Sa pag alis ni Zarlo sa kanyang teritoryo sakay ang hangin na pinanghahawakan ni Iban ay dumako sila sa isa pa niyang teritoryo, ang Awaki. Ito ay isang lugar sa desyerto na pinamamayahan ng iilan lamang pamilya na nabubuhay sa pangangakal ng mga buto ng hayop na talamak sa paligid ng kanilang bayan. Dahil kakaiba ang mga hayop doon ay naibebente nila ang buto ng mga ito bilang mga anting anting at pampaswerte. Hindi nila inaasahan ang pagdating ng Kusai na namumuno sa kanila. Bagamat laging handa ang tinutuluyan ni Zarlo doon ay naaligaga ang lahat nang dumating siya. Lahat ng tao, matanda man o bata ay lumuhod sa kanyang harapan. Takot ang bumalot sa kanilang mga damdamin. Walang nais na mag-anggat ng ulo dahil sa pangambang bawian sila ng buhay mula sa kamay ng marahas na Kusai. "

