Episode 7

1036 Words
Saktong ala una ng hapon ng makapag-sara na kami ng tindahan ni Aling Juana. Ilang araw na rin naman akong pumpasok sa kanyang karinderya kaya medyo na nagamay ko na ang mga trabaho. Kapag may tirang ulam ay pinapadala na sa amin ni Aling Juana ng walang bayad. Hindi katulad nang nasa lungsod ako na nagtatrabaho na ultimong disposable na kutsara at tinidor ay dapat na bayaran kapag gumamit ka sa karinderya kung saan din ako naging dishwasher. Kahit mainit ang sikat ng araw ay hindi mo naman mararamdaman kahit maglakad ka pa sa daan dahil nga sa mga malalaking puno sa gilid ng kalsada na nagbibigay lilim at siyang nagiging pananggalang sa matinding sikat ng haring araw. Mabuti nga at hanggang ngayon ay buhay ang mga matatandang puno sa paligid na siyang saksi na rin sa pinagdaanan na rin ng bayan ng Guadalupe sa mga nakalipas na taon. Ganito ang naging daily routine ko sa simula ng magtrabaho ako sa karinderya. Alas-kwatro pa lang ng madaling araw ay gising na ako para magluto ng agahan at baon sa school ni Zandro. Pagdating ng ala-sais ng umaga ay maghihiwalay na kami ng daan ng anak ko. Siya patungo sa kanyang eskwelahan at ako naman ay patungo sa palengke na dapat ay bago mag-alas siete y medya ay naroon na ako. Dahil nga kapos kami sa pera ay kailangan kong magtiyaga na maglakad sa halip na mamasahe pa ako sa sasakyan patungo sa palengke. Sanay na rin naman akong maglakad ng maglakad. Tahimik kong binabaybay ang mahaba at diretsong kalsada. Marami na rin namang mga bahay sa aking daraanan kaya walang dapat ipangamba. Mababait naman ang mga tao sa bayan pwera lang sa mga tulisan sa kabundukan na talagang banta magpahanggang ngayon sa katahimikan ng lugar. Sa paglalakad ay laging nakabalot ng mahabang scarf ang ulo ko na siyang nakasanayan ko na rin na isuot simula ng dumating sa buhay ko si Zandro. Kailangan kasi. Kailangan kong bahagyang itago ang aking mukha para na rin sa proteksyon naming mag-ina. "Siguradong gutom na gutom na naman ang anak ko mamaya pag-uwi niya galing sa eskwela kaya paniguradong taob na naman ang kaldero sa kanya," bulong ko sa aking sarili habang nangingiti. Binatilyo na kasi ang anak ko kaya naman mas lumakas na ang kanyang pagkain kumpara dati. Sa totoo lang, nadadagdagan ang kaba sa aking dibdib ngayon na malaki na ang aking anak. Hindi na kasi mapagkakaila ang isang bahagi ng kanyang pagkatao na nais ko na sanang ibaon na sa limot. Pero anong magagawa ko kung wala namang sikretong hindi nabubunyag. Ngunit kung sakaling dumating man ang kinatatakutan kong sandali ay naway maunawaan sana ako ng anak ko. Iyon lang ang panalangin ko. Maunawaan niya sana kung bakit ginawa ko ang bagay na yon. Habang wala ako sa sarili na inaalala ang kahapon ay isang mabilis na sasakyan ang dumaan sa aking gilid patungo rin sa direksyon na aking tinutumbok. Mabuti na lamang at hindi ako nahagip at nakasuot rin ako ng facemask dahil kung sakali ay langhap ko ang alikabok sapagkat hindi pa sementado ang kalsada sa bahagi kung saan ako naglalakad. "Hoy! Hindi national highway itong kalsada kaya mabangga ka sana!" inis na inis kong sigaw dahil muntik na akong matumba talaga sa gilid dahil sa sobrang gulat na rin ng dumaan siya sa gilid ko. "Napaka walang modo! Porke yata nakasakay sa isang mamahaling sasakyan ay akala mo na kung sinong may-ari ng daan! Mabangga ka sanang talipandas ka!" galit na galit ko pang sigaw habang pinapagpagan ang damit kong na alikabukan. "Mawalang-galang na Binibini ngunit sasakyan ng atung alkalde ang dumaan kani-kanina lang," wika sa akin ng isang matandang babae na narinig siguro ang pagsigaw ko. "Ganun po ba? Alkalde lang siya pero kung makapagpatakbo ng sasakyan ay akala mo ay nabili niya ang kalsada at walang pakialam kung may masagasaan sa kanyang nasasakupan! Anong klaseng alkalde na hindi sumusunod sa batas sa pagpapatakbo ng sasakyan! Mabangga sana siya!" asik ko pa. Hindi porke may mataas siyang katungkulan sa lugar na ito ay may karapatan na siyang labagin ang kahit na anong batas sa kanyang nasasakupan. Dapat nga ay siya pa ang manguna sa pagpapakita ng kagandahang asal at pagsunod sa batas dahil ng alkalde siya pero kung umasta ay daig pa ang presidente ng buong bansa sa yabang. Mabangga nga sana para pero huwag matutuluyan. Tipong mabalian sana ng binti ng magtanda. "Mahabaging, Panginoon. Binibini, mag-ingat ka sa iyong mga binibitawan na kataga. Alkalde ng bayang ito ang iyong pinapanalangin na mabangga," saad pa ng matandang babae na napa antanda pa ng hindi oras ng marinig ang mga sinabi ko. "Mawalang-galang na po ngunit hindi po ako natatakot kahit siya pa ang presidente ng bansa. Wala siyang karapatan na maging hari ng kalsada ng dahil lang sa mataas ang kanyang posisyon." Madiin ko pang sabi dahil nakakagalit naman talaga ang mga taong mapang-abuso sa kapwa dahil lang sa kanilang posisyon. Kaya hindi rin umuunlad ang bansang ito sapagkat hindi tama ang mga namumuno. Marami ang tumatakbo sa posisyon upang maging malawak ang kapangyarihan na hawak nila at lalong magkaroon ng lakas ng loob na abusuhin ang mahihina nilang kapwa. Nakakagigil talaga. "Binibini, maaaring nagmamadali ang ating alkalde dahil may kaguluhan na nangyayari o kaya naman ay may emergency na nangangailangan ng kanyang tulong. Kaya naman mas makakabuti na maghinay-hinay ka sa iyong mga salita na lumalabas sa iyong bibig lalo pa at mukhang dayo ka lang sa bayan na ito." Paalala ng matandang babae bago niya pa ako talikuran ang lumakad na patungo sa kanyang munting bahay. Napipilan naman ako at parang nagising sa katotohanan. Maaaring tunay at totoo ang sinabi ng matanda na siyang dahilan ng pagmamadali ng sasakyan kanina ngunit ganun pa man ay muntik akong mahagip. Isipin na lang nila na kung sakaling nahagip ako ng humahagibis na sasakyan at naging malala ang pinsala sa katawan ko. Paano ako ang makakapagtrabaho? Paano kami kakain ng anak ko? Kaya hindi pa rin katanggap-tanggap. Hindi man lang din huminto para humingi ng dispensa o kaya naman ay bumusina. Napakawalang-galang talaga. Alkalde? Hindi ba at ang alkalde ng bayan ng Guadalupe ay Yael ang pangalan na narinig ko lang noong isang araw?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD