21
"Rose!"
Buong ngisi akong niyakap ni ate Lucy. Dala ng aking pagkabigla, hindi agad ako nakatugon sa kanyang yakap. Dama kong napausod ng bahagya ang mga kaibigan ko. Baka tulad ko ay naiilang sila sa mga taong hindi nila masyadong kakilala o kaclose. Nang mahimasmasan ako ng kaunti tsaka lang ako naka-baling.
"Ate Lucy...K-kamusta na?"
"I'm fine, Rose. But you know I haven't thanked you enough for giving me your kuya's number,"
Napatango ako sa kanya, medyo nacucurious rin kung talaga bang naguusap na sila.
"M-masaya ako para sayo, ate," Ani ko pabalik sa kanya.
Simula nang huli naming interaksyon, hindi na kami masyadong nagkita pa. Akala ko nga ginamit niya lang ako para mapalapit kay kuya, inuto para makuha ang kagustuhan niya. Kaso mukhang mali ang aking inakala. Masaya naman si ate Lucy nang makita ako at tila parang kaibigan lang talaga ang turing niya sa akin. Sinukbit niya ang braso sa akin at iginaya ako sa grupo nina Ethan. Kahit medyo naiilang ako, hindi ko mapigilan mapa-angat ng tingin kay Ethan.
"Rose, you need to come with us. I bet you'd have interesting stories to tell!"
Bagamat gustuhin ko man, may pumipigil pa rin sa akin. "Pasensya na ate... pero kailangan ko ng umuwi. Hindi kasi ako nagpaalam kay mama—"
"Rose...minsan lang ito. Plus I have many questions to ask you,"
Hindi na nakapagpigil si kuya Will at bigla na rin sumingit sa usapan namin. "Oo nga, Rose. We'd like to have you. Hindi naman siguro magagalit mama mo kung sinabi mong kasama mo lang mga kaibigan mo,"
Nailang ako sa tingin niya sa akin. Palihim ako sumulyap sa mga kaibigan ko, at base sa mga tingin nila—parang nagpapaalam na sila sa akin. At tama nga ang aking hinuha lalo na nang makita ko silang tahimik na nagsilayasan.
"Tignan mo oh. Your friends even support you to come with us. Isn't it a clear indication that you need to come?"
Napabuntong hininga ako. Medyo may pagka-mapilit sila. Isa lang rin naman ang dahilan ko kung bakit nag-aalangan ako. Napasulyap ako kay Ethan, hinahanapan siya ng kahit anong bakas ng pagtutol. At tila ba nabasa niya ang nasa isip ko, bigla siyang nagsalita.
"Guys, quit pestering her. Kapag napagalitan nga siya, sino ang mananagot?"
Napabuntong hininga si Rebecca. "Ethan naman... hindi ka naman madalas umangal kahit sino-sino hilain namin pero sa kanya tumatanggi ka?"
"She's still a kid,"
Napairap si ate Lucy. "She's 13 years old. May isip na siya and it's not like she isn't safe with us,"
Tumango si Will, at hinawakan ang kamay ko. Sa sobrang gulat ko ay mabilis ko itong binawi sa kanya.
"Ethan come on. It's not like you don't know each other. You're neighbors right?"
Nag-igting ang panga ni Ethan at bahagyang pinasadahan ng kamay ang kanyang buhok. Makahulugan niya akong tinitigan bago marahang tumango.
"Fine, if she's comfortable with us,"
"Great!" Masayang wika ni ate Lucy, hindi man lang nagawang kumpirmahin kung gusto ko ngang sumama.
______
KASALUKUYAN kaming nasa restobar kung saan daw sila madalas tumambay. Hindi tulad ng inaasahan kong restobar na pawang nakakatakot ang atmospera, kabaliktaran naman ang lugar na ito sapagkat may pagka-elegante at pagka-mayamang pakiramdam ang kapaligiran.
Inabutan ako ng fruit punch ni ate Lucy habang sa kanila naman ay wine. Maya-maya dumating na ang aming snacks. At ang snacks na akala ko puro chichirya ay mga chick fillet sandwiches pala.
Katabi ko ngayon si ate Lucy at nang magsilapagan ang mga pagkain, nagulat ako nang simulan niyang hiwain ang sandwich ko gamit ang hawak na bread knife.
"Rose...about my questions a while ago..."
"Ano po ba yun ate?"
"Is he Damian usually like that?"
"Na?"
Buntong-hininga niyang hinugot ang cellphone sa kamay. Binuksan niya ito at inilahad sa akin.
"He replies so shortly," Pagrereklamo niya, bagay na ikinataka ko. Wala naman na akong nagawa kundi tignan ang pinupunto niya.
Nabasa ko ang iilan sa palitan nila ng mensahe ni kuya. Hindi naman bago sa akin ang maiikling sagot ni kuya. Ang problema nga lang, isang salita lang ito kung sumagot. Yes, no or maybe...Parang doon umiikot ang bokabularyo niya. Kung tutuusin, hindi hahaba ang kanilang usapan kung hindi magtatanong ng magtatanong si ate Lucy.
"Baka pwede mo siyang kausapin? Like maybe, try to tell him that we are friends,"
"H-hindi pwede ate..."
"Why?"
Hindi ako nakasagot sa kanya dahil biglang pinukaw ni Ethan ang atensyon ko.
"Rose, hindi ba't hindi ka malapit sa kanya?"
Halos mailuwa ko ang nginunguya sa sinabi ni Ethan. Makahulugan akong tinitigan ni ate Lucy, gayundin ang iba naming kasama. Lahat sila parang nagulat sa sentiminento niya. Sa ngayon, naka-krus ang kamay ni Ethan habang hinihintay ang aking sagot. Napalunok ako sa sarili.
"P-paano mo n-naman nasabi? S-syempre malapit kami sa isa't isa,"
"Hindi ba't tumatakbo ka sa akin palagi? Lalo na kapag may away kayo ng kuya mo?"
Nanginginig kong dinampot ang aking inumin. Mabuti na lang at hindi nila masyado napansin ang nadarama kong kaba at nerbyos. Maliban sa isang mata.
"Ayokong madamay sa away niyo, Rose. Kaya ako na ang kusang umiiwas,"
Natigilan ako sa sinabi niya.
Saglit na tumahimik ang kapaligiran, wala ni isa sa amin ang nakapagsalita.
Maya-maya ngumiti siya. Tinapik niya ang lamesa. "Pasensya na, I'm just messing with you all,"
"F*ck you Ethan! Kinabahan ako at kung ano na ang nangyayari," Ani Will.
Pati si Rebecca ay sumabat na rin. "Hey! Wag mo nga kaming niloloko,"
Samantalang si ate Lucy ay napairap na lang.
Buong magdamag, kahit napuno naman ng usapan ang aming pagsasalo, hindi pa rin matanggal sa isipan ko ang mga sinabi ni Ethan. Kanina pa ako nagnanakaw ng sulyap sa gawi niya, at kahit siya pa'y nakangiti. Alam kong pareho kami ng iniisip...
______
"Sige na, Rose. I hope you get home safe," Ani kuya Will, bahagya pang ginulo ang aking buhok.
"Opo," Tanging sagot ko na ikinatuwa niya ng husto.
Matapos ang masayang salo-salo nila—dahil ako'y sadya lang din nahirapang makisabay sa usapan nila. Napagdesisyonan na ng lahat ang umuwi.
Ilang saglit, sumakay na si Will sa kanyang kotse. Ang kotseng ginamit namin para makapunta dito. Kinawayan niya ako sa huling pagkakataon, gayundin ang iba niyang kaibigan bago paharurotin ang kotseng minamaneho.
Nagpaalam na rin si ate Lucy kanina nang dumating na ang chauffeur niya. Niyakap niya ako at muli akong binulungan kung baka pwede ko pa siyang matulungan. Tumango na lang ako kahit alam kong hindi ko na iyon magagawa pa. Tutal wala namang permisyo ang pagbibigay numero ko sa kanya, kaya hanggang doon na lang ang magagawa ko.
"Mauna na rin kami," Ani Rebecca, kasama si Mark. "Hey Ethan, ingatan mo yang si Rose paguwi niyo, wag kang masungit,"
Umismid na lang ang taong tinutukoy niya, bago ipasok ang kamay sa bulsa.
Kumaway na ako nang tuluyan na silang lumisan. Hanggang sa dalawa na lang kami ang natira sa tabing daan. Muli akong sumulyap kay Ethan. Tahimik ito sa sarili, abalang-abalang ito sa pagce-cellphone. Napabuntong-hininga ako.
"I'm calling a grab,"
"Grab?" Takang tanong ko.
"Parang taxi,"
"Ohh... Hindi pa ako nakakasakay sa ganon. Kumbaga di ko pa naranasan,"
Tinapunan niya ako ng tingin. "Seriously? What have you been doing in your spare time?"
Napakamot ako sa ulo. "Minsan nag-aaral, minsan nagpra-praktis magtugtog. O kaya naman gumagawa ng handcrafts,"
Umiling siya sa akin. "You need to get a life for once. Hindi yung para kang nakakulong doon,"
Kinagat ko ang loob ng aking pisngi. "S-sige..." Pagsangayon ko na parang ang dali gawin.
Matapos ang ilang minuto dumating na ang sinasabi niyang grab. Binuksan niya ang passenger seat at pinapasok ako. Buong biyahe, tahimik lang kami sa isa't isa. Alam kong ramdam niyang paminsan-minsan minamatyagan ko siya.
"This is our stop," Aniya sa drayber nang matanaw na namin ang hacienda. At dahil mag-kapitbahay lang naman kami, sa tapat na namin kami bumaba.
"Salamat sa paghatid...Ethan," Naiilang kong banggit, hindi sigurado kung may permisyo pa ba akong hindi siya tawaging kuya.
"You should sleep, maaga ka pa bukas,"
Pipihit na sana siya paalis, ngunit kinuha ko na ang tsansa makausap siya ng husto—hanggat walang nakatitig at nakakakita.
"D-dahil ba sa kuya ko? Kaya mo ako nilalayuan?"
Nakita kong natigilan siya sa kanyang entrada. Sinilip niya ako.
"Hindi. It's just, not everyone will like you. Hindi talaga tayo pwedeng maging magkaibigan,"
Nagsimula na naman siyang maglakad subalit hindi ko talaga pwedeng pakawalan siya. "Bakit? May ginawa ba ako? May ayaw ka ba sa ugali ko?...Bakit?"
Malakas ang kabog ng dibdib ko habang inaantay ang kanyang sagot. Nakatalikod pa rin siya sa akin kaya hindi ko mawari kung ano ang ekspresyon niya. Galit ba siya? Naiinis ba siya? Kung ano-ano ang iniisip ko.
"Magkaiba tayo,"
Kumunot ang aking noo sa narinig. "P-paanong magkaiba?"
"Bakit ba sayo mahalaga malaman?"
Huminga ako ng malalim. Pinagsiklop ko ang kamay. "N-nasasaktan ako...kasi ikaw lang ang mayroon ako dati a-at hanggang ngayon...wala namang iyon pinagbago. Hindi ba talaga mahalaga sayo lahat ng iyon?"
Hinarap niya ako. Pero malaya ng kahit anong ekspresyon ang kanyang mukha. Para siyang bato, malayo sa nakakausap at minsan nakakalaro ko dati. Kahit saglit lang kami nag-usap, parang matagal na kaming nagsama. Dahil lugmok ako ng mga oras na iyon, siya ang nakita kong tao sa panahong iyon kaya pambihira ang epekto niya sa akin.
"Sasaktan mo lang sarili mo,"
"Bakit?"
"Magkaiba tayo ng estado,"
Nagsalubong ang aking kilay. Dala ng aking pagtataka, tinuloy niya ang sinasabi.
"Tagapagmana ako ng kompanya. At isa kayo sa malaking kakompetensya namin. Kailan lang, sinubukan ng papa mo atakihin ang negosyo namin. Pati ba naman ngayon, ginugulo mo ako,"
Halos bumaligtad ang sikmura ko. "P-pero wala akong kinalaman doon..."
"I know. But there's another reason..."
Hinintay ko ipagpatuloy niya ang pagsasalita. Para bang nagaalangan siya.
"—your brother...seems very protective of you. Alam kong balang araw maghaharap kami ng kuya mo. And he will drag us down. Kaya magpapalakas ako hanggat maaga pa...and in the process, our friendship needs to end as well,"
Nilunok ko ang namumuong sakit sa akin. Ngayon...parang nalinawan na ako sa iilang bagay. May parte sa akin ang masaya gayong hindi niya ako pinuna dahil sa pagkatao ko. Naiiyak ako pero pinipigil kong umiyak sa harapan niya. Ayokong kaawaan niya ako at ayokong ipilit ang bagay na ayaw na niya. Ang gusto ko lang rin naman ay malaman.
Masaya ako Ethan sa sandaling iyon...
"S-salamat sa pakikipagusap sa akin ng magisa lang ako a-at tuwing... alam mo na..." Pagak akong natawa. Ang drama ko sa totoo lang pero kasi nahihirapan akong magpaalam sa unang taong nagpatibok sa puso ko.
Unang pagkakataon ko maranasan ang tinatawag nilang puppy love. Pero dahil sa mga komplikadong bagay na dapat hindi pinoproblema ng mga batang tulad ko, nawala ang lahat.
Hindi na siya sumagot sa sinabi ko bagkus tuluyan na siyang naglakad papalayo. Gayunpaman, bago pa siya tuluyang mawala sa paningin ko. Panandalian niya akong binati.
"Oh, by the way, Rose. Congratulations on becoming muse,"
Sa gitna ng lamig, naestatwa ako sa narinig.
____
MAY galit sa mga mata ni mama matapos ko siyang datnan sa sala, naka-krus ang dalawang kamay habang matalim ang titig sa akin. Medyo madilim ang kapaligiran, mukhang sadya niyang hindi buksan ang ilaw sa sala.
Kung kanina kinakabahan na ako, mas lalo ngayon nang makatagpuan ko ang kanyang mata na nagngingit-ngit.
"Mahirap bang sumunod sa utos ko,"
"M-ma pasensya na... p-pero nagtext naman ako sayo na m-makikipag-bonding lang ako,"
Natakot ako sa sumunod niyang ginawa. Tumawa siya.
Humigop ako ng hangin. Tila ibang tao ang kaharap ko ngayon at hindi si mama. Madalas nakangiti siya, madalas may maligayang panlabas, ngayon ay hindi ko siya nakikilala.
"Sinabi ko umuwi ka agad! Hindi ko sinabing pwede ka ng sumama kung kani-kanino!"
Nilapitan niya ako ng may galit sa mukha. Bahagya akong napausod, natatakot na masaktan. Lumuhod siya sa harapan ko at hinawakan ang magkabilang balikat ko. Mahina niya akong niyugyog, mahigpit pa rin ang kapit.
"Ma...n-nasasaktan ako!"
"Hindi mo ba alam! Ng dahil sa ginawa mo! Ako ang sinaktan ng papa mo!" Pagdidiin niya sa sinabi.
Nanlaki ang aking mata.
At dahil sinabi niyang nasaktan siya ni papa, ngayon ko nga lang napansin ang namumuong pasa sa kanyang mata, bagay na hindi ko napansin kanina dala ng madilim na kapaligiran.