DEAR STRANGER CHAPTER 5: Don't talk to Strangers
"HINDI niya ba sinabi kung anong oras siya babalik para bumili rito?" tanong ko kay Claire sabay hikab.
Inaantok pa kasi ako dahil hindi ako masyadong nakatulog kagabi at gumising naman ako ng maaga sa sobrang excitement ko sa araw na ito. This is the day I’ve been waiting for so long.
"Wala naman siyang nabanggit, basta ang sabi lang niya sa akin ay babalik siya rito ngayon," sagot niya. "Halatang hindi ka nakatulog sa eyebags mo, bet na bet mo ba talaga siya, Sis?" tanong ni Claire na inaasar ako sabay siko sa tagiliran ko.
Tumingin naman ako sa kanya. "Gusto ko lang talaga siyang makita ulit, Sis. At kapag napatunayan kong siya na ang matagal ko nang panalangin, ako na ang magiging pinakamasayang babae sa balat ng lupa!"
"Ano ba kasi iyang panalangin mo na iyan, hindi mo pa nakukwento sa akin," usisa niya.
"Sasabihin ko sa iyo kapag nakumpirma ko na," sagot ko sabay baling ng aking atensiyon sa may pinto ng café.
Kung nahintay ko siya ng apat na araw, ano ba naman iyong maghintay pa ako ulit ng ilang oras pa? Sisiw nalang iyong sa akin. Lalo na ngayon na may pagkakataon ulit ako para makita siya.
Naikuwento ko rin kay lola ang nangyari kahapon kaya naman excited rin ito sa pagkikita namin ngayon. Sigurado akong siya iyon, ang lalaking nagpahiram sa akin ng payong kahapon, si Mr. Stranger. Ang akala ko talaga ay hindi ko na siya nakilala, ganoon pala ay ibang lalaki ang hinabol ko kahapon.
"Nga pala, Sis." Nilapitan ako ni Claire at inakbayan ako. "Naibalik mo na ba iyong isang payong do'n sa isang lalaki? Iyong nagpahiram sa iyo no'ng nakaraang linggo?"
Naaalala ko tuloy ang lalaking iyon, si Mr. Payong No. One. Nawala na kasi siya sa isipan ko dahil ilang araw na rin ang nakakalipas mula nang ipahiram niya ang payong sa akin.
Napabuntong-hininga ako at saka nagsalita, "Hindi ko na nga nasauli, Sis, hindi na kasi kami nagkita. I mean... hindi ko naman siya kilala so, hindi ko alam kung papaano ko ba isasauli iyong payong niya sa kanya." Hindi ko rin naman kasi malalaman na siya nga iyon kahit pa makasalubong ko na ulit ang lalaki.
"Alam mo, Sis, naisip ko lang na peymus ka sa mga lalaking may payong. Biruin mo pangalawa na si Mr. Stranger sa nagpahiram sa iyo. Mala-korean drama ang peg mo, ha. Ganda ka, Girl?" buska nito.
Napatawa naman ako at inakbayan siya. "Bibigyan kita ng tip galing sa isang pro na katulad ko. Huwag na huwag ka ng magdadala ng payong kahit sa tingin mo ay uulan ng malakas para may magpahiram sa iyo ng payong na lalaki. Uso kaya iyon sa korean dramas," sakay ko sa biro nito.
"Masubukan nga ng magka-fafa naman ako! Lagi na lang akong naloloko, eh," reklamong sagot nito.
"Loka ka!" sambit ko na nagpatawa sa aming dalawa. Kung love life lang naman kasi ang pag-uusapan ay marami ng experience sa akin si Claire. Iyon nga lang ay lagi naman siyang nauuwing luhaan sa mga nakalipas na relasyon niya.
Maya-maya ay tumayo na ako para baligtarin na ang 'closed sign' sa 'open sign' na nakasabit sa may pinto, tanda ng pagbubukas ng café.
I'm so ready. Makikita na rin kita ulit, Mr. Stranger! I’m praying na makilala kita.
---
"MATCHA green tea po," agad akong napatigil sa ginagawa ko dahil sa nagsalitang iyon. Busy kasi ako sa paggawa ng milk tea sa isang sulok para sa isang grupo ng mga kabataang um-order kanina pero hindi pa rin nawawala sa isip ko si Mr. Stranger.
Dahil sa Matcha ang in-order ni Mr. Stranger kahapon ay kinakabahan ako every time na may maririnig akong um-order din no'n. Sinabi ko naman kay Claire na signal-an niya ako kaagad kapag nakita niya na si Mr. Stranger in case na hindi ko ito mamukhaan.
"One Espresso Matcha Latte please," napalunok ako nang marinig ulit iyon. Natatakot akong lingunin ang nagsalita. Sakto naman na pumunta si Claire sa loob para refill-an ang naubos ng ingredients doon. Medyo marami na kasi ang tao sa café ngayon.
"Pau, may umo-order. Ako muna riyan," sabi ni kuya Tim sa akin.
Agad naman akong nag-ayos ng sarili ko habang papalapit sa counter ng nakayuko. Hindi ko alam kung bakit bigla akong nakaramdam ng kaba sa dibdib ko. Hindi ko pa naman sigurado kung siya nga si Mr. Stranger pero heto't sobrang bilis na ng t***k ng puso ko. Hindi ko alam kung dahil sa kaba na hindi ko siya makilala o dahil sa excitement na makilala ko siyang muli.
"One Espresso Matcha Latte," ulit niya.
Ang lamig ng boses ng lalaki na tila nagbigay din ng malamig na pakiramdam sa akin. Huminga muna ako ng malalim saka ko dahan-dahan na iniangat ang mukha ko at itinuon ang aking mga mata sa pinanggalingan ng boses na iyon.
Naramdaman ko ang bahagyang pagtigil ng ikot ng mundo. Gayon din ang pagbagal ng takbo ng oras na sa mga drama at teleserye ko lang nakikita noon. Wala akong naririnig nang mga sandaling iyon kundi ang malakas na t***k ng puso ko. Palakas iyon nang palakas na.
Hindi ko na rin malaman kung ilang segundo o minuto akong napanganga nang makita ko ang mukha niya. Hindi ako makapaniwala dahil nakikita ko siya. Mali. Hindi ko lang siya nakikita kundi nakikilala ko siya. I was drawn into this perfect-looking stranger in front of me. Ang guwapo pa rin ng kanyang mukha kagaya no’ng una ko siyang makita nang magkabungguan kami.
I can’t believe that I can recognize his face again kahit ilang araw na rin ang nakalipas. He’s not a stranger in my eyes anymore dahil for the first time in my face-blind life, hindi na ako nagtataka kung sino ang taong nasa harapan ko.
He has the face of a man that was perfectly sculpted, a pointed nose, moist lips, and thick eyebrows but what caught my attention is his attractive chocolate brown eyes with long eyelashes.
Gusto kong magtatatalon sa tuwa. Gusto kong sumigaw ng malakas at ipagsigawan na may nakilala na rin ang mukha ko. Sa pagkakataong iyon, gusto ko na lang na huminto ang oras at titigan siya hanggang sa magsawa ang mga mata ko… hanggang sa makabisado ko ang bawat linya ng kayang mukha para hindi ko siya makalimutan. Kung puwede lang… kung puwede lang sana.
Thank You, Papa G. Hindi Mo po ako binigo. Tinupad Ninyo po ang panalangin ko na makita siyang muli, makilala ang mukha niya at may bonus pang pakikipag-usap.
"Miss?" pagtawag niya na nagpabalik sa akin sa realidad.
“Pau, iyong customer natin…” Napatingin naman sa akin si kuya Tim na tila nagtataka kung ano ang nangyayari sa akin.
"O-Oh, Hi! H-Hello!" sagot ko na nagpakunot ng noo ng lalaking kaharap ko. Napangiwi ako dahil hindi naman iyon ang dapat na sasabihin ko sa kanya. Hindi pa rin kasi ako makapaniwala na naalala ko ang mukha niya. This is one of the most unforgettable moment of my life.
"Hindi mo ba kukunin ang order ko, Miss?" tanong niya ulit na mukhang naiinip na sa paghihintay sa akin.
"Ah, no. I mean...y-yes, kukunin ko po.” Natataranta ako dahil nararamdaman ko pa rin ang kaba at saya sa aking dibdib. Para akong aatakihin sa sobrang kaba ng mga sandaling iyon. “Uhm… A-Ano nga po iyon ulit?”
"One Espresso Matcha Latte," ulit niya.
“Oh. O-One Espresso Matcha Latte…" saad ko. Tumingin siya sa akin at libu-lubong kuryente ang gumapang sa buong katawan ko. Ayoko na sanang alisin ang mga mata ko na nakatingin sa kanya pero dapat ko nang i-punch ang order niya kung ayaw ko na tuluyan siyang mainis sa akin. "One Espresso Matcha Latte for one hundred twenty pesos po, anything else, Sir?" tanong kong muli sabay tingin ulit sa kanyang mukha.
Siya talaga si Mr. Stranger, walang duda! Siya ang lalaking nagbigay sa akin ng pag-asa na makakilala ulit. Napangiti ako ng malawak.
"And one slice of blueberry cheesecake," tugon niya habang nakatingin sa mga cakes na malapit sa counter. Pati ang pag-iisip niya na may bahagyang pagkunot ng noo ay kaygandang pagmasdan kahit naka-side view siya. Saka ko lang napagtuunan ng pansin ang suot niya na white t-shirt at jeans. Kahit simple at plain lang iyon ay ang guwapo pa rin ng binata. Ang hiling ko lang noon kay Lord ay may makilala ako. Hindi ko naman ine-expect na bibigyan Niya rin ako ng isang mala-anghel na lalaki. Hindi ko alam kung dahil bas a siya lang ang lalaking naalala ko ang mukha kaya naman ganoon ang tingin ko but he’s really a good-looking one. Thank You, Lord! “Nakuha mo ba?” tanong nito.
Muntik na akong mapalundag nang tumingin siya sa akin muli.
Tumango ako, "Uhm… One Espresso Matcha Latte and one slice of blueberry cheesecake for two hundred fifty pesos po, Sir," ulit ko. P-in-unch ko na iyon at iniabot naman nito ang card niya sa akin. Gusto ko pa sanang patagalin ang pag-uusap namin pero marami pang susunod na customers. "Here you go, Sir. Pahintay na lang po iyong order ninyo." Ibinalik ko rito ang card niya.
Inabot niya iyon pero hindi ko mabitiwan ang pagkakahawak sa card niya. Nagtatalo ang puso at isip ko sa dapat kong gawin ng sandaling iyon. Ayoko muna kasi siyang mawala sa paningin ko. Ayaw siyang pakawalan ng malalandi kong mga mata na hindi magsasawang titigan siya hanggang gabi.
Napatingin tuloy siya sa akin ng nagtataka. "Uhm, do you still need my card, Miss?”
“Ahm… hindi na po,” sagot ko. Agad akong nag-isip ng sasabihin para makapag-usap pa kami nang mapantingin ako sa promo cards na nasa tabi ng counter. “B-Baka lang po gusto niyo pong mag-avail ng promo card po namin para sa susunod na makabili po kayo ng three consecutive Espresso, may libre na po kayong cookies," alok ko habang nakahawak pa rin sa card niya.
"No, thank you,” mabilis niyang sagot.
“Sigurado pong magugustuhan mo po ang iba pa naming promo, Sir! Hindi lang po cake ang masarap dito kundi pati po ang cookies namin ay masasarap din po. Puwede ninyo pong susbukan,” pangungulit ko dahil ang totoo ay gusto ko siyang makausap pa ng matagal. Gusto kong sulitin na ang bibihirang pagkakataong ito.
“No, sorry. I won't be back again, anyway," tanggi niyang muli kaya napabitiw ako agad sa card niya.
“Po? B-Bakit?”
Bakit hindi ka na babalik? Gusto ko kitang makita ulit!
“Ha?” Napataas ang kilay nito na tumingin sa akin. “Am I obligated to tell you the reason why?”
Napakurap-kurap ako nang ma-realize ko kung ano ang lumabas sa pasmado kong bibig. Dahil sa gulat ko ay hindi ko inaasahang mabigkas ang mga salitang nasa isip ko ng malakas at marinig niya iyon.
“H-Hindi po. I mean… s-sorry…” Napangiwi ako. Baka isipin niya ay ang pakialamera kong tao. Napabuntong-hininga ako sa katangahan ko.
Dagli naman siyang lumakad palayo. Humanap siya ng isang available na table at naupo roon. Ako naman ay naiwan na nakatulala sa may counter. Malungkot ang aking puso sa narinig mula sa kanya.
Hindi na raw siya babalik dito? Bakit kaya?
Napabuntong-hininga akong muli. Kung kailan pa naman na nakita ko siya ulit at ipinangako ko na sa sarili ko na araw-araw ko siyang aabangan dito sa café naming saka pa niya sinabi ang masamang balita na iyon.
Kailangan kong gumawa ng paraan para magkakilala kami. I need to take one step forward to him. Ayokong balewalain ang pagkikita naming muli. Ayokong mawala na lang na parang bula ang pag-asa ko.
Hindi maari!