Episode 8

1307 Words
"Marga, mukhang dumami lalo ang naging customer ng karinderya simula ng magtrabaho ka dito. Iba talaga ang nagagawa ng isang dayo, ano? Akala mo ba ay nakakita sila ng artista lalo na ang mga kalalakihan. Kung sabagay naman ay mukha ka naman talagang artista, iha. Nagtataka nga ako at wala kang asawa talaga gayong napakaganda mo," saad ni Aling Juana na nagbibilang ng mga pera na kanyang kinita ngayong araw. Sadya lang sigurong hindi naaalis sa mga tao sa probinsya ang ganung pag-uugali lalo na nga kung may dayo at galing pa ng lungsod. Ang anak ko nga na si Zandro ay binoto na raw bilang presidente ng kanilang classroom at inuudyukan pa na humabol din bilang presidente ng kanilang buong campus. Hindi naman magsisisi ang mga kaklase ng anak ko na binoto siya sa ganun na posisyon. Matalino ang anak ko at napaka responsable sa mga bagay na naka atang sa kanya. Hindi nga natutulog si Zandro kapag may school project at kahit nagawa niya na ay uulitin niya kapag hindi niya nagustuhan ang kanyang sariling gawa. Ganun ang anak ko. Hindi siya basta nasisiyahan sa basta gawa lang kung hindi talagang kanyang pinagbubutihan na mas mapaganda ang kanyang gawa. "Hindi naman po ako maganda, Aling Juana. Sadyang baguhan lang ako sa inyong mga paningin kaya akala niyo ay maganda ako." Tugon ko at saka na inabot ang aking sahod ngayong araw. Biniliang ko ang pera na inabot ng aking amo. "Aling Juana, sobra po ng isang daan," sabay abot ko ng perang sobra sa aking amo. Ngumiti si Aling Juana. "Sobra talaga ang ibinigay ko sayo, Marga. Pakunswelo de bobo sa laki ng kinita ko ngayong araw kumpara sa kinikita nitong mga nakalipas. Hay naku, huwag ka na rin magtataka kung sakaling may mga maiinis sayo na wala ka naman ginagawang masama sa kanila. Alam mo naman ang ugali ng ating kapwa kapag nasasapawan sila." Paalala pa ni Aling Juana na kinuha na ang susi sa kanyang kaha. Nahakot na rin lahat ng mga gamit sa sasakyan nila ng kanyang asawa. Araw-araw ay ganun ang sistema. Hindi na raw talaga nag-iwan ng gamit si Aling Juana dito sa tindahan dahil sa takot na manakawan na naman ng mga kawatan na malamang ay mga tulisan. Hindi na rin naman kasi maglalagi rito ang mga ordinaryong tao sa gabi sa takot nga na baka mapagdiskitahan ng mga taong labas. Kahit ang mga marshall na siyang rumuronda sa katahimikan ng gabi ay naiisahan ng mga perwisyong nilalang. Lagi ko rin paalala kay Zandro na huwag magpapagabi sa daan at siguraduhin na may kasabay siya sa pag-uwi lalo nga at dayuhan kami kung maituturing dito sa bayan ng Guadalupe. Mahirap na at baka mapagkamalan siyang anak ng mayaman. "Siya nga pala, Marga. Nagrerequest ang mga nagtatrabaho sa munisipyo na kung pwede ay rasyunan na lang natin sila ng pagkain para hindi na raw sila lumalabas para bumili ng pagkain. At kung papayag ka at kung gusto mo ay ikaw na ang itatalaga ko sa trabahong iyon," sambit pa ni Aling Juana at binanggit pa na mas mataas ang magiging sahod ko sa isang araw. Naisip ko pa na baka makakuha ako ng konting tip sa mga taong bibili na pwedeng maging dagdag kita na rin. "Hindi ko po tatanggihan, Aling Juana." Matatas ko agad na sagot. Dahil sanay din naman ako na maglako ng mga kung anu-anong mga tinda ay sisiw na rin sa akin ang pakapalan ng mukha na mag-alok ng kung anong tinda kong mga ulam. "Sabi ko na nga ba at hindi ka tatanggi, iha. Bukas na bukas din ay magtitinda ka na. Ibibigay ko na lang sayo ang mga price list para hindi ka malito. Alam kong kayang-kaya mong makiharap sa mga may pinag-aralan na tao. Ako kasi ay mahiyain pagdating sa ganyan. Hahanap na lang ulit ako ng tagahugas ng plato dito sa tindahan," sabi pa ni Aling Juana na tuluyan ng nilocked ang pinto ng karinderya na kung tutuusin naman ay madali lang naman talagang pasukin. Dahil nga sobra naman ang pera na kanyang ibinigay ay naisip kong bumili ng kung ano sa mga nakabukas pang tindahan. Sa pag-iikot ay nakita ko ang mga pares ng medyas na nakalatag ng maayos sa isang tindahan. Naalala ko na maliit na ang mga lumang pares ng medyas na puti ni Zandro dahil nga malakas lumaki ang anak ko. Kaya ang ginagawa niya ay magpapahinga lang ng konti kapag nakauwi na sa bahay galing school at maya-maya ay kukusutin na ang medyas na sinuot para matuyo at magamit sa ibang araw. Pinapagpapasalamat ko na nga lang na may nabili akong murang pares ng mga sapatos sa banketa at natataon pa na matitibay ang gawa. "Singkwenta pesos para sa tatlong pares," ani ng babaeng tindera ng tanungin ko kung magkano. Inaabot ko na ang singkwenta pesos bilang bayad ko ng para bang natitigilan ang babaeng tindera na sa tingin ko ay hindi nalalayo sa edad ko. Nakamasid siya sa aking mukha na tila kinikilatis ako ng mabuti. "Maria Guadalupe Evanghelista? Ikaw na ba yan?" alanganin niyang tanong sa akin. Kunot-noo akong napatitig sa babae ng banggitin niya ang mahaba at buo kong pangalan. Hindi ako agad makasagot dahil kinikilala ko rin kung sino ba siya. "Marga, ikaw yan hindi ba? Hindi mo na ba ako natatandaan? Ako ito, si Danita, iyong kaklase mo noong nasa elementary pa lang tayo at palagi mong kalaro dati. Kamusta ka na? Hindi ako makapaniwala na makikita kita ngayong araw. Kailan pa kayo ulit umuwi dito sa atin?" sunod-sunod na mga tanong ni Dani o Danita. Natatandaan ko nga siya. Naging kaklase ko nga siya noong elementarya pa lamang kami at naging kalaro na rin noong kabataan namin. Inayos ko ang balabal na tumatakip sa aking ulo at mukha dahil hindi ko napansin na bahagya na pa lang lumihis kaya naman namukhaan na ako ng kung sinong mga nakakakilala sa akin. "Okay lang naman, Danita. Mag iisang buwan na rin akong umuwi." Sagot ko naman kahit ayoko naman na makipagkwentuhan. Kagyat ng kagandahang asal sa kanyang pinapakitang tuwa na muli akong nakita sa aming lugar kaya sumagot na ako. Ano naman din ang mapapala ko kung itatanggi ko na ako nga si Marga. "Marga, ibang-iba ang itsura mo ngayon, ha? Ang ganda mo naman lalo. Siguro nakapangasawa ka ng mayaman, ano?" namimilog pa ang mga mata ni Dani sa mangha habanh binibistahan ako ng tingin. Bahagya akong natawa. "Danita, kung mayaman ako ay ano ang ginagawa ko dito sa palengke at bumibili ng mumurahing pares ng medyas? Mahirap lang ako, Danita. Hindi ako mayaman. Nagtatarabaho nga ako bilang dishwasher sa karinderya diyan lang sa malapit," wika ko ng maputol na agad ang kanyang sapantaha na ako ay nagkaroon ng mayamang asawa. "Hindi nga, Marga? Dishwasher? Hindi ba at nakapag kolehiyo ka?" usisa pa ng aking kababata. Tumango ako. "Oo pero hindi naman na ako nakatapos. Kaya wala rin," matabang kong tugon. "Oong pala at nawalan kayo ng kayamanan noon, hindi ba? Na siyang dahilan kung bakit umalis na rin kayo dito?" Natahimik ako. Ayoko na sanang maungkat ang tungkol sa bagay na yon ngunit anong magagawa kong iyon naman talaga ang tunay na dahilan kung bakit umalis kami ng pamilya ko dito sa Guadalupe. "Ay! Pasensya ka na, Marga! Napakadaldal ko talaga at hindi ko nag-iisip," sabay takip pa ni Danita sa kanyang bibig ng tila may naalala. Ngumiti ako ng pilit. "Wala yon, Danita. Nagsabi ka lang naman ng totoo," sabi ko. "Pasensya ka na ulit, Marga. Hindi ko sinasadya," paghingi muli ng pasensya ng kababata ko. Mabait si Danita kaya alam kong tubay ang kanyang paghingi ng paumanhin. Wala rin naman akong magagawa kung sakaling marinig ko talaga sa ibang mga tao ang katotohanan kung bakit umalis kami sa bayan ng Guadalupe. Sadyang masakit pakinggan ngunit nakakalungkot kung talagang pagmumuni-munihan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD