17
"She is your new classmate. Her name is Rose," Bumaling sa akin si teacher Hyacinth, at makahulugan akong nginitian. "Please introduce yourself,"
Tumango ako sa gawi niya—bahagya pang kinakabahan. Buong tapang kong hinarap ang mga kaklase ko na sadyang kapansin-pansing ang kuryosidad sa kanilang mga mata.
Alam kong anak mayaman din sila, halata naman sa eskwelahang pinasukan ko. Entrance pa lang, may fountain na agad na bumungad. Atsaka sa taas at disenyo palang ng mga buildings, talagang walang duda na sadyang pinalad lang ako makapasok dito.
Parang barado tuloy ang lalamunan ko nang mahirapang lumunok.
Paulit-ulit na mantra ko na ata ang introduction ko sa tuwing maaalala at maiisip ang araw na ito. Kabado dahil wala akong kasiguraduhan sa kakayahan, excited naman sa isang parte dahil may panibago na akong mga kaibigang aasahan.
Ito na ang pinaka-inaabangan mo...wag ka ng matakot.
"Goodmorning...my name is Rose De Luca. I live in Maryville Executive Village. I'm already 13 years old. Medyo matanda ako kasi...nag-stop ako sa pag-aaral. Sana maging maayos pakikitungo natin sa isa't isa," Paglalahad ko bago marahang yumukod.
Kasinungalingan na may bahagyang katotohanan ang sinabi kong tumigil ako sa pag-aaral. Karaniwan may mga sponsor na kukuha sayo sa bahay-ampunan para makapag-aral subalit, sa kaso namin, parang walang ganong nangyari.
Dala ng aking kamunting introduksyon, napuno ang klase ng samu't saring bulungan.
"De Luca? Mayaman sila diba..."
"Mas mayaman sa inyo, Polly," Abot rinig kong bulong ng isang batang naka-ponytail.
Marahang pumalakpak si teacher Hyacinth na sinundan ng ilang mga estudyante. "Please have a seat Rose. Hanap ka na lang, may mga bakante naman dyan,"
Malawak ang classroom na ito. Malayong malayo sa mga classroom na minsan ko nang nasilayan sa mga public schools tuwing may feeding program. Parang apoy ang kanilang titig habang nililibot ng aking mata ang kabuuan ng silid, kaunti na lang pakiramdam kong masusunog na ako. Bukod sa matulis at mapanghusga, ang iilan ay may namamanghang tingin.
"Come sit here, Rose," Nagulat ako nang may isang kamay ang humawak sa akin.
Nasa kalagitnaan ako, sa pagitan ng maimot na uwang sa hilera ng mga upuan. Naka-ngiti ang batang babae, siguro bahagyang mas bata sa akin ng isang taon, habang tinatapik-tapik ang bakanteng upuan sa tabi niya. Hindi ko na rin mapigilan ang mapangiti dala ng siya na ang naunang nag-alok.
"Hi! My name's Poppy Martinez," Aniya, nakangiti habang nakalahad ang kamay.
"Ako si Rose," Ani ko pabalik na ikinatawa niya ng kaunti.
"I know...is it okay if I don't call you ate? I'm not good with my tagalog,"
Tumango ako sa kanya. "Ah okay lang..."
Then she smiled.
Ngayon ang unang araw ng klase ko. Karaniwan kaba at takot ang babalot sayo, siguro nga ganun dahil kanina lang ganon ang nararamdaman ko. Pero ngayon? Lahat ng iyon naglaho.
"My mom said that we can only be friends with people who are rich like us,"
Kinabahan ako sa sinabi niya. "B-bakit? Anong masama sa mahihirap?"
Napaisip siya sa aking sinabi, maya-maya iniling niya ang ulo. "Nothing...pero they need to know our social status. We live differently from them,"
"Umm why?" Yun na lang ang naisagot ko. Hindi pa ako sanay sa english communication pero mukhang masasanay din ako kinalaunan.
"Well...like I said. They live differently...sabi ng mom ko, they need to know who needs to be respected. And tayo yun,"
Kinagat ko ang aking labi. "Deserve din naman ng mahihirap irespeto diba?"
"Rose...you're not listening to me. I respect them. We should respect all. But there are boundaries that they can't step into,"
Nahirapan akong unawain iyon pero iba ang pumasok sa isip ko. Kaunti na lang kasi maiisip kong genius ang batang ito. Napaka-articulate niya sa pagsasalita, bagay na ikinaiingit ko. At dahil hindi ko nga maunawaan ang kabuuan, ngumiti na lang ako sa kanya.
"Kapatid mo talaga si Damian?"
Bigla akong nagulat sa nagsalita naman sa likod ko.
"Sorry. My name is Samantha,"
"Hi rin...at oo, kapatid ko siya,"
Ayos lang kaya na hindi ko sabihing ampon ako? Tutal totoo namang kapatid ko na si kuya...
"Pwede ko bang malaman nasan siya? Wala siya sa flag ceremony. Is he sick?"
Umiling ako. "Nasa boarding school na siya. Hal-Hale basta...di na siya mag-aaral dito," Nahihirapan kong tugon.
"Really? Too bad..." Kapansin-pansin ang panlulumo sa kanyang tono. At pinagtataka ko iyon. Gusto ko sanang usisain kung paano at gaano niya kakilala si kuya kaso nagsimula ng magturo si teacher Hyacinth dahilan para umayos ako ng upo.
"You don't look like Damian though..." Rinig kong bulong niya habang nagtuturo na ang guro namin.
****
"WOW! Ang galing mo!"
"How did you do it, Rose?"
Nagulat ako sa mga mata nilang tutok na tutok sa akin.
"Huh? Ano...ganito lang gawin niyo,"
Pinakita ko sa kanila ang tamang paghahabi. Mula sa likod at harap na bahagi. Mula sa pinakamahirap at pinakamadaling paraan para maging maayos ang kinalabasan ng sinulid.
Kasalukuyan kaming nasa home economics classroom. Nakakapanibago gayong kami ang lilipat patungo sa susunod na klase. Hindi tulad ng kaninang eksena, ang silid-aralan na ito ay pawang pang-arts and crafts. Kitang kita naman sa mga nakasilid na canvas, paints at samu't saring art materials.
Naalala ko si Dianna. Bagay na bagay siya dito. Alam kong maestro siya pagdating sa handcrafts at pagpipinta.
Sa halos lahat ng pinagdaanan kong asignatura, masasabi kong ang klaseng ito ang pinaka-paborito ko. Kahit hindi ako kasing husay ni Dianna, dito naman ako lumaki at nasanay.
Masasabi kong talented ako sa larangang ito.
"You're good at this, Rose. Keep it up. Baka balang araw ikaw ang best in arts ko," Puri sa akin ng aming Arts teacher na si teacher Beverly.
"Thank you po!"
Mabilis lang naman ang mga klase. Hindi nakakapagod, na sadyang ikinagulat ko. Ang kadalasan kong naririnig na mga hinaing ay pawang patungkol sa napakaraming extracurriculars o kaya'y masyadong stressful ang kapaligiran. Pero lahat ng iyon hindi ko naranasan.
Kasama ko ngayon sina Polly, Samantha, at Bernadette. May pangalan daw ang grupo nila kaso nakalimutan ko na agad. Aaminin kong naninibago ako, kaso sinasabi ko na lang sa sariling sa una lang 'to.
"Daan muna tayo sa room ng seniors...please?"
"Ayan ka na naman. Sisilay ka noh?"
"Shut up Bernadette, ngayon na lang ulit matapos ang summer,"
Hinayaan ko na lamang sila magtalo sa isa't isa habang abala naman ako sa pagkabisa ng bawat detalye at lugar na dinadaanan.
"Teka! Magpupulbos muna ako! Dyan lang kayo,"
"Teka sama ako Poppy!" Sabat ni Samantha.
"Ikaw Rose?"
Umiling ako. "Sige okay lang, mauna na kayo"
"Okay," Banggit ni Poppy bago umalis kasama ang dalawa.
At dahil wala akong ginagawa, umupo ako sa nakitang bakanteng upuan.
Maingay ang kapaligiran. Sa harapan ko, may napaka-berdeng liwasan. Para siyang parke kung ihahambing. Ang pinagkaiba, tanging mga estudyante lang ang makikita mong nagkalat doon.
Isa-isang nagsilabasan sa ibang classrooms ang mga seniors ko matapos kong marinig ang school bell.
Ilang saglit, may lumitaw na pamilyar na bulto. Naka-suot ang kamay sa kanyang uniform slacks, walang ekspresyon ang mukha kahit halatang maingay ang mga kasama niya. Hindi ako nagkakamali. Ang halos araw-araw ko kung asahan lumabas at makausap—si Ethan nga iyong nakita ko.
"Ethan!" Sigaw ko sa direksyon nila bago kumuway.
Nakita kong napalingon siya, kasama na ang grupong kasama niya. At dahil masyado ako nabulag sa aking kasiyahan na makakita ng pamilyar na mukha, nawala na sa isip ko ang mahiya.
"Ethan! Dito ka rin pala!" Natutuwa kong ani nang dalhin ako ng mga paa patungo sa kanya.
Hindi siya agad nakaresponde. Malamang ay nagulat din siya sa aking pagdalo. Imbis na magbigay reaksyon, isang babae, matangkad at maputi ang umako at tinignan ako mula ulo hanggang paa. Napakwestyon tuloy ako sa sarili kung may lukot ba sa uniporme ko para titigan nila ng husto.
"Ethan...bata pa yan," Narinig kong tawa ng isang lalaki na siguro kasing edaran lang din nila.
Doon napasagot si Ethan. "Hey cut it out. Hindi ako natutuwa. She's my neighbor...and Damian's sister," Pagklaklaro niya.
Sa halip na tumango, nabigla ako ng halos lahat sa kanila'y napasinghap.
"Totoo ba? Di ko alam na may kapatid si Damian!" Hindi makapaniwala nilang sabi.
Nakita kong napadako ng tingin sa akin si Ethan. May kasamang pag-aalinlangan sa likod ng kanyang mata. Pakiwari kong may nais siyang sabihin pero pinipigil niya rin ang sarili. Miski ako, may bagay na tinatago...
"Anong pangalan mo?" Ani isang lalaki.
"Rose po,"
"Hi! Ako si Will! Kabatch at kaklase ko dati kuya mo. Nice to meet you!"
"Nice to meet you rin po," Nahihiya kong sabi bago tanggapin ang nakalahad niyang kamay.
Sumunod naman ay isa lang babaeng kasama nila. "Ako si Rebecca, and itong katabi ko si Mark,"
Tumango ako sa kanilang dalawa.
Sa puntong iyon, nakapagsalita na rin ang babaeng tumingin sa aking kabuuan kanina. "The name is Lucy," Paglalahad niya na magawad kong binalingan.
Bukod sa pagpapakilala nila, wala naman kaming ibang pinag-usapan. Natanong nila ako sa mga simpleng bagay gaya ng kasalukuyang baitang ko kaso hanggang dun na lang ang kanilang tanong. Halata kong nais pa nila akong tanungin tungkol kay kuya pero may pumipigil sa kanila.
"Sige na Rose...una na kami ha. May club activities pa kasi kami," Ani Will, buong ngisi pa rin habang namamaalam.
"Sige po,"
Tumingin ako kay Ethan na hindi na nagsalita pa simula kanina. Gaya ng dati, kinagat ko na lang ang labi, pilit na sinusupil ang sarili magsalita dahil nararamdaman ko naman na ayaw niyang maiugnay sa akin.
Malinaw na ngayon. Mas malinaw pa, hindi tulad ng dati na hanggang haka-haka lang ako. Naiintindihan ko ng ayaw niya akong makausap.
"Aalis na rin po ako," Medyo ilang kong tawa. "—inaantay na rin ako mga kaibigan ko,"
Kanina ko pa pinipigilan ang pananakit ng dibdib ko. Ayokong makita na naapektuhan ako, pero yun talaga ang totoo. Sadyang umasa lang talaga ako na malapit na kami sa isa't isa. Wala na akong sabi at dali-daling kumaripas ng takbo palayo sa kanila. Laking pasasalamat ko at hindi niya naman ako pinahiya.
"Rose!"
Napalingon ako sa nagtawag at nakita mga kaklase ko. Buti na lang dahil baka magtuloy-tuloy ang dumidiing lumbay sa damdamin ko.
"Kilala mo sila?" Bungad ni Samantha sa akin.
"Sino?"
"Sila Ethan Villanueva at ang grupo niya,"
"Ahh...si Ethan lang talaga kilala ko. Tas yung mga kaibigan niya, ngayon ko lang nakilala,"
Nakita kong bahagya nilang inudyok sa balikat si Poppy, dahilan para mapasalita tuloy siya. "How did you know him?"
"Ahh...kapit-bahay namin. Pero hindi naman kami sobrang close. Nagbabatian lang,"
"Then that's good," Dagdag ni Poppy bago niya ako hawakan sa balikat.
"Bakit? May problema ba?"
Umiling siya. "Nothing. I just have this huge crush on Ethan, kaya medyo lang ako kinabahan,"
Pilit kong ngumiti kahit medyo nailang ako sa nalaman. "O-oo, wala k-kang pwedeng ikaba," Paglilinaw ko sa pagasang walang hindi pagkakaunawaan ang magaganap.
"Excuse me...Can I borrow Rose for a bit?"
Halos sabay-sabay kaming napalingon sa nagsalita. Nanlaki ang aming mga mata, lalo na ako nang masilayan ang bulto ni Lucy na kanina ko lang din nakilala.
"O-ofcourse ate Lucy..." Naiilang na banggit ni Poppy. "Tara na," Bulong niya kina Bernadette at Samantha na kapwa rin nabigla sa dumating.
"Rose, sige na hintayin ka na lang namin sa labas," Ani Bernadette bago agad-agad umalis, dahilan para mawalan ako ng tsansa makasagot sa kanila.
Napabuntong hininga ako, kahit sa kaloob-looban ko'y kung ano-ano na ang iniisip kong posibleng dahilan kung bakit ako kakausapin ng isang senior ko.
"Hey...kapatid ka ba talaga ni Damian?" Bungad niya sa akin.
Gust kong magtaka kung bakit halos paulit-ulit na tanong sa akin si Kuya Damian. Ano ba talaga ang turing sa kanya dito? At bakit andaming nakakakilala sa kanya? Bagamat marami akong tanong, hindi ko na iyon masyadong pinagpukulan ng pansin.
"O-opo,"
"Kaklase ko siya ng ilang taon pati na elementary hanggang highschool. Ngayon ko lang ata siyang di nakasama. Bakit wala siya?"
"Nasa boarding school po. Nakatanggap siya ng invitation,"
"Talaga? Hmmm...then can you give me his number?"
Mabilis pa sa alas-kwatro akong napaangat ng tingin. "Number, ate?"
Tumango siya. "Oo...number. As in cellphone number, please? Tulungan mo sana ako makuha ha...At promise, magiging, magbestfriends tayo. Tutulungan kita sa lahat ng bagay,"
May parte sa akin ang malungkot dahil may kondisyon pa para lang makipagkaibigan kaso hindi ko na iyon masyadong inisip. Tutal, wala naman ako sa lugar para magreklamo. Hindi naman mahalaga ang pagkatao ko dito.
"Ahm...hindi ko po kasi alam number niya...tatanungin ko pa kina mama,"
Ngumiti siya sa akin ng pagkandalaki-laki. "Thank you! You're so sweet and cute talaga," Wika niya bago marahang kurutin ang aking pisngi.
Kung may salamin lang dito, baka makita ko ang sariling namumula.
Nakakatanggap naman ako ng puri lalo na sa hitsura ko kaso kahit kailan parang hindi ako masasanay. Simula dati wala na akong kompiyansa sa sarili—punong-puno ako ng pagaalinlangan. Tulad nga ng nabasa ko sa libro, every rose has its own thorns.