ALEXANDRIA
Napabalikwas ako ng bangon dahil sa narinig kong malalakas at sunod-sunod na katok sa pintuan. Halos gibain ng kung sino man ang nasa labas na kumakatok sa pintuan ang kuwarto ko.
Pupungas-pungas ng mata na umalis ako sa higaan. Humihikab pa ako nang buksan ko ang pintuan. Napangiti naman ako ng makita si Gregg.
"Good morning, Sir Gregg," nakangiti ko pang bati rito na hindi alintana ang madilim niyang mukha. "Good morning, manang." Baling ko kay Manang Trining na nasa likuran ni Gregg.
"Sobra kaming nag-alala sa'yo, Andria. Akala namin ay kung na pa'no ka na. Kanina ka pa namin kinakatok ni Sir Gregg. Kinuha ko na nga itong susi para buksan ang pinto," puno ng pag-aalalang sabi ni manang at pinakita ang susi na hawak.
"Sorry po, napasarap po yata ang tulog ko kaya hindi ko kayo narinig," natatawang sabi ko at binalingan si Gregg na kanina pa hindi maipinta ang mukha.
"Do you think this is a joke, Lexa?" tiim bagang na sabi niya. "We're late!"
Nagsalubong naman ang kilay ko sa sinabi nito. Sinulyapan ko si manang na tila nabahala na sa pagtaas ng boses ni Gregg.
"M-may check up ngayon si Gregg, Andria…" utal na sabi nito.
Sabay ng pagtutop ko sa bibig ay ang panlalaki ng mata ko. Saka lang ako nagising ng tuluyan ng bumalik sa isipan ko ang huli naming pag-uusap ng nagdaang gabi. Pinaalala pala niya sa akin na may check up siya ngayong araw.
"Oh, my! I'm sorry, hindi ko sinasadya," natatarantang sabi ko.
"Hihintayin kita sa sasakyan. And please lang, bilisan mong kumilos!" bulyaw nito at tinalikuran na ako.
Naiwan si Manang Trining sa harap ko. Nawala na ang pag-aalala sa mukha nito bagkus, napapailing at alanganin na lamang itong ngumiti.
"Huwag ka ng maligo. Kilala ko si Gregg, kapag nainip iyon, tiyak na aalis iyon kahit wala ka pa," paliwanag nito.
"Pasensya na manang," sabi ko at tumalikod na.
Nagmamadali akong kumuha ng damit ko. Mabuti na lang at naligo ako ng nagdaang gabi kaya hindi ko na kailangan maligo ngayon.
Sa kamalas-malasan ko pa ay hindi ako nakapaglaba ng scrub suit dahil umalis ako ng off ko. Ang siste ay kailangan kong magsuot ng jeans at t-shirt. Kapag napansin niya na iba ang suot ko ay sasabihin ko na lang na wala na akong maisuot na uniform. Hindi na rin naman siguro niya ako sisitahin dahil nanggaling na rin mismo sa kanya na naaalibadbaran siya sa uniform ko.
Pagkatapos kong magbihis ay natatarantang kinuha ko ang cellphone sa bedside table. Nakagat ko naman ang aking ibabang labi ng makita ko ang ice bag na nakapatong doon. Hindi ko na nagamit iyon dahil sa pagod ko. Nakatulugan ko ang dapat na gagawin ko.
Sinipat ko ang braso ko. Medyo lantad na ang pasa ko at sigurado akong makikita ito ni Gregg. Hindi na ako maaaring magpalit ng mahaba ang manggas dahil baka iwanan na niya ako. Isa pa, sa tingin ko naman ay hindi na niya ito pagtutuunan pa ng pansin dahil sa pagkainis niya sa akin.
Lumabas na ako ng kuwarto at nagmamadaling bumaba ng hagdan. Muntik pa masubsob ang mukha ko sa bintana ng sasakyan dahil sumagi ang sapatos ko sa nakausling bato. Mabuti na lamang at naging maagap ang dalawang kamay ko at naitukod ito sa sasakyan.
Pagpasok ko ay alanganin akong ngumiti sa kanya kahit salubong ang kilay niya at hindi maipinta ang mukha. Hindi ko siya masisisi kung ganito ang reaksyon niya dahil kasalanan ko naman. Dapat pala nag-alarm ako sa cellphone. Pero hindi ko na rin maririnig iyon dahil pagod talaga ang katawamg lupa ko.
Pinaandar na ni Mang Joseph ang sasakyan. Napuno naman ng katahimikan ang loob ng sasakyan habang tinatahak ang daan patungo sa ospital kung saan naroon ang doctor ni Gregg. Malapit lang ang ospital kaya mabilis lang namin mararating.
Hindi ako mapakali sa upuan ko. Gusto ko lang naman na kausapin niya ako kahit alam kung galit siya sa akin.
"Mang Joseph, pwede n'yo ho buksan 'yong stereo? Masyado po kasing tahimik," nakangiti kong suhestyon kay Mang Joseph.
"Eh, ma'am, ayaw po kasi ni Sir Gregg ng maingay sa sasakyan," sagot nito at alanganing tumingin sa akin sa rear-view mirror.
Nawala naman ang ngiti ko sa labi sa sinabi nito. Nagpakawala na lamang ako ng buntong-hininga at nilapat ang likod sa sandalan ng upuan saka pasimpleng sinulyapan ang katabi ko. Seryoso lamang itong nakatingin sa labas mula sa bintana ng sasakyan. Hihintayin ko na lang na kausapin niya ako. Tulad nga ng sabi ni Mang Joseph ay ayaw nito ng maingay sa loob ng sasakyan.
Tinuon ko na lamang ang tingin sa labas. Nagsalubong naman ang kilay ko ng huminto si Mang Joseph kaya sinulyapan ko ito.
"Sir, sa kabila po tayo dadaan," basag ni Mang Joseph sa katahimikan.
"Bakit?" malamig na tanong ni Gregg.
"May mga pulis po kasi. Hindi po tayo pinapadaan," sagot nito.
Sabay pa kami ni Gregg na napatingin sa tinutukoy ni Mang Joseph. May mga pulis nga at mga sibilyan na nakikiusyoso sa gilid ng kalsada. May kung ano'ng tinitingnan ang mga ito kung saan nakatambak ang mga basura.
Base sa reaksyon ng ilang tao ay tila hindi nila nagustuhan ang nakita. Kung ano man ang nakita nila ay tiyak na hindi maganda.
"Sige, doon ka na lang dumaan sa kabila," utos nito.
"Ano kaya 'yon?" bulong ko at umayos ng upo.
"Gusto mo tingnan? Pwede ka naman bumaba," sarkastiko nitong wika dahilan para sulyapan ko ito.
"Sungit," bulong ko at inirapan ito.
Nang marating namin ang ospital ay agad akong bumaba ng sasakyan para kunin ang wheelchair nito. Nabuksan na rin ni Mang Joseph ang pintuan kung saan ito nakaupo. Tinapat ko ang wheelchair sa kaniya at tinulungan ko na rin si Mang Joseph na alalayan siya.
"Thank you, Mang Joseph. Hintayin n'yo na lang po kami dito."
Tinulak ko na ang wheelchair nito at dumiretso kami sa nurse station. Ngumiti naman ang mga ito sa akin. Base na rin sa kislap ng mga mata ng dalawa na nasa information desk ay kakaiba ang tinging ipinupukol ng mga ito sa pasyente ko. Napapailing na lamang ako dahil hindi man lang niya tapunan ng tingin ang mga humahanga sa kanya.
Tinuro sa akin ng isang nurse ang opisina ni Dr. Ladesma. Pagpasok namin ay agad kaming sinalubong ng isang babaeng nakangiti. Sa hinuha ko ay nasa mid-fifties na ito.
"Good morning, Mr. Benedicto," nakangiting bati nito. "And you are?" baling nito sa akin.
"Alexandria po," sagot ko saka nilahad ang kamay sa harap nito.
"Nice meeting you, Alexandria."
"Nice meeting you po."
"Ilang weeks ka na kay Gregg?" anito saka umupo sa swivel chair nito.
"Mahigit isang linggo na po," sagot ko.
Base sa reaksyon nito ay tila nagulat ito sa naging sagot ko. Marahil nagulat din ito dahil ako lang ang nakatagal sa ugali ng pasyente niya.
"Good to hear that, hija. Mukhang may kaya ng magtiis sa ugali ng inaanak ko."
Alanganin na lamang akong ngumiti rito.
Kaya pala iba rin ito makipag-usap kay Gregg dahil inaanak nito ang masungit na lalaking ito.
"So, how's your condition, Gregg?" baling nito sa tahimik na si Gregg. "Hindi mo naman ba pinapahirapan ang bago mong therapist?" natatawang tanong nito.
"Just check me, tita, if there's a progress. Kailangan ko ng makabalik sa kumpanya as soon as possible," bagkus ay sabi nito.
Ngayon alam ko na kung bakit nakikisama na ito sa akin. Determinado na itong makabalik sa kumpanya.
"Okay. Let's do some tests so I can see if anything has changed," anito at tumayo.
Ilang minuto rin tumagal ang test sa kanya. Nakamasid at tinatandaan ko ang ang sinasabi ni doktora. May ilan na ipinagbawal sa kanya ang doctor kaya dapat ay ipaalala ko rin sa kanya iyon. Sinabi rin ni doktora na dapat sa aming dalawa, ako ang masusunod lalo na kung para sa ikabibilis ng pag-galing niya. Pabor naman sa akin iyon dahil may mga ilan akong bilin sa kanya na hindi niya sinusunod. May pagkakataon na sumusunod siya pero kailangan muna namin magtalo bago niya ako sundin.
"Mukhang malaki ang naitulong sa 'yo ng therapist mo, Gregg. You're in a progress now. Ipagpatuloy mo lang ang daily routine mo. Bago matapos ang buwan, I'm sure, nakakapaglakad ka na," tila sigurado ng wika ni Dr. Ladesma.
Well, sana nga magtuloy-tuloy na ang pag-galing niya nang hindi na ako magtagal na pakisamahan at tiisin ang pagiging mainitin ng ulo niya katulad kanina.
"Thank you, Tita Ruth, hindi mo ako sinukuan," sambit ni Gregg.
Umiling-iling naman ito na tila hindi sang-ayon sa sinabi ni Gregg.
"You should be thankful to your personal therapist, Gregg. Siya ang unang-una dapat mong pasalamatan dahil siya ang parati mong kasama. Siya ang nagtatyaga na alagaan ka. Siya ang taga-salo ng init ng ulo mo. Ang parati na nariyan kapag may kailangan ka. Ang tungkulin ko lang dito ay i-check ang progress ng binti mo. Alexandria seems to be an angel sent by God to watch and change you. Kitam, siya lang ang namumukod tanging nakatagal after ng ilang therapist na dumaan sa 'yo." Mahabang litanya nito saka nakangiti akong sinulyapan.
Hindi ko tuloy napigilan ang mahiya sa harap nito kaya naman ay napayuko ako. Ayoko isipin niya na malakas ang bilib ko sa sarili dahil nagawa kong pasunurin si Gregg. Hindi lang niya alam ang pinagdaanan ko sa tuwing susungitan at sisigawan ako ng lalaking ito.
"Hija."
"Yes, po."
Nag-angat ako ng mukha para sulyapan ito.
"Sana huwag mo rin sukuan itong inaanak ko. Walang ibang mag-aalaga riyan maliban kina Manang Trining kung 'di ikaw. Ikaw na ang mag-pasensya sa ugali niya. Kaunting tiis na lang dahil malapit na siyang makalakad. Kapag tuloy-tuloy ang progress ng binti niya ay mabilis na rin matapos ang tungkulin mo sa kan'ya. Thank you dahil natiis mo ang ugali ni Gregg," puno ng sensiredad nitong wika at sinulyapan si Gregg.
Awtomatiko naman akong napatingin sa kaharap ko. Tila nag-unahan naman sa kaba ang puso ko ng magkasalubong ang aming mga mata. May kung ano'ng kakaiba sa titig niya ngunit hindi ko matukoy kung ano iyon. Hindi ko alam kung para saan ang titig niya pero hindi ko iyon matagalan kaya ako na ang unang umiwas.
Bago kami umalis ng opisina ni doktora ay binigay niya sa akin ang Underarm crutches at folding walker na gagamitin ni Gregg para sa araw-araw nitong pag-ensayo maglakad. Mainam raw na sanayin na nito ang maglakad kahit paunti-unti para ma-ehersisyo ang mga buto sa tuhod.
Hinatid ko muna si Gregg sa sasakyan at nagpatulong ako kay Mang Joseph para kunin ang binigay ni doktora. Palabas na kami sa entrance ng may pamilyar na boses ang tumawag sa akin.
"Alex?"
Nilingon ko kung sino iyon at nanlaki ang mata ko ng makita ko kung sino ang humahangos na palapit sa akin.
"Dustine? Ikaw ba 'yan?" hindi makapaniwala kong usal sa lalaking matagal na taon kong hindi nakita.
Huli kaming nagkita ay no'ng grumaduate kami ng college. Pagkatapos no'n ay lumipad na ito patungong London.
"Yeah, it's me. Nagulat ka ba?" kakamot-kamot sa ulo na sabi nito.
"Ma'am, dalhin ko na po ito sa sasakyan," singit ni Mang Joseph sa aming usapan.
"Sige po, susunod din po ako kaagad," sabi ko at muling binalingan si Dustine. "Kailan ka pa dumating? Ang laki na ng pinagbago mo, ah. Lalo kang gumwapo," put ko rito dahilan para tumawa ito.
"You too, Alex. Lalo kang gumanda," pamumuri rin nito.
"Dito ka nagtatrabaho?" tanong ko rito.
"Yes. Almost one month na. Ikaw, saan ka?"
"Sa Gregorio's Hospital ako. Pero ngayon, kinuha akong personal therapist."
Natigilan naman ako sa sinabi kong pangalan ng ospital na pinapasukan ko bago ako maging therapist ni Gregg. May pagkakahawig kasi sa pangalan ni Gregg ang ospital.
Hindi kaya ang pamilya niya ang may-ari ng ospital?
"Kailan ang off mo? Bonding naman tayo minsan. Matagal din akong namalagi sa London kaya na-miss ko ang mga kaklase ko no'ng college," sabi nito saka alanganing ngumiti.
"Katatapos lang ng off ko. Pero sige, next off ko, magkita-kita tayo ng mga kaklase natin," suhestyon ko.
Nakita kong papalapit si Mang Joseph sa amin. Sa reaksyon nito ay tila galit na naman ang amo nito kaya malamang ay pinapasundo na ako.
"Can I get your number, Alex?" tila nahihiya pa nitong wika.
"Sure."
Kinuha nito ang cellphone sa bulsa ng scrab suit nito. Pagkatapos ko sabihin ang number ko ay sakto naman ang paglapit ni Mang Joseph.
"Ma'am, uuwi na raw po tayo."
Muli kong binalingan si Dustine.
"Thank you, Alex. I got it. I will text you after my duty."
"Sige, Dustine. Aalis na ako ha. Natutuwa akong makita kang muli," sabi ko.
"Me too, Alex."
Tinalikuran ko na ito at sabay na namin tinungo ang nakaparadang sasakyan. As usual, madilim ang mukha niya ng makita ko. Hindi ko na lamang ito pinansin dahil baka magkasagutan na naman kaming dalawa.
Kahit gustuhin ko man na magsalita ay pinili ko na lang ang tumahimik sa sulok. Hanggang sa marating namin ang bahay ay tahimik pa rin ito. Nagtaka pa nga ako dahil pinaiwan nito si Mang Joseph sa loob ng sasakyan at pinababa na ako. Hinintay ko na lang na matapos silang mag-usap na dalawa.
Pagkatapos nilang mag-usap ay inalalayan ko na itong maupo sa wheelchair nito.
Hindi pa man kami nakakapasok sa loob ng bahay ay nakita ko si manang at Ate Rhea na palapit sa amin. Puno ng pag-aalalang sinalubong kami ng dalawa.
"Why, manang?" tanong agad ni Gregg. Tila alam na nito na may nais sabihin si Manang Trining.
"G-Gregg, may pumunta kasing mga pulis dito kanina at hinahanap ka. A-ang sabi ko ay check up mo ngayon. Babalik na lang daw sila bukas ng umaga."
Halata sa boses ni manang ang kaba dahil nanginginig ang boses nito.
"Bakit daw?"
"May mga ilang bagay daw silang itatanong sa 'yo tungkol kay Clariss."
"What about her?"
"Natagpuan ang katawan ni Clariss sa basurahan malapit dito sa subdivision, Gregg. Isa ka sa suspect dahil huling punta niya ay dito sa bahay mo."
Clariss?
Siya ba 'yong babaeng nakita kong may milagrong ginagawa sa kuwarto ni Gregg?
Siya pa lang naman kasi ang babaeng nakita ko dito sa bahay ni Gregg.
Sa sinabi rin ni manang ay isa lang ang ibig sabihin, patay na ang babae at si Gregg ang isa sa suspect.
Pero bakit si Gregg ang suspect eh, maghapon itong nasa bahay?
Magagawa ba ng isang hindi makalakad at nakakulong lamang sa wheelchair at kuwarto ang pumatay?