KABANATA 6

1534 Words
HINDI alam ni Irene kung saan sila papunta. Basta ang alam niya ay may pupuntahan sila ni Andrew. Binagtas nila ang ‘di kalayuan central business district na malapit lamang sa mall. Nang maiparada ni Dan ang sasakyan sa parking area ay agad na lumabas si Andrew sa sasakyan at inalalayan pa siya nitong bumaba. Hindi siya binitiwan nito hanggang sa makarating sila sa tapat ng isang remittance center. Saglit na kumalas ito sa pagkakasakop sa kaniyang mga kamay at may dinukot ito mula sa side pocket ng coat nito. May kinuha itong white envelope at iniabot sa kaniya iyon. “Ano ‘to?” takang tanong niya. Tumingin lang sa kanya ang lalaki. “The amount is indicated there, send this to your family so they won’t come looking for you,” anito. Nagulat si Irene pero nakaramdam siya ng saya. Malaking halaga iyon para sa kanyang pamilya. Nag-aalangan man siyang kunin pero napangiti siya. “P-pero…” “Kunin mo na, baka magbago pa isip ko,” ani Andrew. Kinuha na niya ang pera at iginiya pa siya nito papasok sa loob ng remittance center. Napalingon pa si Irene kay Andrew para magpasalamat sana pero nakahakbang na ito palayo sa kanya. Mamaya na lang niya ito pasasalamatan. Nakita niyang umupo ito sa ‘di kalayuang bench na nasa labas ng remittance center at naging abala sa pagtawag sa cellphone nito. Nang matapos ang transaksiyon ay ibinigay na sa kanya ng teller ang kanyang resibo. Nagpasalamat siya at agad na lumabas ng remittance center. Agad niyang pinuntahan ang nakaupong si Andrew na abala sa pakikipag-usap sa cellphone. Napatingin ito sa kaniya. Hindi niya malaman kung ano ang saloobin nito dahil hindi naman ito ngumingiti. “Are you done?” “Oo,” sagot niya, “s-salamat nga pala.” Muli siya nitong hinawakan sa kamay at pumunta na sila sa parking kung saan nakaparada ang kanilang sasakyan. Napatingin siya sa mall. Akala kasi niya ay papasyal sila. “Uuwi na ba tayo?” tanong niya. “Hindi, may pupuntahan pa tayo,” tugon nito. Binuksan nito ang pintuan ng kotse para paunahin siyang sumakay, pagkatapos ay pumasok na rin ito sa loob. Napatingin si Irene sa resibo na hawak niya. Naisip niya kung paano niya mako-contact ang kanyang pamilya samantalang wala naman siyang cellphone. Ang inilagay niya roon na cellphone number ng sender ay ang dating numero niya. Nawala na iyong cellphone na iyon noong kasagsagan na tumatakas siya. Malamang naiwan iyon sa kung saan. Hindi na niya maalala. Napatingin siya kay Andrew para sana sabihin na wala siyang cellphone at kung puwede ay makigamit ng cellphone nito. Ngunit bago pa man siya makapagsalita ay iniabot na sa kanya nito ang isang brand new cellphone. “Heto, gamitin mo, sa’yo na rin ‘yan,” sabi nito. Nagulat si Irene sa kanyang narinig. “T-talaga? Akin na ‘to?” tanong niya. “Kailangan ko pa ba talaga ulitin lahat ng mga sinasabi ko?” sabi nitong hindi naman kakikitaan ng kung anong emosyon sa mukha. “Hindi lang kasi ako makapaniwala. Thank you, ha,” sabi niya. “From now on, lahat ng ibibigay ko sa’yo tatanggapin mo, obligasyon ko ‘yon dahil magiging asawa na kita. At kasama ito sa napagkasunduan natin. You will marry me and I’ll take care of everything including your family.” Bagama’t hindi pa rin niya maunawaan kung ano’ng mayroon sa kanya kung bakit kailangang ganito ang trato nito sa kanya, masaya na rin siya dahil kahit papaano ay naibsan na ang kanyang pangamba. “Sige na Dan,” sabi nito sa driver. Nag-umpisa na ulit mag-drive si Dan. Medyo malayo-layo na ang biniyahe nila nang magsalitang muli si Andrew. “Pakihinto mo diyan sa coffee shop, Dan,” sabi nito kay Dan. “Let’s have some coffee, para mai-set up mo na ang phone mo at makatawag ka sa pamilya mo,” anang lalaki sa kanya. Tumango lang siya sa pagsang-ayon. Nang maiparada na ni Dan ang sasakyan ay lumabas na sila patungong café samantalang si Dan ay naiwan lamang sa ‘di kalayuan. “Si Dan hindi ba siya sasama sa atin?” tanong niya na nalingon pa si Dan. “What for? Driver ko siya at iyon lang ang trabaho niya hindi ang bantayan ang bawat galaw natin,” anang lalaki. Hinawakan nito ang kanyang kamay nang papasok na sila sa pintuan ng café. Ramdam na ramdam niya ang init ng mga palad nito na nakasakop sa kanyang palad. Umupo sila sa pandalawahang table at nag-umpisa na siyang buksan ang cellphone na ibinigay sa kanya ni Andrew. Mabuti na lamang at naalala pa niya ang numero ng kanyang kapatid. Agad niyang idinayal ang numero nito. Napasinghap siya nang may sumagot sa kabilang linya. “Hello! Lyn, ako ‘to si Ate Irene!” garalgal na tinig niya dahilan para mapatingin sa kanya si Andrew na nasa harap lang mismo sa niya. “Ate, ikaw ba talaga ‘yan? Bakit ngayon ka lang? Sobrang nag-alala kami sa’yo, Ate,” ani Lyn na tila nabuhayan ang boses nang marinig siya. “Pakisabi kina Mama at Papa, ayos lang ako at pasensiya na kamo, nawala kasi ang cellphone ko—” Akmang magpapatuloy na sana siya sa pagsasalita pero naalala niyang hindi niya puwedeng sabihin ang nangyari sa kanya. Isa pa, matiim na nakatingin sa kanya si Andrew. “Tama nawala cellphone ko mabuti na lang at kabisado ko numero mo.” “Nasaan ka ngayon, Ate?” “Andito ako sa Maynila. Hindi ako natuloy sa Taiwan dahil…dahil…umurong ang employer na papasukan ko sana,” aniya. Iyon naman talaga ang sinabi ni Fiona sa kanya kaya lang wala na siyang balak na sabihin pa na naloko siya ng kanyang employer at tinangka pa siyang ibenta. Ayaw na niyang mag-alala pa ang mga ito. “Gano’n ba, Ate?” “Teka, pakausap nga kay Mama,” aniya. Ibinigay ni Lyn ang cellphone sa mama nila. “Ma, kumusta po?” garalgal na tinig ni Irene. “Mabuti naman, anak. Ikaw ba kumusta ka na? Bakit ‘antagal mong hindi nakatawag sa amin? Nag-alala kami ng husto sa’yo. Ang tatay mo nga nagkasakit na kakaisip sa’yo, sinisisi niya ang kanyang sarili kung bakit pinayagan ka pang umalis. Uwi ka na lang, ‘nak.” Lalong nangilid ang kanyang mga luha sa narinig. Mas lalong mag-aalala ang kanyang mga magulang kapag sinabi niya ang mga nangyari sa kanya. Humigit muna siya ng malalim na hininga bago muling nagsalita. “Mama, ayos lang po ako. Pasensya na, nawala kasi ang cellphone ko kaya hindi ako nakatawag sa inyo. Ngayon lang kasi ako nakabili ng bago. Pasensya na po, Ma, hindi po ako natuloy ng Taiwan, umurong daw po ang employer ko, kaya naghanap na lang po ako ng ibang trabaho,” pagsisinungaling niya. “Mabuti nga at hindi ka natuloy sa abroad kundi mag-aalala kami lalo sa’yo. Ayos ka lang ba talaga, anak? Kasi kung nahihirapan ka diyan umuwi ka na, mabubuhay naman tayo rito,” anang kanyang ina na nahihimigan pa rin niya ang pag-aalala sa tinig nito. “Huwag po kayong mag-alala, Ma, ayos na ayos na po ako ngayon, may trabaho na po ako. Nagpadala na nga po ako sa inyo at puwede niyo na pong kunin ngayon,” aniya. “Talaga, anak?” bakas niya ang tuwa sa tinig nito. “Opo, Ma. Nai-text ko na rin po ang reference number kay Lyn.” “Anak, salamat, ah. Malaking tulong ito sa’min.” Napalunok siya sa pinipigil na pag-iyak sa harap ni Andrew. “Bili po kayo ng masasarap na pagkain, ha. ‘Tsaka si Papa pagaling siya kamo. Nasaan po ba siya, Ma?” “Nasa bukid ang papa mo, ‘nak, nanguha ng mga gulayin. ‘Nak, salamat ulit, ha? Lyn, sige na mag-ayos ka na at kukunin na natin ang pera ngayon,” narinig pa niya sabi nito kay Lyn. Napangiti siya. Kahit papaano ay napasaya niya ang kanyang pamilya. “Teka, ‘nak, kailan mo ba balak umuwi?” “Ma, matagal pa po, kapapasok ko lang po sa bagong trabaho kaya hindi puwede,” pagsisinungaling ulit niya.” Napatingin siya sa mga mata ni Andrew na matamang nakatingin sa kanya at nakikinig sa kanilang pinag-uusapan. Tumikhim ito hudyat na tapusin na niya ang pakikipag-usap sa mga ito. “Ma, sige na po kasi kailangan ko na pong bumalik sa trabaho, eh.” “O sige, ‘nak, baka mapagalitan ka pa ng amo mo.” “Bye, Ma! Ingat po kayo d’yan.” Nang maibaba niya ang tawag ay agad na kinuha ni Andrew ang kanyang cellphone. Napatingin lang siya sa lalaki, he started tapping expertly on the screen. Hindi niya maikakaila sa sarili ang nabubuong paghanga niya sa lalaki habang pinagmamasdan niya ito wearing tight white shirt over his broad shoulders. She realized her fear dissipated rather quickly. “You are free to call me anytime with this phone but it will not call an unregistered phone number from now on,” ani Andrew na ibinalik na ang cellphone niya. Tiningnan niya iyon at isang numero lang ang nakalista sa kanyang contacts at iyon ay ang nangangalang, husband.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD