“Sinabi ko naman sa ‘yo magpahinga ka. Ako na muna ang bahala rito sa Papa mo,” anang Tita ni Mary nang mapasukan itong inaayos ang gamit ng Papa niya sa silid. Isang linggo na mula noong ma-diagnosed ang Papa niya ng gastrointestinal cancer. Pero hindi tulad ng payo ng doctor na iuwi na niya ito sa bahay at ibinigay na ang mga nais, iginiit ni Mary na ituloy ang gamutan. Ngayon ay nag-ooral chemotherapy ang Papa niya. At ang Tita Babes ni Mary na isang malayong kamag-anak ang nagbabantay rito sa ospital tuwing pumapasok siya sa eskwelahan. “Okay lang po, Tita Babes.” Nginitian niya ito habang inilalapag ang bag sa couch. “Nakakatulog naman po ako rito ng maayos.” Napailing ito. “Hindi ka man lang muna nagpalit ng damit mo.” Napangiwi si Mary at bumaba ang tingin sa suot na schoo

