PUMARADA sila sa tapat ng isang gusali. Nagtataka si Irene kung ano ang gagawain nila sa lugar na iyon kaya hindi na niya napigilang magtanong pa.
“A-anong gagawin natin dito?” tanong niya habang binubuksan ni Andrew ang pintuan ng kotse.
“You will know…let’s go my love,” anang lalaki na hinihintay siya na makalabas sa sasakyan. Sumunod siya kay Andrew pero muling hinapit nito ang kanyang kamay at naglakad sila papasok ng gusali.
“Good morning, Mr. Flores! Good morning, ma’am,” ngumiti sa kanila ang staff na sumalubong sa kanila. Tumango lamang ang lalaki at nagtuloy na sila sa loob.
Bumulaga sa kanya ang mga nagagandahang damit na nakasuot sa mannequin. Isa pala itong malaking boutique. “Ano naman kaya ang gagawin namin dito?” sa loob-loob niya.
“Riley, meet Irene, my fiancee,” pakilala nito sa kanya sa babaeng lumapit sa kanila.
“Nice to meet you, Ma’am Irene, or should I say soon to be Mrs. Flores?” Ngumiti lang siya ng tipid wala namn kasi siyang maisip na idugtong sa sinabi nito. Hindi niya alam kung matutuwa ba siya o matatakot. Nakakatakot ang madikit sa apelyidong Flores, hindi niya alam kung hanggang ngayon ay nananaginip pa rin siya.
“Sige na, love, sumama ka sa muna sa kanya. Siya na ang bahala sa’yo para sa isusuot mo bukas,” malambing na sabi ni Andrew sa kanya. Kahit parang musika ito para sa kanyang tainga pero tila may kaakibat na takot ang hatid ng mga katagang iyon sa kanya.
“Isusuot? Bakit?” takang tanong niya.
“Just do what I say,” pinal na sabi nito. Napatango na lamang siya.
“Ma’am, tara na po,” yaya ni Riley sa kanya.
Walang nagawa si Irene kundi ang sumunod kay Riley sa isa pang silid na puno rin ng tila mga mamahaling damit. Pinapili siya nito semi-gown na kulay puti.
“Sige na, Ma’am Irene, pumili ka na ng gusto mo, lahat naman iyan magaganda pero para sa akin mas bagay ang isang ‘to,” itinuro nito ang isang simple pero eleganteng tingnan. Ngiti lang ang tanging tugon niya sa babae.
“Irene na lang itawag mo sa akin ‘di ako sanay ng ma’am,” aniya.
“Baka naman magalit sa akin si Mr. Flores kapag ginawa ko ‘yon.”
Ngumiti lamang siya, “Bakit naman?”
“Iyon kasi ang dapat. Alam mo napakasuwerte mo kay Mr. Flores,” dugtong pa nito.
“Talaga? Matagal mo na bang kakilala si Andrew?” tanong niya para makakuha pa ng impormasyon tungkol sa lalaki.
“Hmm…medyo…noong bagong tayo pa lang niya ang boutique na ito ako na ang kauna-unahang staff dito. Although magkaibigan kami pero hindi ko inile-level ang sarili ko sa kanya, siya pa rin ang boss ko at malaki ang utang na loob ko sa kanya.” Napatango-tango siya. Sa tono ng pananalita ng babae ay mukhang mabait naman si Andrew.
“Ibig mong sabihin siya ang may-ari nito?” manghang tanong niya.
Napakunot-noo ang babae pero ngumiti na rin, “Mukhang hindi pa niya sinasabi sa’yo. Anyway, ‘wag mo na lang banggitin sa kanya na sinabi ko, baka kasi mas gusto niya ilihim sa’yo at sorpresahin ka na lang.”
“Oo nga, bago lang kasi kami magkakilala,” wala sa loob na sabi niya habang tinitingnan ang damit na nakasuot sa mannequin.
“You mean, bagong girlfriend ka lang niya pero pakakasalan ka na niya agad?” pagtataka na tanong ng babae. Napatingin siya rito.
“Never mind, Ma’am Irene, pasensiya na ‘wag mo na lang pansinin ang sinabi ko. Sige na, pili ka na. Marami pang magagandang design bukod diyan,” ani Riley na halatang iniba ang usapan.
Hindi naman siya gaanong nagtagal sa pagpili dahil hindi naman siya pihikan sa damit. Hindi na rin niya inusisa si Riley kung para saan ang puting dress na iyon. Mamaya ay tatanungin na lang niya si Andrew. Mayamaya pa ay pumasok si Andrew at nakatingin ito partikular sa damit na napili niya.
“Iyan na ba ang napili mo?”
“Oo, ito na,” maikli niyang tugon.
“Bagay na bagay sa kanya, sayang dapat pala tinawag kita no’ng sinukat niya, Sir.”
“Ah, no need, makikita ko rin naman ‘yan kapag isinuot na niya,” ani Andrew.
Ayon kay Andrew dapat ay may pupuntahan pa sila, kaya lang masama raw ang pakiramdam nito. Kaya minabuti na lang nitong umuwi sa penthouse.
NANG makabalik sila sa penthouse ay nakikita niya na tila may iniinda ngang masakit si Andrew dahil panay ang hawak nito sa ulo. Pinagmasdan niya ito habang nakaupo sila sa mahabang sofa.
“Ayos ka lang ba?” hindi nakatiis na tanong niya.
“Masakit ang ulo ko,” tugon nito.
“M-masakit pa rin? Inom ka ng paracetamol,” suhestiyon niya. Tumingin sa kanya ang lalaki at inabot ang kanyang kamay ‘tsaka pinisil. Puwede mo ba ako ikuha ng tubig, please?” Tumango-tango naman agad siya at tumayo at nagmadaling kumuha ng tubig. Pagbalik niya ay may hawak-hawak na itong gamot.
“Thank you,” anito na namumungay ang mga mata.
“Para sa sakit ng ulo ba ‘yon? Bakit dalawa, para saan naman ‘yong isa?” usisa niya.
“Huwag mo nang itanong basta gamot ‘yon,” ani Andrew habang nakasandal na nakapikit.
“Para saan nga pala ‘yong damit na binili mo sa akin kanina?” muli niyang tanong.
Muli itong dumilat at nilinga siya, “For our civil wedding tomorrow.”
Nagulat siya dahil hindi niya akalain na ganoon kabilis ang kasal na sinasabi nito.
Wala man lang gaanong preparasyon, bumili lang sila ng damit kanina.
“K-kasal?”
“Oo, kasal. It’s part of our agreement, so you shouldn’t be surprised.”
“Alam na ba ito ng pamilya mo? Hindi mo ba ako ipakikilala muna sa kanila?” tanong niya. Bakit ba niya tinatanong iyon, hindi naman sila normal na nagmamahalan kaya hindi rin normal ang kasal. Hindi nga niya alam kung para saan pa ang kasal, imposible namang mahal siya nito dahil hindi naman niya ito nobyo.
“Don’t you worry, you’ll meet them soon, unahin muna natin ang kasal,” saad nito.
“P-pero…bakit? Naguguluhan talaga ako, Andrew. Sino ka ba talaga at bakit mo ako pakakasalan? Bakit ako pa sa dinami-dami ng mga babae,” tanong niya. Para kasing masyado siyang nahihiwagaan sa pagkatao ng lalaki. Hindi niya lubos maisip na gagawin ito ng matinong mayaman. Parang hindi kapani-paniwala.
“I didn’t force you, ikaw ang lumapit sa akin para humingi ng tulong.”
“Pero…bakit?”
“Bakit?” bahagyang napangiti ang lalaki, “don’t ask me too many whys, because there is only one answer…this is what I want, and you can’t refuse anymore.”
Natahimik siya nang magseryoso ang mukha nito kung kaya’t hindi na siya nagtangkang magtanong pa.
“Sige na, matulog ka na ayokong mapupuyat ka,” anitong hinawakan siya sa kamay at kinintalan ng halik sa noo.
NAKAHIGA na siya pero hindi pa rin maalis sa kanyang isipan ang mga sinabi ni Andrew sa kanya kanina at ang paghalik nito sa kanyang noo.
“Diyos ko, ano pong naghihintay na bukas sa akin, natatakot na talaga ako.” Ipinikit na niya ang kanyang mga mata dahil malalim na ang gabi. Gustuhin man niyang makatulog pero mukhang hindi siya dinadalaw ng antok. Kinuha niya ang kanyang cellphone at binalak niyang tawagan sana ang kanyang kapatid, pero alam niyang natutulog na ito kaya ipagpapabukas na lang niya.