ABALANG nag aayos ng gamit si Samantha ng araw na iyon. Naghahanda siya dahil uuwi siya bukas sa probinsya upang bisitahin ang mama niya. Matagal tagal na din niyang hindi ito nakikita. Mag iisang taon na rin, dahil naging busy siya sa pag aaral pero kahit naman ganun ay hindi siya nagpapabaya rito. Lagi pa rin niya itong kinakamusta sa telepono at pinadadalhan ng pera pag may sobra siya. Sana ay nasa maayos itong kalagayan. Sana ay hindi na rin ito binububog ng amain niya.
Maya-maya ay tumunog ang cellphone niya hudyat na may nag text sa kanya. Agad naman niya iyong dinampot upang tingnan kung sino ang nagtext sa kanya.
Nang makita niya kung sino iyon ay agad siyang napangiti. Si Jared pala iyon.
From: My Loving Jared
Busy ka ba? Bakit hindi ka nagte-text? Kanina pa ako text ng text sayo hindi ka nagrereply? Hindi mo na ba ako mahal?
Natawa siya habang binabasa ang text nito. Minsan ay hindi niya alam kung maiinis ba o matutuwa sa inaasal nito. Sino bang mag aakala na ang tinaguriang 'Campus Crush' ng school nila ay ganito kakulit. Ito rin ang nag save ng number nito sa phone niya.
Naalala niya pa noong nag-uusap sila, nung nakaraang linggo habang naghahapunan sila sa condo nito. Biglang tumawag si Iñigo sa kanya. At agad naman niya iyong sinagot.
' "Hello Iñigo? Bakit?" Tanong niya rito. Nakita naman niyang napatigil sa pagsubo si Jared.
"Naiwan mo rito sa sasakyan ko yung libro mo. Baka kailanganin mo to. Ihahatid ko na lang sa apartment mo. Nakauwi kana ba?" Tanong ni Iñigo sa kabilang linya.
"Ah wala pa nasa trabaho pa ako, kaya pala parang may kulang sa mga libro ko nasayo pala ang isa. Kukunin ko na lang sa condo mo bukas." Sabi niya rito. Nakita naman niyang kumunot ang noo ni Jared at tumingin sa kanya.
"Pupunta ka sa bahay niya?" Hindi napigilan nitong tanong. Iminwestra niyang huwag itong maingay.
"Sure ka? Malapit na kasi ako sa apartment mo. Pwede naman kitang antayin doon kung gusto mo." Suwestiyon pa nito.
"Naku hindi na. Alam ko namang marami kang ginagawa. Ako na lang ang kukuha sa condo mo bukas bago ako pumasok."
"Sige ikaw ang bahala alam mo naman ang code ng condo ko diba?" Tanong nito sa kanya. Alam niya ang code nito dahil noong minsan na nagpunta sila ni George sa condo nito ay sinabi ni George sa kanya iyon.
"Oo alam ko. Sige Bye." Sabi niya at pinatay na niya ang tawag. 'Away nanaman to.'
"Pupunta ka talaga sa condo ng lalaking yon?" Hindi makapaniwalang sabi ni Jared.
"Oo kailangan ko yung librong nasa kanya." Simpleng sabi niya at saka sumubo.
"Anong libro ba iyon? Bibili na lang ako ng bago, wag mu nang kunin yon, madumi na yon." Sabi nito na nakatingin pa rin sa kanya.
"Tigilan mo ako Jared ng mga bili-bili na iyan ah. Meron akong libro. Hindi ko kailangang bumili." Pagalit na sabi niya rito.
"Hindi bibili tayo. Ayokong pupunta ka pa sa condo niya para lang kunin ang libro na iyon. Mamaya gumagawa lang niya yon ng paraan para makasama ka. Ano siya sinuswerte?"
"Jared kukunin ko lang yung libro ko ang dami mo ng naisip."
"Samantha may gusto sayo yung lalaking yon. Kaya gagawa talaga yun ng paraan para makasama ka." Sabi pa nito.
Tiningnan niya ng masama ito. "Walang gusto sa akin si Iñigo kaibigan ko lang siya. Bakit ba ang init-init ng ulo mo sa kanya?"
"Alam ko ang mga karakas niya. Gawain ko rin yon dati nong nagpapapansin pa lang ako sayo. Bakit ba hindi ka naniniwalang may gusto siya sayo?" Tumayo na ito. Mukhang frustrated na ito.
"Ewan ko sayo. Bahala ka sa buhay mo." Ipinagpatuloy na lang niya ang pagkain dahil alam niyang hindi na naman ito magpapatalo. Pag si Iñigo talaga ang topic nila ay nauuwi sa diskusyon ang usapan nila. Mainit talaga ang dugo ni Jared kay Iñigo sa hindi maipaliwanag na dahilan.
Maya maya ay lumapit ulit ito sa kanya ng tumunog muli ang cellphone niya. Nang akmang dadamputin niya iyon ay naunahan siya ni Jared.
"Nasa tabi ng kama ko ang libro mo." Basa nito sa text marahil ni Iñigo. "Tingnan mo, pinuwesto niya pa sa kama niya ang libro mo. At bakit ang pangalan niya na naka-save sa contacts mo ay Iñigo the pogi? Samantalang iyong sa akin ay Asungot?" Lalong hindi maipinta ang mukha nito.
Napakagat naman siya ng labi. Matagal ng ganon ang pagkaka-save ng pangalan ni Iñigo sa cellphone niya. Hindi na niya naisip baguhin sa pag aakalang wala naman problem don. Pero heto siya ngayon nangungunsumi kay Jared.
Nakita niya na parang may tinipa si Jared sa cellphone niya. Kunot noong napatingin siya rito. Ano kaya ang ginagawa nito sa cellphone niya?
Maya maya ay inabot na nito iyon. "Huwag na huwag mong babaguhin ang pagkaka-save ng pangalan ko sa cellphone mo ah. Badtrip pa din ako." Sabi nito sabay alis sa harap niya at pumasok sa kwarto.
Siya naman ay agad tiningnan ang cellphone niya. Nakita niyang bago na ang pangalan nito sa cellphone niya.
"My Loving Jared?" Basa niya dito. Napailing na lang siya. May saltik nga yata itong boyfriend niya.'
Hindi na niya binago pa ang pangalan nito sa phone niya ay dahil ayaw na niyang makipag diskusyon sa lalaki. Balaha na lang ito sa buhay nito.
Nagtipa siya sa kanyang ceellphone para reply-an ito.
To: My Loving Jared.
May ginagawa ako. Huwag kang istorbo.
Inilapag niya ang cellphone at ipinagpatuloy ang pag aayos ng gamit. Ilang araw lang naman siya sa probinsya dahil ayaw niyang makasama ng matagal ang amain niyang si Matias. Simula kasi nang pakasalan ng mama niya ang amain ay naging kalbaryo na ang buhay nilang mag ina. Sabi ng mama niya ay mabait naman daw ang amain niyang iyon, dati kasi itong doctor pero sa hindi alam na kadahilanan ay nawalan ito ng lisensyang mang gamot. Simula noon ay nag bago na ito. Laging umiinum ng alak at sinasaktan silang mag ina.
Hindi niya alam kung bakit hindi ito mahiwalayan ng mama niya. Kaya siya lang ang lumuwas sa maynila dahil hindi nito maiwan ang amain niya.
Napatingin ulit siya sa cellphone niya ng tumunog iyon. Dinapot niya iyon at binuksan ang message ni Jared sa kanya.
From: My Loving Jared
Wow ang sweet naman ng girlfriend ko. KINIKILIG AKO. Dahil diyan, open your door.
Kumunot naman ang noo niya. Kung ano-ano na naman ang naiisip nitong si Jared. Malamang ay pinagtitripan lang siya nito. Hindi na niya pinansin ang message nito. Mamaya na lang niya tatawagan ito.
Nang matapos ang ginagawa ay naisipan niyang maligo upang mapreskuhan. Tumagal siya ng ilang minuto sa papaligo at ng matapos ay naisipan niya namang mag luto ng makakain. Ngunit kulang pala ang mga sangkap sa kusina niya upang makapagluto. Kaya inayos niya ang sarili upang lumabas at bumili ng mga kailangan niya.
Pagbukas niya ng pinto upang lumabas ay nanlaki ang mga mata niya sa gulat. Dahil ang buong hallway ay puno ng mga iba't ibang bulaklak at nasa gitna non si Jared!