AKIRA POV
Pagkatapos ng klase ay agad kong inayos ang mga gamit ko. Kanina ko pa gustong umuwi dahil hindi ko gusto ang mga tinging ipinupukol sa akin ng mga kaklase ko. Gusto ko na lang umuwi para mapanatag ang loob ko.
Lalabas na sana ako ng classroom ngunit nag-unahan na ang mga kaklase ko sa paglabas kaya hinintay ko muna na makalabas silang lahat. Ayokong makipagsiksikan sa kanila dahil panigurado mandidiri sila kapag nadikitan ko sila.
Pero maling desisyon pala iyon dahil ang tanging naiwan na lang dito ay ako, si Miro at si Trisha na girlfriend of the week yata ni Miro. Nginisian ako ni Miro.
Nakaupo siya sa table sa harap habang nasa tabi niya naman si Trish na may hawak na eraser ng blackboard. Masama rin ang tingin sa akin ni Trish. Tatayo na sana ako ngunit dumapo na ang eraser na kanina lang ay hawak ni Trish. Punong puno ito ng chalk dust at tumama ito sa may ulo ko. Hindi naman masakit dahil magaan lang iyon pero naglaglagan ang mga chalk dust sa buhok ko. Ang iba ay nasinghot ko pa kaya napabahing pa ako.
“Sorry,” nakangiting sabi ni Trish na naka-peace sign pa.
Tumingin ako kay Miro na parang ikinagulat pa niya dahil natigilan siya. And for the first time, napagdesisyunan ko na may dapat akong gawin.
Pinagpag ko ang buhok ko na nalagyan ng chalk dust. Pagkatapos noon ay pinulot ko ang eraser at isinukbit ko na ang bag ko. Naglakad ako palapit sa pwesto nina Miro. Habang naglalakad ay ramdam ko ang bilis ng t***k ng puso ko at ang pamamawis ng mga kamay ko. Deretso lang akong nakatingin kay Miro habang palapit sa kaniya. Si Miro naman ay hindi ko mabasa ang ekspresyon sa mukha niya. Nakatingin din siya sa akin.
Pagkalapit ko ay tahimik kong iniabot kay Miro ang eraser. Pero hindi man lang makakilos si Miro dahil nakatulala lang siya sa akin. Gusto kong matawa pero pinigilan ko.
“How dare you?” galit na sabi ni Trish.
Tiningnan ko ng deretso si Trish na ikinaatras naman niya. Hindi na siya nakapagsalita pa kaya ibinalik ko ang tingin ko kay Miro. Pilit kong inaabot sa kanya ang eraser pero nakatingin lang siya sa akin. Inaasahan ko na magsasalita siya at kukutyain ako pero nagkamali ako. Hindi ko alam kung masyado ba siyang nagulat sa ginawa ko.
Since nangangalay na ako ay ipinatong ko na lang ang eraser sa tabi niya. Pagkatapos ay tahimik akong lumabas ng classroom.
Matiwasay naman akong nakalabas ng academy pero pagdating ko sa may gate ay may nakita akong itim na kotseng nakaparada. Mabuti na lamang at wala nang halos estudyante dito sa labas dahil nagsiuwian na sila.
Agad akong lumapit sa kotse at pinagbuksan ako ng pinto ni Tatay Damian. Lumingon muna ako sa paligid bago ako sumakay ng kotse.
“Kanina pa po ba kayo Tatay Damian?” tanong ko sa driver.
“Hindi naman. Halos kararating ko lang noong lumabas ka,” malumanay niyang sagot sa akin.
“Kailan pa po sila dumating?”
“Kaninang umaga lang. Hindi po ba sinabi sa inyo na dadating sila?”
“Hindi po. Expected ko nga po na next month pa sila makakauwi.”
Sumandal ako sa upuan ng kotse at ipinikit ang mga mata ko. Pakiramdam ko ay biglaan lang ang uwi nila. At may nararamdaman akong hindi maganda.
MIRO POV
Sinundan ko ng tingin si Akira habang palabas siya ng classroom.
“Totoo ba ang nakita ko? Akira glared at me?” maarteng sabi ni Trish.
Nagpapaypay pa ito gamit ang kamay na ikinailing ko na lang. Si Trish ang girlfriend ko for this week. At sa inaakto niya ngayon, baka tatlong araw lang ang itatagal niya. Hindi ko na lang siya pinansin at ibinalik ko ang tingin kay Akira na malapit nang lumabas sa gate ng academy.
For the first time ay nagreact siya sa pangtitrip ko sa kaniya. Although poker face pa rin siya pero pinulot pa niya 'yung eraser at iniabot pa sa akin. Hindi ko lang makuha sa kaniya ang eraser kanina dahil baka makita niyang nanginginig ang kamay ko. Inaamin kong sobrang nagulat ako sa ginawa niya. Ang ine-expect ko kasi ay lalabas lang siya ng classroom at hindi papansinin ang ginawa ni Trish katulad ng mga ginagawa niya dati. Natulala na lang ako noong pinulot niya ang eraser at lumapit sa akin. Sa pagkabigla ko nga ay hindi na ako nakakilos pa at natulala na lang.
First time ko lang din napagmasdan siya ng malapitan. First time niya ring tumingin ng deretso sa mga mata ko.
“Miro, let’s go!”
Napatingin ako sa babaeng sumilip mula sa labas ng classroom. Napangiti ako at agad naman akong bumaba ng table at kinuha ang bag ko.
“Wait, babe! Akala ko ba ihahatid mo ako?” maarteng sabi ni Trish.
“Sorry Trish, pero tapos na tayo.”
With that ay hinila ko na ang babaeng sumundo sa akin sa classroom. Siya si Inaki Tanara. Kapitbahay ko siya at malapit na kaibigan ko. Nasa lower year siya kaya hindi ko siya kaklase. Sa lahat ng babae ay siya lang ang kinaibigan ko dahil parang kapatid na rin ang turing ko sa kaniya.
“Ang galing mo naman. Ganoon na lang iyon,” tatawa tawa niyang sabi sa akin.
“Alam mo naman ako.”
Tulad ng sinabi ko ay kapatid na ang turing ko sa kaniya kaya lagi ko siyang kasabay pagpasok at pag-uwi. Marami na nga rin akong nababalitaan dati na umaaway sa kaniya dahil sa pagiging magkalapit namin. Pero mabuti na lang na hindi nagpapatalo itong si Inaki kaya wala nang nangahas na umaway pa sa kaniya. Subukan lang nila dahil ako na panigurado ang makakalaban nila. At isa pa, pinagsabihan ko na ang mga ex ko na huwag na huwag pakikialaman si Inaki.
“Ibang klase ka rin ano. Makakahanap ka rin ng katapat mo. Naku, sinasabi ko sa 'yo,” pananakot niya sa akin.
Isa rin sa dahilan kung bakit napalapit ako kay Inaki ay dahil hindi siya katulad ng ibang babae na halos nagfa-fangirl na sa akin. Masyadong mga pa-cute at pabebe silang lahat. Si Inaki kasi ay simple lang at prangkang magsalita. Hindi siya takot ipakita sa akin ang tunay na siya. Hindi rin niya pinaramdam sa akin na may gusto siya sa akin kaya mabilis na napanatag ako sa kaniya.
“Alam mo namang ang kasikatan lang ang habol nila sa akin kaya hindi ako nagseseryoso sa kanila.”
“Oo na. Dahil kapag sineryoso mo sila, ikaw ang talo dahil habol lang nila iyang kasikatan mo.”
Napatawa na lang ako sa sinabing iyon ni Inaki. Iyon kasi lagi ang sinasabi ko sa kaniya kapag pinapagalitan niya ako sa mga pambabae ko.
“Exactly.”
“Alam mo, gasgas na iyang rason mo Miro. Ibahin mo naman para medyo maniwala na ulit ako sa 'yo,” nakangiti niyang sabi sa akin.
“Talaga ba? E kung hindi kaya kita isabay pauwi?” pananakot ko sa kaniya.
"Iyon ay kung kaya mo,” nakangisi niyang sagot sa akin.
Napailing na lang ako. Alam na alam niya kasing hindi ko siya kayang iwan mag-isa lalo na kapag pauwi na. Nagkaroon kasi ng pagkakataon na hindi ko siya naihatid pauwi dahil may pinuntahan kami ng barkada ko, muntik na siyang mapahamak noon dahil hindi siya marunong magcommute.
May family driver naman sila kaso nga lang ay sinusundo pa nito ang mga magulang niya and it takes half an hour or minsan ay isang oras pa bago siya masundo ng driver nila. And knowing Inaki, hindi niya kayang maghintay ng ganoon katagal. May pagka-short tempered din kasi itong si Inaki. Gusto niya lahat ng gusto niya ay nakukuha niya at hindi siya marunong maghintay.
“Okay, you won,” sabi ko sa kaniya na nakataas pa ang dalawa kong kamay.
“Gutom na ako. Kain muna tayo o,” pag-aaya niya sa akin.
“Tapos ano? Doon na naman tayo sa resto na puro gulay ang nasa menu?”
Nginitian niya ako ng sobra. Vegetarian kasi itong si Inaki kaya kapag nag-aaya siya na kumain kami ay automatic na sa resto na puro gulay kami pupunta. Hindi naman ako against doon dahil kumakain din ako ng gulay. Iyon nga lang, medyo nakakaumay na rin dahil hindi naman ako vegetarian. Ayaw niya kasi na nakikita akong kumakain ng kahit na anong uri ng karne. Nai-imagine niya raw kasi kung paano ito k*****y at naaawa raw siya. Kaya kapag siya ang kasama ko, automatic na gulay lang din ang dapat kong kainin. Nakakaligtas lang ako kapag lunch kasi kasabay din namin sina Leo at Richard. Kapag kami lang dalawa, doon niya lang ako pinagbabawalan.
“Oo na. Sige na.”
“Yehey! Thank you Miro.”