Chapter 2
Dasha
NAKAPASOK ako sa bahay ng mga Ferrer. Dream come true na talaga ito para sa akin. Ikaw ba naman ang mabigyan ng pagkakataon na makapasok sa bahay ng crush mo `di ba? Para akong lumulutang sa kalangitan. Hindi ko in-expect na mangyayari ito.
UNA dinala nila ako sa parang basement yata nila. Madilim sa parteng iyon ng bahay nila.
"Aykabayonghindipatuli!" naisigaw ko nang may bigla akong naapakan. Isa iyong kalansay na nakatuwad. Nanlamig ang katawan ko sa nangyari. "Huwag kang mag-alala, Dasha. Isa lamang iyong palamuti," sabi ng mama ni Greco.
"G-ganoon po ba?" nanginginig na tanong ko. Tango lamang ang naging sagot niya. Nagpatuloy kami sa paglilibot. This time, sa silid-aklatan naman nila ako dinala.
"Dito nagbabasa ng libro si Alpha Greco," paliwanag naman ng maid yata nila.
Napanguso na lang ako. Malamang nagbabasa si Greco dito. Library `to, eh. Magulat na lang sila kung dito tumae si Greco, ano!
"Ano po ang binabasa ni Greco? What genre specifically?" tanong ko.
"Mahilig `yon sa mga SPG." Ang maid na ang sumagot. Paano kaya niya nalaman? Is she also a stalker of mylabs?
"Paano po ninyo nalaman?" I asked her. Mukhang interesado rin malaman ng mama ni Greco kung paano. Mas idinikit kasi nito ang mukha sa maid nila.
"Wala lang. Hula-hula ko lang. Mahilig naman talagang magbasa ng mga erotic stories ang mga kabataan ngayon. So, I believe na nagbabasa nga ng SPG si Alpha Greco," paliwanag naman ng maid nila
DINALA naman ako ng mama ni Greco at ng maid nila sa sala. Inilibot ko ang aking mata sa buong bahay. Nakakatakot talaga ang desinyo ng bahay nila; may mga kalansay na naka-split sa gilid at may mga kabaong din na kulay pula. Pinaghahandaan ba nila ang kamatayan nila kaya may nakahandang kabaong na agad? Masasabi ko ring napaka-fashionista nila. May flower na design pa kasi `yong isang kabaong.
Ang weird lang.
"Taga saan ka nga pala, hija?" tanong ni future mother in law. Kung titingnan parang mas dalaga pa nga siyang tingnan kaysa sa akin. Makinis ang balat niya. Ano kaya ang gamit niyang sabon? Gumagamit din kaya siya ng Glutathione?
"Sa Baranggay Bulag, `Di makakita Street po," sagot ko.
Tiningnan niya naman ako na parang nagtataka.
"Seryoso ba `yan?" tanong niya. Saglit pa itong napahinto sa paglalakad.
"Opo. Iyon po talaga ang pangalan ng lugar namin."
"Ah, I see. Kuwentuhan mo naman ako tungkol sa buhay mo," nakangiting pagpapakuwento niya sa akin.
Akala ko talaga masungit siya o `di kaya'y strikto pero hindi pala. Sabi nga nila, "Don't judge a book by its cover."
"Ay, cge po!" masiglang pagpayag ko.
"Umupo muna tayo sa sofa," nakangiting wika niya. Palangiti ang mommy ni Greco pero bakit si Greco, parang pinagsakluban ng langit at lupa?
"Wala naman pong exciting sa kuwento ng buhay ko. Isa na po akong ulila, nag-aaral po ako sa umaga at nagta-trabaho sa gabi. Namatay po ang mama at papa ko sa aksidente noong baby pa lang daw ako sabi ng tiya ko. Umalis din po ako sa poder ng tiya ko dahil minamaltrato nila ako. Kaya kailangan kong magbanat ng buto para mabuhay."
"You're such a brave woman, Dash." Niyakap ako ni Mom. Pero bakit ang lamig niya? Parang yumayakap lang tuloy ako sa yelo. Galing ba siya sa refrigerator nila?
"From now on, call me, Mom. Magtatampo ako kapag hindi mo ako tinawag na mom," nakapout na sabi niya.
Ay! Bet ko ang ganitong side ng mommy ni Greco. May ka-sweet-an naman pala siyang itinatago. Sana may ganoon din si Greco mylabs, `noh? Umaasa ako na balang-araw ay mamahalin niya rin ako at magiging sweet din siya.
"Oh, Greco, nandito nga pala si Dasha." Napatingin naman ako sa tinitingnan ni Mom. Kakalabas lang ni mylabs sa isang kwarto. Gulo-gulo pa ang buhok niya. Kakagising niya lang yata.
"Hi, Greco mylabs!" magiliw na pagbati ko sa kanya. Napatayo pa ako n'on saka inamoy-amoy ko pa ang bunganga ko. Buti na lang at amoy V-Fresh pa rin ito.
Hindi man lang siya nagsalita. Napakunot ang noo niya. Guwapo pa rin naman siya kahit ganoon.
"Greco mylabs, pinuntahan kita rito kasi namimiss na kita. Kahit one day ka lang na `di pumasok feeling ko ay one year na," pagpapaliwanag ko.
Wala pa rin siyang sinabi. Na-speechless siguro sa beauty ko.
Sanay naman ako, eh. Ganyan na `yan sa school. Wala `yang kinakausap kahit sino. Hindi naman siya bad breath. Mahal lang yata talaga ang bawat salita na lalabas sa bibig niya.
"Mom," tanging nasabi niya lang.
"What? Wala akong alam diyan," sabi ni mommy na para bang inosente.
Pasimpleng kinindatan pa ako ni mom. So, tinutulungan ba ako ni Mom kay my labs?
"Honey." Napalingon ako sa lalaking tumawag ng 'honey' kay mom.
Hula ko talaga future father in law ko siya, eh. May awra itong nakakatakot.
Mukhang dito namana ni Grecomylabs ang kasungitan niya, ah.
Pababa ito ng hagdan. Kamukhang-kamukha niya talaga si mylabs.
Agad namang tumakbo si mom sa lalaki at hinalikan ito sa lips.Nakita ko ang pagguhit ng ngiti sa mga labi ng lalaki. "Greyo, Honey, si Dasha nga pala, manliligaw ni Greco."
Namula naman daw ako ng dahil sa description ni Mom sa akin. Nakakahiya man itong aminin, pero ako talaga ang naliligaw imbes na si Greco. Ayaw ko na kasi siyang mahirapan sa panliligaw.
"H-hello po," bati ko sa papa ni Greco.
Waaah! Nakakatakot pala talaga silang mag-ama.
"Can you cook?" tanong nito. Nananatiling naka-poker face pa rin ito.
`Pag nakita mo talaga si daddy Greyo matatakot ka sa kanya dahil napaka-intimidating ng aura niya. Para siyang robot na walang feelings.
"Aym opo! Ano po'ng gusto ninyo? Menudo, adobo, caldereta, tinola, chiken curry o asado?" tanong ko.
"Anything," sagot niya.
"Mom, nasaan po ang kusina ninyo?" tanong ko.
"Tara samahan na kita, baby," nakangiting sabi niya.
Patalon-talon kaming nagtungo sa kanilang kusina.
"Alam mo, baby, dinuguan ang favorite food ni Greco."
"Talaga po?"
"Yes, baby."
"Mom, salamat, ah," madamdaming pasasalamat ko.
Napakasuwerte ko dahil nakilala ko sila.
"You're welcome, hindi ka na iba sa amin. Gusto kita para sa anak ko. Alam ko kasing ikaw ang makakapagpabago sa kanya. Alam kong masyado yata akong mabilis. But, believe me, sigurado akong ikaw ang makakatulong sa anak ko."
Emergheeeed! Ang feeling na approved ka na agad sa nanay ng crush mo?! Ang saya! Gusto ko sanang mag-split dito, kaso baka mapaso ako. Makapag-split nga later!
"Mom, bakit po gano'n si mylabs?" tanong ko.
Napatigil si mom sa paghahalo ng dinuguan. Tumingin muna siya saglit sa akin. Na-concious naman ako, kaya nagpunas ako ng mukha gamit ang palad ko.
"Hahahaha. Ang cute mo, baby!" natutuwang sabi ni mom.
"Syemfree! mana sa 'yo, mom!" pang-eetchos ko rin kay mom.
"I agree!"
Nag-apir pa kami bago magsimulang mag-luto ulit.
THIRD PERSON’S POV
SOBRANG pinabongga talaga ni Dasha ang dinuguan na niluto niya para kay Greco. Tinulungan din siya ng mommy ni Greco na si Malena.
Bakas naman sa mukha ng ina ni Greco na masaya itong nakilala niya si Dasha. Naaalala kasi nito ang kanyang sarili noon. Magaan na rin ang loob niya sa dalaga sapagka’t mayroon itong awra na siyang nagpapasigla sa kanilang tahanan.
"Mom, magugustuhan kaya ito ni Grecomylabs? Baka po masuka lang siya. Huhuhu,” naiiyak na tanong ni Dasha. Kinakabahan na rin siya at baka hindi iyon magustuhan ng mylabs niya. Parang hihimatayin na rin nga ito. Ngayon lang siya kinabahan sa cooking skills niya sa tanang buhay niya. Confident naman siya dati. Pero iba ang nararamdaman niya ngayon. Magkahalong kaba at excitement.
"Ano ka ba, baby! Masarap `yan. Combine force na tayo d'yan, eh! Tayo pa ba? Tiwala lang," pagpapalakas-loob nito kay Dasha. Si Dasha namang uto-uto naniwala.
Pagkatapos nilang ihanda ang pinabonggang dinuguan with lots of atay and lamang loob, sabay na rin silang lumabas ng kusina patungong living room kung saan nakaupo na si Greco at ang ama nito.
They look hot and oozing with s*x appeal. Iba nga naman ang mga Ferrer. N'ung nagsaboy yata ng kaguwapuhan ang diyos, nasalo nila’ng lahat.
"We're here!" sabay na salita ni Dasha at ni Malena.
Nilagyan ni Malena si Greyo ng pagkain habang si Dasha naman ipinagsandok si Greco. Bagama't nagtataka si Greco kung bakit nando'n si Dasha ay ipinagsawalang bahala na lamang niya ito. Gutom na siya, eh. Hindi na lamang siya nagsalita at sinimulan nang kumain.
Tahimik na lang din na kumain si Dasha. Kapag kinausap mo kasi si Greco ay para ka lang ding kumakausap sa isang estatwa. Hindi siya sanay magsalita. He is a very mysterious and a very secretive kind of person. Hindi katulad ng kanyang mommy Malena na tinalo pa yata ang mga rapper at fliptopper sa kadaldalan. Namana nga talaga ni Greco ang ugali nito sa kanyang ama na si Greyo, — the king of all the vampires.
Si Greyo ang hari ng mga Levinio— mga bampirang mabubuti. Not that good, but they are protecting other vampires from the Flairejj— ito naman ay ang mga bampirang ubod ng sama at may balak na sakupin ang buong mundo.
Flairejj are the bad vampires. Minsan na silang natalo ng mga Levinio, ngunit may isisilang na sanggol upang mamuno sa kanila iyon naman ang kinakatakot ng mga Levinio.
Balang araw si Greco na ang magiging hari ng Levinio, kaya kailangan niya pang mag-ensayo nang mabuti para harapin ang susunod na magiging pinuno ng Flairejj.
"Honey, kumusta naman ang pagkain?" tanong ni Malena sa kanyang asawa na si Greyo.
Ngumiti naman ng bahagya ang lalaki at nag-thumbs up.
"Greco my labs, how's the food?" tanong naman ni Dasha sa kanyang my labs. Ngunit as expected dedma na naman ang beauty niya.
"Mylabs, naman, eh! Mag sign language ka naman," nakapout na sabi ni Dasha. Nanatiling nakatitig lang si Greco sa kanya. Walang emosyon.
"Good," maikling sagot nito.
Sa kabilang banda halos himatayin naman si Dasha dahil narinig niya ang tinig ng kanyang my labs.
*Duts duts duts dururuts duts duts...
Patuloy pa rin itong gumigiling at napapaindak pa ito dahil sa sobrang kasiyahan.
"Ay! S-sorry po." Napahinto naman ito nang marealize na tinitingnan na pala siya ng buong Ferrer.
"Hahahaha. Ang galing mo palang sumayaw, baby! Puweding-puwedi ka na sa The Voice Kids!” natatawang komento ni Malena.
"Honey, I think you mean Dance Kids," pipigil ngiting sambit ni Mr. Greyo Ferrer.
"Ay ganoon ba `yon?" Nakakamot-ulong tanong ni Mom.
Nagsimula na silang kumain ulit. Napa-iling na lamang sa kanila si Greco.
Dasha
NAKAKAHIYA talaga ang ginawa ko kanina! Nadala lang naman ako sa aking emosyon, kaya ako napasayaw. Medyo kaloka rin naman pala `yong steppings ko, pero keri lang. At least, nakasayaw ako.
"Mylabs, papasok ka ba bukas?" tanong ko. Tapos na rin naman kaming kumain. Nakaupo na lang kami. Makikipachikahan na lang muna ako sa kanya. Parang get-to-know each other ang peg naming dalawa.
Hindi man lang niya ako pinansin.
Aissh! Bakit ba ako nag expect na makakausap ko nang matino ang lalaking `to?
Tinanong ko na lang si mom kung nasaan ang kwarto ko. Wala naman kasi akong makakausap nang matino rito. Hindi naman ako kinakausap ni Greco. Para lang tuloy akong nakikipagchikahan sa isang estatwa.
"Mom, saan po ako matutulog?" tanong ko kay mom.
"Pagka-akyat mo, lumiko ka lang d'yan sa kaliwa, `tapos ang pangatlong pinto na ang iyong magiging room mo, baby," nakangiting sagot ni mom.
"Salamat po talaga, mom," pagpapasalamat ko sa kanya.
Nagpaalam na ako sa kanila para pumunta sa kwartong itinuro ni mom.
Sinunod ko naman ang instruction niya. Binilang ko pa nga nang mabuti. Nasa pangatlong pinto raw, eh. Kaya pumasok naman ako do'n.
Ang ganda ng kuwarto. Black and white ang motif. Medyo dim lang ang light. Hindi masyadong maliwanag at hindi rin masyadong madilim. Sakto lang. In fairness ang lambot din ng kama, ah. Tumalon-talon pa ako sa kama. Ay, ang saya! Napakayaman talaga nila. Hindi ko maiwasang isipin na baka hindi kinakausap ni mylabs ay dahil hindi kami magka-level. Langit siya at lupa lamang ako. Ang layo nang agwat naming dalawa sa isa’t isa.
Nang mapagod, kinuha ko na muna ang cellphone kong mumurahin para tawagan si Jenissa.
"Hello, bes?" bungad niya sa kabilang linya.
"Bes, nandito na ako sa bahay nila Grecomylabs!" pagkukwento ko.
Narinig ko pa ang pagsinghap niya.
Parang amazed na amazed yata siya sa akin. Ako pa ba? Bilib na siya sa stalking powers ko.
"Papasok ka ba bukas?" biglang tanong niya.
"Hehehe. I don't know, bes, pero kung saka-sakali, ikaw na’ng bahala sa palusot.com mo, ha? Sabihin mo na lang na may complication ako sa Pituitary Gland."
"Lecheng `to! Gagawin mo pa akong sinungaling!" singhal niya sa akin.
"Sige na, Bes, para `to sa lovelife ko at saka yakang-yaka ko namang humabol sa klase," pangangatwiran ko pa.
Alam ko namang hindi niya ako matitiis. And I am true to my words.
"Sige na, sige na," pagsuko niya.
"Jenissa, you're the best!"
"Utuin mo pa ako, Dash."
"Totoo kaya!"
"Chee!"
"Chee! ka rin, Jen!"
"Byebye na, Dash, goodnight and sana bangungutin ka."
"Bye bye, Jen! May babae d'yan sa ilalim ng kama mo!" pananakot ko sa kanya. Matatakutin talaga `yang si Jenissa.
"Leche ka!"
"Ikaw kaya nauna!"
Kita niyo na? Siya nga `tong nauna.`Tapos magagalit naman kapag sinagot.
Pagkatapos ng tawag, umupo muna ako sa gilid ng kama. Ang swerte ko lang dahil may picture ni mylabs sa ibabaw ng maliit na lamesa.
“Ang gwapo mo talaga, Grecomylabs,” puri ko sa kanya ngunit sa aking isipan lamang. Baka pag narinig niya lumapad ang atay niya.
May nakita akong pinto at pagbukas ko, dito pala ang CR ng kwarto na `to
Pumasok naman kaagad ako sa CR ng kwarto at saka naghilamos, nag toothbrush at naglinis ng katawan. Pagkatapos bumalik ako sa kama at nahiga na. Fine-feel ko ang moment. Aaminin kong masaya talaga ako dahil nag-imbestiga ako kung nasaan ang bahay nila Greco mylabs. Dahil kung hindi, malamang wala ako rito.
Nagtataka pa rin talaga ako kung bakit ang hilig nila sa madilim at kulay itim. May emo kaya rito? Baka favorite color lang talaga nila ang dark. Hindi ko na iisipin iyon.
Naisip kong unique din pala ang pamilya ni mylabs! At feeling ko ay welcome na welcome ako sa pamilya nila. Si Grecomylabs na lang talaga ang problema.
Hindi bale na nga! Kaya kong pagtiyagaan ang mylabs ko para sa ekonomiya!
Ay, este para sa lablayp ko!
"Go, Dasha! Kaya mo `to!" pagpapa-lakas ko ng loob ko.
Sasagutin mo rin ako, Greco. Itaga mo pa r'yan sa eight-packs abs mo.