"Miss, bago ka lang ba dito?" ang tanong sa akin ng isa sa tatlong guwardiya na nagbabantay sa main door ng munisipyo. Dalawang lalaki at isang babaeng guwardiya ang nakatalaga.
Ganap ng alas-nuebe y medya ng umaga at ito ang tamang oras para magrasyon na ng mga ulam at kanin sa mga empleyado sa na nagtatrabaho sa loob ng munisipyo.
Nanghingi na rin naman ng permit si Aling Juana para makapagtinda kami sa loob kaya wala na siguro akong magiging aberya sa paglalako ng pagkain.
Iyon nga lang at required na alisin ang balabal na tumatakip sa aking mukha kapag pumasok ako sa loob ng gusali.
Ayaw ko man na gawin ay ano pa ba ang magagawa ko?
At saka tama na rin siguro ang pagtatago ko ng mukha dahil lang sa iniiwasan na makatagpo ng mga kakilala na gaya ni Danita na alam ang kwento ng pamilya ko.
Isang tipid na tango lamang ang isinagot ko sa lalaking guwardiya na hindi maalis-alis ang tingin sa aking mukha.
Ngayon lang ba nakakita ng isang magandang babae itong guwardiyang ito?
Sa lungsod kung saan kami galing ng anak ko ay ordinaryo lang na maituturing ang mukha ko.
Morena ako ngunit sadyang angat pa rin sapagkat mas mapusyaw ang kulay ng balat ko kumpara sa mga kulay ng mga morena dito sa Guadalupe.
Matapos niyang siyasatin ang laman ng bearbox kung saan naroon ang tinda ko ay pinayagan niya na akong makapasok sa loob.
Unang bumungad sa akin ang registral office kaya naman isang matamis na ngiti na ang pinaskil ko sa akong mukha para makarami ng benta.
"Ay pasensya na po kayo at nakikitinda lang po ako kay Aling Juana kaya hindi ko po pwedeng babaan itong presyo na ibiningay niya." Magalang kong tugon sapagkat tinatawaran pa ang ulam sa orihinal nitong presyo.
"Hindi ako makapaniwala na ang isang magandang babae ay naglalako lamang ng pagkain gayong mas maganda ka pa sa reigning Miss Guadalupe, Marga. Ilang taon ka na ba at baka pwede ka pang ilaban sa susunod na patimpalak?" usisa ng isang matandang babae na inayos pa ang kanyang salamin at saka ako tinitigan.
Natatawa na lang ako sa kanilang mga biro.
Gaya ng sabi ko ay hindi naman ako kagandahan kung tutusin. Ordinaryo lang ang mukha ko kumpara sa mga naggagandahang mga babae na sumasali sa mga patimpalak ng pagndahan.
"Naku po! Sobrang lampas na po sa kalendaryo ang edad ko kaya hindi na po ako uubra sa mga ganyan," pakikisakay kong biro habag nagbibilang ng panukli.
Mabuti na lang talaga at marunong na akong makisakay sa mga ganitong biruan.
Isa sa dapat talagang matutunan ng isang tindera ay makisakay sa mga biro ng mga suki para sa susunod ay bumalik para bumili.
Dahil madami pang tao ang iba pang mga department sa munisipyo at umupo muna ako at tumambay sa gilid at saka nagmasid-masid.
Ang laki na rin ng ipinagbago ng munispyo.
Hindi ganito ang itsura nito ng huli ko itong makita.
"Marga!"
Lumingon ako sa pinanggalingan ng tinig.
Isang lalaki.
Si Pido na isa rin na suki sa karinderya.
"Mabuti naman at naisipan na ni Aling Juana ang magrasyon dito sa munisipyo ng hindi na ako nale-late sa pagkain," aniya sa akin at saka na tumingin sa lalagyan ng aking mga tindang ulam.
"Oo, Pido. Naawa na sayo si Aling Juana at baka isang araw daw ay matanggal ka na sa trabaho sa palaging late." Biro ko sa lalaking mukhang gutom na gayong hindi pa naman oras ng tanghalian.
"Hetong ginataang gulay na langka para kay Mayor. Paborito niya basta gulay. Dalawang order niyan at saka ng kanin. Hindi na naman kakain ang kagalang-galang nating alkalde kapag nagkataon dahil sa daming trabaho ngayong araw. Mabuti na lang at nakita na kita para hindi na rin ako lumabas pa," sabi pa ni Pido.
Dahil sa pagbanggit niya ng Mayor at Alkalde ay para bang nais ko na namang itanong kung si Yael na aking kakilala ang amo na pinagsisilbihan niya.
"Siguro naman ay kakilala mo pa si Mayor Yael, Marga? Dalaga ka na rin naman noong umalis kayi dito ng pamilya mo hindi ba?" tanong ni Pido ng iabot na sa akin ang kanyan papel na pera.
Natigilan ako hindi lang dahil sa ka tsismosohan ni Pido kung hindi para na rin niyang sinagot ang naglalarong tanong sa isip ko.
Tama nga yata ang hinala ko na si Yael Buanavista na ang siyang Mayor ng bayan ng Guadalupe.
"Mayor Yael? Si Yael Buenavista ba ang tinutukoy mo, Pido?" sa wakas ay natanong ko na.
"Siya nga, Marga! Akala ko naman ay nalimutan mo na siya. Hindi ba at close ang pamilya niyo noon? At saka may umugong na balita noon tungkol sa inyo ni Mayor, hindi ba?" tanong pa sa akin ng lalaking kaharap ko.
Close?
At balita tungkol sa amin ni Yael?
Mapait akong napangiti.
Maaaring close nga ang pamilya namin noon pero hindi na ngayon.
At hinding-hindi na talaga kailanman.
Maaaring mataas ang kanyang posisyon pero hindi ibig sabihin ay yuyukod ako sa kanya.
Ang pamilya Buenavista ang isa sa mga dahilan kung bakit nawala ang lahat ng sa amin ng pamilya ko.
Ang karangyaan na nakasanayan ko at ng buong pamilya ko.
Ang malinis na pangalan na inalagaan ng mga magulang ko.
Sila ang dahilan kung bakit kinamuhian ng halos lahat ng tao sa Guadalupe ang pamilya namin na isa lang din namang biktima sa nangyari sa nakaraan.
Mga biktima na pinaratangan na mga kriminal.
Napatunayan namin na mga inosente kami ngunit wala ng naniwala at tuluyan ng nasira sa paningin ng lahat ng mga nakakakilala sa amin.
Ang nakaraan ay nakaraan na.
Hindi na maibabalik pa kaya dapat na lang ibaon sa limot.
Pero ang nakaraan na iyon ang dahilan kung bakit ayoko na sanang bumalik pa dito kung hindi lang wala na kaming pagpipilian na uwian pa ni Zandro.
Ang nakaraan na iyon ang dahilan kung bakit talagang isinumpa ko sa sarili ko na hinding-hindi na muling tatapak sa bayan na ito.
"Marga, baka gusto mong puntahan si Mayor Yael? Sigurado akong magugulat iyon kapag nakita ka." Suhestiyon ni Pido sa akin ng iabot ko na sa kanya ang plastic bag na pinaglalagyan ng kanyang mga binili.
Bakit parang walang alam si Pido sa kwento ng pamilya namin ni Yael?
"Hindi na, Pido. Sigurado akong gaya ko ay hindi rin matutuwa si Mayor Yael kapag nagkita kaming dalawa. Narito ako para magtinda at hindi makipagkamustahan sa kahit na sinuman," may halong sarkastiko ang aking tinig.
Magkikita at magkikita rin kami ni Yael dahil maliit lang naman ang bayan na ito para hindi kami magkasalubong isang araw.
"At paalala lang, Pido. Kung ayaw mong ma-badtrip ang Mayor mo ay huwag na huwag mong mababanggit ang pangalan ko sa kanya." Paalala ko pa kay Pido na tila gulong-gulo sa mga sinasabi ko.
"Kung yan ang gusto mo, Marga. Pero gaya ka pa rin pala ng dati, ano? Kakaiba ka pa rin at matapang. Alam kong nawala ang lahat ng meron kayo pero hindi ko sukat akalain na makikita kitang muli bilang isang dishwasher sa isang karinderya, Marga. Hindi naman sa nang-iinsulto ako. Hindi lang talaga ako makapaniwala dahil nga ibang-iba ang pagkakakilala ko pamumuhay mo noong mga bata pa tayo kaya siguro ganito ang reaksyon ko." Paliwanag ni Pido.
Hindi naman makitid ang utak ko para mapikon sa anuman na sinasabi ni Pido.
"Kaya dapat ay makapag move-on ka na. Wala na ang mayamang si Marga na nakilala mo noon at ang Marga na kaharap mo ngayon ay isa na lamang simpleng tao at tindera sa karinderya. At saka ang tagal na rin, Pido. Mahigit dekada na rin akong namumuhay ng mahirap pa sa daga kaya matagal ko na rin natanggap sa aking sarili na kapag hindi ako nagtrabaho ay wala rin akong maiiuwing pagkain sa amin," sabi ko pa kay Pido.