Mayamaya ay dumating na sina Carlo at Kuya Randy galing ng airport. Hindi ko mapigilan ang umiyak nang makita ko si Kuya Randy nang salubungin ko ito. Niyakap niya ako nang mahigpit habang umiiyak ako sa balikat niya. "Kuya, sorry." Humihikbi kong sambit. "It's okay! Don't be sorry," wika nito habang hinahagod ang likod ko. "Wala kang kasalanan." Kaagad na pumasok kami sa loob nang bahay habang naka-akbay ito sa akin. Nang makita siya ni Nanay hindi nito napigilan ang umiyak. Lumapit si Kuya kay Nanay at doon na umiyak nang umiyak ang aming ina habang yakap siya ni Kuya Randy. Isang beses sa loob ng dalawang taon lang nagkasama-sama ang aming pamilya at sa pagkakataong ito hindi na namin makakasama ang aming ama. Sayang lang at hindi na nito nasilayan ang munting anghel na parating.

