Tumikhim si Benedict at ibinalik ang atensyon sa paglalaro nang mapansin niya ang paggawi ng tingin ng isang babae galing sa kabilang kwarto na parang may binabantayan. Naiiling na lang siya pero palihim din na ngumiti.
“Double kill!!” masayang sabi ni Kenneth na tinatawanan lang siya. Nang mapansin na hindi gumagalaw ang character ni Benedict at puro talo ito ay masama niya itong tiningnan. “Ang bano mo naman, Boi! Baka gusto mo akong tulungan 'di ba? Mag-aaya ka r' yan tapos mang-iiwan ka lang,” panunumbat nito sa kaniya habang nasa cellphone ang mga mata at kamay.
“Sorry na. Anong ipinuputok ng butchi mo?” natatawang sagot ni Benedict sa kaniya nang maibalik ang tingin sa cellphone. Naglaro sila ulit.
Nagsidatingan na rin ang mga late nilang kaklase. Nang makita siya ng mga ito sa labas ay huminga sila nang malalim dahil tanda iyon na wala pa ang professor.
Habang naka-focus sa paglalaro ang dalawa ay may tumikhim sa gilid nila. Hindi nila ito pinansin. Naisip ni Benedict na baka sa kabilang kwarto ito o kaya ay mga kaklase nilang naghaharutan sa loob.
“Hoy, Kenneth! Dalian mo. Nasaan ka na ba? Mamamatay na ako,” hayag ni Benedict habang todo pindot sa cellphone. Napansin ni Benedict na medyo tumahimik ang paligid at ang mga kaklase niya na halos nagsisigawan sa loob. Nawala ang ingay sa kwarto nila na parang Divisoria sa dami ng nagdadaldalan.
“Teka lang, saglit!” sabi naman ni Kenneth na parang gigil na gigil sa cellphone niya. Mas lalong lumakas ang tikhim sa gilid nila kaya inis silang bumaling dito.
“Ano ba---”
Napatayo sa gulat ang dalawa at hindi na naituloy ang pagrereklamo dahil sa taong nakatayo sa gilid nila. Tinaasan sila ng kilay ni Mr. Denden.
Tumingin sa relo si Kenneth at minata si Benedict na oras na ng klase. Napapikit na lang sa inis sa sarili si Benedict.
“Good morning po, Sir Den,” bati nila nang nakangiti at itinago pa sa likod ang cellphone. Mabilis silang tumakbo papasok ng kwarto.
Halos masubsob pa sila sa pagmamadali na pumasok sa mga sariling kwarto dahil sa takot na mapagalitan. Muntik pang maligaw si Kenneth na dapat ay sa kabilang kwarto siya papasok.
Nakakunot kasi ang noo ni Sir Denden nang tingnan sila. Mukhang badtrip ang umaga nito.
Inayos niya ang salamin at pumasok na sa classroom nila Benedict. Mabuti na lang din ay wala pa ang professor sa kabilang kwarto pero ang nakalahad na kamay naman ni Danica ang sumalubong kay Kenneth.
Nakinig na sa klase si Benedict. Iniiwasan niyang makasalubong ang tingin ni Sir Denden dahil baka mapagtripan siyang tawagin nito.
Ayaw na ayaw niya ang mag-recite dahil humahaba ang argumento sa klase. Lalo na at tungkol sa society ang subject nila. Maaga pa rin para ma-stress kaya nakababa lang ang tingin niya sa libro na parang nagbabasa.
“Explain the difference between culture and society.” Rinig ni Benedict na sabi ng professor nila.
Naramdaman niya na bumibigat ang talukap ng mga mata niya. “Yes, Mr. Robinson?” napatayo siya at parang nagising ang diwa niya nang tawagin siya ni Mr. Denden.
“Yes, sir?” lutang niyang tanong na mahinang nagpatawa sa mga kaklase niya kaya ngumiti rin siya.
“I assume that you are reading your book dahil kanina ka pa r'yan nakatingin and it seems like you are getting sleepy in my class?” sarcastic ang pagkakasabi no’n ni Mr. Denden. “So... can you elaborate Enculturation?” inayos nito ang salamin niya pagkatanong kay Benedict.
Namula naman ang tainga ni Benedict kaya paniguradong para na siyang nagbabagang uling ngayon dahil sa kahihiyan. Bahagya niya ring pinukpok ang sarili dahil hindi siya nagbabasa.
Isa nga iyon sa kinatatamaran niya. Nagtiwala na lang siya sa instinct niya. Mukha namang narinig na niya iyon sa mga kaklase niya na kung magbasa at mag-review ay parang may megaphone ang mga bibig.
“Ang enculturation po ay---”
“English, please,” nakatukod ang mga kamay nito sa lamesa na may libro habang bahagyang nakababa ang kaniyang salamin na nakatingin kay Benedict.
Napapikit si Benedict na tinagilid pa ang ulo. Nagtitimpi na lang siya. Kaya ayaw niyang nahuhuli ni Mr. Denden dahil paniguradong pagtitripan siya nito.
Magaling naman magturo ang professor nila pero sadyang maloko ito na kapag nahuli ka niya na wala pa sa klase niya ay paniguradong buhay na buhay ang presence mo sa buong araw.
“Enculturation is the process by which an individual learns the important aspects of his society’s culture," panimula ni Benedict. Tumango-tango naman si Mr. Denden habang nakikinig sa kaniya.
"It is the cycle where an individual get to know all the things about the culture of the society he belongs. For example, in the Philippines ‘po’ and ‘opo’ is a tradition every time we talk with the elders. It was passed generation to generation and until now we still used it,” mahabang explanation niya.
“That’s right. Thank you, Mr. Robinson,” nakangiting sabi ni Mr. Denden sa kaniya at saka itinuloy ang discussion sa klase.
Umupo na siya pagtapos niyang magsalita. Kaya ayaw niyang nagre-recite, nakakaubos ng energy sa umaga. Hindi naman siya ganoon katalino pero mabilis siyang maka-pick-up sa lesson. Hindi niya lang talaga gusto na laging nasa kaniya ang atensyon.
“Class dismissed. Don’t forget your assignment for tomorrow, okay?” paalala ni Mr. Denden sa buong klase nang matapos ang oras ng kaniyang subject.
“Yes, sir!” sang-ayon nilang lahat.
Nang makalabas si Mr. Denden ay pasalampak na sumubsob si Benedict sa kaniyang desk na may nakapatong na notebook.
Napangiwi naman si Kael na nasa tabi niya. Iniikot ni Benedict ang ulo paharap kay Kael.
“Bakit nga ba ako nag-HUMSS?” walang buhay nitong tanong sa kaibigan na hinampas siya ng mahina sa pisngi gamit ang libro nito.
“Ewan ko rin sayo,” natatawang sabi ni Kael. Kinuha ni Benedict ang cellphone niya sa bulsa habang nakapatong pa rin ang baba sa lamesa nang hindi pa dumarating ang susunod na professor nila. Napangiti siya nang makita ang message galing sa girlfriend niyang si Aizcelle.
(Paalis na si Aizcelle sa bahay nila) Kumain ka na, babe? On my way na po ako sa work.
(Nakangiting tumipa sa cellphone si Benedict. Nilagyan pa niya ito ng heart emoji) Kakaumpisa pa lang ng klase ko pero ramdam ko na ang gutom. (Nagpa-cute si Benedict kahit hindi siya nakikita ng kasintahan) Ingat ka, ha? I love you!
Nang ma-i-send ang message kay Aizcelle ay kasabay no’n ang pagpasok ng prof nila kaya itinago na niya ang kaniyang cellphone.
Masaya siyang nakinig muli sa klase. Para siyang nabuhayan ng dugo dahil sa simpleng mensahe ng kasintahan. Mas matanda ito sa kaniya ng ilang taon pero hindi iyon naging hadlang sa kanilang relasyon.
Nakapangalumbabang abot tainga ang ngiti niya habang nagsusulat ng mga sinasabi ng kaniyang professor.
Bigla niya nakalimutan ang mga nangyari kanina at parang aso na hindi matanggal ang tuwang nararamdaman kaya bahagya siyang tinapik ni Kael habang umiiling.
Umayos siya ng upo at nag-focus na sa klase.