TATUM'S POV
Ibinaba ko ang phone ko at ibinulsa iyon. Nagpaalam ako kay dad na mala-late kaming uuwi ni Toose. Pagkatapos naman nun ay nagtungo ako sa computer room dahil doon ako naatasang maglilinis sa hapong ito.
Binuksan ko ang ilaw at tumambad ang malawak na computer room, agaw pansin rito ang mga kalat na iniwan lang ng mga estudyante matapos nilang gamitin.
Huminga naman ako ng malalim at sinimulan na ang trabaho sa pamamagitan ng pagpulot ng mga basurang nasa sahig o di kaya'y isinusuksok sa kung saan saan.
Nasa kalagitnaan palang ako ng paglilinis ng may kumatok sa pinto kaya nilingon ko iyon at nakita ang janitor ng school namin.
"Hindi mo malilinisan ng mabuti ang kwarto kung wala kang gamit." Aniya sabay hila papasok ang mga dala niyang gamit na panlinis. "At mukhang kailangan mo rin ng tulong." Dagdag niya pa.
"Opo, salamat po." Hayag ko naman at nginitian ito.
"Ikaw si Tatum, tama?" Tanong nito na agaran ko naman tinanguan at naglakad palapit sakaniya sabay ngiti ng malawak.
"Ako po si Tatum Lincoln." Pagpapakilala ko rito.
Napangiti naman ito at tinanggap ang kamay ko. "Juno naman ang ngalan ko, pero tawagin mo nalang akong mang Jun. Alam mo ba na ikaw lang ang estudyanteng nag po sa akin at hindi ako pinandirihan?" Lintana nito na kinunotan ko ng noo.
"Bakit naman po? Malaki po ang ambag niyo sa eskwelahan namin kaya nararapat ka lang pong respetuhin at hindi pandirihan." Sagot ko naman rito at kumuha na ng gamit at sinimulan na ang paglilinis sa silid.
"Pero ayos lang sa akin iyon. Sanay narin ako at kailangan ko talagang masanay dahil kailangan ko ang trabahong ito." Aniya at iniligpit ang mga upuan upang hindi maging sagabal sa paglilinis ko.
Napanguso nalang ako sa sinabi nito, mukhang hindi madali ang maging isang janitor.
"Pwede niyo po bang ikwento sa akin ang mga karanasan niyo bilang janitor sa eskwelahan namin, pampalipas oras lang po at para hindi natin alintana ang pagod." Tanong ko na tinawanan nito pero pumayag naman siya.
Nagsimula itong nagkwento habang ako ay taimtim na nakikinig sakaniya kahit na nakapokus ako sa paglilinis.
Simula palang ay pangalan na agad ni Toose ang nabanggit ni mang Jun. Siya daw ang pinakasakit sa ulong estuyanteng nakasama niya. Madalas daw siyang takasan nito sa tuwing oras ng paglilinis, subalit kung mayroon naman siya ay natutulog lang ito imbes na tumulong.
"Kapatid mo siya?" Gulat na gulat na tanong ni mang Jun ng umamin ako.
Tumawa ako sa reaksyon nito at bumaba sa upuang tinutungtungan ko dahil natapos ko ng pinunasan ang mga bintana. "Ang totoo po ay magkambal kami, hindi man kami magkamukha o magka-ugali pero kambal talaga kami." Paliwanag ko rito.
"Naku! Pagpasensyahan mo na ako sa mga nasabi ko tungkol sakaniya." Hayag nito at napakamot sakaniya ng batok, mukha siyang kabado ng malaman ang totoo.
"Ayos lang iyon, mang Jun. Ang totoo nga po ay maski sa bahay ay matigas ang ulo niya at nakikipagtalo pa sa amin ni dad kahit na siya ang mali. Subalit kahit na ganun ay mahal na mahal namin siya ni dad. Sinusubukan ko narin siyang pagbaguhin at malay mo, baka sa susunod na magkita kayo ay mapapatanga ka nalang sa mga pagbabago niya." Mahaba kong lintana at halatang siguradong-sigurado sa mga binibitawan kong salita.
"Oo ba. Aasahan ko ang pagbabagong tinutukoy mo."
Tinanguan ko naman siya at sabay kaming natawa.
"Matandang Jun."
Napatingin kami sa nagsalita at nakita ang isang lalaking estudyante, madalas ko siyang nakikita pero hindi ko alam ang pangalan niya, ang alam ko lang ay mas bata ito ng isang taon sa akin.
"Pinapatawag ka ng dean, bilisan mo tanda at bawal ang uugod-ugod." Aniya sa walang kagalang-galang na boses, na para bang kaedaran niya lang ang kausap niya.
Tumango naman si mang Jun at nilingon ako. "Umuwi ka na at iwan na ang mga gamit riyan, ako na ang magliligpit diyan." Wika nito na matigas kong inilingan.
"Ako na po ang magbabalik nito tutal madadaanan ko naman ang storage room, doon naman po nakalagay ang mga gamit panlinis, hindi po ba?" Presinta ko.
"Sigurado ka ba riyan?" Paninigurado niyang tanong na tinanguan ko. "O sige. Mauna ba ako, hija. Mag-iingat ka sa pag-uwi." Pamamaalam niya kaya kinawayan ko ito hanggang sa makalabas na siya.
Iniligpit ko na ang mga ginamit naming panlinis at hinila na ang mga ito palabas. Pinatay ko na muna ang ilaw sabay lock ng pinto at nagsimula ng maglakad.
Pansin ko na wala ng mga estudyanteng nagkalat sa paligid, marahil ay nakauwi na silang lahat, ewan ko lang sa mga kandidata't kandidato na kasali sa paligsahan.
Matapos kong maibalik ang mga gamit ay dumiretso na ako sa auditorium pero nasa kalagitnaan palang ako ng paglalakad ng bigla nalang may humawak sa braso ko at hinila ako sa isang tabi.
Napasinghal nalang ako ng makita ang grupo ng mga kalalakihan, sa pamumuno ni Tadeo.
"Hey, Tadeo, nagkita ulit tayo." Bati ko rito at sinaluduhan siya sabay tingin sa mga kasamahan niya. "Oh, nagdala ka ng mga kaibigan? Sa ginawa mong ito ay napatunayan kong hindi mo ako kaya kaya dinala mo ang mga kauri mo para harapin ako. Ganun ba ako kalakas sa paningin mo upang tawagin mo ang lahat ng kaibigan mo? Pero isa lang naman akong inosenteng babae." Kalmado at painosente kong hayag na may ngiti pa sa labi.
Kumuyom ang kamao nito patunay na napikon siya sa sinabi ko.
Sinugod ako nito at nagtangka akong suntukin subalit nailagan ko iyon at sinipa ang kaniyang tuhod dahilan ng pagbagsak niya sa lupa.
"Lintik ka! Sugurin niyo siya!" Asik nito na agad namang sinunod ng mga kasamahan niya. Sinugod ako ng mga ito kaya wala akong ibang nagawa kundi ang patulan sila.
Noong simula ay nagawa kong patumbahin lahat ng lumalapit sa akin, pero kalaunan ay may tatlong nagtulungan akong hawakan kaya naman hindi ako nakapalag.
"Ano ka ngayon?" Nakangising sambit ni Tadeo at sinuntok ako sa mukha na ikinatabingi ng aking ulo. "Ipinahiya mo ako kanina sa cafeteria at sa harap pa mismo ng lahat, kaya ngayon ay ikaw ang magdusa." Aniya at sunod-sunod akong pinagsusuntok.
Wala akong ibang nagawa kundi ang tanggapin ang mga kamao niyang tumatama sa katawan ko at mamilipit sa sakit. Hindi pa siya nakuntento at inutusan pa niya ang mga kasamahan niya na bugbugin ako kaya naman doble-doble na ang sakit ng katawan ko.
Nanlambot ang mga tuhod ko at napaluhod. Nalalasahan ko ang dugo na nagmula sa pumutok kong labi kaya sinipsip ko iyon at idinura sa lupa.
Napasinghap ako ng may sumampa sa likuran ko kaya naman nasubsob ako sa lupa, kasunod nun ay pinagsisisipa naman nila ako.
"HOY!"
Nagsihinto naman sila sa pagsipa sa akin at dali-daling tumakbo palayo ng sitahin sila ng isang guro.
Itinulak ko ang aking katawan paitaas upang mapaupo ako at napahawak ako sa aking tagiliran ng maramdamang kumikirot iyon. Lintik.
"ATE!"
Bago pa man bumagsak ang katawan ko sa lupa ay nasalo na ako ni Toose at tinapi-tapik ang aking pisngi.
"U-u-yy." Bati ko rito habang nakangiti na sininghapan niya at napatingin sa grupo nila Tadeo na nagtatakbuhan. "A-alam mo bang napaka a-awesome ko ngayon?" Pagmamalaki ko pa rito kaya napunta sa akin ang atensyon niya at sinamaan ako ng tingin.
"Awesome mo mukha mo, bugbog sarado ka na nga." Sermon nito sa akin at nandidilim ang kaniyang mukha.
Tinawanan ko ito at napapikit sabay mariing napalunok. "Toose." Diretsahan kong pagbanggit sa pangalan niya at iminulat ang aking mata dahilan upang magtama ang aming mata.
"Amoy pawis ka, kadiri."
Mas lalong sumama ang tingin nito sa akin pero naglaho naman ang pandidilim ng kaniyang mukha. Hindi ko alam pero para bang nakangiti ito sa paningin ko kahit na hindi naman.
"Napaka-arte mo, kung iwan kaya kita dito?" Pananakot niya sa akin na tinawanan ko lang at bumuga ng hangin.
Magsasalita pa sana ako pero muli nanamang kumirot ang tagiliran ko na ikinataranta ni Toose.
"K-kaunting tiis nalang at-t tumawag na sila ng ambulansya." Anito sa nanginginig na boses.
"Oh, bat takot na takot ka?" Usal ko naman na ikinahinto niya. "Hah, hindi ako mamamatay dito kaya wag ka ng mag-alala. Naaksidente na ako't nawalan ng ala-ala, mas malala iyon kaysa dito kaya sigurado akong hindi ako mapapatay ng pambubugbog lang." Salaysay ko at agarang bumalik sa pagiging walang emosyon ang kaniyang mukha.
"At sino naman ang nagsabi sayong nag-aalala ako?" Turan nito sa malamig na boses na tinawanan ko ng mahina pero naubo ako. "Leche, wag ka na nga kasing magsalita!" Sita pa nito sa akin.
Huminga ako ng malalim at diretsong tinignan sa mata si Toose.
"Pwede bang haplusin mo ang buhok ko?"
Agaran namang kumunot ang noo nito sa sinabi ko. "At bakit ko naman gagawin yun?" Anito.
"Gusto kong matulog para hindi maramdaman ang sakit ng katawan ko. Kung mananatili akong gising habang nagpapalipas ng oras ay mahihirapan lang ako." Sagot ko naman rito.
Halatang nagdadalawang isip pa ito pero kalaunan ay maingat niyang hinaplos ang buhok ko kaya naman napangiti ako at napapikit.
Sa totoo lang ay sobrang sakit na ng katawan ko at gusto ko ng maiyak sa sakit, pero kailangan kong ipakita sakaniyang ayos lang ang lahat...kahit na hindi naman talaga.
Kailangan kong maging matapang. Iyon ang pinanghahawakan ko kaya naging tomboy ako, gusto ko siyang protektahan.