CHAPTER SIX

3163 Words
NAKAUWI na si Sanya sa bahay nila pero hindi pa rin mawala ang takot at panginginig ng katawan niya. Takot na takot pa rin siya sa tangkang panghahalay ni Edward sa kaniya. Tiwala siya dito kaya hindi niya inaasahan na magagawa nito ang bagay na iyon sa kaniya. Talaga palang hindi porket kilala mo na ang isang tao ay hindi ka na nito gagawang ng hindi maganda. Parang nagkaroon na tuloy siya ng duda sa lahat ng tao dahil sa ginawang iyon ni Edward. Tapos isang tao na kinakatakutan pa niya dahil sa hitsura nito ang nagligtas sa kaniya. Nagkulong lang siya sa kaniyang silid. Nakaupo siya sa ibabaw ng kama at nakasandal sa headboard. Yakap niya ang sarili at nakatingin sa kawalan. Napapitlag siya nang may kumatok sa pinto. “Sanya? Nandiyan ka na ba?” boses iyon ni Aira. “Y-yes, Ate Aira.” Parang may nakabarang kung ano sa lalamunan na sagot ni Sanya. Pilit niyang pinaglalabanan ang panginginig. “Papasok ako, ha.” “Sure. Go lang.” Umikot ang door knob at bumukas ang pinto. Mabilis niyang inayos ang sarili. Humiga siya. Panigurado kasing uusisain siya ng kanilang kasambahay kapag nakita siya sa ganoong ayos. Tuloy-tuloy na pumasok si Aira. Alam kasi naman ng mga ito na hindi siya naglo-lock ng pinto. Umupo si Aira sa gilid ng kama. “Late ka na yata umuwi. Ang sabi nina Cathy ay lumabas ka. Saan ka ba galing? Nag-dinner ka na ba?” tanong nito. “Yes, Ate Aira. May bibilhin lang sana ako sa mall and then nakita ako ng mga classmates ko. Nagkayayaan na kumain sa labas.” “Ganoon ba? Kumain ka na pala. Ipinagtabi pa naman kita ng food. Pero, sige. Kapag nagutom ka, bumaba ka lang sa kusina. Nasa ref iyong ulam. I-microwave mo na lang iyon.” “Thanks po.” matipid niyang sagot. Mataman siyang tiningan ni Aira na para bang ine-eksamin siya nito. “May problema ka ba, Sanya? Parang ang tamlay mo, a.” Dinama nito ang leeg at noo niya. “Hindi ka naman mainit. Wala ka namang sakit.” “I’m okay.” Isang pilit na ngiti ang pinakawalan ni Sanya. “Inaantok lang po ako kaya ako ganito.” “Siya, sige. Inaantok ka na pala. Iiwanan na kita dito para makatulog ka na. Good night!” “Good night, Ate Aira.” Pagkasabi niya niyon ay lumabas na rin ito. Pinatay na niya ang ilaw at muli siyang bumalik sa kama. Humiga siya at binalot ng kumot ang sarili habang nakatingin sa kawalan. Sa totoo lang ay hindi naman talaga siya inaantok. Tila hindi niya magagawang makatulog ngayong gabi at sa mga susunod pang gabi dahil sa trauma na naranasan niya sa kamay ni Edward. Alam naman niya na palagi niyang tinatanggihan si Edward kapag nagre-request ito na makipagtalik sa kaniya. Hindi pa siya handa sa ganoong bagay at isa pa’y mga bata pa sila. Paano kung mabuntis siya? Hindi niya alam kung makakaya ba niyang gampanan ang responsibilidad ng isang ina. Marami pa siyang pangarap na gustong abutin at gustong gawin sa buhay at iyon ang hindi naiintindihan ni Edward. Hanggang sa dumating na ito sa puntong pinupwersa na siya nitong makipagtalik. Muling bumalik sa alaala ni Sanya ang naganap kanina lang sa kwarto ni Edward at hindi niya napigilan ang mapaiyak. Paano na lang kung hindi dumating si Vincent? Baka nagtagumpay ang hayop na si Edward sa masama nitong balak sa kaniya! LABAS ang madidilaw na ngipin ni Vincent sa laki ng kaniyang pagkakangiti habang nakatingin siya sa pinakamalaking litrato ni Sanya na meron siya. Labis ang sayang nararamdaman niya dahil hindi siya makapaniwala na sa pangalawang pagkakataon ay malalapitan at makakausap niya ang babaeng hinahangaan ng lubos. Nagawan pa niya ito ng maganda kaya sigurado siyang nahulog na ang loob nito sa kaniya. Ganoon kasi ang napapanood niya sa mga pelikula at teleserye. Kapag nagawan ng maganda ng lalaki ang babae ay nagkakagusto na ang babae sa lalaki. “Love mo na siguro ako, Sanya! Mabuti na lang talaga at hi-nack ko ang camera ng laptop mo no’ng ayusin ko iyon. Nalalaman ko na kung anong ginagawa mo at kung saan ka pupunta.” Lingid sa kaalaman ni Sanya ay nagawa niyang ma-hack ang camera ng laptop nito. Kaya niyang buhayin ang camera ng laptop nito remotely at makikita na niya ang ginagawa ni Sanya sa isa pa niyang laptop. Kaya nalaman niya na makikipagkita ito sa isang lalaki sa coffee shop na malapit sa bahay nito. Mula sa labas ng coffee shop na iyon ay matiyagang naghintay si Vincent sa paglabas ni Sanya. Ganoon na lang ang galit na bumalot sa kaniya nang makita niyang may lalaking kasama si Sanya nang lumabas ito. Nang sumakay ang dalawa sa kotse ay agad siyang tumawag ng tricycle at pinasundan niya ang dalawa. Humantong sila sa isang bahay at kinabahan siya nang makita niyang lumabas ang lalaki sa kotse na buhat ang walang malay na si Sanya. Naisip niya agad na may masamang balak ang lalaking iyon kay Sanya kaya naman gumawa siya ng paraan para makapasok sa bahay. At hindi naman siya nabigong iligtas si Sanya mula sa kamay ng lalaking iyon. Hindi naman kasi siya papayag na may ibang lalaking gumalaw kay Sanya. Siya lang dapat ang gumawa ng bagay na iyon dito. “Hayaan mo, Sanya, pupuntahan kita sa bahay mo. Doon ligaw kita. Magdadala ako ng bulaklak at chocolates!” Kinikilig na humagikhik si Vincent. Nai-imagine niya kasi ang saya ni Sanya kapag nililigawan na niya ito. Siguradong kikiligin ito sa kaniya. At dahil maganda na ang imahe niya dito ay malakas ang pakiramdam niyang hindi na siya nito papahirapan at sasagutin na agad siya nito. “Mali talaga ang nanay ko! Sabi niya, hindi mo ako mamahalin! Mali talaga siya. Mabuti na lang at pinatay ko na siya. Wala nang kontrabida sa pagmamahalan natin, Sanya!” Hinaplos niya ang mukha ni Sanya sa litrato at hinalikan ito sa labi. Lumabas si Vincent ng kwarto niya at pumunta sa banyo. Umalingasaw ang nakakasulasok na amoy mula sa bahagyang nabubulok na bangkay ng kaniyang nanay. Maputla na ang balat nito. Pero hindi alintana ni Vincent ang masangsang na amoy. Tila normal lang iyon sa kaniya. Nilapitan niya ang bangkay at akala mo ay buhay ito na kinausap. “Mali ka talaga, nanay! Mamahalin na ako ni Sanya!” aniya sabay tawa ng malakas. Hindi pa siya nakuntento at tinadyakan pa niya ang mukha nito. Nawasak iyon at tumalsik sa kung saan-saan ang nadurog na laman na may kasamang maliliit na kulay puting uod. Pati ang paa niyang ginamit sa pagtadyak ay kinapitan ng durog na laman at uod. Muling bumalik si Vincent sa kaniyang kwarto. Nami-miss na agad niya si Sanya at gusto na niya itong makita. Ngunit nakauwi na naman ito. Binuksan niya ang kaniyang laptop at mula doon ay binuhay niya ang camera ng laptop ni Sanya. Mabuti na lang at hindi nakatiklop ang laptop ni Sanya kaya nakikita niya si Sanya na nakahiga sa kama. Gising pa rin ito habang nakabalot ang katawan ng kumot. “Bakit kaya gising ka pa, Sanya? Siguro… siguro, iniisip mo ako, `no? Tama ba ako, Sanya? Huwag kang mag-alala dahil sa iyo lang ako. At ikaw, akin ka lang, ha. Akin lang!” Akala mo ay naririnig siya ng babaeng pinapanood. Parang hindi mapakali si Sanya sa pagkakahiga. Pabaling-baling ito hanggang sa umupo ito at may kinuha sa maliit na lamesa sa tabi ng kama. Cellphone lang pala ang kinuha nito. Naisip ni Vincent na baka online si Sanya kaya nito hawak ang cellphone. Nagmamadali niyang hinanap ang kaniyang cellphone at nakita niya iyon sa ilalim ng kaniyang kama. Ang gagawin niya ay icha-chat niya si Sanya. Baka kasi katulad niya ay nami-miss na siya nito. Ayaw naman niyang nalulungkot ito dahil sa kaniya. Pagbukas niya ng kaniyang Messenger ay nakita niya ang pangalan ni Sanya na may kulay green na bilog. Ibig sabihin ay online ito. In-open niya ang message niya kay Sanya upang padalhan ito ng mensahe. Napansin niya na puro message niya ang naroon at kahit minsan ay hindi man lang nag-reply si Sanya sa kaniya. Kahit seen ay hindi nito ginawa sa mga mensahe niya para dito. Nakaramdam siya ng kaunting inis pero agad niya iyong iwinaglit. “Mahal na ako ni Sanya. Iniligtas ko siya kaya love na rin niya ako!” Ngingiti-ngiting sabi ni Vincent sa kaniyang sarili. Gamit ang totoong account sa f*******: at Messenger ay pinadalhan ni Vincent ng mensahe si Sanya sa Messenger nito. Kinumusta niya ito at sinabi niya na kung maaari ay mai-add niya ito para maging friends na sila sa f*******:. Vincent: Kumusta ka na, Sanya? Ako ito, si Vincent. Pwede mo ba akong i-add? Salamat… Ilang minuto din ang hinintay niya bago nakatanggap ng reply mula sa babae. Sanya: I’m good. Thank you. Sure. Na-add na kita. Accept mo na lang. Kulang na lang ay magtatalon sa labis na saya si Vincent sa reply na iyon ni Sanya. Pakiramdam niya ay daig pa niya ang tumama sa jackpot sa lotto nang maging friend na niya sa kaniyang totoong f*******: account si Sanya. Vincent: Salamat, Sanya. Hindi mo alam kung gaano ako kasaya dahil friends na tayo! Seen. Matagal siyang nakatitig sa screen ng kaniyang cellphone. Na-seen na ni Sanya ang huli niyang message dito at hinihintay na lang niya ang pagsagot nito. Lumipas ang halos limang minuto pero wala siyang natanggap na reply. Inisip niya na baka may ginawa si Sanya kaya hindi ito nakasagot. Pero online pa rin ito. Ano nga kaya ang dahilan kung bakit hindi pa rin ito sumasagot? Naalala niya iyong laptop niya. Tiningnan niya mula doon ang ginagawa ni Sanya pero wala na siyang makita kundi puro itim na lang. Sa tingin niya ay itiniklop na ni Sanya ang laptop nito. Ibig sabihin ay hindi na niya makikita gamit ang camera nito kung ano ang ginagawa nito. Hindi na tuloy siya mapakali. Kung anu-ano na ang naiisip niya kaya muli siyang nag-message kay Sanya. Vincent: Bakit nga pala gising ka pa, Sanya? Typing… Halos tumalon ang puso niya nang makita niyang nagta-type na si Sanya. Sanya: I can’t sleep pa, e. Pero mamaya tutulog na rin ako. Ikaw, bakit gising ka pa? Vincent: Tinatanong mo ako kung bakit gising pa ako? Salamat at inaalala mo ako. Iniisip kasi kita, Sanya. Ikaw ba, iniisip mo rin ba ako? Seen. Vincent: Sanya, may gusto pala akong sabihin sa iyo. Ang totoo kasi niyang ay mahal na mahal kita. Seen. Vincent: Noong una, fan mo lang ako pero ngayon mahal na kita. Gusto kitang maging girlfriend, Sanya. Sana payagan mo akong manligaw sa iyo. Okay lang ba? Seen. Vincent: Alam ko naman na love mo na rin ako kasi tinulungan kita. Tama ako, `di ba? Seen. Vincent: Hindi ka ba makasagot kasi kinikilig ka sa mga sinasabi ko, Sanya? Napahagikhik pa si Vincent sa mensahe niyang iyon. Seen. Magta-type pa sana siya ulit ng mensahe pero biglang… You cannot reply to this conversation. Noong una ay inakala niyang nagkamali lang siya ng tingin. Kumurap-kurap siya na sinundan pa ng pagkusot sa mata. Para siyang pinagbagsakan ng langit ng makita niyang blinock siya ni Sanya. “B-bakit niya ako bli-nock? H-hindi ba niya ako gusto? Bakit niya ako bli-nock? M-may nasabi ba akong masama? Hindi niya ako gusto? B-bakit?” Naguguluhan niyang tanong sa sarili. Nabitawan niya ang cellphone nang sabunutan niya ang sariling buhok. Kukunin niya sana ang nabitawang cellphone nang matigilan siya dahil may narinig siyang matinis na tawa na parang nanggagaling lang sa loob ng kaniyang kwarto. Sa sobrang tinis ng tawa ay nagdudulot iyon ng sakit sa kaniyang tenga at ulo. “Sinong nandiyan?” Iginala niya ang mata niya pero wala siyang nakitang kahit na sino. Siya lang ang mag-isa na naroon. Patuloy pa rin ang pagtawa. “Sino sabi iyan, e?!” sigaw na niya. Ganoon na lang ang gulat niya nang umuga ang kama niya. Sumilip siya sa ilalim at malakas siyang napasigaw nang mula sa ilalam ng kama ay lumabas ang isang babae ng pagapang. Tumayo ito sa may paanan niya. Nanlaki ang mata ni Vincent nang makilala niya ang naturang babae! Walang iba kundi ang nanay niya! Maputla ang buong mukha nito at nanlalaki ang mga mata. Duguan ang suot nitong damit. Iyong palaging suot nitong daster. “Sino namang may sabing magugustuhan ka ni Sanya? Ang pangit mo! Mukha kang halimaw! Ang isang magandang katulad ni Sanya ay hindi magugustuhan ang katulad mo, Vincent! Tandaan mo `yan!” Tumatawang bulyaw sa kaniya ng nanay niya. Nahihintakutang napasabunot ni Vincent sa sarili. Umiling-iling siya. “Hindi ka totoo! Patay ka na! Pinatay na kita!” Tulirong turan niya. Tumingin siya dito at nawala ang takot sa mukha niya. Hindi niya nagustuhan ang sinabi nito. “Hindi totoo `yan! Mahal na ako ni Sanya dahil iniligtas ko siya. Nagpasalamat pa nga siya sa akin!” “Ginamit ka lang niya! Kahit anong gawin mo ay hindi ka magugustuhan ni Sanya! Naging mabait lang siya sa iyo dahil natulungan mo siya pero bukas ay hindi ka na naman niya papansinin gaya ng dati! Alam mo ba kung bakit? Pangit ka, Vincent! Pangit! Pangit!” “Hindi totoo `yan! Umalis ka na! Alis!” Unti-unting nawala sa harapan niya ang imahe ng nanay niya. Kahit wala na ito ay parang naririnig pa rin niya ang nakakainsultong tawa nito. Napatay na niya ito pero ginagambala naman siya ng kaluluwa nito. Mukhang kahit anong gawin niya ay hindi talaga siya titigilan ng nanay niya. Bumaba siya ng kama at humarap sa salamin. Tiningnan niya ang kaniyang sarili. Sa mga nakikita niya sa social media, ang mga hinahangaang lalaki ay iyong maputi, matangkad, matangos ang ilong, mapula ang labi, mukhang mabango at maganda ang katawan. Lahat ng katangian na iyon ay wala sa kaniya. “Pangit ka, Vincent! Pangit! Pangit!” Nag-e-echo pa rin sa ulo niya ang sinabing iyon ng nanay niya. “Pangit ako… Hindi ako magugustuhan ni Sanya?” Paiyak nang sambit niya. Hindi nga kaya tama ang sinabi ng nanay niya na kahit anong gawin niya ay hindi siya magugustuhan ni Sanya? Na pansamantala lang itong mabait sa kaniya dahil natulungan niya ito? Ipinilig ni Vincent ang ulo at pinagsusuntok iyon habang umaatungal ng iyak. “Bad ka, Sanya! Ginamit mo lang ako! Niligtas na nga kita pero bli-nock mo pa ako. Gusto lang naman kitang makausap palagi, e! Bad ka! Humanda ka sa akin! Pupuntahan kita sa inyo! Hintayin mo ako diyan!” Pahikbi-hikbing himutok ni Vincent. HABANG tumitingin-tingin si Sanya sa kaniyang social media accounts ay biglang may tumawag sa hawak niyang cellphone. Agad na sumama ang mukha niya nang rumehistro ang pangalan ni Edward doon. Ang kapal din naman talaga ng mukha nitong tumawag matapos ng ginawa nito kanina lang. Hinayaan lang niya na mag-ring ang cellphone niya. Pero panay pa rin ang tawag ni Edward kaya sinagot na lang niya iyon. “Ang kapal din naman talaga ng mukha mo, Edward! Subukan mo pang kulitin ako at isusumbong na kita sa mga pulis!” bungad niya pagkasagot niya sa tawag. “S-sanya, I’m sorry… Aaminin ko, nagpadala ako sa bugso ng damdamin ko. Pinagsisisihan ko talaga ang nangyari…” “Mabuti na lang talaga at may nagligtas sa akin kundi baka kung ano na ang ginawa mo sa akin! Sobrang disappointed ako sa iyo, Edward. Get lost!!!” “Let’s talk! Pupuntahan kita diyan--” “I hate you, Edward! Wala na tayong dapat pag-usapan!” “Sanya--” “Tigilan mo na ako! Ipapakulong talaga kita kapag hindi mo ako tinigilan!” “Gusto ko lang humingi ng sorry. Maniwala ka naman sa akin--” “f**k you!” aniya sabay end ng tawag. Hindi siya sanay magmura pero sa sobrang galit niya kay Edward ay nagawa niyang magmura. Hindi na tumawag pa si Edward. Mas lalo tuloy siyang hindi makatulog kaya nag-open na lang siya ng f*******:. Wala pang isang minuto siyang nagba-browse sa news feed ay isang message ang natanggap niya sa Messenger. Mula kay Vincent. Kinukumusta siya nito at nagpapa-add. Dahil sa iniligtas naman siya ng lalaki kahit na medyo natatakot pa rin siya dito ay pinagbigyan niya ang request nito. Inisip niya kasi na baka kapag pinagbigyan niya ito sa sinabi nito ay titigil na ito. Medyo napansin niya kasi na parang sobra siyang iniidolo ni Vincent. Medyo natatakot siya sa ganoon, iyong sobrang umiidolo sa kaniya. May napapanood kasi siya na sa sobrang pag-iidolo ng isang tao sa idol nito ay nagiging stalker na. Vincent: Salamat, Sanya. Hindi mo alam kung gaano ako kasaya dahil friends na tayo! Hindi na nag-abala pang replyan ni Sanya ang message na iyon ni Vincent. Baka kasi iniisip nito na porket iniligtas siya nito ay magiging magkaibigan na sila. Hindi naman niya kinakalimutan na utang niya ang buhay niya dito pero sapat na naman siguro na nagpasalamat siya dito. Hindi lang talaga siya kumportable kay Vincnent, e. Hindi sinasadyang napatingin si Sanya sa laptop niya na nakapatong sa table na malapit sa binatan. Napansin niya na parang umiilaw na naman iyong indicator ng laptop niya. Nilapitan niya iyon at chi-neck kung buhay pero naka-off naman iyon. Ang ginawa niya ay tiniklop na lang niya ang laptop ang bumalik sa kama. Ang akala niya ay hindi na magcha-chat si Vincent sa hindi niya pagsagot sa huli nitong chat pero muli itong nag-send ng message. Tinatanong nito kung bakit gising pa siya. Sinagot na lang niya ito at baka sumama ang loob nito. Ngunit nang mag-iba na ang chat nito ay mas lalo siyang hindi naging kumportable. Sinabi nito na gusto siya nito at gusto pa siyang ligawan. Panay seen lang ang ginawa niya sa lahat ng message ni Vincent. Vincent: Alam ko naman na love mo na rin ako kasi tinulungan kita. Tama ako, `di ba? Vincent: Hindi ka ba makasagot kasi kinikilig ka sa mga sinasabi ko, Sanya? Doon na talaga siya kinilabutan. Sa tingin niya ay iniisip ni Vincent na may gusto na siya dito dahil lang sa pagligtas nito sa kaniya kanina. Iyon ang nagtulak sa kaniya para I-block na si Vincent. Hindi na siya nagdalawang-isip na gawin iyon kahit iniligtas pa siya nito. Peace of mind na niya ang sinisira ni Vincent at hindi naman siguro masamang protektahan niya ang kaniyang sarili kung hindi na siya kumportable sa sinasabi nito. “Ang creepy niya talaga…” Mahinang bulalas ni Sanya. Kahit papaano naman ay nakaramdam na siya ng antok. Pinatay na niya ang cellphone at ipinatong iyon sa side table. Ipinikit niya ang kaniyang mata na may pag-asang makakatulog na siya. At sana sa paggising niya ay mawala na ang trauma na nararamdaman niya dahil sa ginawa sa kaniya ni Edward…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD