong sabi mo?” Nilapitan niya ako saka niya hinawakan ang braso ko nang mahigpit. “Nagdesisyon ka na hindi man lang ako kino-konsulta? Anong akala mo sa akin, Imari? Ako ang lalaki sa bahay na ito kaya lahat ng mga desisyon, ako ang dapat masusunod! Naintindihan mo ba?” sigaw na naman niyang nanggagalaiti sa galit sa akin.
“A-Augustus, nasasaktan ako!” impit kong sabi. Magkakapasa na naman ako kapag hindi pa siya bumitaw sa pagkakahawak sa braso ko.
“Masasaktan ka talaga kapag iyang kagustuhan mo ang pinapairal mo!” Saka niya ako binitawan.
“Huh?!” Kamuntik na akong mawalan ng balanse at mabuti na lang napahawak pa ako sa upuan.
“Kumain ka na lang mag-isa mo! Nawalan na ako ng gana. Bwisit na buhay na ito!” Sinipa pa niya ang upuan sa sobrang galit saka siya tumalikod at umalis.
Napahawak ako sa aking braso na nasaktan na naman mula sa malupit kong asawa. Napahikbi na naman ako sa aking kinatatayuan sa pagmamaltrato ng hindi patas at hindi makatao. Binitawan ko rin ang pagkakahawak sa braso kong nasaktan saka ko inurong ang upuan at marahang umupo. Awang-awa na ako sa kaniyang sarili ko pero kumakapit pa rin ako sa pag-asang baka magbago si Augustus. Sumandok ako ng kanin at nilagyan ng ulam ang aking plato. Habang kumakain ako, umiiyak ako sa kakaisip kung bakit kami nagkakaganito ang aming pagsasama. Gusto ko na rin tanungin ang diyos kong bakit niya ako binigyan ng isang pagsubok na alam naman niyang mahina ako. Kung bakit din binigyan kami ng isang matinding problema na hindi naman ako dinadamayan ng aking asawa.
Ilang sandali lang ay nag-vibrate ang aking cell phone sa bulsa. Wala akong balak sagutin ang caller dahil nasa kalagitnaan ako ng aking pagdadalamhati subalit hindi tumitigil ang pag-vibrate kaya napilitan din akong dukutin ito sa bulsa ko. Nakita kong naka-rehistro ang numero ng aking ama at agad na pinindot ang answer call button dahil baka importante.
“Hello? Imari?” sambit ng aking ama sa kabilang linya.
Hindi ako agad nakapagsalita ngunit inunahan na ako ng aking ama. I clears my throat to answer my father. Ayaw kong mahalata niyang umiiyak ako. “Pa? N-Napatawag kayo?”
“Noon isang araw mo pa hindi sinasagot ang tawag ko at akala ko ay kung ano na nangyari sa iyo. Tumatawag din ako sa asawa mo pero hindi naman niya sinasagot ang cell phone niya. May problema ba kayong mag-asawa?”
Gusto kong isigaw at sabihin sa kaniya na oo pero pinigilan ko rin ang magsalita. Ayaw ko rin na magkagulo kami lalo na at mas lalong pag-initan ako ng aking asawa kapag nagsumbong ako. Nagbanta na rin siyang huwag magsusumbong kahit sa aking ama kung ayaw ko raw maiwan. Oo at sinabi iyon ni Augustus ng isang beses na umuwi siyang lasing na lasing.
“W-Wala naman,” tugon ko.
“Mabuti naman. Kumusta na iyong pagpapagamot mo? May pagbabago na ba?”
“Wala pa rin, ho.”
“Mas mabuti sigurong magpa-albularyo ka kaya, Imari? Baka naman pwede pa iyang gawan ng paraan ng mga manggagamot dito sa atin.”
“Pa, h-hindi ko kailangan ng mga albularyo. Maniwala tayo sa magandang idudulot ng medical treatment ko. Huwag niyo alalahanin itong sakit ko at kaya ko naman ito. Ang isipin niyo na lang ay ang sakahan mo at ibang pananim natin diyan. Kaya ko ang sarili ko.” Kahit alam kong lugmok na lugmok na ako sa pighati at kawalan ng pag-asa. Gusto kong ipagsigawan ang bagay na iyon ngunit nagtimpi pa rin ako. Kung buhay lang sana ang nanay ko, may isang tao sana akong mapagsabihan man lang. Naisip ko na naman ang nanay ko na maaga kaming iniwan.
Napabuntong-hininga ang tatay ko. “Hala, sige. Kung iyan ang gusto mo. Nag-aalala lang naman ako sa kalagayan mo at baka kailangan mo ang alternatibong panggagamot. Sige na at ibababa ko na itong tawag. Mag-aararo pa kami ng mga lupain natin dahil kakatapos lang din namin mag-ani. Kailan ka nga pala magbabakasyon dito sa atin?”
“Hindi ko pa alam. Itatanong ko muna sa asawa ko ang bagay na iyan.”
“Okay, sige. Mag-ingat ka, Imari. Mahal na mahal kita, anak.”
“M-Mahal ko rin kayo.” Sabay napasapo ako sa aking bibig upang pigilan na ako ay mapahikbi.
“Okay. Kaawaan ka ng diyos, Imari. Bye.”
Ini-off ko na ang tawag matapos ang aming pag-uusap saka ko inilapag sa table ang hawak kong cell phone. Hindi ko masabi sa aking ama ang totoong sitwasyon namin ni Augustus dahil alam kong magdadalamhati lang siya. May sakit din ang aking ama na hanggang ngayon ay may maintenance na rin sa gamot niya. Ayaw kong lalo lang itong lumala sa kalagayan niya ngayon. Kaya mo ito! Kahit ang malalapit ko rin na mga kaibigan ay hindi ko pinagsabihan tungkol sa estado namin dahil ayaw kong mahusgahan ng mga ito. Sinarili ko ang aking mga problema sa asawa ko at sa sakit ko na hindi ko na rin alam kung gagaling pa.
Kinahapunan, hindi na ako muling nagpaalam sa asawa ko at umalis na lang bahay dala ang aking sasakyan. Balak kong manatili muna sa isang hotel ng isang linggo kapag napatunayan ko na may babae nga talaga ang aking asawa. Kung mawawala ako ng isang linggo, may chance na pupunta ang babae niya sa aming bahay upang bumisita. Isa iyon sa mga naisip ko at nagbabakasali sa mga plano kong mangyari. Hahanap na lang ako ng alternative plan kapag hindi gumana.
Umikot lamang ako sa buong subdivision habang hinihintay ang takip-silim. Ilang sandali pa, huminto ako sa isang kanto na matatanaw ko lang ang aming bahay. Wala rin naman makakapansin sa akin dahil may iilan din sasakyang nakaparada sa gilid ng kalsada. Pinatay ko rin ang makita ng aking sasakyan at tiniis ang init sa loob dahil patay din ang air conditioner. Dito na ako maghihintay kung may kakaibang mangyayari dahil nang araw din na iyon, kinutuban na ako. Woman instinct, ika nga.
At hindi nga ako nagkamali.
Wala pang kalahating oras, may isang magarang sasakyan na huminto at pumarada sa tapat ng aming bahay. Lumabas sa kotse ang isang maganda at seksing babaeng suot ang kulay pula niyang bestida. Dire-diretso lang siyang pumasok sa aming gate na animo’y may-ari ng bahay. Mas lalong napahigpit ang hawak ko sa manibela saka nagpakawala ako nang malalim na buntong-hininga. Hindi na ako mapakali sa aking kinauupuan habang nanginginig na ang aking kalamnan sa matinding galit dahil pinagtaksilan nga ako ni Augustus. Hindi sa pinagmamalaki ko pa subalit may kagwapuhang taglay ang aking asawa at malakas ang karisma lalo na sa babae. Pero hindi tamang gagamitin niya ito sa pagtataksil sa akin lalo na at kasal kami!