Chapter 7

2621 Words
ALEXANDRIA Dahil off ko ay pinasya ko umalis ng maaga sa bahay at para na rin masulit ko ang araw ng pahinga. Isa pa, para na rin hindi ako abutan ng rush hour sa daan lalo na at commute lang ako. Sa layo ng bahay ni Gregg ay baka gabihin pa ako ng balik. Gusto sana ako ipahatid ni manang kay Mang Joseph pero tumanggi ako. Baka kasi kailanganin nila ito. Hindi ko na rin nagawang magpaalam kay Gregg dahil alam naman niyang aalis ako ngayong araw. Isa pa, sa aga kong umalis ng bahay ay tiyak na nasa kasarapan pa ito ng tulog. Pumasyal muna ako sa mga kasama ko sa trabaho. Nakita pa lang nila ako sa entrance ay sinalubong na nila ako. Ang kaibigan ko namang si Misty ay nakasimangot na lumapit sa akin. Nagtatampo raw ito sa akin dahil hindi ko man lang daw nagawang tawagan siya o i-text. Ang sabi ko naman ay naging abala ako lalo na at kailangan ko pang tiisin ang ugali ng amo ko. Maliban doon ay ayaw ko lang magkwento sa kanya ng tungkol sa nangyayari sa akin sa bahay ni Gregg. Sigurado naman kasi na hindi ako nito titigilan sa kakatanong at baka kung ano na namang kabastusan ang lumabas sa bibig nito. Pagkatapos ng kumustahan ay umalis na ako at binisita ko ang puntod ni mama. Hindi ko na kasi ito mabibisita sa death anniversary nito dahil tiyak na magkikita lang kami ni Kuya Anton. Alam ko na kasi ang kahihinatnan kapag nagkita kaming dalawa. Masasaktan lang ako ng paulit-ulit dahil pilit niyang itatatak sa utak ko na ako ang dahilan kung bakit namatay si mama. Ilang oras din ang nilagi ko sa puntod ni mama. Sa tagal ng usad ng mga sasakyan dahil rush hour na ng umalis ako sa sementeryo ay hapon na ako nakarating sa apartment ko. Kailangan ko kasi magdagdag ng damit na gagamitin ko. Hindi pa man ako nakakalapit sa apartment ay nakita ko na si Kuya Anton na tila hinihintay ang pagdating ko. Nawala sa isip ko na alam niya kung ano'ng araw ang pahinga ko. In-advance ko na nga ang pagdalaw ko kay mama para hindi kami magkita, pero narito naman siya sa harap ng apartment ko. "K-kuya, ano'ng ginagawa mo rito?" tanong ko dahil ni minsan ay hindi naman ako nito pinupuntahan dito dahil madalas sa ospital ito pumupunta kung saan ako naka-duty para lang sisihin ako at ipahiya. "Mabuti naman at natyempuhan kita. Nagpalit ka ba ng number mo?" tiim bagang na tanong nito. "O-oo," sagot ko. Inisang hakbang nito ang kinatatayuan ko at mahigpit akong hinawakan sa braso. Napangiwi naman ako dahil sa pagkakahawak nito ng maghigpit sa braso ko. "K-Kuya Anton, n-nasasaktan ako…" Nahihirapang usal ko. "Huwag mo akong matawag-tawag na kuya dahil hindi kita kapatid. Baka nakakalimutan mo na dahil sa 'yo kaya namatay si mama!" asik nito sa akin. Sa bawat pagkikita naming dalawa ay paulit-ulit niyang sinisisi sa akin ang pagkamatay ni mama. Bata pa ako noon kaya hindi ko alam kung ano ang nangyayari. Nalaman ko na lang pag-gising ko ay patay na si mama at ako ang sinisisi ni Kuya Anton. "K-kuya, ilang beses ko bang sasabihin na hindi ko naman ginusto iyon. A-aksidente ang nangyari. Bata pa ako kaya hindi ko alam kung ano'ng ginagawa ko," paliwanag ko rito kahit ilang beses na niya itong narinig. Ngunit tulad ng dati ay hindi pa rin niya ako pinakikinggan. Umiral pa rin ang galit niya sa akin. "Wala akong pakialam kung bata ka pa. Basta ikaw ang dahilan ng pagkawala ng maaga ni mama. Kaya ako narito dahil ayaw kitang makita sa death anniversary ni mama. Naiintindihan mo ba ako, ha?!" bulyaw nito at mas lalong humigpit ang pagkakahawak sa braso ko. "Kung ayaw mo pala akong makita, sana hindi mo na lang ako pinuntahan dito," katwiran ko. "Tang'na. Namilosopo ka pa. Kung hindi ka nagpalit ng number ay wala ako rito," mariing sambit nito. "H-hindi ako pupunta, kuya. P-promise…" sambit ko at pilit na tinatanggal ang kamay niya sa braso ko. Kulang na lang kasi ay durugin na niya pati ang mga buto ko sa braso. "Tandaan mo, Alexandria, kahit kailan, hindi kita itinuring na kapatid. Isa ka lang sa pagkakasala ni mama. Kung hindi dahil sa 'yo, buo pa sana ang pamilya namin. Itatak mo 'yan sa kukote mo!" puno ng poot na sabi nito at sinundot-sundot ang sintido ko. Kahit ilang beses na niyang sinabi sa akin iyon ay masakit pa rin. Masakit man isipin na ang tinuring kong pamilya ay hindi pa rin ako tanggap. Lahat ng sisi ay binato niya sa akin. Ang nag-iisang tanging naging kakampi ko ay kinuha naman ng maaga sa akin. Marahas niya akong binitawan at nagbabaga ang mata na tinitigan ako. Kapag-kuwa'y dumura malapit sa akin na animo'y isa akong may nakakahawang sakit bago ako tinalikuran. Simula ng bata ako ay gano'n na ang trato niya sa akin. Si Kuya Alfie ang nakatatanda pa naming kapatid ang palagi nagtatanggol sa akin sa tuwing papaluin ako ni Kuya Anton at paulit-ulit na pinapaalala sa akin na isa lamang akong pagkakamali. Kahit pilit na ipinaintidi ni Kuya Alfie at ni mama kay Kuya Anton na wala akong kasalanan sa pagkasira ng pamilya nila ay hindi niya pinakinggan. Pinaniwalaan niya ang gusto niyang paniwalaan. Hanggang sa lumaki ako ay naging manhid na lang ako sa mga masasakit na salita ni Kuya Anton sa akin. Nang makapagtapos ako ng pag-aaral dahil sa tulong na rin ni Kuya Alfie ay nagpasya akong maghanap na kaagad ng trabaho. Hindi rin nasayang ang ilang taon na sakripisyo ni Kuya Alfie sa akin dahil nakapasok agad ako sa isang ospital at nagamit ko ang pinag-aralan ko. Nang sumahod ako ay naghanap kaagad ako ng apartment para na rin makaiwas sa masasakit na salita ni Kuya Anton. Ayaw sanang pumayag ni Kuya Alfie pero pinaintindi ko sa kanya na hanggat nakatira ako sa bahay at nagkikita kami ni Kuya Anton ay paulit-ulit ko lang ipapaalala sa huli ang ginawa ni mama. Hanggang sa dumating din sa punto na pati ang pagkamatay ni Kuya Alfie sa kulungan ay sa akin din niya sinisi. Simula raw kasi ng dumating ako sa buhay nila ay sunod-sunod na kamalasan na ang dumating sa kanilang pamilya. Mabait si Kuya Alfie, ang problema lang ay nadawit ito sa isang gulo na kagagawan ng isang grupo. Nakulong ang lahat na kasama niya ngunit makalipas ang ilang taon ay nakalaya ang mga kasama niya ngunit siya ay pinabayaan na mabulok sa bilangguan. Hanggang sa nakarating sa akin ang balita na pinagtulungan daw bugbugin si Kuya Alfie sa kulungan at hindi nito kinaya ang mga bugbog na tinamo kaya bumigay ang katawan nito. Dahil sa nangyari ay hindi ko maiwasan na magkaroon ng galit sa mga preso. Mas matindi nga lang ang galit ko sa mga taong nakasama niyang nakulong at iniwan na lang na parang basahan sa bilangguan ang kuya ko. Madilim na ng umalis ako ng apartment. Dahil inabutan na naman ako ng rush hour ay mahigit apat na oras ang inabot ko sa byahe. Alas onse na ng gabi ako nakarating sa bahay. Si Manang Trining ang nagbukas ng gate. "Ginabi ka na, Andria," anito at kinuha ang bag na hawak ko. Akma ko sana iyon kukunin ngunit napangiwi ako dahil naramdaman ko ang kirot sa braso ko. "Kumain ka na ba?" "Hindi pa po, eh. May pagkain po ba, manang?" tanong ko. Wala kasi akong ganang kumain kanina ng magkita kami ni Kuya Anton. Ngayon ko lang naramdaman ang pangangalam ng sikmura ko. "Oo naman. Dumiretso ka na doon sa kusina. Hintayin mo ako at ipaghahain kita," anito at tinungo ang hagdan. "Manang, saan n'yo po dadalhin 'yong bag ko? Dito po sa baba ang kuwarto ko, hindi po ba?" tanong ko dahil sa hagdan ito patungo. Lumawak naman ang pagkakangiti nito. "Sa guest room na ang kuwarto mo." "P-po? Pero…" Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko dahil tinalikuran na ako nito. Pinasya ko na lamang na tunguhin ang dining area. Pagdating ko doon ay sabay pa kaming nagulat ni Cecil dahil muntik na kaming magkabanggaan. "Sorry." "Tumingin ka kasi sa dinadaanan mo!" asik nito saka nagmamadaling umalis. Napapailing na lamang ako sa katarayan nito. Pinaglihi yata ito sa sama ng loob. Parati na lang nakasimangot kapag ako ang kaharap. Sinilip ko kung ano ang pagkain na niluto ni manang. Lalo lang akong nagutom dahil isa sa mga paborito ko ang niluto nito. Hindi ko na rin ito hinintay dahil gutom na gutom na talaga ako. Nang may ulam na ako at kanin ay tinungo ko na ang mesa. Pero dahil nakayuko ako at abala sa pagkutkot ng kanin ay hindi ko napansin ang nasa harapan ko. Muntik na akong mapatalon sa gulat ng makita ko siyang seryosong nakatitig hindi kalayuan sa akin. "S-Sir Gregg, kayo po pala. Gabi na, bakit hindi pa kayo natutulog?" tanong ko at naghila ng upuan. Hindi ako nito sinagot kaya muli ko itong sinulyapan. Nakataas na ang isang kilay nito saka pinalapit ang wheelchair sa akin. "Yeah, gabi na. Bakit ngayon ka lang?" malamig na tanong niya. "Traffic kasi. Gabi na rin ako nakaalis ng apartment ko," sagot ko at sinimulan nang kumain. "Sa susunod, ipasusundo na kita." "Hindi naman kailangan. Saka day off ko naman. Hindi ba ako pwedeng umuwi ng gustuhin kong oras?" katwiran ko. Madilim na ang mukha nito ng sulyapan ko. Tila hindi nito nagustuhan ang sinabi ko. "Kapag sinabi kong ipasusundo kita, that's final," maawtoridad niyang wika. "Okay," sagot ko na lamang at nagpatuloy na sa pag-kain. Wala akong panahon na makipagtalo sa kanya dahil gutom ako. Kung hindi ako gutom ay baka hindi pa tapos ang sagutan naming dalawa. Hindi ko na rin siya narinig na nagsalita bagamat ramdam ko pa rin ang presensya niya. "Who did that to you?" basag nito sa katahimikan na ikinatigil ko. Kunot ang noo ng sulyapan ko siya at may kung ano siyang tinitingnan sa braso ko. Sinundan ko ng tingin ang mata niya at sa pasa ko sa braso siya nakatingin. Nagkaroon na pala ng pasa ang ginawa ni Kuya Anton kanina. Ganito ang nangyayari kapag kaunting diin lang sa parte ng katawan ko ay nagkakapasa na ako. Mahirap itago kapag naka-scrub suit ako lalo na kung sa braso ang pasa. Sa kulay ng balat ko ay kitang-kita kaagad ang latay sa braso ko. "Wala iyan. Bumangga lang ako," dahilan ko. Tumayo na ako dahil tapos na akong kumain. Kumuha ako ng tubig sa refrigerator at uminom ng tubig. "Who hurt you, Lexa?" tanong nitong muli dahilan para tumigil ako sa paglagok ng inumin. "Walang nanakit sa 'kin. Kung mayroon man, wala na kayong pakialam doon," malamig kong sagot at saka tinungo ang sink para hugasan ang pinagkainan ko. Tapos na ako kumain pero wala pa rin si Manang Trining. Minabuti ko na lang na madaliin ang paghuhugas ko ng pinggan para maiwasan na rin ang pang-uusisa niya. "Wala ka ng day off next week," anito dahilan para tumigil ako sa ginagawa at nilingon siya. Patalikod na ito kaya mabilis akong humarang sa daan niya. "Bakit? Pwede kitang ireklamo dahil tinanggalan mo ako ng karapatan na makapagpahinga. Hindi mo ba alam ang rights ng mga empleyado?" "I'm not stupid para hindi ko malaman ang sinasabi mo." "Then, tell me kung bakit hindi ako pwede mag-day off?" nauubusan na ng pasensya na tanong ko. "Dito ka na lang sa bahay mag-day off," kalmado ngunit may diin na sabi niya. "What?!" bulalas ko. "Ano'ng gagawin ko rito sa bahay mo? Iikutin buong maghapon at iisa-isahin bilangin ang mga mamahaling kagamitan mo rito sa bahay?!" sarkastiko kong wika saka pagak na tumawa. "Irereklamo kita, Gregg Benedicto. Akala mo ba natutuwa ako na pati pahinga ko pinakikialaman mo? Makakarating ito sa upper management." Pagbabanta ko at tinalikuran na siya. "Do it! Tatanggalan kita ng lisensya kapag ginawa mo 'yan. You don't know what I could do, Alexandria Gomez!" pagbabanta rin nito sa akin. Nagpantig ang tainga ko sa narining kaya binalikan ko siya. "Tinatakot mo ba ako?! Dahil ba ma-pera ka? Oh, wow! Kayang-kaya mo nga palang bayaran ang nasa itaas para tanggalan ako ng lisensya. Then, do it! Hindi ako natatakot. Ano ba naman 'yong magbenta na lang ako ng laman para lang magka-pera. Swerte ng mauuna sa 'kin, sariwa at virgin!" sabi ko at mapang-uyam siyang tinitigan. "Alexandria!" Hindi ako nakahuma ng bigkasin niya ang pangalan ko. Para siyang magulang ko na sinasaway ako sa kalokohan ko. Inirapan ko siya at nagmamadaling tinungo ang kuwarto ko. "Lexa, where are you going?!" tila nauubusan ng pasensya na tanong nito sa akin na ikinalingon ko. Saka ko lang napagtanto na sa guest room na pala ang kuwarto ko. "Sa taas!" sabi ko at patakbong inakyat ang hagdan. Pagpasok ko ay agad kong tinungo ang banyo at naligo. Maghapon ako sa labas kaya amoy pawis na ako at ang lagkit na ng katawan ko. Nang tapos na akong magbihis ay sakto namang may kumatok sa pintuan. Ngunit nang pagbukas ko ay ang seryosong mukha na naman niya ang bumungad sa akin. "Bakit?" nakataas ang isang kilay na mataray kong tanong. "I forgot to tell you that I have check up tomorrow with Dr. Ladesma," anito na titig na titig sa akin. Muntik ko na rin makalimutan. May record ako kung ano'ng araw ang check up niya sa doktor niya. Mabuti na lang ay pinaalala niya sa akin. "Okay," wala kong ganang sagot. Akma ko na sanang isasara ang pintuan ng may inabot siya sa akin. "Get this. Baka isipin ng makakakita sa 'tin bukas ay sinasaktan ko ang therapist ko. Tama na ang isang beses na nakapanakit ako ng babae. Ayaw ko ng maulit iyon," anito saka nag-iwas ng tingin. Nagsalubong ang kilay ko sa huli niyang sinabi. Hindi ako sigurado kung ano'ng pananakit ang ginawa niya sa babae, emotional ba o physical? Wala na akong nagawa kung 'di kunin ang ice bag. Agad naman siyang tumalikod at tinungo ang kuwarto niya. Bago pa siya pumasok sa kuwarto niya ay tinawag ko siya. Pumihit naman siya paharap sa 'kin. "Thank you," nakangiti kong turan. Tumango lamang ito bilang tugon. Pero dahil nawala ang inis ko sa kanya dahil sa ginawa niya ngayon ay naglakad ako palapit sa kanya. Kahit hindi pa tapos ang off ko ay tungkulin ko pa rin na gawin ang trabaho ko. Besides, narito na ako sa bahay niya kaya obligado ako na tulungan siya. "Tulungan na kita," sabi ko at tinulak ang wheelchair niya papasok ng kuwarto. Nang sigurado na ako na komportable na siyang nakahiga ay tinungo ko na ang pintuan. Nilingon ko pa siya bago ako lumabas. Napapangiti na lamang ako habang tinutungo ang kuwarto ko. Napahinto naman ako ng tila may nakita akong pababa ng hagdan ngunit agad din iyon nawala sa paningin ko. Inisip ko na lang na si manang iyon. "Kailangan ko na sigurong magpahinga. Mabagal na si manang maglakad pero ang bilis na niya sa paningin ko," natatawa kong bulong sa sarili saka pumasok na sa kuwarto ko. "What a long day," usal ko pa bago ko pinikit ang aking mga mata. Pakiramdam ko ay marami ang nangyari ngayong araw, nakakapagod. Marahil ay tama nga siya, dito ko na lang sa bahay gugulin ang off ko. Sa byahe pa lang kasi ay kulang na kulang na ang oras ko. Isa pa, kahit sinabi ni Kuya Anton na ayaw niya akong makita, maliit lang ang mundo, may posibilidad na magkikita pa rin kami. Kahit paano'y nakatulong ang utos niya kahit hindi ako sigurado kung concern ba siya sa akin. Magkagayon man ay matutulog akong hindi masama ang loob dahil sa ginawa ng kapatid ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD