03 || Third Meeting ||

1778 Words
“Class dismissed,” malakas na naghiyawan ang Class A dahil tapos na ang klase nila. Nang makalabas ang professor nila ay mabilis silang nag-ayos ng gamit at isa-isang naglabasan. Nadaanan nila Benedict ang kwarto ng Class B dahil nauna siyang lumabas. Nang masilip niya ang kwarto ay hindi pa rin tapos magturo si Mr. Denden. Mabilis siyang lumakad paalis para hindi siya makita nito. Mabilis din naman siyang tumango sa kaibigang si Kenneth nang madako ang tingin nito sa kaniya. Nang makalabas si Benedict ay naramdaman niya ang pag-akbay ni Kael. “Punta tayong main campus, pre!” aya nito sa kaniya. Tinanggal niya ang pagkakaakbay ni Kael sabay umiling na ikinasimangot ng kaibigan. “Pupunta ako kay Aizcelle. Susunduin ko siya sa trabaho,” simpleng sagot nito na ikinaasim ng mukha ni Kael. “Hindi ka ba napapagod? Nasa kabilang direksyon pa ang bahay mo tapos araw-araw mo pa siyang pinupuntahan,” hindi makapaniwalang tanong ni Kael sa kaibigan habang naglalakad papuntang parking lot. “Ikaw nga, araw-araw dumadaan sa main campus para lang puntahan si Sandy. Eh, hindi ka naman pinapansin,” balik na pang-aasar nito kay Kael. “Ang bastos ng bunganga mo, gago,” masamang tumingin si Kael. Lalong sumingkit ang mata nitong singkit kaya naman hindi mapigilan ni Benedict ang lalong matawa. “Saka may motor naman kasi ako, pre,” aniya at iminuwestra pa ang kamay sa motor na nasa harapan pagkarating sa parking lot. “Sige na. Puntahan mo na bebe mo na ikaw lang ang nakakaalam,” natatawang sabi ni Benedict habang nakasandal sa kaniyang motor nang naka-krus ang mga kamay sa dibdib. “Siguraduhin mo lang na makikilala ka, ha,” dagdag niya pa saka tinapik ang balikat ng kaibigan. “Gago!” sigaw pabalik ni Kael. Rinig naman ang malakas na tawa ni Benedict sa buong parking lot. Itinaas ni Kenneth ang middle finger niya at saka naglakad paalis. Napailing na lang si Benedict bago kinuha ang isang helmet na nakasabit sa motor. Mabilis niyang pinaharurot ang kaniyang Yamaha papuntang convenience store na pinapasukan ni Aizcelle. Nang makarating ay nakita niya ang kasintahan sa cashier area na nakangiting kinakausap ang mga customer habang nagbabayad ng mga pinamili. Nakangiti niyang tinitigan ang dalaga mula sa labas. Nang madako ang tingin ni Aizcelle sa kaniya ay kinawayan niya ito na ibinalik naman ng dalaga habang malawak ang mga ngiti. Sinenyasan niya itong hintayin siya kaya tumango naman si Benedict. Ngunit napansin ni Benedict ang biglang pagbabago ng mukha ni Aizcelle nang lumapit ang isang katrabaho nito. Nag-aalala siya na baka may maling nagawa ang kasintahan niya pero nawala rin ang pag-aalala niya nang ngumiti ang dalaga. Siguro ay may sinabi lang ito kay Aizcelle tungkol sa store. Habang naghihintay sa labas ng convenience store, nakasandal lang si Benedict sa kaniyang motor nang makita niya sa ‘di kalayuan ang mga kaklase ni Kenneth. Mukhang pauwi na ito dahil sa magkakasama itong nagkukuwentuhan. Napatitig si Benedict sa mukha ng isa sa mga babae roon dahil sa pagtawa nito ngunit mabilis ding umiwas nang tumunog ang cellphone niya. “5 minutes, babe!” may masayang tono sa boses ni Aizcelle. Sinilip niya ang kasintahan saka sumenyas ng ‘okay’ rito. Matamis na ngiti naman ang ibinalik ni Aizcelle sa kaniya. Ilang minuto pa ang lumipas hanggang sa matapos ang duty ni Aizcelle. Dali-dali itong tumakbo papunta kay Benedict. Nang mapansin siya ni Benedict ay tumayo ito sa pagkakaupo sa motor saka ibinulsa ang hawak na cellphone bago sinalubong ng yakap si Aizcelle. “Where do you want to go?” tanong niya rito. Nag-isip si Aizcelle bago magsalita. “Seaside!” excited na sabi niya habang nakayakap pa rin kay Benedict at bahagyang nakatingala rito dahil sa pagitan ng height nila. “Tara!” aya ni Benedict sabay bigay ng isang helmet sa kaniya pagkahiwalay nila mula sa yakapan. Maghigpit nitong hinawakan ang kamay ng kasintahan at mabilis na hinalikan sa labi kaya naman parang nagpipigil ng kilig si Aizcelle habang nakatingin kay Benedict. Pero hindi nakatakas sa mga mata ni Benedict ang sumilip na pag-aalinlangan sa dalaga na hindi niya maintindihan. Masaya silang bumyaheng dalawa hanggang sa makarating sa seaside. Umupo sila sa harap ng dagat. Mayroong mga bricks doon na pwede nilang tambayan at upuan. May iilang tao rin ang nakatambay roon. Inilagay ni Benedict ang braso niya sa balikat ni Aizcelle. Isinandal naman ng dalaga ang ulo niya sa balikat ni Benedict habang hinihintay nila ang sunset. “Babe,” tawag ni Ai kay Benedict. “Hmm,” sagot ni Benedict habang nakatingin pa rin sa karagatan. “I love you,” may paglalambing na sabi ni Ai kay Benedict. Nang lingunin ni Benedict si Aizcelle ay kita niya na titig na titig sa kaniya ito. Ngunit hindi niya mawari kung bakit parang may gustong sabihin ang mga mata ng kaniyang kasintahan. Hindi niya na lamang ito pinansin at matamis siyang ngumiti saka hinalikan ito sa labi. “I love you,” Benedict says between their kisses. Nang maglayo ang mga labi nila ay mabilis na niyakap ni Ai si Benedict. “You okay, babe? Parang ang dami mong iniisip ngayon,” may bahid ng pag-aalala na sabi ni Benedict kay Ai. “Okay lang ako. Sadyang marami lang pinapaggawa sa store kanina kasi may nag-resign na namang part-timer,” ani Ai. Napatango-tango na lang si Benedict sa sinabi nito. Niyakap niya pabalik ang dalaga at hinalikan sa tuktok ng ulo saka ibinalik ang tingin sa karagatan. Nawiwirduhan man si Benedict sa dalaga ay hindi niya na lang ulit ito tinanong. Bigla kasing naging iba ang pakikitungo ni Ai sa kaniya simula nang magpaalam ito na pupunta sa birthday party ng mga kaibigan. Bahagya na lang siyang napailing para matanggal ang hindi magagandang iniisip niya. I’m overthinking, aniya sa sarili. Gabi na ng magdesisyon silang umuwi na. Kilala ng pamilya ni Benedict si Aizcelle kaya naman hindi na nagtataka ang mga ito kapag hindi siya umuuwi ng maaga. Nang makarating sa bahay ni Ai ay hinawakan niya ang kamay nito bago pa man ito makaalis. Lumingon si Aizcelle sa kaniya at nagtatakang tumingin. Hinintay niya ang susunod na sasabihin ni Benedict. “Let’s get married after I graduate in college, Ai,” biglang sabi ni Benedict matapos ang mahabang katahimikan sa pagitan nila. Ang mga ngiti ni Ai ay bigla na lang naglaho dahil sa gulat. Napanganga siya at hindi alam ang sasabihin. Parang nabitin sa hangin ang mga salitang gustong kumawala sa bibig niya. Nakatitig lang siya sa nakangiting si Benedict. Naramdaman niya ang higpit ng pagkakahawak ni Benedict sa braso niya. Kumurap-kurap si Ai at bumuntong hininga bago dahan-dahang hinila ang braso mula sa kamay ni Benedict. Nagbago naman ang ekspresyon ni Benedict. Unti-unting nawala ang mga ngiti nito habang tinatanggal ni Ai ang kamay niya sa pagkakahawak. “I’m sorry, Ben,” nakayukong sabi ni Ai. Litong nakatingin si Benedict kay Aizcelle. Muli niyang hinawakan ang kamay ni Aizcelle. Napatingin si Ai sa kamay nilang magkahawak at hindi mapigilan ang isang butil ng luha na tumulo mula roon. “Hindi naman kita minamadali kung hindi ka pa ready,” saad ni Benedict nang maisip niya na naging biglaan ang proposal niya kay Aizcelle. “I’m sorry, Ben... but…” saglit na napahinto si Ai. “…let’s end this,” pigil na iyak na sabi ni Aizcelle. Sa pagkakataong ito ay nabitawan na ni Benedict ang pagkakahawak sa kamay ni Aizcelle. Kumunot ang noo niya. “You’re kidding,” hindi makapaniwala niyang sabi. “No. I’m not,” hindi pagsang-ayon naman ni Aizcelle. “Bakit? Kanina okay naman tayo, ah?” tanong ni Benedict. “Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sayo nang hindi ka masasaktan—“ “Pero nasasaktan na ako kahit wala ka pa ring sabihin,” putol niya sa sinasabi ni Ai, “…so, bakit?” Hinihintay ni Benedict ang sasabihin ni Ai pero nahihirapan si Aizcelle kung paano niya sasabihin ang totoo kay Benedict. Humakbang papalapit si Benedict ngunit umatras naman si Aizcelle kaya mas lalong nalito si Benedict sa inaasta ng kasintahan. “Ai—“ “Buntis ako, Ben,” mabilis na sabi ni Aizcelle habang nakayuko at pikit ang mata. Mahigpit ang hawak niya sa shoulder bag na nakasabit sa balikat niya. Napako naman sa kinatatayuan si Benedict. Umigting ang panga niya at ikinuyom ang mga kamao. “Sino?” pabulong niyang sabi matapos ang minutong hindi siya nakasagot sa confession ni Aizcelle. “Si Patrick,” maingat ngunit nauutal niyang sabi dahil ramdam ni Ai ang galit sa mga mata ni Benedict nang iangat niya ang ulo para tingnan ito. Pansin niya ang biglang pagtulo ng luha sa mga mata ni Benedict kaya naman hindi niya mapigilan ang mas lalong maiyak. “Kailan pa?” tanong pa ni Benedict. Hindi alam ni Benedict kung saan siya kumukuha ng lakas para magtanong sa kasintahan. Hindi niya alam kung paano niya nakakayanan na kausapin pa ito at maniwala sa mga sinasabi niya. “Last month. Noong birthday ni Cheena,” sagot ni Danica. “Kaya ba ayaw mong sunduin kita? Akala ko ba umuwi ka no’n?” sunod-sunod na tanong ni Benedict. “Nalasing kami. Lasing kami nang may mangyari sa amin. Pero hindi ako nagsisisi sa ginawa ko...” ani Aizcelle. Hindi makapaniwalang nakatingin si Benedict dahil sa mga sinasabi ni Aizcelle. “…may gusto na rin ako kay Patrick, Ben,” matapang na pag-amin ni Aizcelle. Hindi makapaniwalang nakatingin si Benedict kay Aizcelle. “Pvtangina? So, ilang buwan niyo na akong niloloko?” asik ni Benedict. Nagulat naman si Aizcelle sa biglang pagtaas ng boses ni Benedict. “I’m sorry,” aniya. Napayuko siya dahil ramdam niya na hindi siya mapapatawad ni Benedict. Hindi niya muling narinig na nagsalita si Benedict. Nang iangat niya ang tingin ay nakasuot na ng helmet si Benedict. Sumakay ito ng motor niya at walang sabi-sabing pinaharurot ang sasakyan. Halos lumipad na si Benedict sa motor dahil sa nagpupuyos na galit na kaniyang nararamdaman. Pakiramdam niya ay ang tanga-tanga niya dahil hindi niya napapansin na niloloko na pala siya ng girlfriend niya. Nang makarating sa tapat ng bahay ay hindi muna siya pumasok sa loob. Para siyang hinihingal habang nakaupo pa rin sa motor. Mahigpit ang hawak niya sa hand grip. Nagulat na lang ang mga taong dumadaan nang bigla niyang suntukin ang salamin ng motor niya. Nabasag ito pero hindi niya iyon pinansin. Hindi niya rin ininda ang dugo na umaagos sa kamao niya. Nang makapag-park ay dire-diretso siya sa kaniyang kwarto at nagkulong saka roon umiyak nang umiyak. Alam ko naman.. pero nagbulag-bulagan ako... kasi mahal kita, Ai.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD