"Young Ladynne Sheena, ayos ka lang ba?" tanong ni Aissa sa Terra Runner young Ladynne ng Quert.
Hindi niya ito sinagot bagkus ay bumaba sa lupa at dinama ito ng mga palad niya. Nagtaka naman si Aissa sa ikinilos ng Terra Runner young Ladynne. Nakapikit ang mga mata nito at nakakunot ang noo. Nagliliwanag din ang kamay niyang nakadikit sa lupa.
"May nararamdaman ako young Ladynne Aissa. May pinapahiwatig ang lupa. Nagbibigay ito ng babala," wika ni Sheena na nakapikit pa rin.
"Anong babala young Ladynne Sheena?" usisa ni Aissa.
Iminulat ni Sheena ang kaniyang mga mata at seryosong tumingin kay Aissa. Makikita sa mga mata niya ang pag-aalala at pagkabahala. Parang may hindi kanais-nais na nakita ang Terra Runner young Ladynne sa isipan niya.
"Rebellion. Sasalakayin ngayong araw ang Quert," seryosong sabi ni Sheena.
Kaya, nanlaki ang mga mata ni Aissa at hindi makapaniwala sa narinig.
"Kailangan malaman ng ama mo ang tungkol dito young Ladynne," ani Aissa.
Tumango naman ang Terra Runner young Ladynne bilang pagsang-ayon dito.
"Ipagbigay-alam sa Terra Racial Forces ang nakita ko," utos niya kay Aissa.
Tumango si Aissa at umalis. Naiwan naman si Sheena na seryosong nakatingin sa kagubatan.
"Batid kong gagamitin nila ang Myrlane Forest. Kaya, sisiguraduhin kong hindi nila ito mapapakinabangan," sabi ng isip ni Sheena.
Huminga nang malalim ang Terra Runner young Ladynne saka pumikit. Itinaas niya ang dalawa niyang kamay at pinalabas ang kapangyarihan. Umihip nang malakas ang hangin at gumalaw ang lupa.
Sa Landia Castle...
"Lorde Briar...Lorde Briar," tawag ni Aissa sa Lorde ng Quert.
Lumingon sa kaniya si Briar at binigyan siya ng nagtatakang tingin. Tumakbo papunta rito si Aissa nang gumalaw ang kastilyo kaya nadapa siya. Agad na lumapit ang Lorde para tulungan siyang makatayo.
"Ayos ka lang young Ladynne Aissa?" alalang tanong ni Briar.
"Ayos lang ako Lorde Briar. Bakit po bigla na lang gumalaw 'yong kastilyo?" nagtatakang tanong ni Aissa.
"Isa sa mga Terra ang gumamit ng kapangyarihan niya," sagot ng Terra Lorde.
"Pero, bakit ho hindi kayo natumba kanina nang gumalaw ang kastilyo?" tanong muli ni Aissa.
"Dahil isa akong Terra, young Ladynne. Normal sa amin iyon," sagot naman ng Terra Lorde.
Maya-maya, gumalaw na naman ang kastilyo kaya napahawak si Aissa sa balikat ng Lorde. Nang tumigil na ito agad din naman siyang bumitaw. "Paumanhin, Lorde Briar," nahihiyang sabi ni Aissa.
Ngumiti lang ang Lorde sa kaniya.
"Lorde Briar si young Ladynne Sheena tingnan ninyo ang ginagawa niya sa kagubatan ng Myrlane!" ulat ng isang Terra kaya agad na lumapit sina Briar at Aissa sa bintana.
Nanlaki ang mga mata ng Magium young Ladynne sa nasaksihan. Ang kagubatan ng Myrlane ay mas naging masukal, mas madilim, at mas nakakakilabot. Samantala, balewala lamang ito sa Terra Lorde ng Quert.
"Tiyak kong may nakita ang anak ko sa isip niya," wika ni Briar kaya biglang naalala ni Aissa ang habilin sa kaniya ng Terra Runner young Ladynne.
"Siyang tunay Lorde Briar. Nagbigay ng babala si young Ladynne Sheena na sasalakayin ngayon ang Quert. Kaya ako nagmadaling pumunta rito para ipagbigay-alam sa inyo," sabi ni Aissa.
"Inaasahan ko na iyan, young Ladynne," tugon ng Terra Lorde at bumaling sa Terra, "ihanda ang hukbo,"
Tumango ang Terra at umalis para ipagbigay-alam ang utos ng Terra Lorde.
"Isang Forther si young Ladynne Sheena?" tanong ni Aissa.
"Hindi. Isa lang iyon sa mga kakayahan ng Terra. Kaya naming makaramdam ng mga panganib sa tulong ng kalikasan," sagot ni Briar kaya napatango ang Magium young Ladynne.
"Maiwan ko na po kayo Lorde Briar. Maghahanda na rin ako," paalam ni Aissa.
"Sandali, young Ladynne. Patakasin mo na ang iyong ama. Batid kong hindi pa siya gaanong magaling. Iminumungkahi ko na dalhin niyo siya sa Karr. Tiyak kong magiging ligtas siya roon," pahabol na sabi ng Lorde kaya tumango si Aissa.
Sa Gránn...
"Heneral Annaysa, pinatatawag ka ng panginoong Necós," wika ng isang revro at yumuko.
Hindi ito pinansin ni Asyanna at dumiretso sa silid na kinaroroonan ni Necós. Marahas siyang kumatok kaya agad siyang pinagbuksan nito.
"Parang galit ka yata Annaysa? May nakaalitan ka ba?" bungad na tanong ni Necós.
Hindi siya sinagot ni Asyanna bagkus ay marahas siyang tinulak nito. Nagulat si Necós sa ginawa ng Magium young Ladynne pero binalewala niya muna ito.
"Annaysa, may suliranin ka ba? Anong nangyayari sa iyo?" tanong ni Necós.
Nanlilisik na tumingin sa kaniya si Asyanna kaya napalunok siya ng wala sa oras. Mababakas sa mukha ng Magium young Ladynne ang galit dahil sa ginawa ni Necós.
"Heneral Annaysa ano bang nangyayari sa iyo?" kabadong tanong ni Necós.
"Hindi mo na ako magagamit pa Necós. Batid ko na ang lahat. Ikaw ang dahilan kung bakit wala akong maalala, kung bakit hindi ko maalala ang pamilya ko! Nang dahil sa iyo nasaktan ko si Onessa at si ama! Nang dahil sa iyo bumagsak ang Gránn. Dahil—"
Hindi na natapos pa ni Asyanna ang sinasabi niya nang sampalin siya ni Necós. Napakuyom siya ng mga kamay dahil galit na galit na talaga siya sa pinuno ng mga rebelde.
"Bakit mo sa akin sinisisi ang lahat Annaysa? Baka nakakalimutan mo ikaw ang namuno sa pagpapabagsak ng Gránn," giit ni Necós.
"Dahil napasailalim ako ng itim na mahika na ginamit mo sa akin. Kaya kasalanan mo ang lahat!" galit na sabi ni Asyanna at susugurin na sana si Necós nang bigla na lang siyang hindi makagalaw.
Napangisi si Necós dahil wala nang laban ang Magium young Ladynne.
"Pagkakataon nga naman Asyanna. Nahuli na naman kita. Paano ka na ngayon makakatakas pa? Paano!" ani Necós at sinakal siya.
Hirap namang makahinga si Asyanna dahil sa ginawa nito.
"Alam mo, kating-kati na akong paslangin ka dahil sa ginawa mo kay Chaross. Pero, dahil hindi ko pa napapabagsak ang pitong kaharian, hindi muna kita sisingilin. Papakinabangan muna kita," saad ni Necós at may binuhos siyang likido sa bibig ni Asyanna.
Pilit itong nilalabanan ni Asyanna pero nanlalaban din ang likidong nasa loob ng bibig niya.
"Sige Asyanna, pigilan mo. Wala ka nang magagawa. Mapapasailalim muli kita ng kapangyarihan ko. Pero, sa pagkakataong ito wala na ni isang alaala o bagay na magpapabalik sa iyo sa dati," puna ni Necós at humalakhak nang malakas.
Nang makapasok na ang likido sa lalamunan niya binitawan siya ni Necós. Kaya, napaluhod siya at pilit niluwa ang nainom na likido pero nakapasok na ito sa sikmura niya.
"Anong ginawa mo sa akin?!" sigaw niya pero walang boses na lumalabas sa bibig niya.
"Tuluyan nang mawawala ang Asyanna na nakilala at kilala ng lahat. Tuluyan ka nang mawawala at isisilang ang bagong heneral ng Rebellion," ani Necós at humalakhak.
"Hindi!" sigaw ni Asyanna hanggang sa nawalan siya ng ulirat.
Maya-maya, gumising din siya pero kakaiba na ang awra niya. Nababalutan na siya ng itim na mahika at nangingitim ang ilalim ng mga mata niya. Parang ibang nilalang na ang Magium young Ladynne ng Gránn.
"Tumayo ka Annaysa," utos ni Necós na sinunod naman ni Asyanna.
Ngumiti nang malawak ang panginoon ng Rebellion pero blangko lamang ang ekspresyon ng Magium young Ladynne. Tila hindi na ito marunong ngumiti.
"Heneral Annaysa, nais ko mang ipagdiwang ang iyong pagsilang ngunit may laban tayo ngayon na kailangan ipanalo. Humayo ka at pamunuan ang ating hukbo," sabi ni Necós.
Tumalikod lang si Asyanna at umalis. Tila hindi na rin ito marunong magsalita.
Sa Quert...
"Young Ladynne Sheena, may nangyayari sa kagubatan ng Myrlane. Tingnan ninyo!" ulat ng Terra Runner.
Agad na tumakbo ang young Ladynne palabas ng kastilyo. Lumuhod siya sa lupa at hinayaang higupin siya nito. Mabilis itong dumaloy sa kalupaan at tumigil sa hangganan ng Quert. Bumalik siya sa dating wangis at hinarap ang mga rebelde.
"Lisanin ninyo ang Myrlane kung ayaw ninyong maging ugat, maging lupa at maging tanim!" banta ni Sheena pero hindi natinag ang mga rebelde.
Nakangisi lang ang mga ito. Tila hindi sila nasindak sa banta ng Terra Runner young Ladynne.
"Inuulit ko. Binibigyan ko kayo ng isa pang pagkakataon na umalis," muling sabi ni Sheena pero tinawanan lang siya ng Rebellion.
Sa inis niya nagpalabas siya ng mga ugat sa kalupaan at inatake ang mga ito. Pero, bigla itong naputol. Natigilan si Sheena at natulala sa nakita. Nasa tapat niya ang nilalang na pinapahalagahan niya nang sobra. Nasa tapat niya ang matalik niyang kaibigan. Nasa harapan niya si Asyanna.
"Yanna?" sambit niya pero blangko lang ang mukha nito.