HABANG nasa ladies room si Irene ay hindi niya mapigilang mapaiyak sa kaniyang sinapit. Alam niyang ito na iyong suwerte na kaniyang hinihintay pero hindi niya alam kung anong bukas ang naghihintay sa kanya sa piling ni Andrew.
Habang buhay siyang mabibilanggo sa kasal na walang pagmamahal.
Tumingin siya sa salamin at pilit na kinalma ang sarili. Para ito sa aking pamilya, pinahid niya ang kaniyang luha. Kailangan niyang gawin ito dahil ito lang ang paraan, wala nang iba. Mabuti na lang at waterproof ang make-up na inilagay sa kanya nina May at Clara.
Hindi niya lubos maisip kung bakit sa dinami-dami ng mga babae sa paligid, bakit siya pa ang pinili ni Mr. Flores? Gagawin lang ba siya nitong trophy wife? Iyon ba ang kaniyang magiging papel. Pero bakit? Bakit hindi na lang pumili ni Mr. Flores mula sa mga kababaihang nagmula sa high class society? Nakaramdam siya ng takot na maaring may iba pa itong dahilan. Nagtataka siya sakaling may makakita sa kanya na kasama ni Mr. Flores. Ano na lang kaya ang sasabihin ng mga ito? Puwede naman sana siyang tumakas, pero saan naman siya pupunta? Wala siyang pera at wala rin siyang kakilala maliban kay Fiona na pinagtataguan din niya. Ang mas ikinatatakot pa niya ay baka makita siya ni Fiona at ibalik siya kay Mr. Tuason. Hindi niya papayagang mangyari iyon.
Pagkatapos niyang mag-ayos ay lumabas na siya sa ladies room at bumalik na sa dining room kung saan naroon si Andrew. Nakita niyang may kausap ito sa cellphone na agad namang tinapos nito nang makitang papalapit siya.
“What took you so long? Are you alright?” nahimigan niya ang pag-aalala sa tinig nito ngunit tiningnan lamang niya ito.
“Ayos lang ako,” sagot niya. Ano pa nga ba ang magagawa niya. Kahit hindi siya maayos ay sasabihin niyang mabuti. Isang kasal sa isang guwapong estranghero na hindi niya alam kung ano ang motibo. Mahirap paniwalaan pero mabuti na ito kung ang kapalit naman ay maayos na buhay para sa kaniyang pamilya.
“Let’s eat,” sabi nito sa kanya.
“Okay,” ang tanging tugon niya.
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin tapos ang party sa ibabang bahagi ng nasabing restaurant. Mas lalo niya nakita ang kaguwapuhan ng lalaki nang tinanggal nito ang mask.
May taglay itong maamong mukha, makakapal ang mga kilay na bumagay sa malamlam nitong mga mata. May katangusan din ang ilong nito na bumagay sa makinis nitong mukha. Napalunok siya nang mapadako ang paningin niya sa mapupula nitong mga labi. Hindi sa pinagpapantasyahan niya ito kundi nagtataka siya kung paano ang ganitong klaseng kaguwapong lalaki ay aalukin siya ng kasal. Hindi ba ito nasisiraan? sa loob-loob niya.
Tumikhim si Andrew sabay napatingin sa kanya kaya nilihis niya ang tingin at itinuon sa kanyang pagkain. Masasarap ang pagkain pero parang hindi niya ma-enjoy ang lasa dahil sa kabang nararamdaman niya.
Nang matapos silang kumain ay iginiya siya nito sa likod ng nasabing restaurant upang puntahan ang sasakyan nitong nakaparada. Malayo pa lang ay natanaw na ni Irene si Dan na nakatayo sa pintuan ng isang magarang kotse para sila ay pagbuksan.
“Teka, saan tayo pupunta?” tanong niya sa lalaki. Panibagong kaba na naman ang kanyang naramdaman habang naglalakad sila.
“I’m bringing you home, my love,” malambing na sagot nito.
Love? Bago sa kaniyang pandinig iyon. Ngayon lang sila nagkita tapos tinawag na agad siyang ‘love’? Napatingin siya kay Dan na tipid lang na ngiti ang itinugon sa kanya.
Walang nagawa si Irene kundi ang sumakay sa kotse ni Andrew. Magkatabi sila ni Andrew sa gitnang bahagi ng sasakyan. Kung kaya’t amoy na amoy niya ang pabango nito. Habang lulan ng sasakyan ay kung anu-ano ang naiisip niya.
Naisip niyang baka malungkot at broken-hearted itong si Andrew para makapagdesisyon ng ganoon o baka naman isang mapanganib na tao itong kasama niya.
Nakaramdam ng lungkot si Irene nang bumalik sila sa isang bakanteng penthouse.
"Nasaan sina Clara at May?" hindi sinasadyang binitawan ang kanyang tanong.
“Brent just hired them until you fully recover from your surgery,” kaswal na niluwagan ni Andrew ang kanyang kurbata dahilan para bumilis ang t***k ng puso niya. Naupo si Irene sa couch na sinusubukang pakalmahin ang sarili sa pag-aakalang ito na ang gabing aangkinin siya ng lalaki. Napalunok siya at napatingin muli sa paligid. Sa lahat ng mga karangyaan sa paligid niya ay kailangan niyang magbayad nang may sariling dignidad.
Tumayo si Andrew mula sa pagkakaupo sa sofa at tinungo ang isang silid. Tila nakahinga ng maluwag si Irene. Papasok na sana si Andrew sa kanyang kuwarto nang mapansin siya nitong nakaupo pa sa sofa. Muling lumapit ito sa kanya at tila mapapaatras siya. Itinuro lang pala nito ang pintuan ng kuwarto sa tapat ng hallway.
“’Di ba iyan ang kuwarto mo, love?” sabi nito. Napatango lang siya habang nakatingin sa lalaki.
“Sige na, magpahinga ka na,” sabi nito.
“O-okay..” agad siyang tumayo at tinungo ang pintuan ng nasabing kuwarto.
“Wait…” sinundan siya nito.
Sinalubong niya ang tingin ni Andrew at naramdaman niya ang mahinang kabog sa kanyang dibdib. Bahagyang inilapit nito ang mukha sa kanya ay inangat ang kanyang mukha dahilan para magkasalubong sila ng tingin. Naramdaman ang mainit nitong hininga. Sa sobrang lapit niya ay napalunok siya.
“A-andrew..”
“Good night, love,” malambing na sabi nito. Pagkuwa’y pinihit nito ang seradura sa likod niya at iginiya siya papasok.
“G-good night din,” tugon niya. Pinapasok siya nito sa kuwarto at marahang isinara iyon ng lalaki. Parang mapapatalon si Irene sa sobrang kaba niya.
Buong gabi na halos hindi nakatulog si Irene. Pakiramdam niya ay gising ang kaniyang diwa magdamag dahil sa kaiisip ng kaniyang sitwasyon kasama si Andrew.
Nang tumingin siya sa glass window ay mataas na ang araw, ibig sabihin pala ay nakatulog siya nitong umaga na. Parang nasanay siya na si Clara o si May ang nagbubukas ng kaniyang kurtina. Pero ngayon ay wala na. Naalala niya ang sinabi ni Andrew kagabi na hindi na pala babalik ang dalawa sa penthouse. Kaya silang dalawa na lang ni Andrew ang tao rito.
Agad siyang bumangon. Kailangan pala niya magluto para sa kanilang almusal. Baka magalit sa kanya si Andrew. Agad niyang tinungo ang banyo sa loob mismo ng kanyang silid at nag-ayos muna ng sarili bago lumabas. Ayaw rin kasi niyang makita siya ni Andrew na hindi maayos, baka mainis ito sa kanya.
Kung wala na siyang magagawa para takasan si Andrew, kailangan na lang niya umayon sa kapalaran niya. Ipagluluto na lang niya ito at pagsisilbihan.
Agad na tinungo niya ang kusina at nagluto na ng almusal.
Mayamaya pa nang malapit na siyang matapos sa pagluluto ay siya namang paglabas ni Andrew sa silid nito.
“Good morning! What are you doing?” nakangiting bungad sa kanya ni Andrew.
“Ah, nagluluto lang ako ng almusal natin,” bahagyang nakangiti na tugon niya.
Hinila ni Irene ang upuan upang makaupo si Andrew, pagkatapos ay inilapag na niya ang breakfast sa mesa. Toasted bread, ham, ‘tska itlog lang ang kaya niyang lutuin sa ngayon. Pero pag-aaralan niya ang lahat para matuwa sa kanya ang lalaki. Ipinagtimpla rin niya ito ng kape, napangiti naman at nagpasalamat ito sa kanya. Kung titingnan ay para talaga silang normal couple na nagmamahalan, pero hindi pa rin maalis sa kaniyang isipan kung hanggang kailan ba ang ganitong uri ng kalokohan at pagkukunwari.
“After this we’re going out, okay?” Andrew sipped his coffee.
“Saan tayo pupunta?” tanong niya nang matapos na sila sa pagkain.
“Somewhere,” Andrew shrugged.
“Pero-” Kinuha na ni Irene ang kanilang pinagkainan at tumungo sa sink.
“It’s a surprise,” maikling tugon nito. Hindi na siya nag-abalang alamin baka mainis lang ito sa kanya. Siguro naman kung magiging mabait siya ay magiging maayos din ang lahat sa kanila.