18
"What did she tell you?" Bungad nila sa akin nang datnan ko sila sa labasan.
Hindi na ako nagulat sa kanilang mga tanong. Tutal pare-pareho naman kaming mga bata, at likas na sa amin ang pagiging matanong. Halos ganito rin ang eksena tuwing may bago kaming uusisain sa bahay-ampunan, lalo na kapag may balita kaming nasasagap.
"T-tungkol kay kuya...hinihingi ni ate Lucy number niya," Nahihiya kong sabi dahil buong araw, parang bukambibig na nila—miski ako ang pangalan ni kuya.
Tinatanong nila kung nasaan na ba siya, minsan naman kinukwestyon nila ang pamilya namin. Talagang nabigla lang ako para sa aking first day of school.
Napatingin sila Bernadette at Polly kay Samantha—may panlalaki ng mata at gulat sa kanilang mukha. Dahil sa naging reaksyon nila, hindi ko mapigilan magtaka. May problema ba? May hindi ba sila sinasabi sa akin?
Humakbang palapit sa akin si Samantha na may nakapaloob na intensyon sa likod ng kanyang mga mata.
"Rose... Can I also have his number?"
Nagsalubong ang kilay ko. Masyado na akong nauusyoso sa kanilang mga kinikilos kaya naman kahit may ideya na ako, nagtanong pa rin ako. "Bakit? Kung gusto niyo... Ibibigay ko na lang ang kay mama at siya na lang tanungin niyo,"
Kinagat ni Samantha ang labi. "Come on, Rose. Magkaibigan naman tayo please?"
Kinagat ko ang loob ng aking pisngi. Paano ko ba sasabihin sa kanyang nag-aalinlangan din ako? Hindi ako sigurado kung may numero nga ba si kuya, o kaya naman mabibigyan ako ni mama—kaya miski na kay ate Lucy, ramdam kong nasa alanganin ako. Pakiramdam ko dinadagdagan nila ng bigat ang dala-dala ko, gayong dalawa na silang umaasa.
"Samantha...ano kasi...parang di ako sigurado kung makukuha ko talaga,"
"Magkapatid naman kayo. That should be easy, Rose,"
"Pero bakit kasi kailangang kailangan mo?"
"Hindi mo pa ba naiintindihan? Syempre may gusto ako kay Damian,"
Nagulat ako sa narinig. Bagamat hindi na ito bago. Pansin ko ngang popular dito si kuya, bagay na gusto kong malaman kung bakit. "Mas matanda siya sayo..."
"And? Anong problema dun? My mom married my dad when he was already forty. I don't see why there's something wrong with it?"
Nais kong umapela kaso may katotohanan naman ang pahayag niya. Sadyang pinalaki lang ako sa puder ng mga madre kung kaya't medyo maingat ako sa ganitong usapin—kung ano ang wasto at hindi.
Imbis na makipagtalo pa, napabuntong hininga na lang ako bago marahang tumango.
"Thank you, Rose!" Sabi niya sa akin bago ako yakapin.
"Don't forget to pitch me too! Kay Ethan," Sabat naman ni Polly sa gitna ng aming pagyayakapan. At dahil wala na akong magawa, tumango na lang ako sa kanya. Kahit sa kaloob-looban ko, umaayaw ako.
Ilang saglit, isang lalaking naka-suit and tie ang lumapit sa amin.
"Mam, susunduin na kita,"
Tumango ako sa service ko. Nagpaalam na ako kina Samantha, Polly at Bernadette, gayundin sila nang datnan na nila ang sari-sarili nilang mga service car.
Iginaya ako ni Mang Tano matapos niya akong samahan patungo sa magarang na sasakyang nakapark sa isang tabi. Ito rin ang ginamit na kotse pang-hatid sa akin kaninang umaga.
Binuksan niya ang pintuan at tuluyan na akong pumasok sa loob.
Sa totoo lang, hindi pa rin ako sanay sa ganitong tayo. Yung tipong may sariling driver, katulong at tutor. Mahirap kasi lalo na't nakikita mong may mga taong nagkakandaugaga para sayo. Hindi naman kasi ako nasanay na tinatratong mayaman, tinatratong espesyal... Sino ba naman ako para mag-asta mayaman?
Ngayon, nagsinungaling ako sa maraming bagay. Tinatatago ko pa rin sa kanila kung saan ako nanggaling. Kaya wala pa rin akong pinagkaiba sa kanila—may kulo rin akong tinatago.
SA AKING IMAHINASYON at munting pangarap, nakita ko sina mama at papa, inaantay ako sa labas ng mansyon. Yayakapin at babatiin matapos ng unang araw sa eskwela. Umasa ako—pero walang bumungad sa aking tao, kundi ang napakatahimik lang na mansyon.
"Mang Tano, alam niyo po ba kung nasaan sina mama?"
Napatigil si Mang Tano sa paghakot ng aking bag at iilang kagamitan sa trunk ng sasakyan.
"Hindi po madam eh...Pero narinig kong nag-aasikaso ng gamit at plane ticket si mam Evangeline,"
"Plane ticket? Para saan daw po?"
"Hindi ko alam madam. Baka bibisitahin yung anak na lalaki,"
Naubusan ako ng maisasagot sa narinig. Si kuya? Pupuntahan? Kung ganon, wala pala sa Pilipinas ang tinutukoy nilang boarding school?
May parte sa akin ang gusto magtanong kay Ethan. Tutal pareho naman silang magkaklase dati ni kuya. At sa aming dalawa, siya ang mas maraming alam sa mundo ng pagiging mayaman. Ang malaking sagabal nga lang ay siya na rin mismo. Walang klarong usapan sa pagitan naming dalawa kung magkaibigan ba kami o close na sa puntong pwede ko na siya tawagin kahit kailan.
Base sa inasta niya kanina. Nasisigurado kong wala nga siyang intensyon magkakilala ng husto.
"Mang Tano...Sa susunod po, wag niyo na ako tawaging madam. Hindi ko po alam kung may ideya kayo, pero ampon lang ako dito. At mas sanay ako tawaging Rose lang po,"
Hindi ko na inantay ang sagot niya bagkus pumihit na ako paalis.
Malamya ang kapaligiran sa loob, pero hindi ako nagpatinag. "Ate Trina?" Malakas kong tanong.
Imbis na si ate Trina ang sumagot, nabigla ako nang si Erin ang bumungad sa akin. Nasa salas siya, naka-de kwatro ng upo habang nagcecellphone.
"Wala si Trina," Walang emosyon niyang sabi, hindi pa rin nakatingin sa akin.
"Nasan si ate?"
"Nagpaalam siyang magleleave siya," Matapos niyang sabihin iyon, nagangat tingin siya sa akin, at bahagyang ngumiti. Kaso ang ngiting iyon ay kabisadong-kabisado ko na.
"Ako makakasama mo ngayon. May problema ba?" Natatawa niyang ani na sinimangutan ko na lang.
"Wala naman,"
"Talaga?"
Tumayo siya sa pagkakaupo at matapang akong hinarap. Ngayong ilang pulgada na lang ang layo namin, bahagya siyang yumukod para maglebel ang aming paningin.
"Wala rin si madam at ang tatay mo," Mapang-uyam niyang sabi.
Bahagyang kumabog ang aking dibdib. "Ano ba ang pinagsasabi mo...Aalis na nga ako,"
"Teka lang hindi pa tayo tapos! Ang tapang mo eh nung nandito si Damian ngayon para kang maamong tupa!"
Sinampal niya ako matapos antimano akong mapaharap. Nagulat ako sa ginawa niya kaya panandalian akong naestatwa.
"Ano? Lalaban ka? Magsusumbong ka? Tignan mo paligid mo, tayo lang dalawa dito kaya wag mo akong aangasan at lalayasan ng basta-basta, lalo na't kinakausap ka!"
Kahit gusto ko siyang pag-salitaan, kahit gusto ko siyang bawian. Alam ko sa sariling sa oras na ginawa ko iyon, wala rin akong pinagkaiba sa kanya.
Isa pa, hindi niya ako kaya saktan ng husto, sa puntong magiiwan ng marka dahil alam kong malalaman nina mama at papa. At alam kong hindi niya iyon hahayaan mangyari.
Pinilit ko pa ring umalis bagamat may galit ako sa mata ko. Kaso wala ata siyang balak pakawalan ako agad-agad. Mabilis niyang hinila ang buhok kong nakaponytail, kaya biglang sumaboy ang buhok ko sa ginawa niya.
"B-bitawan mo ako!"
"Ang tagal ko ng gusto gumanti sayo,"
Mariin akong pumikit. "A-ano ba ang problema mo! P-pinagsasabihan lang kita! Alam mo sa ating dalawa ikaw ang mas nakakatanda pero ginaganito m-"
Nahinto ako sa pagsasalita nang itulak niya ako sa sahig dahilan para sumalampak ako doon.
"Aba ang kapal mo lumalaban ka na!"
Akmang sasampalin niya uli ako kaso biglang may nagtawag sa labas.
"May kaguluhan ba dyan?" Rinig kong sabi ni Mang Tano, siguro may nasagap na komosyon sa pandinig.
Sinubukan kong magsalita kaso marahas niya akong sinunggaban at inapakan sa leeg. Kinalmot ko ang mapuputi niyang biyas ngunit sadyang mas matangkad at malakas siya sa akin, at dahil sa ginawa ko, mas lalong dumiin ang paa ni Erin sa aking leeg.
"Mam?... Papasok ko lang ang mga order niyo ha,"
Kung hindi pa magsasalita si Mang Tano tiyak na mas magkakasakitan pa kami. Nanlaki ang mata ni Erin at mabilis akong nilubayan. Kinapitan ko ang nananakit na leeg at bahagyang naubo.
"Subukan mong magsumbong kina Madam. Sasabihin ko sa kanila ang kalandian mo,"
"A-ano!?" Halos di makapaniwala kong asik.
"Ang bata bata mo pero alam ko namang may something sa inyong dalawa ni Damian. At sino pa ba ang pag-iisipan ko kundi ang sampid na tulad mo. Ikaw lang naman ang hayok na hayok dito, sa kayamanan at mapa-lalaki,"
Masyadong masakit ng kanyang mga sinabi. Kahit panay pa ang kanyang pagsasalita, iniwan ko na siya doon at mabilis na tumakbo sa kwarto ko.
At nang makapasok sa loob, walang pag-aalinlangan kong sinarado ang pintuan.
Naninikip ang aking dibdib. Kaunti na lang. Isang pitik na lang. Tutulo na ang luha ko kanina. Huling pagkaka-alala ko, wala pang nangahas manalita sa akin gaya ng ginawa ng mga tao dito. Si Mam Liezel, Ethan at Erin—pare-pareho sila.
Kung pwede lang ako bumalik sa dati, sana hindi na ako umalis sa bahay ampunan.
Sa gitna ng aking pag-iyak, hindi ko namalayang nakatulugan ko ang lahat ng sama ng loob ko.
____
"ANO nangyari sa leeg mo?"
Agad akong napahawak sa aking leeg nang makapansin si mama. Sa katunayan niyan, kanina ko pa nga nararamdaman ang pananakit ng leeg ko kaso pinipigilan kong uminda.
"May nakaaway ako ma," Ani ko sa kanya habang palihim na sumulyap kay Erin, na ngayo'y biglang nanlaki ang mata. Sa paraan ng pagkakasabi ko, alam kong alam niya na isang malaking babala ang ipinamalas ko.
"Bakit ka naman mapapaaway?"
"Ano ma... Biruan lang sa school... Nagkaharutan," Sabat ko, muli na namang sumulyap sa gawi ng may pakana.
"Ganon ba...sa susunod 'nak, pagsabihan mo sila kapag naging seryoso na,"
Marahan akong tumango samantalang nanatiling tahimik sina ate Trina at Erin. Matapos ilapag lahat ng pagkain sa hapag, walang imik na umalis ang dalawa.
Kinakabahan pa rin ako. Natatakot ako kay Erin sa totoo lang. Bukod sa mas matanda at sadyang mas maalam siya, natatakot ako sa kanya at sa mga paratang niya. Nandon din ang pangamba kong may mabanggit siya kay mama patungkol kay Damian.
Kung minsan na niyang napalayas ng kusa si manang, ano pa kaya sa akin na halos mag-iisang taon pa lang nilang nakasama?
Alam kong mahal na mahal ni mama sa Damian, sa puntong kakampihan niya ata si kuya sa lahat ng bagay.
Sa ngayon, natatakot akong itapon niya.
Ayoko ulit maiwang mag-isa. Tutal wala na rin akong babalikan...siya na lang ang mayroon ako.
"Ma..."
"Hmm? Bakit anak? May problema ba? Sa studies? Sa school?"
Inilingan ko ang lahat ng minungkahi niya.
"Ano ma...pwede ko bang mahingi ang number ni kuya?"
Kumunot ang noo ni mama. "Ni Damian? Bakit mo kailangan anak?"
Ito na nga ba ang sinasabi ko. Alam kong hindi niya magugustuhan ang dahilang may mga ka-schoolmate akong nanghihingi. Bukod sa paninikil ng impormasyon iyon, alam kong napaka-pribadong tao ni mama. Family oriented at talagang maalaga sa imahe ng aming pamilya.
"Ano kasi ma...gusto ko lang sana siya batiin at kamustahin. N-namimiss ko na si kuya,"
"Kaso anak, hindi sila hinahayaan mag-cellphone doon ng basta-basta. May nakatalagang schedule sa kanila sa pagkakataong kokontakin niya tayo,"
"Ahh," Tumango-tango ako, bahagyang talunan. "Naiintindihan ko po ma,"
Narinig ko ang pag-buntong hininga niya. "But—he hasn't called me or reached out to me. Tinatawagan ko naman siya pero tuwing sasagutin niya binababaan ako," Ani mama habang sinesenyas ang kamay na tila gulong-gulo.
"Kung ganon mama, paano mo nasisiguradong ayos lang siya doon?"
"Through the school's principal. Pero iba pa rin kung siya mismo ang magsasabi sa akin, hindi ba?"
Tumango ako bilang baling.
"Actually Rose, you just gave me an idea. Baka may tampo siguro sa akin yun kaya hindi niya sinasagot..." Alegro niya akong kinapitan sa kamay matapos ilapag ang kutsara. "Why don't you try calling him? Baka sakali sayo sumagot... And besides, breaktime ata nila ngayon. Seven hours ang time difference natin sa kanila,"
Masyado akong nahilo sa bilis ng pagsasalita ni mama. Bago ko pa maiproseso lahat, hinigit na niya ang isang maliit na papel sa kanyang coin purse. Inabot niya ito sa akin at nang buklatin ko ito, nabigla ako ng sumilay ang mga numerong naka-marka sa loob.
"That's his number. Tanungin mo nak ha kung may galit ba sa akin? Just in case he answers,"
Malaki ang duda kong hindi iyon mangyayari...
"Sige po mama,"
"Thank you, anak," Magiliw niyang baling bago ako halikan sa noo. Hindi na rin siya nagpatumpik-tumpik pa matapos kumain at pinagkukuha na rin ang mga plato at kubyertos sa malawak na lamesa. Bagamat bukal sa aking loob ang nais tumulong, giniit niyang siya na lamang ang magaasikaso.
Kaya hinayaan ko na lang si mama at pumanhik na ako patungo sa aking kwarto, gaya ng gusto niyang mangyari.
Breath in, breath out. Hingang malalim, at bubuga na parang may sumasabit sa aking baga.
Ninenerbyos ako sa hindi malamang dahilan. Masyado akong namamawis sa puntong natatakot akong mabasa ang maliit na papel na hawak ko. Sa ikalawang pagkakataon, sinulyapan ko ito. At nandon pa rin nakaburda sa tinta ang numero ni kuya, numerong daan para siya'y makausap.
Kinagat ko ang aking labi at dumiretso sa kama. Kinuha ko ang cellphone sa katabing drawer at matiim na tinipa sa touchscreen ang nakikitang number. Aaminin kong wala akong intensyon tumawag sa kanya, wala rin akong pakialam sa mga nangyayari sa kanya, kaso sa mga kinikilos ko, parang pinagdududahan ko na ang isang parte sa aking sarili.
At nang magring na ang cellphone kong hawak, huli na nang mapagtanto kong bawal na akong umatras. Ang hiling kong hindi niya sagutin ay tuluyan ding napawi nang makita kong nagsimula na ang timer, indikasyon na ongoing na ang call.
Hindi pa rin ako nagsalita, tutal ang sabi ni mama pinapatayan siya ng tawag—umaasa akong gayundin sa akin, kaso mali ang aking inakala.
Kahit wala akong salita, walang imik, alam niyang ako ang tumawag.
"You finally called," Medyo mapilyo niyang sabi.