Pagbalik ni Andy ng opisina ay naging abala siya sa pagpa-follow-up sa mga leads ng ibang kaso niya. Sa nawawalang babeng anak ni Mrs. Arevalo na sa hula niya'y nakipagtanan sa nobyo nito, ito'y base sa mga interview niya sa mga kaibigan ng dalaga at sa pina-hack niyang email messages. Ang isa pa'y ang nawawalang mamahaling Pekingese na aso ni Ms. Chan na ang teyorya naman niya'y ibinenta ng kanyang under de saya na mister bilang paghihiganti sa panlalaki niya.
Binigyan din ni Andy ng notice ang iba pa niyang mga kliyente na mawawala siya ng ilang araw sa dinahilan niyang may mahalaga siyang aasikasuhin sa probinsiya at iu-update na lang ang mga ito as soon na makabalik siya. Ang tutoo, hindi tiyak ni Andy kung gaano ang kaso ng mga nawawalang tao ng Callejon magtatagal. Lahat ng ito'y binilin din niya kay Marissa.
"Good luck, pare," sabi ni Tony sa kanya. "Mukhang mag-trip down memory lane ka."
"The prodigal son returns," ngiti ni Andy.
Inilihim niya kina Tony, Marissa at Vic ang tungkol sa mga nawawalang mga tao pagka't may secrecy clause ang kanyang kontrata sa military. At sa tingin niya'y baka lamang siya pagtawanan ng mga ito. Alien a*******n. Sinong may-sira ang maniniwala roon?
Pag-uwi ni Andy kinagabihan ay naramdaman niya ang pagod ng nagdaang araw. Hindi niya akalain na mahahapo siya sa matagal na paggamit ng telepono kung saan nagka-migraine siya at kinailangang uminom ng dalawang Advil. Bago umuwi ay dumaan siya sa 7-11 at bumili ng frozen dinner na kanyang hapunan.
Binuksan niya ang pinto ng kanyang bahay—isang sinaunang bungalow na tirahan pa niya simula noong magasawa, at dito lumaki si Pauline hanggang sa lumipat siya sa sariling apartment matapos ang paghihiwalay. Ngayo'y nag-iisa na lamang siya rito. Tuwing weekend ay may nagpupunta lamang para maglinis, maglaba at mamalantsa ng kanyang mga damit.
Binuksan ni Andy ang ilaw ng madilim na bahay, at pinatong ang susi ng kanyang pick-up truck sa ceramic na ashtray na nasa tukador katabi ng telepono. Dito rin, may mga picture frames—litrato ng masasayang araw ng kanyang buhay, ng kanyang ama't ina, at ni Pauline noong 13 years old pa lamang ito at kasama niya na nagpunta sa Hong Kong. May litrato rin silang tatlo kasama ang kanyang asawa. Naisip ni Andy na alisin na ang litratong ito pagka't may ibang pamilya na ang kanyang dating asawa, nguni't lagi lang niyang ipinasasantabi...o hinahayaang makalimutan.
Mabagal ang lakad ni Andy papasok, tila kinakaladkad kanyang mga paa. Sinabit niya'ng leather jacket sa sandalan sa isa sa mga upuan ng dining table at nilapag ang mga folder na bigay ni Colonel Laxamana sa mesa. Pumasok siya sa kuwarto at hinubad ang kanyang mga sapatos at medyas, at nagsuot ng shorts at kulay puting t-shirt.
Nagtungo siya sa kusina, binuksan ang microwave at pinainit ang frozen dinner na binili niya. Macaroni na may meatsauce. Tumungo siya sa dining area, naupo at kumain habang tinitignan ang mga classified files sa folder—mga police report at eyewitness accounts.
Nakasulat doon:
- Sa gabi ng Hulyo 28, dakong alas-11, ay nakita ng ilang residente mula sa bayan ng Masambong sa kalangitan ng Callejon ang maliliwanag na ilaw na hugis bilog.
- Hulyo 29, dakong ala-una ng madaling araw, habang binabaybay ng mag-asawang Cruz ang Talabas Road, ay nasaksihan nila ang mga "bolang" ilaw sa kalangitan ng bayan ng Callejon.
- Ayon sa testimony ng isang ginang, nakita raw niya na nagdilim ang kalangitan at nawala ang mga bituin. Ito'y dakong alas-2 ng madaling araw, Hulyo 29.
- Hulyo 29, dakong alas-5 ng umaga, unang nakapansin ng pagkawala ng mga residente ng Callejon ay isang matandang mangangalakal na regular na nagpupunta sa nasabing bayan. Agad itong sumadya sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.
Makapal din ang mga papel na nasa folder at inisa-isa ito ni Andy, at siya'y nagsulat pa ng mga notes sa kanyang maliit na notebook, mga bagay na tingin niya'y importante at kailangang tandaan. Mabusisi si Andy pagdating sa mga impormasyon at walang detalye , maliit man, ang nakakatakas sa kanya.
Sa kanyang pagsaliksik sa mga impormasyon, ay dinapuan siya ng antok at nakatulog.
#
Naalimpungatan si Andy mula sa nakayukong pagkakatulog sa mesa sa dining room dahil sa malakas na ulan. Malalaki ang mga patak na dinig sa yerong bubungan at may ihip ng hangin na sumisipol sa mga awang ng bintana. Chineck ni Andy ang kanyang relo: alas-dose ng madaling araw. Nag-inat at hinaplos niyang mga mata. Sa mesa, nagkalat ang mga papel ng classified reports na nakatulugan niya sa pagbabasa.
Nagulat si Andy nang may marinig na kaluskos na nanggagaling sa kusina. Tunog na parang mabibigat na mga yapak. Madilim ang loob ng bahay, tanging ilaw ay mahinang sinag mula sa nag-iisang flourescent light sa dining area. Tumayo si Andy para magtungo sa kusina na naiilawan lamang ng sinag ng buwan mula sa bintana.
Biglang napahinto si Andy.
May nakatayo sa may pintuan ng kusina.
Hugis ng isang tao sa dilim.
May naramdamang kalabog sa dibdib si Andy. Hindi siya matatakutin, pero, nakukuha pa rin siya sa biglaang gulat. Sino ang nasa pintuan? Ito ba'y multo? Tanong ni Andy sa sarili. Bilang private investigator, nasanay siya sa paniniwalang huwag kang matakot sa multo, kundi sa kapuwa tao. Hindi ka masasaktan ng multo, kundi ng tao.
"Sinong nariyan?" malakas na tanong ni Andy sa mahiwagang anino. Nilakasan niyang boses bilang paninindak.
Humakbang papalapit ang nilalang sa dilim at nailawan ang mukha.
Isang matandang babae na puti na ang buhok.
At siya'y namukaan ni Andy.
"'Nay?"
Kaharap ni Andy ang kanyang ina. Suot nito'y mahabang puting damit na hanggang paanan. May parang takot sa mukha na tila ba may malagim itong gustong ipahiwatig.
Nilapitan ni Andy ang kanyang ina at hinawakan sa magkabilang balikat. Nakita niyang may putik ito sa mga kamay at daliri, ganoon din sa paa. Ang mga kuko'y napupuno ng dumi na para bang naghukay sa lupa. Nagtaka siya sa hitsura ng ina, sa madungis nitong damit, sa amoy nitong lupa, sa tila hindi husto nitong pag-iisip.
"Nay?" ulit ni Andy. "Anong ginagawa n'yo dito?"
"Magtago ka, anak," babala ng kanyang ina.
"Ha? Magtago? Bakit?"
Tinignan siya ng kanyang ina ng dilat na mga mata.
"Andyan na sila, anak," sabi nito.
"Sino, Nay?"
Tumingala ang ina ni Andy na para bang may tinitignan sa kung saan. At buong lakas na sumigaw at itinuro ang kamay paitaas.
"Andyan na sila! ANDYAN NA SILA!"
At ang mga mata ng kanyang ina ay namuti na parang nawalan ng buhay. At ang balat niya'y nanuyo at tila nalanta. Naramdaman ni Andy ang malamig nitong katawan. Ang katawan ng kanyang ina ay nanigas na parang bangkay.
Napabitaw si Andy.
At siya'y nagising.
Isang panaginip.
Nakita ni Andy na nasa dining room na uli siya, nakaupo kung saan siya nakatulog sa pagbabasa ng mga reports. Hinimas niyang kanyang ulo, parang may migraine na paparating.
Nakapagtataka na napanaginipan niya ang ina sa pagkakataong ito, sa nalalapit niyang pagbabalik sa Callejon, kung saan siya isinilang at lumaki. Nagpapahiwatig ba ang kanyang ina? Anong gusto nitong sabihin? Sino ang paparating na?
Tumayo si Andy at nagtungo sa tukador at kinuha ang litrato ng kanyang ina at ama, at tinignan ito nang matagal. At pumasok sa isipan niya ang mga ala-ala ng mga magulang.
Na matagal nang mga yumao.
NEXT CHAPTER: "Ang Tinyente at ang Psychic"