Episode 6

1206 Words
Ang hirap maghanap ng trabaho lalo pa at nasa liblib na akong lugar na malayong-malayo sa sibilisasyon. Malaki na rin naman ang pinagbago ng bayan ng Guadalupe ngunit kung ikukumpara sa lungsod kung saan kami nanggaling ni zandro ay talaga namang malayong-malayo. Nagtanong-tanong ako kapag may nakita akong nakapaskil sa tindahan ng wanted tindera. Ngunit sa isang maliit na karinderya ko nagustuhan na pumasok bilang dishwasher at kung day off daw ng cook ay pwede akong mag extra basta marunong din daw akong magluto. Ilang beses na rin akong naging tagahugas ng pinggan at naging tagapaluto sa iba't-ibang karinderya na pinasukan ko sa lungsod ngunit ang sahod ko ngayon ay halos wala man sa kalahati ng araw-araw kong sahod sa lungsod. Ngunit mas maigi na ang ganito kaysa naman nakanganga lang ako sa bahay. Makakaraos din siguro kami ni Zandro. Hindi naman mareklamo ang anak ko sa kung anong mga bagay kahit sa pagkain. Kahit toyo lang ang kanyang ulam ay walang problema sa anak ko. Hindi na ako umuwi ng bahay at nag-umpisa na ako sa trabaho ko. Ang kagandahan lang din ay half day lang ang pasok dahil wala na raw namimili ng lutong ulam o kanin sa hapon. Kung sa lungsod ay walang tulugan ang palengke dito sa Guadalupe ay nagliligpit na raw sila pagsapit ng alas-tres ng hapon at wala na raw dapat na nakabukas na tindahan pagsapit ng pa dapit-hapon dahil hanggang ngayon ay marami pa rin pa lang mga taong labas ang nanggugulo sa mga mamamayan dito. Noon pa man ay problema na ang mga NPA. Hindi ko nga alam kung ano ba ang pinaglalaban ng mga ganung klase ng tao. Lumalaban sa batas at sa gobyerno ngunit perwisyo naman talaga kung maituturing. Ninanakawan ang mga simpleng mamamayan at sapilitan pa kung manghingi na akala mo ba ay mayroon silang mga patago. Nananakit pa sila ng pisikal kapag lumaban sa kanila ang mga ordinaryong tao na pinililit nilang bigyan sila ng kahit na anong makakain sa bundok kung saan sila nagkukuta at nagtatago. Oo, sa likod ng napakagandang tanawin na makikitang nakapalibot sa bayan ay nagkukubli ang isang pangit na dungis. Mga taong lumalaban raw para sa patas at pantay-pantay na pagtingin pero hindi naman nila alam kung ano nga ba ang kanilang mga pinaglalaban. Sila ang hindi patas kung tutuusin. Naalala ko pa noong bata pa ako na may tumambang sa aming sasakyan at nais kaming dukutin ng kapatid ko para ipatubos sa malaking halaga sa mga magulang namin. Nasaan ang patas at pagkapantay-pantay na sinasabi nila? Maituturing silang mga salot na dapat talaga ay inuubos kabundukan para hindi na pamarisan pa ng ibang mas gustong magnakaw sa kapwa para may makain sa halip na magbanat ng buto. "Marga, mabuti at umuwi pa kayo ng anak mo dito sa probinsya gayong nasa lungsod na pala kayo? Marami sa mga kababayan natin ang pangarap na makarating at manirahan sa lungsod dahil nga kung ikukumpara ang pamumuhay natin ay mas maganda raw ang kabuhay doon. Marami raw trabaho na mapapasukan at mataas ang sahod," wika ni Aling Juana na siyang may-ari ng karinderya kung nasaan ako ngayon. Pinunasan ko muna ang mga basa kong kamay dahil hinugasan ko na ang limang plato na ginamit ng mga kumain kanina. "Totoo po ang lahat ng sinabi niyo, Aling Juana. Ngunit malaki rin naman po ang gastusin dahil halos lahat po ay binabayaran. Ultimong malinis na tubig na inumin ay may katumbas na halaga. Kaya wala rin pong kwenta kung malaki man ang sinasahod dahil mataas ang renta ng bahay na inuupahan namin ng anak ko kahit kung tutuusin ay para bang tinabingan lang na kung anong mga pinagtabasan ng yero at plywood ang tinutulugan namin. Mataas din ang presyo ng bilihin lalo na ang pagkain. Dito nga po sa inyo ay nagtataka ako at libre kayong nagdadagdag ng mainit na sabay, doon po sa lungsod ay may extra ng bayad kahit sabaw." Tapat kong sagot dahil iyon naman talaga ang totoo. Walang kahit na anong libre at ang lahat ay may katumbas na halaga. Mula ng mamulat ako sa galawan sa sibilisasyon ay ganun na ang tumatak sa isip ko sa mga nakalipas na panahon na paninirahan ko doon. Noong una nga ay hindi pa ako makapaniwala at lagi pang natutulala ngunit natutunan ko rin ang makibagay at ang sumabay sa agos ng totoong buhay. "Ganun ba? Hindi rin pala maganda kung ganun, ano? Sadyang maganda lang kung pakikinggan ang maraming oportunidad ngunit ganun din pala ang suma total. Dito sa probinsya ay libre ang malinis na hangin at tubig basta masipag ka lang mag-igib sa mga malinis na ilog at mga bukal na galing sa itaas ng bundok." Tumango na lang ako at saka na kinuha ang malinis na tela para punasan ko na ang mga plato na natiktik na sa lagayan nito. "Bago ka ba?" ang narinig kong tanong mula sa isang kadarating lang na customer. Malaki ang pwesto ng karinderya ni Aling Juana ngunit nakabukas lahat at makikita ang lahat ng galaw sa loob kaya makikita talaga ng mga customer kung paano lutuin ang mga ulam at kung paano linisin ang mga ginagamit na plato, baso, kutsara at tinidor. Nakasuot naman ako ng facemask kaya hindi ako nakakatiyak kung namumukhaan ba ako ng lalaking nagtatanong o nagpapansin lang sa akin lalo pa at ngayon niya lang ako nakita. Tumango lang ako at hindi kumibo. "Pasensya na, Miss pero para kasing namumukhaan kita. Taga rito ka ba talaga o isang dayo?" usisa pa ng lalaki na sa tantiya ko ay hindi naman kami nagkakalayo ng edad. "Hay, naku! Pido! Umorder ka na nga kung kakain ka at huwag mo ng interviehin pa itong si Marga dahil may anak na yan at hindi pumapatol sa may asawa at anak na gaya mo!" bulalas ni Aling Juana sa lalaking tinawag niyang Pido na napakamot na lang sa kanyang batok. "Si Aling Juana naman. Para nagtatanong lang dahil ngayon ko lang naman siya nakita pero parang pamilyar nga siya kaya nagtanong ho ako at ano na agad ang inyong paratang. Loyal po ako sa asawa at mga anak ko. Pasensya ka na, Miss at sadyang ganito lang magsalita itong si Aling Juana," sambit sa akin ni Pido na naging pamilyar na nga sa akin ang mukha at pati ang pangalan. Maaaring naging kaklase o naging kalaro ko siya noong aking kabataan pero hindi ko lang matandaan. "Ay, kumain ka na at marami pang darating niyan! Mamaya ay magalit na naman sayo si Mayor Yael at anong oras na ay hindi ka pa nakakabalik sa munisipyo!" Napahinto ako sa pagpupunas ng lababo sa narinig na pangalan na binanggit ni Aling Juana. Mayor Yael? Ang Yael ba na nasa isip ko ngayon at ang Mayor Yael ng bayan na ito ay iisa lang? Gusto ko sanang magtanong pa para malaman ang katotohanan ngunit mas pinili ko na lang ang manahimik. Ano naman ngayon kung siya na nga ang mayor ng bayan ng Guadalupe? Congrats, kung ganun. Kung may isang tao rin ako na ayoko na rin makita pa o makasalubong dito sa lupang sinilangan ko, iyon ay si Mikhael " Yael" Buenavista. Isa siyang kaaway para sa akin. Isang mortal na kaaway mula pa sa nakaraan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD