Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko at napatingin sa paligid. Naroon pa rin ako sa Eshner Forest at nakahiga pa rin ako sa lupa. Sa pagkakatanda ko sinaksak ako ni Dylenea mula sa likod. Naramdaman kong tumagos iyon sa tiyan ko. Papaanong humihinga pa rin ako at walang maramdamang kirot sa tiyan ko? Agad ko itong hinawakan at laking gulat ko dahil wala akong maramdamang sugat. Tiningnan ko ito at nanlaki ang mga mata.
Paano iyon nangyari?
Lumingon-lingon ako sa paligid baka sakaling nasa paligid pa ang nilalang na nakita ko kanina. Malakas ang kutob ko na may kinalaman siya sa paghilom ng sugat ko.
Kung hindi dahil sa nilalang na iyon baka tuluyan na akong naglaho sa Azthamen. Dapat ay napaslang ako ni Dylenea. Pero, ano ang motibo ng nilalang na iyon sa pagligtas sa'kin?
"Narito ang bastarda!" rinig kong sigaw.
Agad akong napatayo at hinanap ang espada ko. Pero hindi ko ito mahagilap.
"Ayon siya!" sigaw ng babae.
Nilapitan ko ang woodien ko pero nanlumo ako nang makita ito. Bali-bali na ang woodien ko. Hindi ko na ito magagamit pa.
"Asya, huwag kang mag-aalala. Hindi sila magtatagumpay sa binabalak nila," sabi ng espiritu.
"Nasaan ang espada ko?" tanong ko nang hindi pinapansin ang sinabi niya.
"Nagpapagaling," sagot nito.
"Pinagloloko mo ba ako? Paano magpapagaling ang isang bagay na wala namang buhay?" inis kong sabi.
"Hindi mo natatandaan? Pinagsama mo ang lakas mo at ang lakas ng espada. Naging isa kayo kaya nang masugatan ka ni Dylenea nanghina rin ito. Pansamantala itong naglaho," paliwanag niya kaya nagtaka ako.
Bakit hindi ko alam ang tungkol sa bagay na iyan?
"Bakit alam mo iyan? Sino ka ba talaga?" tanong ko pero hindi na niya ako sinagot pa.
May kakaiba sa espada ni Asilah. Aalamin ko iyon.
"Wala ka na ngayong kawala pa!" rinig kong sigaw nila.
Tumalon ako nang mataas at tumuntong sa malaking sanga ng punong kahoy. Pinagmasdan ko lang sila sa ibaba. Bakit narito halos lahat ng champs? Akala ko ba naghiwa-hiwalay kami?
"Ibigay na lang natin kay Ladynne Spellure ang titulo. Ang kailangan nating gawin ngayon ay mahanap ang bastarda at mapigilan itong manalo," sabi ng nilalang na nakasuot ng kulay gintong damit.
Base sa kasuotan niya isa siyang Azthic. Isa lang naman ang dahilan kung bakit gustong-gusto talaga manalo ni Dylenea. Para makuha ang imbitasyon sa Azthia Tournament. At, hindi ko iyon hahayaang mangyari.
"Nakita ko siya kanina sa puwestong ito. Paano at bigla na lang siyang nawala?" nagtataka ring sabi ng kasama niya.
Napangisi na lang ako. Hindi niyo ako mapipigilan sa nais ko.
Tumalon ako at lumanding sa harapan nila. Bakas sa mukha nila ang pagkagulat.
"Bakit niyo ako sinusundan?" sarkastikong tanong ko.
"Para pigilan ka. Hindi ka maaaring manalo. Si Ladynne Spellure lang ang karapat-dapat sa titulo," sagot ng Azthic.
"Paano kung ayaw kong magpatalo?" tanong ko.
"Mapipilitan kaming saktan ka," matapang nitong sabi.
"Mapipilitan din akong saktan kayo," sabi ko.
Nagkatinginan silang lahat at nagtawanan. Anong nakakatawa sa sinabi ko? Hindi ba sila natatakot sa maaaring kung gawin sa kanila?
"Paano mo kami masasaktan eh wala kang hawak na sandata," sabi ng isa pang Azthic.
"Oo nga, nasaan na pala ang ipinagmamalaki mong espada ni Asilah?" mayabang nitong sabi.
Napalunok ako at 'di nakapagsalita. Nawawala nga pala ang sandata ko. Paano ko sila ngayon malalabanan?
"At, sa tingin niyo matatakot ako sa inyo kahit na wala akong sandata?" sabi ko kahit na sa totoo ay kinakabahan na ako.
Isa silang Azthic hindi ko sila kakayanin. Kung nasa akin lang sana ang espada ni Asilah tiyak kong may laban ako kahit papaano. Bakit pa kasi 'yon nawala?
"Nagtatapang-tapangan ka kahit na wala ka nang laban bastarda," asik nito.
"Dahil walang kinatatakutan ang isang bastarda," sabi ko at inatake sila.
Agad nilang naisangga ang suntok at sipa ko gamit ang kapangyarihan nila. Parang nakikipaglaban lang ako sa isang shield.
"Mapapagod ka lang bastarda," pang-aasar nito kaya mas binilisan ko ang galaw ko.
"'Yan lang ba ang kaya mong gawin?" sabi nito at nagpakawala ng malakas na enerhiya.
Napaatras ako at napahiga sa lupa. Tumayo ako kaagad at muli silang kinalaban. Pero, sa pangalawang pagkakataon nagpakawala ulit ito ng kapangyarihan. Kaya tumilapon ako pero mas malayo.
"Asya, tumakas ka na. Alalahanin mo ang Seeker Game," sabi ng espiritu.
Bumangon ako mula sa pagkakahiga at tumakbo. Alam kong isang malaking kaduwagan ang gagawin ko. Pero, kailangan kong magpakalayo-layo muna ngayon sa kanila. Hindi pa bumabalik ang espada ko kaya hindi ko kakayanin ang lakas nila. Kahit pa na may mahika ako hindi iyon sapat.
"Saan ka pupunta?!" sigaw nito pero nagpatuloy lang ako sa pagtakbo.
Kailangan kong makatakas sa kanila.
"Takbo, bastarda, takbo!" sigaw nito at humalakhak.
Mas binilisan ko pa ang pagtakbo. Ayokong maabutan nila ako.
"Wala nang magliligtas sa'yo rito sa Eshner!" sigaw din ng isa pang Azthic.
Maya-maya nakarinig ako ng ungol. Isang malakas na ungol kaya napatigil ako sa pagtakbo. Mararamdaman mo talaga ang galit nito.
"Harrr!" ungol ng Honner.
Kung puwede lang sanang umalis na ako sa Eshner ngayon ginawa ko na. Pero, hindi pa ako maaaring umalis. Kailangan ko pang hanapin ang aytem na nakatago rito. At, mas magiging mahirap ito sa'kin. Dahil wala manlang akong kahit anong sandata para maproteksyunan ang sarili ko.
Maya-maya nakaramdam ako ng yanig sa lupa. Mabibigat ito at maiingay. Marahil ay nagising na rin ang mga Gigantes.
Kailangan ko nang mahanap ang aytem na iyon bago pa magising ang mga Raptil, mga mababangis na hayop at ang puno ng Marcas.
Nagpatuloy ako sa pagtakbo at hinanap ang aytem. Hindi ko alam kung ano iyon pero natitiyak kong nakatago o nakabaon iyon sa masukal na parte ng kagubatan.
"Ba't hindi sila maubos-ubos?" reklamo ng isang Azthic.
Napangisi na lang ako. Kailangan mahanap ko na iyon habang abala sila sa pakikipaglaban sa mga mababangis na nilalang.
Huminto ako sa tapat ng pinakamalaking Marcas. Ito na yata ang pinakapusod ng Eshner. Hindi pa ako nakapunta rito. Oo nga't palagi akong nakatambay rito pero hindi ko sinubukang mapagawi rito. Dahil ayon sa libro, ikakamatay mo ang paglapit sa pinakamalaking puno sa Eshner. Sa tingin ko, ikakamatay ko nga.
"Puno ng Marcas, naparito ako hindi para harapin ka. May hinahanap lang akong aytem. Humihingi ako ng permiso na makalapit sa mga ugat mo," usap ko rito at bigla na lang itong gumalaw.
Kaya napaatras ako. Parang hindi ko madadaan sa usapan ang punong ito.
"Sino kang pangahas at napagawi ka rito sa tahanan ko?" galit na sabi nito.
"Isa akong champ. May hinahanap lang akong aytem kaya ako naparito. Tiyak kong may alam ka, punong Marcas," tugon ko.
"Walang alam ang Marcas sa pinagsasabi mo," sabi nito.
"Asya, nasa loob ng katawan ng Marcas ang hinahanap mo, sa malaking butas," sabi ng espiritu.
"Hindi ako naniniwalang wala kang alam, punong Marcas," giit ko ,"Maaari ko bang silipin ang butas sa katawan mo?"
Lumapit ako sa puno ng Marcas para hanapin ang aytem. Pero, nakakailang hakbang pa lang ako ng hampasin ako ng ugat nito. Tumilapon ako sa may batuhan. Napadaing na lang ako sa sakit.
"Asya, ayos ka lang?" tanong espiritu.
"Ano sa tingin mo?" sarkastikong sagot ko at bumangon.
"Umalis ka na bastarda ng Puerre!" bulyaw nito kaya sinamaan ko ito ng tingin.
Maging ang isang hamak na punong ito may alam tungkol sa pagkatao ko.
"Pasalamat ka at wala sa'kin ang espada ni Asilah," sabi ko.
"Ang espada ni Asilah?" mahinahong tanong nito.
Kaya nagtaka ako. Bigla siyang huminahon nang banggitin ko ang espada at parang kilala niya rin kung sino si Asilah.
"Anong alam mo sa espada ni Asilah?" usisa ko.
"Wala kang alam? Iyan ang pinakamalakas na sandata sa buong Azthamen," sagot niya kaya nanlaki ang mga mata ko.
"Tama ang punong Marcas, Asya," sabi rin ng espiritu.
"Paano namatay ang may-ari ng espada?" tanong ko.
"Walang nakakaalam. Basta bigla na lang siyang naglaho na parang bula at naiwan ang espada niya," sagot nito.
Kung bigla na lang naglaho ang may-ari ng espada at walang nakakaalam kung anong nangyari sa kaniya. May posibilidad na buhay pa siya, na buhay pa si Asilah.
"At, bakit napasakamay ng Lorde ng Gránn ang espada?" tanong ko.
Iyon ang ipinagtataka ko. Paano napunta kay Lorde Ornelius ang espada? Magkakilala kaya sila?
"Dahil si Lorde Ornelius ang nakatatandang kapatid ni Asilah," sagot ng Marcas.
Nanlaki na naman ang mga mata ko sa rebelasyong sinabi nito. Si Asilah at Lorde Ornelius magkapatid?!
"Imposible. Walang kapatid si Lorde Ornelius," giit ko.
"Iyan ang pagkakaalam mo. Iyan ang alam ng lahat. Pero, hindi nila alam na may bastardang kapatid ang Lorde ng Gránn," sabi nito kaya napanganga ako.
May kapatid na bastarda ang Lorde ng Gránn? Hindi pala ako ang kauna-unahang bastarda sa Azthamen.
"Bakit walang nakakaalam nito?" usisa ko.
"Dahil itinago ng ama ni Ornelius. Dahil ayaw niyang mapahiya siya at masira ang pangalan ng mga Puerre," sagot nito.
"Kung itinago nila ang tungkol kay Asilah, hindi ba nagtaka ang lahat?" kyuryos kong tanong.
"Dahil pinalabas ni Ornelius na natagpuan niya ito sa bundok ng Asilah," sagot ng Marcas.
May tinatago pa lang sekreto ang Lorde ng Gránn. Hindi ako makapaniwalang may bastarda siyang kapatid.
"Punong Marcas, salamat sa impormasyong ibinahagi mo. Ngunit maaari ko bang hanapin ang aytem sa loob ng katawan mo?" ani ko.
"Hindi na kailangan, young Ladynne," sabi nito at inabot ang isang pirasong papel gamit ang sanga nito.
Parang piraso iyon galing sa isang kalatas. Hindi kaya mga piraso ng kalatas ang hinahanap namin? Pagkatapos ay bubuuin ito ng kung sino mang nakahanap nito. Kapag nakumpleto niya ang mga piraso at nabuo ang kalatas. Siya ang tatanghaling Seeker Game Victor.
"Tama ka Asyanna. Nakuha mo kaagad ang lohika ng laro," masayang sabi ng espiritu.
"May alam ka?" tanong ko.
"Paumanhin Asya. Pero, hindi ko maaaring sabihin sa'yo ang takbo ng laro," sagot nito.
Tumingala ako sa punong Marcas at nagpasalamat. Hindi naman pala nakakamatay ang paglapit dito. Kung magiging mabuti ka lang at huwag siyang pangunahan.
"Mag-iingat ka young Ladynne," sabi nito bago ako naglaho.