22
"Ma! P-please! H-hindi na mauulit!"
"Kailangan mo rin maranasan para malaman mo!"
Kinaladkad ako ni mama patungo sa aking kwarto. Halos maubusan ako ng hininga kakahingi sa kanya ng pasensya at tawad. Mahahaba ang kanyang kuko kaya habang tangan ako, nasugatan niya ang braso ko. Napainda ako ng iilang beses ngunit sa kalagitnaan ng pagahon namin sa hagdanan. Halos mamutla kami nang masilayan si papa.
"H-hon..."
"Anong ginagawa mo Evangeline!?"
Nagpabalik-balik ang tingin niya sa aming dalawa.
Sa aking tabi, tumikhim si mama. "Tuturuan ko ng leksyon. Para malaman mo rin. Para malaman mo! Sa tuwing sasaktan mo ako!" Mas lalo niyang hinapit ang braso ko "—sasaktan ko ang batang ito!"
Hindi ko mapigilan magulat at bahagyang maiyak sa sinabi ni mama—sa bansag niya sa akin. Paano niya nababanggit ang mga bagay na iyon? Tinignan ko siya ng may pagtatanong sa mata ko. Hindi ako makapaniwala. Siya pa ba ang mama na kinikilala ko?
"Bitawan mo ang anak natin!" Tinaas ni papa ang kamay, ambang sasaktan si mama ngunit nang matagpuan niya ang mga mata kong labis na natatakot, naudlot ang kanyang binabalak.
"Sasaktan mo sarili mong asawa! Para sa batang hindi mo anak! Hindi ko anak! At bakit!? Dahil anak lang siya ni Iris!"
Iris? Sino si Iris?
At ako ba ang tinutukoy nila?
Masyado akong nilamon ng sariling iniisip kung kaya't hindi ko namalayan ang sumunod na nangyari. Marahas na sinampal ni papa si mama dahilan para mapabalikwas ito at mawalan ng balanse. Gumewang kaming dalawa dala ng kapit-kapit niya pa rin ako.
"Rose!"
"Ma!" Napasigaw ako nang tuluyan na kaming bumagsak.
Hindi nakapagsalita si mama at sa sobrang bilis ng pangyayari, wala ring nagawa si papa para pigilan kaming dalawa malaglag. Nagpagulong-gulong kami pababa. Sa bawat pagtama ng marmol na tiles ng sahig, para akong masusuka sa hilo. Sumakit ang aking dibdib at likod, para akong dinadaganan ng mabigat na bagay at pilit na sinisimot ang hangin sa aking baga.
"R-rose! Evangeline!"
Nanlalabo ang aking mata sa puntong iyon. Nasilayan kong nagmamadaling bumaba si papa patungo sa amin. Sinubukan kong lingunin si mama bagamat ramdam ko ang bigat sa aking ulo. Kasalukuyan siyang nakahilata, parang nawalan ng malay. Tinangka ko siyang abutin kahit alam kong kailangan ko rin ng tulong, kaso wala na akong lakas. Hanggang dito na lang ang kaya kong abutin.
"Rose! Wake up! My daughter...please, wake up,"
Hindi ako naka-sagot. Nandidilim ang aking paningin. Gusto ko ng sumama sa kadilimang iyon kaso gusto ko rin manatiling gising.
Wala namang mawawala kung magpapahinga lang ako ng saglit hindi ba? Matapos ng kay Ethan, ngayon si mama naman...kailangan ko na nga ata matulog ng mahimbing.
"Rose!?"
Kahit masakit ang bumbunan ko, dilat ang aking mata. Nakita kong dumating sina ate Trina at Erin nang may nagulat na ekspresyon. Kapwa nilang dinaluhan si mama, kaya hindi ko na pinigilan. Sumama na nga ako sa nagaanyayang kadiliman.
_____
'Hindi ba ikaw lang ang pumilit! Ikaw ang pumilit hanapin siya!"
Napabalikwas ako ng bangon matapos kong magkaroon ng masamang panaginip. Hindi ako sigurado kung panaginip nga ba dahil parang away iyon, away sa pagitan ng dalawang tao. Mga usapang wala akong kaalam-alam.
At dahil gising na ang diwa at katawan ko, nilibot ko ang paningin at tila nahimasmasan nang masilayan ang aking kwarto. Bumaba ako sa higaan at halos mapaliyad ako sa lamig ng sahig. Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa marating ko ang sala.
Walang ibang tao ang naroroon maliban kay papa na ngayo'y nagbabasa ng dyaryo. Nang mapansin niya ang presensya ko, agad niyang binaba ang binabasa. Tumayo siya at lumapit sa akin. Hinawakan niya ang baba ko at marahang ininspeksyon ng kahit anong bahid ng pamamaga sa mukha ko.
"You're awake," Masaya niyang banggit. "May masakit ba sayo? The doctors told me that there was nothing serious,"
Imbis na sagutin ang kanyang mga tanong, nagangat ako ng tingin kay papa. May sama ako ng loob sa kanya, gayong siya naman ang naging puno't dulo ng lahat. Lalong lalo na kung bakit nagkaganoon si mama. Kung bakit pabago-bago ang ugali niya.
"Nasan si mama?"
Bahagya siyang natigilan sa tanong ko. "Stop worrying about her, Rose. I already had her controlled,"
Napalunok ako sa sarili—natatakot. Natatakot para sa kalagayan ni mama. Natatakot kung may ibang nagawa si papa sa kanya.
"P-pa...ilang oras akong nakatulog?"
"A day,"
Nanlaki ang mata ko sa narinig.
"But don't worry too much. I've sent the school your excuse letter,"
Tumango ako sa gawi ni papa.
"You should eat. I've called the chefs and had them prepare you a meal,"
Gusto kong tumanggi at sabihing wala akong gana. Ngunit matapos kong masilayan ang nangyari kahapon, nawalan ako ng lakas sumuway sa kanya. Hindi na ako naka-angal pa at pilit na lang kumain.
_____
WALA AKONG inaksayang oras sapagkat buong magdamag akong nagkulong sa kwarto at nagbasa ng libro, lalong lalo na sa economics at business subject namin. Kung normal na paaralan lang siguro ang pinasukan ko, malamang sa malamang ay wala akong problema makipagsabayan.
Tumunog na ang timer sa gilid ng aking desk, indikasyon na kailangan ko munang ipagpahinga ang mga mata. Bahagya akong nag-unat at tumayo sa harap ng salamin. Hindi ko mapigilan mapatingin sa mukha—bakas pa rin ang pasa at iilang sugat sa balat ko kaya kahit sino alam kong mapapatanong kung ano ang nangyari.
Iniling ko na lang ang ulo at humigop ng malalim na hininga. "I a-am Rose De Luca, representative of grade seven Archers," Hindi, parang may mali. Parang kulang...
Umubo ulit ako at umayos ng tindig. "I am Rose De Luca!"
Umiling ako sa sarili. Paano ba ito? Hindi man lang ako marunong magproject ng maayos. Atsaka ang tono ko...walang kadating-dating.
Kinuha ko uli ang remote ng TV at binuksan ito. Simula kanina, walang humpay ko kung pakinggan ang mga contestant sa mga pageants na pinapanood ko. Ngayong sinimulan ko ng mag-praktis, tsaka ko lang tuluyang nasikmura ang katotohanang ipanlalaban ako ng section namin, bagay na isang pagkakamali kung tutuusin.
"Ano ba itong pinasok ko..." Nayayamot kong kinamot ang ulo. Bakit ba kasi ako pinasok ni Alexander? Hindi ko alam kung kinukutya niya lang ba ang kakayahan ko o talagang sinusubukan niya ako.
Sa ikalawang pagkakataon, pinikit ko ang mata at humingang malalim. "I am Rose... i-isang ulila..." Tinignan ko ang mata. Pakiramdam ko ito talaga ako, ang tunay na ako. "—nanay ko si Mother Elena...kapatid ko si Dianna..."
Hindi ko tuluyang natapos ang munting pagpapakilala ko sa sarili lalo na nang magulantang ako sa tunog ng nabasag na pinggan. Agad kong pinagmasdan ang pintuan palabas. Kung hindi ako nagkakamali, may isa pang tao akong nadinig. Parang boses ni mama ang narinig kong sumigaw.
Naglakad ako patungo sa pintuan at bahagyang nagiwan ng siwang.
"Hanapin mo! Hanapin mo!"
"Calm down Evangeline! May tahi ka pa!"
"Wala akong pakialam! Wala akong pake! Hanapin mo! H-hindi hindi iyon totoo!"
Si mama nga! Pero bakit siya sumisigaw? Nagaaway na naman ba sila? Nagmamadali akong lumabas at tumungo sa dako ng sala. Nakita kong naroroon si mama, nagaamok at nagwawala habang gulat na gulat sa isang tabi sina ate Trina at Erin.
"A-ano nangyayari?" Nag-aalalang tanong ko, ngunit walang pumansin sa akin kundi si ate Trina na bigla akong hinatak.
"Rose...wag ka munang makisali," Aniya sa akin matapos akong hagkan.
Pilit pinigilan nina Mang Cardo at pati na rin ni papa ang nagaalburutong bulto ni mama. Kung ano-anong babasaging vase ang pinagbabato niya at talaga namang labis siya kung magwala. May bendahe siya sa ulo kaya ingat na ingat sina Mang Cardo huwag masagi ang kanyang bumbunan.
"Hanapin mo! Wala kang kwenta Alberto! Wala kang kwenta!" Halos hindi magkamayaw niyang sigaw.
"Calm the f**k down Evangeline! Baka marinig tayo ng kapitbahay!"
"Si Damian! Hanapin mo o kung hindi magkakamatayan tayo! Magkakamatayan!"
Nabigla ako sa narinig kay mama. Ano ang sinasabi niyang hanapin si kuya? Bakit? May nangyari bang masama sa kanya? Hindi ko mapigilan ang kabahan sa balita. At parang sementong dumadagan, unti-unting naninikip ang dibdib ko tuwing kumakalembang ang boses ni mama sa tenga ko.
Kita kong kinuwelyuhan ni mama si papa. Kung normal itong pagkakataon, walang mag-aakala na magkakaroon ng lakas ng loob si mama para manlaban. Miski ako na nakasaksi ng pambubugbog sa kanya.
"M-ma," Halos mangiyak-ngiyak kong sambit matapos malaman kung bakit siya nagwawala. Hindi, walang nangyari. Si kuya, hindi siya basta-basta madadala sa masamang pangyayari kaya wag kang mag-aalala.
Pero kahit anong pilit ko sa sarili, nandon ang labis kong kaba.
"A-ate a-ano nangyari kay kuya?" Manginig nginig kong tanong. "Ano nangyari!" Demanda ko sa kanya.
"Rose...kasi," Nagpabalik-balik ang sulyap niya sa pagitan naming lahat. "N-nasunog ang H-haley's boarding school,"
Napanganga ako, nanginginig pa rin sa sarili. "A...a-anong..."
"H-hindi pa rin nakikita k-kung nasan s-si Damian," Mangiyak-ngiyak niyang sambit, pilit na sinusupil ang pagbibitak ng boses.
Napahawak ako sa noo. Sumasakit ang ulo ko. Sumasakit...
Hindi. Desperada akong umiling. Habang nag-uusap kami ni ate Trina patuloy pa rin ang pagwawala ni mama at ang pagawat nina papa, samantalang sa isang tabi, umiiyak naman si Erin. Miski ang mga mata ko'y tuluyang bumigay. Panay ang takas ng luha ko at hindi ko iyon pinigilan. Hinawakan ko ang bibig. Hindi ito totoo. Mali sila. Mali...walang nangyari. Kilala ko si kuya...hindi siya ang taong walang muang sa kapaligiran...
Kumalas ako mula sa pagkakayakap ni ate Trina.
"Rose! Saan ka pupunta!"
Walang lingon akong nagpatuloy sa pagtakbo. Ang tanging nararamdaman ko ngayon ay takot. Hindi ko mabilang kung ilang beses na akong nakaramdam ng takot dahil lang kay kuya pero malaking-malaki ang pinagkaiba ng sitwasyon ngayon.
Dali-dali akong pumasok sa kwarto at binuksan ang cellphone ko. Simula ng ibigay ko ang number ni kuya sa mga kaibigan, hindi ko na ito muling binuksa. pa. Alam kong magagalit siya sa akin matapos malaman na itinuloy ko pa rin ang bagay na tinanggihan niya kaya labis akong pinangunahan ng pangamba. Ngayon ko lang nakitang napakarami niyang mensahe, ang iba galit sa akin, kaso hindi ko iyon pinagtuunan ng pansin. Tinipa ko agad ang numero niya, nagbabakasakali at nag-aantay na sagutin niya.
Please kuya, sagutin mo...sagutin mo ang tawag. Sagutin mo. Nakailang dalangin na ata ako pero walang pinagbago.
'The number you have dialled is unavailable. Please try again later'
Isa pa...
'The number you have dialled is unavailable. Please try again later'
Kahit ilang ulit ko na...
'The number you have dialled is unavailable. Please try again later'
Mali lang ako ng nadinig...
'The number you have dialled is unavailable. Please try again later'
Buong gabi wala akong ginawa kundi ulit-ulitin ang pagtawag. Bawat oras at segundong lumilipas, nawawalan ako ng pagasa. Walang humpay ang luha ko. Kilala ko si kuya, kilala ko siya. At hinding hindi niya hahayaan ang mga tawag ko. Sinabi niyang lagi siyang nag-aantay sa akin, tuwing titignan ko ang mga text niya para akong nanghihina at nagsisisi—kung bakit ba ang layo ng loob ko sa kanya at kung bakit ko siya hinahayaan...
"Rose! Hindi ka natulog?!"
Hindi ko inalintana ang nag-aalalang boses ni ate Trina nang pumasok siya sa aking kwarto. Kasalukuyan akong nakatunganga, ang noo nakasalampak sa study desk kong ngayon ay basa na sa luha ko.
"M-magayos k-ka Rose...kailangan mo pa rin pumasok," Nilapitan niya ako at inalo. "W-wag mong isipin n-na may nangyaring masama. Wala ha? Hanggat hindi pa nakikita kuya mo wag kang mawawalan ng pagasa,"
Sana nga ganon ang kaso. Halos walang kurap ko siyang binalingan.
"P-papasukin niyo ako...na p-parang walang nangyari?" Paos na paos ang boses ko, laking pasasalamat ko at hindi iyon pinuna ni ate Trina.
"I-inuutos ng p-papa mo,"
Mariin akong pumikit. Kahit ayaw kong kumilos, kahit ayaw ko pang umakto na parang normal na araw, kahit ayoko! Pinilit ko pa rin. Pinilit bumangon...pilit na nagayos ng sarili. Dahil wala akong opsyon, walang mapapala kung mananatili ako sa kwarto. May katotohanan sa sinabi ni ate Trina. Maniwala kang walang nangyari, kahit alam mo sa sariling malabo iyon magkatotoo.
_____
MAY ALAM ang buong klase sa pangyayari. Nakakatawa nga isipin na talagang matulin sila sa balita ukol sa pamilya namin. Sinubukan nila akong kausapin, aliwin at damayan ngunit buong magdamag akong tahimik. Kahit pa pinagalitan na ako at pinatayo sa harap ng klase, kinalaunan napagtanto ng mga gurong may problema sa akin.
"Pauwiin ka muna namin, Rose. Narinig namin ang balita. Huwag mo munang pilitin pumasok,"
Kung normal na paaralan ito, hindi nila ako pakakawalan ng basta-basta. Kaso iba ang lugar na ito. Kung sino ang mas mayaman, sila ang pinapakinggan at inaalala. Kung sino ang mas maimpluwensya, sila ang kinatatakutan. Nais nila akong paalisin dahil ayaw nilang masiraan ako ng sarili.
Kasama ko ngayon si Mam Hyacinth. Patungo kami sa locker area para kuhanin ang ilang gamit ko. Tutal ang sabi nila, pwede akong humabol sa activities gamit ang online application nila.
"Rose, yung passcode,"
Walang imik akong lumapit sa locker ko. Ipinihit ko ang numero sa lock at agad itong bumukas. Ilang saglit, ang pamilyar na rosas ay sumilip sa akin.
"May bulaklak ka dito...sa iyo ito, Rose?"
Marahan na lang akong tumango, walang gana pang magsisi-kilos.
Inabot niya sa kamay ko ang bulaklak kasama ang liham na kalakip nito. Kung dati ay halos magsisitalon ako sa tuwa tuwing babasahin ang liham, ngayon kabaliktaran naman ang nangyari.
Binuksan ko ang liham habang inaasikaso ni mam Hyacinth ang mga gamit ko.
'Stop calling me for now' — to Rose