“Ken! One game?” Benedict invited his friend who just arrived in school to play online games with him while he was sitting in the hallway. They sit outside their rooms and waiting for the professor to arrive.
On the other hand, Danica was running out of breath for her class, so she ran as fast as she could. Mabilis siyang pumara ng jeep nang makarating sa highway. Inayos niya ang strap ng backpack niya na halos magkabuhol-buhol na dahil sa pagmamadali.
Huminga siya nang malalim pagkasakay ng jeep. Nasa gitnang parte siya ng jeep nakapwesto. Mabuti na lang ay hindi pa puno kaya hindi siya nahirapan.
“Bayad po, estudyante lang,” sabi niya sa driver sabay abot ng bayad. “Salamat po,” saad niya sa kumuha ng bayad niya na malapit sa driver. Tumingin siya sa relo niya. Mayroon pa siyang tatlumpung minuto bago magsara ang gate ng DECT University.
Inayos niya ang gulo-gulo niyang buhok. Nakalugay kasi ito at hindi niya magawang itali dahil nasa bag ang panali niya. Nang akmang kukunin niya naman ito ay saka naman unti-unting dumami ang pasahero dahilan para magkasikipan.
Bumuga siya ng hangin at hinawakan na lang ang mahabang buhok para hindi lumipad sa katabi niya. Hindi naman kasi siya katulad ng iba na halos parang spaghetti na ang buhok dahil sa hangin at walang pakialam sa paligid kung nakakatama na ba ito.
Sampung minuto bago tumunog ang bell ay nakapasok na si Danica sa University. Halos lakad-takbo ang ginawa niya kahit na medyo mabigat ang dala niyang bag dahil sa dami ng mga libro nila. Mabuti na lang din ay hindi traffic kaya mabilis siyang nakarating.
Hindi naman siya nale-late dahil itinuring siyang isa sa mga early bird ng klase. Nagkataon lang na hindi niya napansin ang oras ngayon. Late pa nagising ang kapatid niya, sa pag-aakalang may pasok ito sa trabaho kaya hinintay niya ito para sana sumabay at makalibre ng pamasahe.
Medyo pawis siya na mabilis umakyat sa classroom nila pagkapasok ng University. Inakyat niya ang second floor gamit ang hagdan. Hindi naman ganoon kahirap pero nakakapagod dahil sa sobrang pagmamadali niya.
Nang sumilip siya sa classroom ay halos nandoon na ang lahat maliban sa professor nila. Maingat niya pang inilibot ang paningin. Nakahinga siya ng maluwag dahil ligtas siya sa pagiging late.
Napansin naman ni Benedict ang humahangos na babae sa tapat ng kalapit nilang kwarto. Ang lakas kasi ng tunog ng paa nito kaya nagulat siya. Bahagya siyang natawa ngunit mabilis din na iniwas ang tingin dahil tumingin ito sa gawi niya.
Baka isipin pa nito na tinatawanan niya ang dalaga.
Nang makapasok sa kwarto si Danica ay inilapag nito ang bag sa kaniyang upuan sa bandang gitna ng classroom. Nagtatakang tumingin sa kaniya si Sofia na seatmate niya. Hawak nito ang libro na binabasa. Ibinalik niya ang tingin sa libro.
“Anong nangyari sayo? Bakit hinihingal ka? At late ka ata ngayon?” natatawang tanong nito sa kaniya habang hawak pa rin ang libro. Bumuga ng malakas na hangin si Danica at para siyang hinihingal kaya pinaypayan niya ang sarili gamit ang kamay.
Kinuha niya rin ang kaniyang panyo para punasan ang mga pawis sa noo at leeg.
Tinatali niya ang buhok na sumagot kay Sofia. “Si Kuya kasi, akala ko may pasok kaya hinintay ko pa. Tapos hindi ko namalayan na thirty minutes na lang start na ng klase. Terror pa naman ang first subject natin,” ani Danica saka sumalampak ng upo.
Nang makahinga nang maayos ay inilabas niya ang libro galing sa bag.
“As if naman na babagsak ka, ‘te?” usal ni Sofia kay Danica na ngayon naman ay inilalabas ang listahan para sa pagkolekta ng funds nila. Hindi sumagot si Danica, ngumuso lang ito at binelatan si Sofia.
Lagi na lang ganyan ang sagot na nakukuha niya sa mga kakilala. Nangunguna kasi sa klase si Danica at halos ng gawain ay mabilis niyang naipapasa sa takdang oras. Nagugulat nga ang iba dahil sa kasipagan nito.
Bahagya naman na nagtago patagilid si Sofia nang mapansin ang listahan ni Danica dahil ke-aga-aga ay may babayaran siya agad. Kunwari ay nagbabasa pa rin siya sa hawak niyang libro.
Itinakip niya sa mukha niya ito at hindi na kinausap si Danica. Alam niya na kasi kung saan pupunta ang usapan nila.
Naramdaman niya ang pangangalabit ni Danica. Mariin siyang pumikit bago ito lingunin dahil paulit-ulit din ang pangangalabit nito sa kaniya. Nakalahad ang kamay nito habang nasa pagitan ng daliri ang ballpen. Nakangiti ito na abot hanggang mata kaya sumimangot siya.
“Napakaaga niyan, Danica! Parating na ang prof, oh?!” tumuro pa si Sofia sa labas na parang nandoon na ang professor nila.
“Sabi ng tatay ko, time is gold daw. Kaya akin na ang limang piso mo dahil marami pa akong sisingilin na may utang. ‘Wag ka nang magdahilan dahil once a week na nga lang ito, nangunguripot pa kayo,” saad niya at pinanlakihan ng mata si Sofia habang ginagalaw ang kamay na pinapaalala ang bayad niya.
“Bahala ka r’yan,” pagmamatigas pa ni Sofia at umayos ng upo.
“Isa, Fia,” mapagbanta ang boses ni Danica.
“Sila muna,” nguso ni Sofia sa mga kaklase na nag-iingay at may mga sariling mundo habang nakatuon ang mga mata sa libro na hawak. Inilipat nito ang pahina. Nag-isang linya ang mga labi ni Danica.
“Ikaw mag-explain lahat sa reporting mamaya, ah,” nakataas ang kilay niyang sabi kay Sofia kaya napatingin ito sa kaniya nang mabilis.
“Okay!” kunwari ay pakampanteng saad ni Sofia kahit kinakabahan na siya. Nahihiya kasi siyang humarap mag-isa pero alam niyang hindi seryoso si Danica.
Nagulat na lang ito nang kunin ni Danica ang mga report nila sa bag at nilapag sa lamesa niya. Akmang aalis na si Danica nang hilahin ni Sofia ang kamay niya.
“Teka lang. Joke lang, eh,” sumimangot lang si Sofia at wala ring nagawa kundi kumuha ng limang piso sa wallet niya at ibigay kay Danica. “Wala ka talagang patawad.” Natawa si Danica sa sinabi nito.
Binibiro lang naman niya ito pero para makatotohanan ay ibinigay niya lahat ng notes niya kay Sofia.
“Sayo na ‘yan! Itago mo, kundi makukulam ka ni Batumbakal mamaya,” tukoy nito sa professor nila na masungit.
“Thank you!” sagot niya at malawak na ngumiti bago ibinalik ang notebook sa bag at umalis sa pwesto ni Sofia.
Naglakad na siya papunta sa mga kaklase niya na mukhang iniiwasan din siyang makasalubungan ng tingin. Natawa siya sa reaksyon ng mga ito at ngitian sila habang naniningkit ang mga mata.
Mga nakasimangot na nag-abot ng bayad ang mga kaklase ni Danica. Nahinto lang siya sa paniningil nang dumating na ang professor nila kaya todo ang ngiti ng mga hindi niya pa nasisingil.