16
Mahirap daw ang yumaman, pero para sa akin mas mahirap ang umalis kung nasa tuktok ka na.
Pangatlong pagkakataon na ito. Parang dahon lang na walang halaga, unti-unting nilalagas ni mama ang pera. Minsan naririnig ko siyang umiiyak mag-isa. At hanggang ngayon wala pa rin akong alam sa dahilan. May pakiramdam ako, pero pakiramdam ko lang iyon. Siguro namimiss niya si Kuya...Iyon lang naman ang nakikita kong dahilan. Hinawakan ko ang dibdib ko, pilit pinapakiramdaman ang sarili. Namimiss ko rin ba siya gaya ni mama?
Dalawang buwan na ang nakakalipas, pero parang kahapon lang siya umalis. Hanggang ngayon napapalingon pa rin ako sa likod ko. Pakiramdam ko kasi isang malaking biro lang ang lahat. Pakiramdam ko nandito pa rin siya at kahit kailan baka bigla na lang niya ako sunggaban. Kung magiging makatotohanan ako sa sarili, simula ng umalis si kuya Damian lahat ng hiling ko ay nakuha ko. Ang hiling ko ay pamilya at presensya nila. Lahat ng iyon ay napunan.
Isang araw, naalala ko, unang beses namin kumain sa labas kasama si papa. Unang beses din namin pumunta ng mall. Nakabili ako ng stuffed toy at ngayon naman, may cellphone na ako. Parang panaginip lang ang lahat, hindi pa rin ako makapaniwala.
Kaso lahat ng pangarap may kalakip na realidad. Sa likod ng masaya nilang ngiti, paulit-ulit na iyak ang naririnig ko tuwing gabi. Ang katotohanan pala ay nasa likod ng mga anino...
"Ayusin mo ang sarili mo, ngayon ka lang magkakaroon ng tsansa makatungtong sa grade 7,"
Nanginginig kong dinampot ang nagkalat na papeles. At habang nakatuon ang tingin ko sa mga papel ko, tumatak sa aking isipan ang pulang tinta na nakabilog sa iilang numero doon, isa lang naman ang ibig sabihin, hindi ko napeperfect ang quiz na binibigay sa akin ni Mam Liezel.
"Itatak mo nga sa kukote mo lahat ng iyan! Hindi ako si Dhang para magbait-baitan sayo," Hinawakan niya ang aking baba at pilit inangat ang tingin ko sa kanya.
"Kung di ka aayos ng buhay at kikilos para sa sarili mo. Talagang wala kang mapapala. Sinasabi ko sa iyo ito sa tsansang ako na ang talagang tumayong nanay sayo,"
Binitawan niya rin ang mahigpit niyang kapit. Tumayo siya at kinuha ang kanyang pitaka. May parte sa akin ang nagdududa kung ganito talaga ba ang trato ng mga striktong tutor. Pero higit sa lahat, naguguluhan ako sa huling sinabi niya.
Isa-isang nagsibagsakan ang luha ko. Nahihirapan kasi ako sa paraan niya ng pagtuturo. Marami akong hindi naiintindihan. Alam ko namang mahina ang kukote ko pero kahit anong basa ang gawin ko, paulit-ulit ako sa halos iisang taludtod ng libro.
Gusto kong may mapagtanungan kaso wala namang pumapayag. Siguro kung nandito lang si kuya, baka nakagawa pa ako ng paraan.
"Iniiyak iyak mo?" Natatawang wika ni Erin, nang masalubong ko sa hallway. "Oh, pagkain mo pinapabigay ni madam," Aniya, bago iabot ang tray na puno ng pagkain, ngunit ilang saglit matapos ko hawakan, bigla niyang sinangga ang braso ko.
"Hala sorry...di ko sinasadya. Ikaw kasi di mo hinawakan maigi," Bigkas niya, patingin-tingin pa sa kanyang kaliwa at kanan.
Hindi ko mapigilan ang mapasinghap. Alam ko namang intensyunal iyon.
"Ano nangyari?" Rinig kong banggit ni mama nang pumanhik siya sa taas. Agad lumaki ang kanyang mata sa nasilayang mga bubog sa sahig.
"Pakilinis na lang pwede?"
Bahagya akong nagulat sa tono ni mama. Tila may pinoproblema ata siya kaya medyo iritado ang kanyang tono. Narinig kong sumagot si Erin sa kanya at tahimik na dinampot ang mga nagkalat na bubog sa sahig.
"Sa susunod anak, ayusin mo rin ang kilos mo," Huling sabi ni mama bago uli bumaba.
Halos hindi ako makapaniwala sa nangyari gayong wala naman akong naging kasalanan. Sa gilid ko narinig ko ang mahinang tawa ni Erin habang paalis.
DUMAKO ang tanghali, kasama ko ngayon si mama sa mall. Kapit-kapit ko ang kanyang kamay habang palinga-linga sa kapaligiran ko. Nakakatuwa kasi ang mga stuffed toy na nakikita ko. Kasama na don ang mga kiddie parties na dati'y naririnig ko lang sa mga kwento-kwento. Akala ko hindi na ako makakakita ng ganitong setup pero nagkamali ako. Masyado kong nilimatahan ang sarili.
Tahimik kaming naghihintay para sa photographer, balita ko kasi ay kukuhanan ako ng one by one ID pictures. Ngayon lang ako sasabak sa ganito kaya medyo kinakabahan ako.
"Ma, gusto ko nun,"
Napalingon ako sa batang nadaan sa amin. Tinuturo-turo niya ang katabing stall na punong-puno ng mga naggagandahang panali sa buhok. Miski ako naagaw ang pansin doon. Naiwan na lang akong namamangha sapagkat hindi naman siya tinanggihan ng nanay niya ng magduro ang bata. Nakita kong tumango na lang ito bago sila pumasok sa loob. Kasama ng pagpasok nila sa loob ay ang pagtawag sa aming pangalan.
"Tara na," Walang ekspresyong wika ni mama, na hanggang ngayon ay pinagtataka ko.
____
ANG HALOS araw-araw kung saan dinadalhan ako ng iba't ibang libro, ay tuluyang napawi lalo na ng dumating ang nobyembre. Sa regional office ako dinala, sabi sa mga nadinig kong usapan dahil wala akong ideya sa kung ano ang tawag sa lugar. Medyo lumalamig na ang panahon, may parte pa nga sa akin ang ayaw magsisikilos dala ng klima. Pero, masaya naman talaga ako at matatapos na rin sa wakas ang lahat ng paghihirap ko.
Siya kaya? Masaya rin ba siya gaya ko? Kamusta na si kuya? San ba talaga ang sinasabi nilang boarding school? Kilometro lang ba ang layo?
Iniling-iling ko ang ulo. Masaya ka naman diba? Hindi ka na niya ginagambala? Napabuntong hininga ako bago muling sulyapan si mama na abalang-abala sa kanyang cellphone.
Nang araw na iyon, tandang tanda ko kung paano ko kapitan ang dala kong lapis, at tahimik na nagdasal. Kahit bobo ako, hindi ko iyon inisip. Ang iniisip ko ay ang lahat ng natutunan ko sa aking dalawang tutor. Kailangan ko lang maniwala sa sarili, sa dulo ng aking isipan, naiimagine ko ang masayang pang-uudyok sa akin ni Dianna, bagay na nagpapalakas sa loob ko...
"CONGRATULATIONS!" Basa ko sa nakalagay sa liham. Napalakad-lakad pa ako sa magkabilang dulo ng kwarto ko dahil hindi ko mapigilan ang kasiyahan na nadarama. Matapos ang ilang linggong pag-aantay, sa wakas natanggap ko rin ang resulta.
Bumaba ako patungo sa salas para magdala ng magandang balita. Pero agad akong natigilan.
Nakita kong masinsinang naguusap sina Erin at papa. May parte sa akin ang hindi mapalagay sa inaasta nila. Kumakabog ang aking dibdib. Ayokong magisip ng kung anong bagay pero may bumubulong sa aking isip na hindi ko nagugustuhan. Nasan na ba si mama?
"Pa..." Pagiistorbo ko sa kanila.
Nagulat si papa nang masilayan ako. Agad na rin umalis si Erin nang ako'y sumingit, ngunit nang tapunan niya ako ng tingin, panandalian pa itong napairap sa akin.
Bagamat mabigat at malayo pa rin ang loob ko kay Mr. De Luca, umaasa talaga akong panandaliang bagay lang ang nangyari dating insidente. Alam kong nagkaayos na sila, dahil kung hindi, malamang ay nagreklamo at umalis na si mama, hindi ba?
"Anak...bakit?"
"Pa...pasado ako," Banggit ko bago ilahad ang papel sa kamay ko.
Narinig ko ang pagpapakawala niya ng hininga matapos ay nginitian niya ako. Pansin kong tunay naman ang ngiting iyon, walang halong kasinungalingan at pamemeke. Nakita kong masaya talaga siya sa nalamang balita.
Lumapit siya sa akin at marahang hinaplos ang pisngi ko.
"I am so proud of you my daughter...Alam kong matutuwa ang nanay mo sa lahat ng sakripisyo ko para sayo,"
Nanay ko?... Masyado akong nagulat sa rebelasyon para makausal ng kahit anong salita.
Naiwan kaming tahimik ng ilang minuto. Kinailangan ko munang mahimasmasan bago maka-react sa sinabi niya. Bakit niya nabanggit nanay ko? Matagal ng patay si mama...sanggol pa lang ako base sa mga narinig ko...
"Kilala niyo po ang nanay ko?"
Hindi nakapagsalita si papa tungkol sa tanong ko. Sa halip, nginitian lang niya ako. "May pupuntahan ka ba?"
Tumango ako, kahit medyo nabitin ako sa mga tanong kong hindi naman nasagot. "Opo, ibabalita ko sa kaibigan ko,"
"Kaibigan?"
"Si Ethan po, yung kapit-bahay natin,"
Mas lalong nagsalubong ang kanyang kilay. "Paano mo nakilala ang anak ng mga Villanueva?"
"Ahm...nakilala ko lang po nung naglalaro ako sa hangganan ng gate natin. Mabait naman po siya..." Kabado kong sabi, natatakot na baka pagbawalan akong makipag-usap sa kaibigan ko.
"That's good, maganda iyan anak. Magandang bata ka palang pinapalawak mo na ang mga koneksyon mo,"
Tumango ako. "Salamat pa,"
Gaya nga ng sinabi ko, tuluyan na akong lumisan. Habang nilalandas ang daan palabas, nagbalik sa aking alaala ang mga panahong tumatakbo ako dito para lang makalayo kay kuya. Siya lang ang natatanging nakasakit sa akin dito.
Bago ako tuluyang lumabas ng aming compound. Bahagya ko munang dinungaw ang labas ng gate at sinilip kung nasa labas si Ethan, sa kasamaang palad, hindi ko siya nasilayan. Napatingin uli ako sa papel ko. Ano na ang gagawin ko? Wala naman akong ibang pinagkakaabalahan.
"I will just have a walk," Rinig kong banggit ng pamilyar na tono.
At parang himala, nasagot ang aking dalangin nang makita ko si Ethan na sumulpot sa kanilang bakuran matapos lumabas ng kanilang bahay. Kumaway ako kaso nasa iba ang kanyang tingin.
"Ethan!"
Nilingon niya ako bago ngumiti. Hindi ako nagaksaya ng oras at nagmamadaling tumungo sa dulo ng aming gates. Bahagya pa akong sumenyas kung lalabas siya, ngunit umiling siya sa aking gawi.
"Mukhang masaya ka," Puri niya, nasa kabilang panig pa rin ng aming bakod.
"Pasado ako sa grade level assessment...Pwede na ako pumasok!" Ani ko sa kanya na kinutan lamang niya ng noo. Napagtanto ko tuloy na wala siyang ideya sa tinutukoy ko. Hinugot ko ang aking papel at binigay ito sa kanya.
"What's this?" Aniya bago basahin ang nakalagay PEPT certificate of testing.
"Pwede na ako mag-aral!" Nakangiti kong sambit.
"I thought you're already 13? And yet, grade 7 ka palang?"
Bahagya akong nalungkot sa narinig ko sa kanya. Siguro kasi iba ang inaasahan kong sasabihin niya. "Dapat first year na talaga ako...nung una sabi ni Teacher Dhang grade 6 kaya kong humabol, kaso masyado na daw akong mahuhuli kung dalawang taon ang iiwan ko kaya, ginawa ko makakaya para maging grade 7 man lang...atsaka nasabi rin sa placement kong grade 7 ako,"
Tumango-tango siya sa akin. "San ka naman magaaral?"
"Hindi ko pa alam...si mama naman ata ang pipili sa akin. Ikaw ba Ethan?"
"Hmm...sa isang Integrated Elite school ako, baka sa Neilson Integrated Institute..."
Para akong mabubulol sa nabanggit niyang eskwelahan, kaya naisipan ko na lang tawaging NI.
"Anong grade mo na nga uli Ethan?"
"11," Tipid niyang wika.
"Ang laki pala ng agwat natin,"
Bahagya siyang napaisip. "Hindi naman, tatlong taon lang naman ang age gap natin. Delayed ka lang talaga sa eskwelahan...Naisip ko lang, bakit ayaw mo subukan ma-homeschool? Baka makaabot ka pa?"
Kinagat ko ang labi. Maraming rason kung bakit ayaw ko ditong matuto. Isa na doon ay paminsan nasasaktan na ako ni Teacher Liezel. Ayoko namang magsumbong, pakiramdam ko ay hindi ako paniniwalaan. Pangalawa, masyadong malungkot sa mansyon.
Minsan na nga akong naiwan magisa. At halos umabot iyon ng isang linggo. Para akong mababaliw dahil wala akong kausap, kaya naging libangan ko na lang ay ang magcellphone, kahit di pa ako masyado marunong gumamit, pinilit ko na lang na kalikutin ang mga nasa loob non.
"Hindi ako pwede mahome-school. Kailangan ko rin naman ng kalaro at kausap," Yun na lang ang sinagot ko sa kanya.
Nasasaktan ako ng sinabi ko iyon sa kanya. Dahil alam ko namang hindi niya ako itinuturing na totoong kaibigan. Nakita ko kasing nagkaroon siya ng party sa kanilang mansyon. Hindi ko pala nakita lang, narinig ko rin pala. At halos lahat ng bata dito sa village namin ay imbitado. Maliban sa akin...
"Sige na Rose, may gagawin pa ako," Aniya sa akin bago umalis.
Kinagat ko uli ang labi, kaunti na lang ay magdudugo na ito. Tumango ako sa kanyang gawi bago niya ako iwan.
Ang masakit lang kasi sa akin, tinuturing ko siyang nagiisang kaibigan ko dito, pero hindi ako sigurado kung iyon din ba ang tingin niya sa akin.
Sa maraming pagkakataon, magisa na naman ako.
Umuwi ako ng mansyon na bahagyang may dinamdam sa kaloob-looban. Wala na uli si papa nang bumalik ako, gayundin si mama. Hindi ko alam kung ano ang inaatupag nila palagi. Si Ate Trina, at Erin malamang ay nasa maid quarters. Pakiramdam ko may kavideo call o baka naman nagcecellphone din.
Natigil ako sa paglalakad nang makarinig ng ring ng isang telepono. Walang tao sa mansyon kaya napakalakas ng tunog nito.
At dahil wala namang saasagot ng telepono maliban sa akin. Ako na lang ang dumampot ng caller. Sasabihin ko sanang wala si mama at papa, at akong anak lamang ang naroroon sa mansyon, ngunit agad akong natigilan sa narinig na boses.
"Congratulations, Rose,"
Muntik ko ng mabitawan ang hawak kong telepono sa sobrang gulat. Boses pa lang, alam kong si Kuya Damian na ang taong iyon.
"Kuya..."
Gusto kong sabihin na namiss ko siya kaso hindi pa rin kami nagkakabati ng husto. Hindi ko pa rin siya napapatawad sa mga naging kasalanan niya.
"P-paano mo nalaman kung kailan tatawag?" Taka kong sabi, gayong napaka-perpekto naman ng oras para siya'y magdial.
Narinig ko ang mahina niyang halakhak sa kabilang linya. "I've been there all my life, Rose...kabisado ko na ang lahat ng tao diyan. Kulang na lang ay ikaw,"
Napalunok ako.
"Don't worry. Di na kita aabalahin. I just called to congratulate you," Aniya sa mababang tono.
Unti-unti napagtatanto kong lumalalim na ang boses niya. Kaunti na lang ay baka isipin kong hindi na siya ang kausap ko.
"Wag kang lalapit kung kani-kanino. Not because you have your freedom, doesn't guarantee it. Sinabi ko sayo, lahat ng oras mo dapat sa akin lang,"
Iyon ang huli niyang sinabi bago patayin ang linya. Wala man lang ni-ha o ho, miski pamamaalam. Tulad ng dati, napakamisteryoso pa rin niya sa akin. Pero hindi iyon ang nakakapukaw ng aking pansin.
Nakakatawa isipin, dahil ang pinaka-kinatatakutan kong tao, siya rin pala ang taong nakaalala sa akin.