Chapter 53

1727 Words
"Asya, buhay ka nga," 'di makapaniwalang sabi ni Zefirine. Nilapitan niya si Asyanna at hinawakan ito para makumpirma kung totoo ang nakikita ng mga mata niya. "At, dahil iyon sa inyong dalawa. Utang ko ang buhay ko sa inyo," sabi ni Asyanna. "Ang husay ng pagkakaplano mo, young Ladynne," puri ng matanda. "Salamat din sa kaniya. Asilah, batid kong nakikinig ka. Maraming maraming salamat sa lahat. Kahit kailan hindi mo ako binigo," ngiting sabi ni Asyanna. "Nakakausap mo ang dating may-ari ng espada?" 'di makapaniwalang tanong ng matanda. "Siyang tunay at nakita ko na rin siya nang iligtas niya ako sa pagkakabilanggo ko sa itim na mahika ni Necós. Nang dahil sa kaniya bumalik ang mga nawawala kong alaala," ani Asyanna. Napaisip ang matanda sa sinabi ng Magium young Ladynne. Napaka-imposible kasi ng sinasabi nito. Batid ng matanda na walang espiritu ang nakakapag-usap sa mga nabubuhay. Nakikita lamang nila ang mga ito. Kaya rin nitong magparamdam sa kahit sino. Ang ipinagtataka niya lang ay bakit nakausap ito ni Asyanna. "Nakatitiyak ka bang espiritu nga ang nakausap mo? Espiritu ni Asilah?" paniniguro ng matanda. Tumango si Asyanna bilang tugon. "Nahawakan mo ba siya?" usisa pa nito. "Siyang tunay. Nayakap ko rin siya," ngiting sabi ni Asyanna. "Bakit Auria?" nagtatakang tanong ni Zefirine. "Nakapagtataka lang at nakakausap at nayayakap mo ang isang espiritu. Sa pagkakaalam ko kasi, hindi kaya ng kahit anong espiritu na makapag-usap o mahawakan ang nilalang na nabubuhay," paliwanag ni Auria. Napaisip si Asyanna sa nalaman. Bakit nga ba niya nakakausap at nayakap si Asilah? "Ibig bang sabihin nito ay baka hindi tunay na espiritu si Asilah?" tanong ni Asyanna. "Iyan din ang naiisip ko. Lalong lumakas ang kutob ko na hindi siya tunay na napaslang. Na baka nasa paligid lang siya sa loob ng mahabang panahon," ani Auria. Binalot ng katahimikan ang loob ng bahay ni Auria dahil kapwa sila napapaisip sa lohika na nangyari kay Asilah. Nang makarinig sila ng sigawan at pagsabog mula sa labas. Nagtinginan silang tatlo dahil batid na nila kung anong nangyayari. Sumasalakay ang maliit na hukbo ng Rebellion. Malapit lang kasi sa Aerona Village ang Cruzian, isa sa lupain ng mga rebelde. "Ang buong akala ko ay nasakop na ng tuluyan ng mga rebelde ang mga maliliit na baryo?" bulalas ni Zefirine. "Hindi, Zefirine. Tanging mga sentro ng lupain ang naagaw nila. Ngayon, inuunti-unti na nila," sagot ni Asyanna. "Nilulusob tayo ng mga rebelde!" sigawan sa labas. "Sa tingin ko, kailangan niyo nang tumakas mga young Ladynne," suhestiyon ni Auria. "Paano ka?" alalang tanong ni Asyanna. "Huwag ninyo akong alalahanin. Kaya kong ipagtanggol ang sarili ko. Hala! Humayo na kayo," sagot nito. "Hanggang sa muli, Auria. Maraming salamat sa pagliligtas sa akin. Paalam," paalam ni Asyanna sa matanda at sumakay ng pegasus. Nginitian sila ng matanda at kumaway pa ito. Humalinghing muna ang pegasus bago ito tumakbo at lumipad sa ere. "Zefirine, kailangan nating magbalik ng Karr," sabi ni Asyanna. "Hindi, Asya. Hindi tayo babalik ng Karr. Mapapahamak ka lang," pagsasalungat ng Aer Flyer young Ladynne. "Pero, nanganganib ang Karr!" giit niya. "Ikaw naman ang manganganib kapag pumunta ka roon. Azthamen at Rebellion ang humahabol sa iyo, Asyanna. Isipin mong mabuti ang maging kinahinatnan ng iyong pasya," saad ni Zefirine kaya natahimik ang young Ladynne. Ayaw man niyang aminin pero tama ang kaibigan niya. Ilalagay lang niya sa kapahamakan ang sarili niya. Kagagaling lang niya sa ganoong sitwasyon. Kaya, kailangan niyang maging maingat sa mga hakbang niya. Ilang beses na siyang napaslang kaya hindi na niya dapat muli ipapahamak ang sarili. "Pahupain mo muna ang tensyon sa pagitan mo at ng Azthamen maging sa Rebellion. Pag-isipan mo ang magiging hakbang mo, Asyanna," sabi ni Zefirine kaya napabuntong hininga na lang siya. Samantala, sa Karr, umurong ang Rebellion dahil hindi nito kinaya ang puwersa ng Racial Forces. Ginamit ng mga ito ang Argon laban sa mga rebelde. Kaya, walang nagawa ang Rebellion kun'di ang umatras. Pero, nangako si Necós na babalikan ang mga tumalo sa kaniya at sa pagkakataong iyon pababagsakin na niya ang mga ito. "Lorde Ignacio, maaari ko bang hiramin ang Argon?" tanong ni Dylenea. "At, bakit Ladynne Spellure?" "Hindi ba't kayang matunton ng Argon ang isang nilalang na naririto sa Azthamen? Ipapahanap ko lang ang kriminal at taksil ng Azthamen. May nakapagsabi sa akin na kasapi na siya ng Rebellion. Ngunit hindi ko nakita ang bastarda ng Puerre. Nais ko lang malaman kung anong nangyari sa kaniya," sagot ni Dylenea. Napangisi sa kaniya ang Lorde ng Nassus. Inabot nito ang Argon sa Ladynne. Tinanggap ito ni Dylenea at agad na hinanap ang kinaroroonan ni Asyanna. Napangisi siya nang malaman kung saan ang lokasyon nito. "Lorde Ignacio, salamat sa pagpapahiram ng Argon. Pakisabi kay ama na dadalhin ko ang kalahati ng bilang ng mga Azthic Warrior. May dadakpin lang kami," ngiting sabi ni Dylenea at inabot sa Lorde ang Argon. "Tiyakin mong madadakip mo siya dahil malaki ang atraso niya sa akin," gigil na sabi ni Ignacio. Tumango naman si Dylenea bilang tugon. Pinuntahan niya ang Azthic Racial Forces at pinili ang pinakamahusay na mga Azthic Warrior. "Azthian! Nais kung husayan pa ninyo ang kaya ninyong gawin. Kung sino ang makakadakip kay Asyanna Puerre at Zefirine Filere ay gagantimpalaan ko ng malaking pabuya!" saad ni Dylenea. "Ngunit, Ladynne Dylenea bakit kasama ang young Ladynne ng Tarll sa dadakpin?" nagtatakang tanong ng Azthic Warrior. "Dahil isa siyang taksil. Tinulungan niya ang kriminal. Hindi ba't pagtataksil iyon?" sagot ni Dylenea. "Masusunod, Ladynne Spellure," tugon nito. "Azthian, sundin ang aking utos! Halina sa Tarll at dakpin ang taksil at ang kriminal!" ani Dylenea. Agad na umalis ang Azthic Racial Forces kasama si Dylenea. Patungo sila ng Tarll para dakpin ang dalawang young Ladynne. Tarll, hilagang rehiyon ng Azthamen... "Zefirine, saan tayo magtatago ngayon?" tanong ni Asyanna. "Hindi ko alam, Asya. Hindi dapat tayo magtagal sa Tarll. Tiyak kong matutunton tayo rito," sagot ni Zefirine. "Sa Eshner Forest na lang tayo magtago, sa pinakapusod ng kagubatan, sa kinaroroonan ng malaking Marcas," suhestiyon ni Asyanna. "Sandali," ani Zefirine at pinakinggan ang bulong ng hangin. Napapikit siya at dinama ang simoy ng hangin. Nagtaka naman si Asyanna sa inasta ng kaibigan. "Zefirine, bakit? May problema ba?" tanong ni Asyanna. "Asya, may panganib," sagot ni Zefirine kasabay no'n isang kapangyarihan ang muntikan nang tumama sa kanila. Nilingon ito ni Asyanna at nanlaki ang mga mata. "Zefirine, Azthian!" sigaw ni Asyanna. "Anya, bilisan mo!" utos ng Aer Flyer young Ladynne sa racial pet niya. Lumipad naman nang mabilis ang pegasus. Iniwasan lang nila ang binabatong kapangyarihan sa kanila. "Paano nila tayo natunton?" tanong ni Asyanna. "Hindi ko alam," sagot ni Zefirine. "Asyanna! Zefirine! Sumuko na kayo! Hindi kayo makakatakas sa amin!" sigaw ni Dylenea. "Asya, ako nang bahala," sabi ni Zefirine at tumalon. "Zefirine!" sigaw ni Asyanna. Ginamit ni Zefirine ang kakayahan niyang lumipad. Nagpalabas siya ng malaking ipo-ipo at binato ito sa direksyon ng mga naghahabol sa kanila. Tumilapon ang ilang Azthic kasama ng mga racial pet. Bumagbag din ang ilang tamarra dahil sa lakas ng hangin. Lumipad pabalik si Zefirine sa kinaroroonan ni Asyanna at sumakay kay Anya. "Anya, sa Tower Mountains!" sabi niya. Lumihis ng direksyon ang pegasus at tinungo ang hilagang kanluran. "Zefirine, paumanhin at nadamay ka pa sa akin," ani Asyanna. "Huwag mo akong intindihin, Asya. Ayos lang," tugon ni Zefirine. Maya-maya, nakaramdam ng lamig ang dalawang young Ladynne. Parang pinapasok nito ang kalamnan ng kanilang katawan. "Totoo nga ang sinasabi sa libro, napakalamig ang klima sa Tower Mountains," nanginginig na sabi ni Asyanna. "Paumanhin Asya kung dito kita dinala. Ito lang kasi ang lugar na sa tingin ko ay hindi nila pupuntahan," paumanhin ng Aer Flyer young Ladynne. "Wala ka dapat ipagpaumanhin, Zefirine. Malaki na ang naitulong mo sa akin," wika ni Asyanna. "Aray!" daing ni Zefirine. "Bakit Zefirine?" alalang tanong ni Asyanna. Hinawakan ni Zefirine ang braso niya at nakitang duguan ito. Nanlaki ang mga mata ni Asyanna. "May umaatake sa atin. Hindi natin siya nakikita," bulalas ni Asyanna. "Hindi kaya isang—" "Ahh!" hiyaw ni Asyanna nang tamaan ng snow flake ang braso at pisngi niya. "Asya, ayos ka lang?" alalang tanong din ni Zefirine. "Ayos lang," sagot naman ni Asyanna. Sinuyod nila ng tingin ang paligid para malaman kung sino ang umaatake sa kanila. Maya-maya, umihip ang hangin kaya napayakap si Asyanna sa sarili. May halong nyebe ang pinaparamdam sa kanila ng hangin. Kalmado lang si Zefirine at pinapakiramdaman ang paligid. Pinakinggan din niya ang bulong ng hangin. "Isang Frost Byte ang umaatake sa atin, Asya," sabi ni Zefirine at lumipad ulit. Sinuyod niya ang himpapawid at kalupaan. Pero, wala siyang nakita. Tumingin si Zefirine sa direksyon ng nagtataasang mga bundok. "Hindi kaya—" Hindi na naituloy ni Zefirine ang sasabihin niya nang tumama sa kaniya ang malaking snow ball. Nawalan siya ng balanse kaya bumagbag siya pailalim. Pero, bago pa siya bumagsak nasalo na siya ni Asyanna. Tumigil si Anya sa paglipad at inalog ni Asyanna si Zefirine na nawalan ng malay. "Isang Aer at isang Magium. Isang Aer Flyer young Ladynne at isang Magium young Ladynne na bastarda. Isang taksil at isang rebelde at kriminal. Nagulat ba kayo?" sabi ng babaeng nakasuot ng makapal na manto, may suot na salakot, at bota na gawa sa balat ng frostwolf. Naglakad ito papalapit sa kanila. "Xáxa Xarmont," sambit ni Asyanna. Napangisi ang Frost Byte young Ladynne pero sumama rin kaagad ang tingin. "Kumusta Asyanna? Muli tayong nagkita. At, kasama mo pa ang Aer Flyer na iyan," sarkastikong sabi ni Xáxa. "Xáxa, anong ginagawa mo rito?" tanong ni Asyanna. "Hindi ba ako ang dapat na magtanong niyan? Anong ginagawa ninyo sa Tower Mountains? Tumatakas mula sa mga naghahabol sa inyo?" wika nito. "Bakit mo kami inatake, Xáxa?" tanong ni Zefirine na nagkaroon na ng malay. "Dahil pareho kayong taksil sa Azthamen. At, ikaw Asyanna, malaki ang atraso mo sa akin lalo na sa kapatid ko. Nang dahil sa iyo muntikan na siyang mawala sa amin," nanggigigil na sagot ni Xáxa. "Si Lescha? Nasaan siya? Kumusta siya?" tanong ni Asyanna. "At, may lakas ng loob ka pa para itanong iyan? Hindi ko sasabihin kung nasaan siya. Para ano pa? Para saktan muli," ani Xáxa. "Hindi, Xáxa. Patawad kung nasaktan ko siya. Napasailalim ako sa kapangyarihan ni Necós kaya ko iyon nagawa. Alam mo, alam ng kapatid mo, ni Lescha na hindi ko iyon magagawa!" saad ni Asyanna.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD