-HEILEY-
Lumipas ang isang linggo at nagpatuloy pa rin ang magandang samahan namin ni Jazzfer. Isang linggo ay pinagpahinga ako ni Hyden sa pangbu-bully. Alam kong namamahinga lang siya at anytime ay raratratin na naman niya ako. Humahanap pa siguro ng tiyempo kasi lagi kong kadikit si Jazzfer.
Sa mga oras na madalas kaming magkasama ay naging komportable na ako sa kaniya. Sobrang mabait and friendly niya kaya hindi malayong ma-fall ang sino mang babae sa kaniya.
At hindi ako kasali sa mga babaing iyon dahil wala pa akong karapatan mahulog, bulong ko sa sarili ko.
Madali para sa kaniya ang magkaroon ng maraming kaibigan. Kagaya na lang ngayon, maraming bumabati sa kaniya. Papunta kaming library para mag-research sa assignment namin. Dahil kasama ko si Jazzfer ay parang nadadamay na rin ako sa pagbati ng mga schoolmate namin. Naging kilala na siya agad sa school especially sa mga girls and gays. Malakas ang dating niya sa lahat ng tao dito sa campus. Maski ang mga Teacher ay magiliw sa kaniya. Parang naging instant celebrity agad siya dahil kilala na agad siya ng bawat nakakasalubong namin.
Pero as usual, mas marami pa rin yatang followers ang HYFERTiNSHAUN, ang grupo na kinabibilangan ng tatlong ugok na sina Hyden, Austin at Shaun. Ang grupo na kinababaliwan ng mga babae at bakla dito sa campus. Puwede na sila bumuo ng sing and dance group dahil magagaling ang mga ugok na iyon. Hindi ko sila pinupuri pero peste lang talaga, talented naman talaga ang tatlong iyon. Hindi naman sila kagalingan sa academics pero sobrang cooperative naman sila lalo na kapag may mga school activities sa school. Sila kadalasan ang nagpe-perform sa lahat ng school activities na mayroon sa campus namin at madalas din na Presidente ng class room si Hyden.
Syempre kapag may Presidente, dapat may Bise Presidente rin.
"I nominate Ms. Heiley Santos - Reyes as our Class Vice President!" sigaw ni Austin sabay high five pa sa dalawang kaibigan niya.
Dinugtong pa talaga niya ang apelyido ng halimaw na iyon sa maganda kong pangalan?!
"I closed the nomination for Class Vice President," naghuhumiyaw na sigaw naman ni Shaun.
Kita ko ang nakakalokong ngiti ni Hyden. Pilit pa akong pinatatayo sa harapan para magbigay raw ng speech.
"Ikasal na yan!" dinig kong sigaw ng isa naming kaklase.
"Hindi naman sila bagay. Masyadong pogi si Hyden para kay Heiley."
"May pagka-jologs at tomboy si Heiley. 'Yan ba ang type ni Hyden?"
"Ang cute kaya nilang tingnan, isang Saint Heiley at King Hyden."
"Bakit naman sila naging Saint at King?"
"Saint ang ibig sabihin ng Santos sa Spanish word at King or Royals naman ang meaning ng Reyes."
"Anong konek?"
"Basta bagay talaga sila!"
Mga baliw! Sabihin niyo na ang gusto niyong sabihin. Masahol pa kayo sa bulag. Harap-harapan na nga ako inaasar at pinapahirapan ni Hyden, iyan pa ang tingin niyo? Ano iyon, sadistang pag-ibig? Peste!
Dahil sa nakakabuwisit na bulungan nila na obvious ay dinig na dinig ko naman ay napatakip na lang ako ng mukha. Nagulat na lang ako nang hinawakan ni Hyden ang kamay ko at tinaas ito sa ere. Parang nanalo lang kami sa kakatapos na eleksyon nationwide.
Nasira ang konsentrasyon ko sa pagmumuni-muni nang tapikin ni Jazzfer ang noo ko. "Saan ka na nakarating, Ley?" mahina niyang tawa.
"Huh? Bakit?" Nabigla ako sa pagtapik niya.
"Ang layo na yata ng narating ng imagination mo eh."
"Ah, sorry. Nag-throw back lang ako." Dahilan ko na lang.
Kung malalaman niya lang na si Hyden ang nasa isip ko, magugulat panigurado iyon. Wait. It's not what you think ah. There's no romance between me and Hyden in my imagination. Naalala ko lang iyong mga kalokohan at p*******t niya sa akin.
“Sige sabi mo eh. Um, Ley, punta lang ako sa basketball court ah." Niligpit na niya ang mga nagkalat niyang notebook sa kaniyang bag. Inayos na rin niya ang mga libro na hiniram namin.
"Sige. Kita-kits na lang later." Nginitian ko na lang siya kahit alam kong hindi convincing dahil nangingibabaw pa rin ang pag-aalala ko. Pag-aalala na baka sumulpot na lang ang grupo ni Hyden at magsimula na naman sila ng g**o.
Gusto ko sanang sabihin na "Wait... puwede 'wag ka munang umalis? Baka kasi biglang sumulpot si Hyden eh."
"Sige, Ley, see you later." Ang hilig talaga ni Jazzfer na guluhin ang buhok ko. Peste!
*****
-HYDEN-
Unang kita ko pa lang sa lalaking iyon ay mainit na ang dugo ko sa kaniya, kumukulo pa. Anong karapatan niya na maging kaibigan ang isang Heiley Santos? Walang sino man ang puwedeng lumapit sa kaniya kung 'di ako lang! Ako lang ang may karapatan kay Ley.
Labis akong napapaisip kung ano ang mayroon sa kaniya at naging kaibigan niya agad si Heiley. Matagal ko ng kilala si Ley at ni minsan, hindi ko siya nakitang may kasama sa school kaya ano ang mayroon sa engot na iyon? Kakikilala pa lang ni Ley sa kaniya pero kung magturingan ay parang mag-bestfriend na. This past few days ay parang naging buntot ni Ley si Engot. Lagi silang magkasama, sa canteen, sa classroom, sa basketball court, sa field, sa waiting shed. Ugh! Kahit saan talaga, laging nakabantay si Super Engot kaya naman hindi ako makadiskarte para malapitan siya.
And speaking of Super Engot, nandito rin siya ngayon sa court. Himala! Walang Ley sa paligid.
"Pare, marunong pala siya mag-skate board," narinig kong saad ni Austin.
Oo. Sa galaw at kilos niya, mukhang marunong at expert nga siya sa skateboarding.
"Parang kamukha ng skateboard ni John ang gamit niya ah," bulong sa akin ni Shaun.
Ekseheradong lumipad ang tingin ko kay Shaun. Hindi ko mapaniwalaan ang sinasabi niya. "Tange ka ba? Ikaw ang kumuha niyan sa classroom ng kapatid mo, 'di ba? Ikaw ang nagtago niyan dito sa court. Nakalimutan mo agad?" May sakit na kalimot talaga ito si Shaun.
Parang engot din ito nang tinanguan niya ang sinabi ko. "Ay. Oo nga pala, kinuha ko nga pala iyon kahapon. Hehe." Napakamot na lang sa ilong si Shaun. Mannerism niya iyon sa tuwing nahihiya or napapahiya siya.
Naglakad ako papalapit sa bago naming kaklase. Agad din naman niya kami napansin kaya tumigil siya sa ginagawa niya. Kami lang ang tao sa court kaya hindi naman kami makakaagaw ng atensyon kung sakali lang na gulpihin namin siya ngayon dito.
"Nice moves," bati ko sa kaniya pero hindi siya sumagot. Nanatili lang siyang nakatitig sa akin. Palaban ang mata niya. Mukhang anytime ay handa rin ito sa gulpihan.
"May problema ba?" matapang niyang tanong.
Tinawanan ko lang ang tanong niya. Tumawa rin naman sina Austin at Shaun. "Cool ka lang, p're. Wala tayong magiging problema kung magiging mabait ka sa amin."
Then he kick the tail of skateboard to pick it up. Napatango na lang ako sa ginawa niya.
"Tungkol kay ─" Naputol ang sasabihin ko kay Super Engot nang may marinig akong sumigaw.
"My skateboard!" Napalingon kami sa pinanggalingan ng boses. Tumatakbo si John papalapit sa amin. Si John ay nakababatang kapatid ni Shaun. Tumingin ako kay Jazzfer at sa hawak niyang skateboard. Nasa panig ko ang tadhana. Na-i-imagine ko na ang susunod na mangyayari.
Nang hustong makalapit sa amin si John ay agad nitong binawi kay Jazzfer ang skateboard. "YOU STOLE MY SKATEBOARD!"
Natawa naman ako nang makita ko ang gulat sa mukha ni Jazzfer. Tila hindi niya rin maintindihan ang nangyayari. Of course! Wala naman talaga siyang alam dahil siya si Super Engot.
"W-Wala akong ginagawang masama ah." Sige, ipagtanggol mo ngayon ang sarili mo Super Engot.
"Huling-huli ka na, nagsisinungaling ka pa. Akala ko pa naman good boy ka pero mali pala kami ng pagkakakilala sa iyo!"
Tumingin ako kay Shaun na nakatingin lang sa kapatid niya. Inis siya dito kaya naman pasimple niyang kinuha ang skateboard nito sa classroom at iniwan dito sa court. Suwerteng si Jazzfer ang nakatagpo nito kaya malamang na siya talaga ang pagbibintangan na kumuha nito.
"John! Hindi siya ang kumuha ng skateboard mo."
Napakunot-noo naman ako sa nagsalita. Nakalimutan ko, mayroon nga pala itong epal na kaibigan, si Ysabel. Papalapit sa amin si Ysabel at matalim na titig ang binigay niya kay Shaun. Mukhang may alam si Ysabel na hindi alam ni John.
"Ysa,” tawag ni John sa kaniyang kaibigan.
"Hindi siya ang kumuha ng skateboard mo. Alam ko kung sino ang kumuha at sinisiguro ko sa iyong hindi si Kuya Jazzfer ang kumuha niyan."
Punyemas! Ano ang nangyari sa tadhana?!
Binalingan naman ni John si Jazzfer at humingi ng paumanhin dito. Nagkatinginan naman ang magkapatid at walang paalam na sabay umalis sina John at Ysabel.
"Wooh, muntik na ako ah." Napansin ko ang tagaktak na pawis ni Shaun. Paanong hindi siya pagpapawisan, siya naman talaga ang tunay na kumuha ng skateboard ng kapatid niya. Kapag nakarating pa iyon sa magulang niya, ihanda na niya ang sarili niya.
"Paano ba iyan? Hindi kayo nagtagumpay sa set-up niyo." Napukaw ni Super Engot ang pansin ko sa sinabi niya. Ang taas ng tingin niya sa sarili. Akala mo kung sinong siga na makaasta.
"Suwerte ka lang talaga Mr. Cruz," wika ni Austin.
"Alam mo, wala naman tayo magiging problema kung susunod ka lang sa gusto ko mangyari," wika ko.
"Ano ba ang gusto mo?" tanong niya.
"Layuan mo si Ley."