Michandria's POV
Rinig na rinig ang tawanan at pag-uusap ng aking pamilya at mga bisitang sinasabi ni Ate Ella.
Malakas ang pandinig ko kahit na nasa malayo ang mga iyon. Habang mas tumatagal ay nakakadiskubre ako ng mga kakaibang kakayahan.
Hindi ko ito ipinapaalam sa aking mga magulang, lalo na kay Ate Ella. Natatakot ako na baka kung ano pa lalo ang gawin nila sa akin.
Nagsuot ako ng damit na para sa mga tagapa-welcome ng mga bisita. Pinapahiram ako ni Dwayne ng mga iba't-ibang damit para malaya kong malibot ang mansion. Si Ate Ella lang ang nakakaalam na nagsusuot ko ng mga damit pangkatulong namin. Pabor pa nga sa kaniya dahil inuutusan pa ako. Sa sobrang laki nito ay hindi pa naman ako nahuhuli ng aking mga magulang.
"Saan ka na naman pupunta, Ria? Baka mamaya ay magalit si Ate Ella kapag nakita ka ng mga bisita niya," nag-aalalang sabi ni Dwayne.
Ate Ella rin ang tawag niya roon dahil iyon ang utos ng aming mga magulang. Malapit sa isa't-isa ang mga magulang ko at magulang ni Dwayne. Para na ngang si Dwayne ang totoo kong kapatid. Mas maalaga siya sa akin at palagi akong inaasikaso.
Tinapik ko ang kaniyang balikat. Sagot ko, "Gusto ko lang libutin ang mansion habang sila ay nakakasiya sa ibabang palapag."
Kumunot ang kaniyang noo. "Paano mo nalamang nasa ibabang palapag sila kung nasa pinakataas ka? Hindi na abot ng kakayahan natin ang ganoon kalayo at karaming boses. Kada palapag ay may nag-uusap at hindi iyon maiiwasan. Nakapagtataka lang na ganoon kalakas ang pandinig mo," ika niya.
Oo nga pala, hindi pa nila alam ang mga kakayahan ko. Hindi ko naman sinasabi kahit kanino. Mukhang okay naman kung malalaman ni Dwayne.
"Noong nagdalaga ako ay nakararanas na ako ng kakaibang kakayahan. Isa na diyan ang malawak na paningin at malayuang pandinig. Habang nagtatagal ay nadadagdagan ang mga bago kong natutuklasan na kapangyarihan. Wala akong pinagsasabihan dahil natatakot ako na baka kung ano ang gawin nila sa akin," paliwanag ko.
Halatang nagulat siya sa aking sinabi. Wala pa akong nababalitaan na may kakayahan na katulad ko.
"Huwag kang mag-alala, mananatiling lihim sa akin ang mga sinabi mo. Mas mabuti ngang may ganiyan kang kakayahan, para sa mga susunod ay kaya mo nang ipaglaban ang iyong sarili. Hindi ba delikado na sinabi mo sa akin ngayon at baka may ibang makarinig sa labas?" tanong niya.
Umiling ako. Sagot ko, "Ayos lang. May kakayahan akong harangan ang isipan nila para marinig ang usapan natin. Ginamitan ko na ng kapangyarihan ang aking kwarto na lahat ng usapan sa loob nito ay hindi makakalabas."
"Ang angkan ng iyong ama ang may ganiyang kakaibang kakayahan. Sa kaniya mo iyon namana. Akala ko nga ay hindi mo na iyon mamamana, wala kasi akong nakikita sa iyong kakaiba. Hindi ko na lang binabanggit sa iyo ang tungkol doon. Lalo ka lang maguguluhan kung ipinaliwanag ko ang tungkol doon, tapos wala ka pang kapangyarihan," paliwanag niya.
Ang ama ko ay mabait sa akin. Hinding-hindi niya ako pinagbubuhatang ng kamay. Hindi niya lang ako pinapansin o pinagtatanggol man lang kay Ate Ella at kay Ina. Umaalis na lang siya sa tuwing sinasaktan ako ng dalawa. Hindi niya rin ako masyadong kinakausap.
"Naiintindihan ko, Dwayne. Malamang ang mga pinsan ko ay may ganoon ring kakayahan. Mas malaki ang tyansa nila na mapaghusay pa nila lalo ang kapangyarihan nila. Sana ay makilala ko sila. Nababanggit lang sa akin ni Ina ang tungkol sa dalawa na dapat maging kaibigan ni Ate Ella," ika ko.
Sa hapagkainan lang nila nabanggit ang tungkol sa aking mga pinsan. Gustong maging kaibigan ni Ate Ella ang dalawang iyon. Ang ama nila ang bunsong kapatid ng aking ama. Kapag nalaman nila na hindi totoong anak si Ate Ella ay mapupunta sa maalin sa dalawa kong pinsan ang trono ng nasasakupan namin.
"Hayaan mo, kakausapin ko ang iyong ama tungkol sa mga pinsan mong babae. Sasabihin ko na kailangan mo rin ng bagong mga makakasama, at iyon ay makilala ang mga iyon. Sigurado ako na mabait Si Zoe at Caren, pero ilang beses ko pa lamang silang nakakausap. Baka sila pa ang makatulong sa iyo para hindi na makulong sa kwarto at silid-aralan mo," pagsisigurado niya sa akin.
Nakahinga naman ako nang maluwag. Natutuwa ako na pinakilala sa akin ni Ama si Dwayne. Kung wala siya ngayon ay baka nawala na ako sa katinuan ngayon. Hindi biro na palagi lang ako sa paulit-ulit na lugar.
"Tuturuan din kita gaya ng mga pinag-aaralan ng mga tao at bampira. Hindi sapat ang libro para sa mga kaalaman mo. May mga dapat kang malaman na mga salita, tulad ng mga hiram na salita. Baka kung lumabas ka ng mansion ay magtaka ka sa kanilang mga sinasabi. Karamihan ay hindi purong tagalog, may halong english," dagdag pa niya.
Nakukuha ko ang sinasabi niya. Kalimitan sa mga sinasabi ni Ate Ella ay ganoon. Minsan pa nga ay napapagaya na ako sa kaniya.
"Kay Ate Ella pa lang ay natututunan ko na ang ibang mga salita. May pagkamaarte na kasi siyang magsalita. Hindi ko alam kung dulot ba iyon ng cellphone na hawak niya," ika ko.
Pagkatapos namin mag-usap ay hinayaan niya akong umalis sa kwarto. Siya naman ay babalik sa kanila para sa iba pa niyang gawain.
Si Dwayne at ang pamilya niya ay may sikat raw na kumpanya. Kaya hindi siya palaging nandito ay siya ang nagpapatakbo ngayon nito.
Ang pamilya namin ang may pinakamalaking kumpanya na tungkol sa agrikultura. Ang mga dugo ng hayop ay pinag-eksperementuhan nila na gawing wine. Ang ama ko ang nakaisip noon. Isa siyang pamalit sa dugot ng mga tao.
Bawal kaming manakit ng mga inosenteng tao. Ang mga bampira na lalabag sa aming mga polisiya ay papatawan ng kamatayan.
Nagkasundo na noon pa man ang mga tao. Hindi lang talaga maiwasan na may mga masasama pa rin. Ang mahalaga ay tanggap na ng karamihan na may mga bampira.
Gusto kong maaral ang tungkol sa kumpanya namin kaya dinadalhan ako ni Dwayne ng mga libro tungkol sa agrikultura.
Napatigil ako sa paglalakad at napatago sa may pader. Nakita ko si Ate Ella sa pangalawang palapag kasama ang mga bisita. Hindi ko sila mamukhaan dahil nakatalikod sila.
May isang lalaki na halos kasing edaran namin nang lumingon sa banda ko, kaya nagmadali akong umalis.
Sobrang kabado ako. Sana ay hindi niya ako namukhaan.
Bakit parang napakahalaga niyang bampira? Kakaiba ang pakiramdam ko sa kaniya.