Mula sa maliwanag na buwan, napatingin ako sa poste ng ilaw at bangketa sa kalsada. Himala yata at walang mga kariton at sasakyan dito sa Sampaguita street. Malinis ding tingnan ang paligid dahil walang mga basura. Nang maglakad-lakad pa ako’y nadaanan ko ang mga hotel, restaurant, at bar kung saan ako suki sa panlilimos. Nakabukas ang mga ilaw ng mga ito ngunit pansin kong walang tao at sobrang tahimik. Ngayon lang nangyari ito sa Mariposa District. Oo’t sigurado ako sa lugar dahil wala itong pinagbago. Itinuloy ko pa ang paglalakad, bawat hakbang ay animo bilang ko. Nagbabakasakali akong may makikitang kahit isang tao na pwedeng mapagtanungan pero wala. “May tao ba dyan?” tanong ko pa na inulit ko nang mas malakas sa ikalawang beses. Nagsimula na akong kabahan dahil hindi normal ang

