ALEXANDRIA
Hindi ako mapakali sa aking higaan kaya minabuti ko ang bumangon na lamang. Kanina pa kasi hindi maalis sa isipan ko ang sinabi ni manang na suspect si Gregg sa nangyari kay Clariss.
Hindi pumasok sa isip ko na kaya nitong pumatay sa kalagayan nito. Well, masasabi ko ngang mayaman si Gregg at kaya niyang magbayad ng tao para gawin ang pumaslang ng tao. Pero wala akong nakikitang dahilan para gawin niya iyon sa inosenteng katulad ni Clariss. Ano 'yon, pagkatapos siyang paligayahin ay papatayin na lang niya? Hindi naman siguro gagawa si Gregg ng dahilan para bumalik siya sa bilangguan.
Hanggang ngayon nga ay hindi ko pa rin alam kung ano ang dahilan ng pagkakakulong niya. Kung ano man iyon ay tiyak na pinagsisisihan na niya iyon. Kaya nga siya nakalabas sa bilangguan dahil pinakita niya sa loob na nagbago na siya. Hindi rin naman lahat ng pumapasok sa kulungan ay may kasalanan. Ang iba ay napagbintangan lang sa kasalanang hindi naman nila ginawa. Ang iba ay nakulong dahil may kasalanan talaga.
Simula nang dumating kami kanina ay hindi niya ako kinakausap. Tahimik lamang siya habang hinihilot ko ang binti niya. Hindi ko rin naman magawang kausapin siya dahil baka ayaw muna niya ng kausap.
Gusto ko sana na yayain niya ako na sabay kami kumain pero nadismaya lang ako dahil hindi man lang niya ako pinigilan ng sabihin ko na kakain na ako. Marahil ay iniisip din niya ang sinabi ni manang.
Ang sa akin naman, kung wala siyang ginagawang masama at malinis ang konsensya niya ay wala siyang dapat na ipangamba.
Kinuha ko ang cellphone sa bedside table para tingnan ang oras. Ala una pa lamang ng madaling araw pero gising na gising pa ako samantalang ang mga kasama ko ay nasa kasarapan na ng tulog.
Napansin ko rin na may nagpadala ng mensahe sa 'kin. Ngayon ko na lang kasi nahawakan ang cellphone ko dahil buong araw na ukopado ang isip ko ng sinabi ni manang.
Tiningnan ko kung sino ang nag-text. Napangiti naman ako ng mabasa ko kung kanino galing ang mensahe. Limang messages iyon na iisa lang ang nagmamay-ari. Kahit kailan talaga, pagdating sa text, hindi nagbago si Dustine.
Pinaalala lang niya ang pagkikita namin kanina. Kung ano ang mga sinabi niya kanina ay iyon din ang laman ng text niya.
"Bukas ko na lang sasagutin ang text mo, Dustine," usal ko saka tumayo. Nakaramdam kasi ako ng panunuyo ng lalamunan.
Lumabas na ako ng kuwarto at tinungo ang hagdan. Ngunit hindi pa man ako nakakababa ay nagsalubong ang kilay ko ng makita ko si Cecil na paakyat naman ng hagdan. Natigilan naman ito ng makita ako. Hindi rin mababakas sa mukha niya ang pagkagulat, bagkus, nakataas pa ang isang kilay niya at matapang na sinalubong ang mata ko.
Alanganin akong ngumiti sa harap niya.
Tulad ng dati kapag nagkakasalubong kami ay hindi ko man lang siya makitaan ng ngiti sa labi. Bagkus, tinapunan lang niya ako ng masamang tingin bago ako tinalikuran.
Lalo lang akong napapaisip sa ikinilos ni Cecil dahil kakaiba ang suot niya ngayon. Kung ako ay naka-short o kaya naka-pajama kapag natutulog, siya naman ay nakasuot ng nighties sleepwear na satin ang tela na halos lumuwa na ang dibdib. Sa sobrang iksi ng suot nitong lingerie, kaunting tuwad lang nito ay makikita na ang p********e nito.
No'ng mga nakaraang araw ay hindi ko naman siya nakikitang nagsusuot ng gano'ng pangtulog. O baka hindi ko lang matyempuhan. Pero, ano'ng gagawin niya dito sa taas ng ganitong oras? Nasa ibaba ang kuwarto niya at wala dito sa itaas.
Sinulyapan ko ang nakasarang pintuan ni Gregg.
"Hindi kaya…"
Ipinilig ko ang aking ulo para iwaksi ang pumasok sa isip ko. Imposible dahil hindi nga niya gustong makita at lumapit sa kanya si Cecil.
Nagpakawala na lamang ako ng buntong-hininga saka muling bumalik sa kuwarto. Magdadala na lang ako ng tubig sa kuwarto sa susunod para hindi na rin ako bumababa at kung ano-ano ang mga nakikita at naiisip ko.
Kinabukasan ay maaga akong gumising para labhan ang mga marurumi kong damit at scrub suit. Gusto sana ni manang na siya na ang maglaba pero tumanggi ako. Nakakahiya na pati mga damit ko ay siya pa ang maglalaba.
Hindi rin nmaiwasan na magkasalubong kami ni Cecil lalo na at may ginagawa rin siya sa laundry area. Sa aming dalawa, ako pa yata ang nahihiya dahil umiiwas ako ng tingin sa kanya sa tuwing magkakasalubong kami ng tingin. Gusto ko sana siya kausapin pero minabuti ko na lang ang hindi na magsalita. Sa ugali nito ay tila wala itong pakialam kahit may isipin ang ibang tao sa ugaling ipinapakita nito.
Pagkatapos kong maglaba ay naligo na kaagad ako para pagkagising ni Gregg ay gagawin na namin ang session niya. Ngayon kasi ay sisimulan ko ng ipagamit sa kanya ang Underarm crutches at folding walker.
Pagpasok ko sa kuwarto niya ay nasa kama siya nakaupo. Nakapaligo na rin siya dahil mamasa-masa pa ang buhok niya. Tumutulo pa nga ang tubig sa buhok niya.
Mabuti na lamang at may mga lalaki sa bahay. Tinutulungan ni Mang Joseph at Jestoni si Gregg para dalhin siya sa banyo. Syempre, iiwanan ng mga ito si Gregg sa loob at hihintayin na matapos bago lumabas ng kuwarto at si manang na ang bahala na kumuha ng mga damit niya.
Halos araw-araw gano'n ang routine niya. Kaya hindi ko rin siya masisisi kung mainitin ang ulo niya dahil sa sitwasyon niya ngayon.
Si Gregg kasi ang tipo ng tao na hindi umaasa sa iba. Kung alam naman niyang kaya niya ay hindi siya hihingi ng tulong sa iba. Pero sa kalagayan niya ngayon, kailangan ay parating may nakaalalay sa kanya kahit ayaw niya. Dapat na muna niyang isantabi ang pride niya. Iba ang sitwasyon niya ngayon kaysa noon na hindi pa siya nakatali sa wheelchair.
"Good morning, Sir Gregg," masigla kong bati sa kanya.
In my peripheral vision ay sinulyapan niya ako. Dumiretso ako sa closet niya at kumuha ako ng maliit na towel. Pagbalik ko ay tumayo ako sa gilid niya at pinunasan ang basa niyang buhok. Natigilan pa nga ito sa ginawa ko pero ipinagsawalang bahala ko na lamang iyon.
Napapikit ako dahil nanuot sa ilong ko ang mabangong amoy na nagmumula sa kanya. Tiyak na mamahalin ang sabon na ginamit niya sa katawan dahil sa bango niya.
"Ready ka na ba?" tanong ko habang pinupunasan ang buhok niya.
"What if I can't?" mahinang tugon nito.
"Ang nega n'yo naman. Hindi pa nga tayo nagsisimula, pinanghihinaan na kaagad kayo ng loob. Ikaw lang yata ang ex-convict na kilala kong mahina ang loob," sabi ko at mahinang tumawa.
Hindi ito nagsalita bagkus, tumanaw ito sa balkonahe na animo'y may tinitingnan doon saka nagpakawala ng malalim na buntong-hininga.
"That's why I don't want to try dahil baka mabigo ako. Huling sumubok ako ay nabigo ako, Lexa," mahina nitong wika.
Natigilan naman ako sa sinabi nito. Hindi ko ito masisisi kung nawawalan ito ng pag-asa. Pero hanggat nakakakita ako ng dahilan para magpatuloy ito, hindi ako titigil na palakasin ang loob nito.
"Nakalimutan n'yo na po ba ang sinabi ni doktora na kapag nagpatuloy ang routine n'yo, hindi matatapos ang buwan ay makakapaglakad na kayo," pagpapalakas ko ng loob rito na pinaalala ang huling pag-uusap nito at ni Dr. Ladesma.
Para na namang may naghabulan sa loob ng dibdib ko ng awtomatikong gumawi ang tingin niya sa akin. Kapag-kuwa'y hinawakan niya ang kamay ko na abala sa pagpupunas ng buhok niya. Dahil maliit lang ang towel na hawak ko ay nagkasalubong ang aming mga mata.
Katulad ng nangyari sa opisina ni Dr. Ladesma, nabanaag ko na naman ang kakaibang tingin niya na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mapangalanan.
"And after my recovery, you're leaving, aren't you?" anito na may lungkot sa boses kung tama man ang narinig ko.
Pilit kong pinalis ang kaba sa tanong niyang iyon. Totoo naman ang sinabi niya, kapag tuluyan na siyang nakalakad, iiwanan ko na siya. Iyon naman ang purpose ko, ang iwan na ang naging pasyente ko kapag fully recovered na.
"Pwede naman kitang dalawin. Syempre, hindi ko naman nakakalimutan na ako lang ang nakapag-tiyaga sa ugali mo," biro ko saka tumawa. Ginawa ko lang iyon para maibsan ang kaba sa dibdib ko na labis kong ipinagtataka kung bakit ko ito nararamdaman.
Muli kong itinuloy ang pagpupunas sa buhok niya ngunit pinigilan na niya ako. Lalo lang rumagasa ang kaba sa dibdib ko na hindi niya inaalis ang mga mata sa akin.
Simula sa palapulsuhan ko ay lumipat ang kamay niya sa kamay ko na nakahawak sa towel at dahan-dahan niyang binaba habang nanatiling nakatitig sa akin.
"Lexa, I just want to say-"
"G-Gregg."
Sabay kaming napalingon ng bumukas ang pinto ng kuwarto at bumungad si Manang Trining. Mabilis naman akong lumayo kay Gregg kaya nabitawan niya ang kamay ko.
"N-nariyan na ang mga pulis," nanginginig ang boses na sabi nito.
Dahil sa sinabi ni manang ay kakaibang kaba na ang bumalot sa dibdib ko kumpara kanina. Hindi maalis sa akin na mag-alala para kaya Gregg. Pero naniniwala ako na wala siyang kasalanan. Isa pa, kakausapin lang naman siya ng mga pulis. Hindi naman ibig sabihin niyon ay suspect na talaga siya.
Pagbaba namin sa sala ay may dalawang pulis na naghihintay. Nang makita ng mga ito si Gregg ay tumayo ang dalawa mula sa pagkakaupo sa sofa.
"Good morning, Mr. Benedicto. Pasensya na ho kayo kung naistorbo namin kayo. Hindi na rin ako magpapaligoy-ligoy pa. Nais lang namin na kumuha ng kaunting impormasyon o detalye kung nasaan kayo ng isang araw?" diretsang tanong ni PO1 Roldan Salcedo. Iyon ang pangalan na nakaburda sa kanang bahagi ng dibdib nito.
"What is this all about? Do you think I can kill a woman in this situation?" sarkastikong tanong ni Gregg. Napangiwi naman ako sa naging sagot nito. Sana lang ay sinagot niya ang tanong. Hindi 'yong magtatanong din siya.
Nagkatinginan naman ang dalawang pulis sa sinabi ni Gregg saka muling bumalik ang tingin sa kausap.
"May nakapagsabi kasi sa amin na dito daw nanggaling si Ms. Belmonte bago natagpuan ang katawan niya sa basurahan malapit dito sa subdivision."
"Eh, Mamang Pulis, maghapon po si Sir Gregg sa bahay. Bakit naman siya ang pinaghihinalaan n'yong pumatay kay Clariss? Hindi naman iyon magagawa ni Sir Gregg lalo na at si Clariss ang nagbibigay liga-"
"Bunganga mo, Rhea. Hindi ikaw ang tinatanong," sita ni manang kay Ate Rhea. Tinikom naman ng huli ang bibig.
"Hindi po namin kayo pinagbibintangan, Mr. Benedicto. Gusto lang namin alamin kung nasaan kayo ng araw na pinatay si Ms. Belmonte?"
"Nasa bahay lang ako buong maghapon. Kahapon lang ako lumabas dahil may check up ako," malamig na sagot nito.
"May sinabi ho ba sa inyo si Ms. Belmonte kung saan pa siya pupunta pagkatapos n'ya manggaling dito?"
"She never mentioned," tipid nitong sagot.
Tumango-tango naman ang pulis. Kapag-kuwa'y sa akin naman ito bumaling ng tingin.
"Ikaw, miss, nasa-"
"Are you f*****g serious? Akala ko ba ay ako lang ang tatanungin ninyo? Bakit pati siya ay kailangan n'yo pang tanungin?" maagap na putol ni Gregg sa sasabihin ng pulis. Tila naubusan na ito ng pasensya sa paraan na pagbitaw nito ng salita.
"Umalis ako dahil off ko. Pwede n'yo tawagan ang mga kaibigan ko. Sila ang magpapatunay na pinuntahan ko sila sa ospital. Tatlong oras ang byahe galing dito. Pagkatapos ko silang pasyalan, pumunta ako sa puntod ng mama ko. Doon ako nagtagal. Pwede n'yo i-check ang CCTV. May record ang guard na naka-duty doon. Makikita n'yo kung ano'ng oras ako dumating at umalis," sagot ko sa tanong nito. Alam kong nagtatanong lang ito pero gusto ko na bigyan na sila ng sagot na hindi na sila magtatanong pa.
"Lexa, stop it," may awtoridad na utos ni Gregg pero hindi ko siya pinansin. Tumuwid pa ako ng tayo para ituloy ang paliwanag ko.
"Hapon na ako nakaalis sa sementeryo. Pagkatapos ko doon ay pumunta na ako sa apartment ko para kumuha ng gamit. Gabi na rin ako nakaalis. Pwede n'yo rin tanungin ang mga kapitbahay ko. Alas onse na rin ako nakarating dito dahil sa traffic. Kulang na kulang ang oras ko para pumatay pa ako ng tao." Patuloy ko dahilan na parang dinaanan ng anghel ang paligid ng tapos na ako magsalita. Para pa nga akong hiningal sa mga sinabi kong iyon.
Tumango-tango na lamang ang pulis. Tila nakuntento na ito sa naging sagot ko.
"Kami, Mamang Pulis, hindi mo tatanungin?" singit naman ni Ate Rhea dahilan para sikuhin ito ni manang.
"Hindi na. Maraming salamat sa kooperasyon n'yo, Mr. Benedicto. Salamat sa pagpapaunlak. Aalis na ho kami," paalam nito.
Sinamahan ni Ate Rhea ang dalawang pulis palabas ng bahay habang naiwan kaming tatlo nina manang at Gregg sa sala.
"What are you thinking, Lexa?" baling ni Gregg sa akin.
Nagsalubong naman ang kilay ko sa paraan ng tanong nito. Tila nagalit ito dahil sumagot ako sa tanong ng pulis.
"Bakit? May mali ba sa ginawa ko? Sinagot ko lang naman ang tanong nila," sabi ko na hindi alintana ang pagdilim ng mukha niya.
"Paano kung bumalik sila dito at paghinalaan ka? Sa aming lahat, ikaw lang ang lumabas ng araw na iyon. Paano kung may makita silang butas sa explanation mo? God damn it, Lexa. Hindi ka nag-iisip!"
"Teka nga, masama na ba ang magsabi ng totoo? Kung hindi ako nagsasabi ng totoo, hindi dire-diretso ang paliwanag ko kanina. Kung hindi sila naniniwala, bakit umalis na lang sila ng basta at hindi na nagtanong pa ulit sa akin? At saka, hindi ko kailangan kabahan dahil wala naman akong masamang ginagawa!"
"f**k. Bakit ba palagi ka na lang may rason? Ikaw ang babaeng nakilala kong hindi nauubusan ng dahilan. Hindi ka nagpapatalo. I can't believe this!" anito at tinalikuran na ako.
Kahit nakatalikod na siya sa akin ay inirapan ko pa rin siya. Wala akong nakikitang mali sa ginawa ko. Siya lang itong ginagawang big deal ang pagsagot ko sa pulis.
"May LQ ba manang?" narinig ko na lamang na tanong ni Ate Rhea.