KABANATA 1

1779 Words
ANG PAKIKIPAGSAPALARAN "Ma, huwag kang umiyak, Magiging maayos din ang lahat, ” paniguro ni Irene sa kanyang ina habang nag-iimpake ito ng kanyang maleta. Sa wakas ay natanggap na siya ng isang recruitement agency para magtrabaho sa ibang bansa. Iniwan niya ang kanyang trabaho sa bayan na may isang maliit na suweldo. "Nag-aalala lang ako, anak. Napakalaki ng Taiwan at mag-isa ka lang roon," sabi nito. "Ma, magaling ako. ‘Tsaka andaming pumupunta sa ibang bansa at nagiging matagumpay naman, kaya gayon din ako. Sabi nga, think positive lang, Ma,” pagpapagaan ng loob nito sa ina. Ngunit pinigil niya ang nagbabadyang mga luha. Alam niya kung gaano kalungkot at kahirap ang mag-isa sa ibang bansa. Tumango lamang ang kanyang ina at nagpatuloy sa paglalagay ng kanyang mga gamit sa maleta. "Mama, kapag nakapasok na po ako sa trabaho hindi mo na kailangang manahi, hindi na rin aasa si Papa sa ating sakahan at sisiguraduhin ko pong makatatapos si Lyn sa  pag-aaral," pagkukumbinsi niyang sabi. Gayunpaman, sa kaibuturan ng kanyang puso ay nakakaramdam siya ng takot dahil ito ang unang pagkakaton na malalayo siya sa kanyang pamilya. Si Fiona ay ang nagmamay-ari ng recruitment agency. Ayon dito ay yearly itong umuuwi ng probinsiya upang tulungan ang kanyang mga kababayan. Hindi naman nagdalawang isip na sumama si Irene dahil kababayan nga nila si Fiona. Kung tutuusin ay napakasuwerte pa nga nila na mag-qualify sa dami ng mga aplikante. SAKAY ng private van ni Fiona ay hindi biro ang biniyahe mula Bicol patungong Maynila. Nakakapagod dahil sa haba ng oras na nakaupo sila. Sa sandaling narating nila ang bungad ng Metro Manila ay ramdam ni Irene ang pangangawit ng kanyang balakang.  Sa wakas ay nasilayan din ni Irene ang Metro Manila. Umaga na at kitang-kita niya ang kalangitan na hindi bughaw kagaya nang nasa probinsiya. Ngunit mas matatayog na mga gusali ang kanyang nakikita habang papasok sila sa lungsod. “Ito na ba ang Maynila?” wala sa loob ba usal niya. Pinagmasdan niya ang mga matataong lugar na halos nagsisiksikan at mga nagmamadali. "Malapit na tayo," anunsiyo ni Fiona na nakaupo sa front seat ng van. Hindi mapigilan ni Irene na makaramdam ng kalungkutan. Bukod sa kanya ay may kasama rin siyang dalawa iba pang babae na mas bata sa kanya. Si Mildred na labing-walo at si Rosanna na labing-siyam na taon. Sila ay mga bagong recruit din, na nangangarap ng magandang buhay tulad niya. Pumasok na ang kanilang sinasakyang van sa isang bahay na may malaki at mataas na gate. Pagkatapos ay isa-isa silang bumaba ng sasakyan at nag-inat dahil sa sakit ng kanilang mga balakang. Habang hila ang kani-kanilang maleta ay bigla na lang siyang nalungkot, na-miss niya agad ang kanyang pamilya. "Nasa second floor ang kuwarto ninyo. Magpahinga muna kayo at mamayang hapon ay magkakaroon tayo ng orientation," bilin ni Fiona. "Opo, Ma'am," magkapanabay na sagot nila. NANATILI pa sila ng dalawang araw sa tirahan ni Fiona para sa orientation. Ngunit ang huling araw ng kanilang orientation ay pinag-make-up sila nito at  kinuhanan ng mga litraro. Ang sabi nito ay kakailanganin daw iyon ng kanilang employer sa Taiwan. Ang sabi ni Fiona ay isang electronic company raw ang kanilang mapapasukan. Ngunit nitong mga huling araw ay sinabing umatras daw ang employer nila kung kaya’t ihahanap na lang daw sila ng panibago. Nakaramdam siya ng pag-aalala. Paano kung hindi na sila makahanap ng panibagong employer? Ang pera niya ay nakay Fiona na. Walang sinuman sa kanila ang nagkaroon ng lakas ng loob para tanungin si Fiona sa bagay na iyon. Gusto na sana niyang ikuwento sa kanyang mga kasamahan ang hindi magandang kutob niya tungkol sa kanilang pinasok na trabaho, nang biglang pumasok si Fiona sa silid. "Irene, maghanda ka, makikipagkita ka ngayon sa iyong employer," sabi ni Fiona. Bago pa buksan ni Irene ang kanyang bibig para magtanong ay tumalikod na si Fiona sa silid. Gulat na gulat si Irene, makikilala na niya ngayon ang kanyang bagong boss, biglang napawi ang kanyang hinala. Dali-dali siyang nag-ayos habang pinapanood siya ng dalawa pang kasamahan na hindi maitago sa mga ito ang inggit sa mga mata na sana ay sila ay magkaroon na rin ng employer. Nang maihanda na niya ang kaniyang mga gamit ay lumabas na siya ng pintuan. Nakita niya hinihintay na siya ni Fiona sa living room. Maya-maya pa ay sinusundan na niya si Fiona patungo sa pintuan. Bigla siyang napatigil, “Ma’am Fiona, ano pong klase ng trabaho ito at sino ang aking employer?" tanong niya. Naging matigas si Fiona at pagkatapos ay dahan-dahan itong lumingon sa kanya. "Ngayon mo pa talaga naisip itanong ‘yan, ha, Irene? Heto na nga at makikilala mo na, kaya magpasalamat ka na lang," masungit na sabi nito na ikinagulat niya. Naguluhan siya at hindi alam ang sasabihin. "Nasa labas ang kotse na magdadala sa’yo kay Mr. Tuason na iyong employer." Binigyang diin ni Fiona ang salitang employer. "Bakit hindi naman po mukhang Taiwanese ang pangalan niya, Ma’am? Akala ko po ba Taiwanese ang magiging employer ko?" tanong pa niya. Inikot ni Fiona ang kanyang mga mata. "Hindi nga, pero pabalik-balik siya sa Taiwan. At higit pa ang pagkakataon mo na makapunta sa Taiwan pagkatapos mong pakasalan siya. Nagmamay-ari siya ng maraming negosyo sa iba’t-ibang bahagi ng mundo, kaya hindi lang Taiwan ang mararating mo!" sabi nito. “Ano?” napasinghap siya’t bahagyang napaatras. Ito na nga ‘yong masamang kutob niya. Ang totoo, pangarap niya talaga ang marangyang buhay kasama ang kanyang pamilya. Gusto niyang maiaahon ang mga ito sa kahirapan pero hindi sa ganitong paraan. Hindi niya pinangarap ang makapangasawa ng mayaman dahil lamang sa pera. Naniniwala pa rin siya na wala nang higit na sasaya pa sa pag-aasawa ng taong mahal mo. “Nagsinungaling ka sa’kin…sabi mo po makapagtatrabaho ako abroad?” sumbat niya. “’Ni minsan ay hindi ako nagsinungaling sa’yo o sa pamilya mo. Ang sinabi ko lang ay magkakaroon ka ng oppurtunity na makapagtrabaho abroad. Bakit ayaw mo ba? Ang suwerte mo na nga, ganyan ka pa kung umasta sa harap ko! Alam mo, nagbabalak kasi si Mr. Tuason na pumunta sa Taiwan kasama ng kanyang mapapangasawa after the wedding, at ikaw iyon, Irene. Aba, hindi biro ang trabaho ng isang asawa kaya pagbutihin mo. Sa lahat ng babaeng kasama mo ikaw ang nirekomenda ko dahil ikaw ang pinakamaganda, kaya huwag na huwag mo akong ipapahiya kay Mr. Tuason. Nagkakaintindihan ba tayo, Irene?” mahabang litanya nito. Tila napako siya sa kanyang kinatatayuan at hindi makapagsalita.  “Halika! Hinihintay ka na ng sasakyan.” Hinawakan siya ni Fiona sa braso at dinala sa sasakyan dahilan para hindi na siya nakatanggi pa. “Ma’am Fiona, ayoko po, ibang trabaho na lang,” pakiusap niya. Pero tila wala itong narinig. Nakita niya ang isang lalaking naka-uniporme na nakaupo sa driver seat. “Ma’am, ibang trabaho na lang po,” pag-uulit niya. Lalong gumuhit ang inis sa mukha ni Fiona na tumingin sa kanya. “Ano’ng ibang trabaho, pasalamat ka at hindi ito basta trabaho lang kundi ito na ang pagkakataon na matupad mo ang mga pangarap mo.” Hawak-hawak siya ni Fiona sabay pinapasok na siya nito sa sasakyan at tila wala siyang lakas para tumanggi dahil natatakot siya kay Fiona at sa mga tauhan nito. Isinarado na ni Fiona ang pintuan at awtomatiko siyang napatingin sa driver ng sasakyan. “Ikaw ba si Mr. Tuason?” kinakabahang tanong niya. Ngumisi ito sa kanya, “Hindi, driver lang niya ako.” Ngayon lang naging malinaw kay Irene ang lahat ng mga ginagawa sa kanila ni Fiona. Sa unang araw pa lamang ay tila espesyal ang trato nito sa kanila. Ang spa at iba pang treatments, dental appointments at waxing. Pakiramdam niya ay kakaiba talaga ang lahat ng iyon, dahil kung DH lang naman o sa electronic company sila makakapasok palagay niya hindi naman iyon kailangan. Inilagay na ng driver ang kanyang mga gamit sa gawing likuran ng sasakyan. Halos hindi maigalaw ni Irene ang kanyang katawan sa sobrang pagkabigla. Ilang sandali pa ay nakalabas na sa malaking gate ng bahay ni Fiona ang sasakyan habang si Irene ay halos nakatulala pa rin sa likuran ng sasakyan. Napatingin sa kanya ang lalaki sa rearview mirror. “Siguradong magugustuhan ka ni boss,” sarkastiko nitong ngiti. Mukha pa lang ng driver ay mukhang hindi na mapagkakatiwalaan, ano pa kaya ang sinasabing Mr. Tuason, sa loob-loob niya.   HABANG nagmamaneho sila palayo sa tirahan ni Fiona, dahan-dahang nahimasmasan si Irene. Nag-iisip siya ng paraan kung papaano makatatakas sa kahila-hilakbot na bangungot na ito. Nananalangin siya sa kanyang isipan na huwag naman sanang ipahintulot ang kanyang kinatatakutan. Tila pinakinggan naman ang kanyang dasal nang marahang huminto ang kanilang sinasakyan. Sa isang masukal at maraming mga puno makikita ang isang maliit na portable toilet. Nagmadaling bumaba ang driver. Hindi yata nito napansing hindi naka-locked ang mga pintuan. Kinakabahan man pero mabilis na bumaba si Irene ng van. Ito na ang kanyang pagkakataon para makatakas. Ngunit tila naalala ng driver ang katangahan nito at agad na lumabas ng toilet. Nakita siya nitong nakalabas na ng pintuan. Rumagasa ang kaba sa dibdib niya nang magkasalubong sila nang tingin. “May balak ka pa palang tumakas, ah! Masuwerte ka ,Ma’am, dahil mahaba pa rin ang pasensiya ko sa magiging asawa ni boss.” Akmang tatakbo na siya nang biglang nasa harap na niya agad ang lalaki at kinaladkad siya nito papuntang unahan ng kotse. Binuksan nito ang passenger seat at itinulak siya papasok. “Pakawalan mo ako! Saan mo ako dadalhin! Maawa ka, kuya!” pagmamakaawa niya. Mabilis na pinaandar ng driver ang sasakyan. “Hindi puwede! Sumusunod lang ako sa iniuutos sa’kin kaya kung ako sa’yo, Ma’am, mananahimik na lang ako!” “Ihinto mo ang sasakyan! Palabasin mo ako!” patuloy ang pagsigaw at pag-iyak ni Irene habang hinahampas ang braso ng lalaki. “Itigil mo ‘yan! Huwag mong subukang ubusin ang pasensya ko, Ma’am, binabalaan kita!” sabi ng lalaki. Sa kabila ng babala nito ay patuloy pa rin siya sa pagsigaw at paghampas sa braso nito. Mukhang walang balak itong huminto kung kaya’t tinangka niyang agawin ang manibela. “Ihinto mo sabi!” sabi niyang inaagaw ang manibela. Dahil sa hindi na na-kontrol ng driver ang manibela ay bumangga sila sa malaking puno. Sa lakas ng pagkakabangga ay nagkadurog-durog ang windshield na tumama sa kanyang mukha. Saglit na nawalan nang malay si Irene. Nang dumilat siya ay umuusok na ang sasakyan. Napaubo siya. Kumikirot ang kanyang ulo at buong mukha. Napatingin siya sa kanyang paanan nakita niya ang isang tubong bakal. Wala man siyang lakas ay pinaghahampas niya ang bintana para mabasag ito upang sa ganoon ay makalabas siya.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD