Chapter 18
Pagkababa pa lang ni Martin sa kanyang Motor ay hindi na maitago ang kanyang ngiti sa labi, excited ito habang papasok ng kanilang bahay.
" Ginabi ka nanaman Martin " bungad sa kanya ng kanyang ina na nakaupo sa tumba-tumbang upuan habang nagtatahi ng sirang punda. Lumapit dito si Martin at nagmano, dumiretsyo sa lamesa at nilapag ang dalang pagkain.
" Nagsideline ka namaman no? " muli nitong tanong.
" Hindi po " nakangiting tugon ni Martin.
" Kuyaaa!! " mula sa kanilang kwarto ay nagsilabasan ang mga kapatid ni Martin. Sinalubong nila ito ng yakap at halik.
"Ay alam ko ang ganyang ngiti mo kuya " singit ng dalagang kapatid niya. Si Martha " Inlove ka no? " humuning nangaasar naman ang tatlo pang kapatid nito , may edad kinse, sampu at walo. Hindi nagsalita si Martin kaya lalo syang inasar ng kanyang mga kapatid at pilit na pinapaamin kung ano ang totoo.
" OO na oo na " natatawang sagot nito habang pinagtutulungan syang kilitiin ng mga ito.. Mula sa pagtatahi ay huminto ang kanyang ina, ibinaba bahagya ang suot na salamin at pailalim na tumingin sa kanya.
Unti-unti nawala ang kanilang tawanan nang mapansin na nakatingin ito kay Martin, hanggang sa anyayahan ni Martha ang mga maliliit na kapatid upang kumain. Tinanguan na lamang ni Martin ang dalagang kapatid upang mauna na ito sa lamesa. Sandaling dumaan ang katahimikan sa mag-ina, naghihintay kung sino ang unang magsasalita.
"Tama ba ang narinig ko?" seryosong tanong ng kanyang nanay, yumuko si Martin at tumango, narinig na lamang nya ang mahinang pag buntong hininga ng kanyang ina. " Paano na si Bea? Paano kung mangyari nanaman ang dati? Paano kung ipagtabuyan ka rin katulad ng ginawa nya " sunod-sunod na tanong nito. Maging si Martin ay napaisip pero para sa kanya ay mas nangibabaw pa rin ang kanyang nararamdaman para kay Lira.
" Hindi naman siguro nay mangyayari uli yon, magkaibang- magkaiba silang dalawa "
Napaayos nang upo ang kanyang ina ta pinagkatitigan ang anak.
"Ikaw lang inaalala ko,anak. Ayokong nakikitang nasasaktan ka" pilit na ngumiti si Martin at lumapit pa lalo sa kanyang ina, sabay hawak sa kamay nito.
"Huwag kayo mag-alala,nay. Mabuting tao si Lira" pangungumbinsi nya rito. Pilit na ngumiti ito sa kanya, at isinintabi na lamang ang pagaalala para sa kanyang mahal na anak.
Kinaumagahan, maagang nagising si Martin. Naligo at nag-ayos nang mabuti, sinuklay nang paulit-ulit ang buhok, binasa nang bahagya ang hinlalaki gamit ang dila saka pinasadahan ang kanyang kilay. Tinitigang mabuti ang sarili sa harap ng salamin.
" Pormang-porma tayo kuya ah, san punta " bungad sa kanya ni Martha, hindi naman ito pinansin ni Martin at ngumiti lamang.
" Pag-hinanap ako ni Nanay sabihin mo may pinuntahan lang ako " aniya habang nanatiling nakatingin sa salamin. Tumigin sya sa kanyang relo at mabilis na kumilos. Nagpaalam na sya sa kanyang kapatid at humalik sa tuktok nito.
" Okay ba ang suot ko Lucy? Hindi ba ako manang tingnan? Eh kung ito kaya suotin ko? " sabay tapat ng itim na halter dress ni Lira sa kanyang katawan habang nag-aantay ng sagot ng kaibigan. Walang gana naman nakatingin ito sa kanya habang nakaupo sa kanyang kama.
Naka kalat din dito ang ilang mga damit na sinukat at pinili ni Lira.
" Kelan ka pa na conscious sa susuotin mo? " mataray na tanong ni Lucy. Napairap na lang sa ere si Lira at muling bumalik ng tingin sa salamin. Tumayo si Lucy at lumapit sa kanya, nanatili sya sa likod nito ngunit nakatingin rin sa salamin.
" Umamin ka nga sakin, kayo na ba nung Martin na yon? " sabay halukipkip ni Lucy.
" Hindi pa " tugon ni Lira habang pinagmamasdan ang kabuuan sa salamin
" So nanliligaw sayo? " sandaling natigilan si Lira, muling naalala ang naganap sa batis, kaya't hindi nito naiwasang mapangiti.
" Huy! " bulyaw sa kanya ng kaibigan na kinainis nya, naglakad ito patungo sa kanyang vanity at muling nag retouch ng make up.
" Bahala ka nga dyan, pag ikaw niloko ng lalaki na yan sinasabi ko sayo, huwag kang lalapit sa akin " natawa na lamang si Lira at tiningnan ang cellphone ng may magtext dito. Muli nyang pinasadahan ng tingin ang sarili sa salamin. Suot ang isang color oldrose dress at white heels, nagsuot na rin sya ng blazer na puti upang mag mukha syang pormal na parang aattend lang ng meeting, muli nyang binilinan ang kaibigan tungkol sa kanilang usapan. Hindi dapat malaman ng kanyang magulang kung saan talaga sya pupunta, saka tuluyang nagpaalam at nagmamadaling umalis palabas ng kanyang kwarto.
" Where are you going, Lira? " takang tanong ng kanyang ama nang makita syang pababa sa hagdan, maging si Mary ay napa-angat din ng tingin sa kanya.
" Business Meeting dad " simple nyang sagot.
" Kumain ka muna anak " aya naman sa kanya ng kanyang ina
" I'm in a hurry Mom, sa office na lang po ako magbe-breakfast " sabay halik nito sa kanyang magulang at nagpaalam na.
Gamit ang kanyang bagong sasakyan ay umalis na sya.
Sa sasakyan pa lang ay hindi na maitago ni Lira ang excitement na makita si Martin. Kagabi ay hindi sya dalawin ng antok at nababagabag kung ano ba ang isasagot sa alok sa kanya. Hindi nya matiis at sinabi kay Martin na pumapayag syang lumabas sila ngayong araw.
Sa isang mall sila magkikita ni Martin, malayo pa lang ay kita na nya ang binata na naghihintay katabi ang motor nito. Hindi nya naiwasan ang mapangiti, mabuti na lamang at hindi sya nito nakikita. Pagka-park nya ng kanyang sasakyan ay nagtungo na sya kay Martin.
" Hi " Bungad nya rito. Pagkalingon ni Martin ay hindi sya makapaniwala sa itsura ng dalaga. Bagay na bagay ang suot ito sa kanya kahit sa simpleng suot lamang. Hindi agad sya nakapag salita, umaatras ang dila sa sobrang pagka mangha. " A-ang ganda mo " ang tangi nyang nasabi.
Para kay Lira ay lagi na nya ito naririnig sa iba, ngunit ang marinig ito mula kay Martin ay nagdulot ng grabeng pamumula ng kanyang mukha.. " Thank you " aniya, agad syang napaiwas ng tingin dala ng hiya.
" Saan mo gustong pumunta? Gusto mo dito na lang sa mall para di ka pagpawisan?? " napaisip si Lira kung saang lugar nya gustong pumunta.
Si Martin na ang nag-alok na magmaneho, dahil nakadress si Lira kaya hindi pwede sa motor.
Sa enchanted kingdom sila nagtungo. Para kay Lira halos malibot na nya ang lugar sa loob at labas ng Pilipinas pero kahit kailan ang lugar na ito ay hindi nya pa napuntahan. Pagkatapos magbayad ni Martin sa ticket booth ay pumasok na sila. Kitang-kita sa mata ni Lira ang saya, maging si Martin ay natatawa dahil sa reaksyon nya. Parang bata na tuwang-tuwa sa nakikita.
Habang naglalakad ay laking gulat nya ng biglang hawakan ni Martin ang kanyang kamay. Takang napatigtig si Lira sa kanilang mga palad na magkasinop. Sa ganitong pagkakataon ay mas ramdam nya ang magaspang na palad nito na sumasakop sa malambot nyang kamay.
" Tara doon tayo " nagpatinuod na lamang sya ng hilahin sya ni Martin habang hindi pa rin makapaniwala.
Una sila nagtungo sa Roller Coaster, una ay takot na takot si Lira dahil sa naririnig nyang pagsigaw sa mga unang nakasakay. Napilit sya ni Martin at halos masuka-suka sya ng matapos. Pinagtawanan sya ni Martin na ikinatawa nya rin. Dahil dito ay nawala ang kanyang nerbyos, sinubukan nila lahat ng rides. Kumain ng ice cream, naglaro sila at nanalo ng teddy bear.
Hanggang sa mapadako sila sa carousel. Mag-isang sumakay dito si Lira, sa tuwing mapapatapat siya kay Martin ay palagi syang kumukuway. Pinagmamasdan lamang sya ng binata, labis ang pagkamangha nya sa kasimplehan at ganda ng dalaga sa kabila ng karangyaan nito sa buhay. Nahulog na sya ng lubusan.
Sa huli ay nasa ferris wheel sila, pinagmamasdan ang magandang tanawin habang nasa taas na bahagi sila. Yakap-yakap ni Lira ang teddy bear na napanalunan ni Martin kanina.
" Lira " mahinang tawag ni Martin, nakangiting napatingin sa kanya ang dalaga.
" I love you " malamyos na sambit sakanya ni Martin. Pagka bigla at pigil-hininga ang naging reaksyon ni Lira. Sandaling dumaan ang katahimikan sa pagitan nila habang ang hangin ay tinatangay ang mahabang buhok ng dalaga. Ilang Segundo na ang dumaan pero hindi pa rin ito sumasagot. Na ikinabahala ni Martin.
" Hindi mo kailangan sagutin---"
" I love you too, Martin " mabilis at seryosong sagot ni Lira. Sandaling natigilan si Martin at pawang nabingi. Hindi makapaniwala sa kanyang narinig.
" A-ano ulit sabi mo? "
" Mahal din kita Martin " nakangiting ulit nito. Sa sobrang saya ay malakas na napahiyaw si Martin, hindi maawat ni Lira ang binatang nagsusumigaw sa sobrang saya. Mabuti na lamang at nasa mataas na bahagi sila. Kapwa walang mapagsidlan ang saya nilang dalawa nang malaman nilang iisa ang kanilang nararamdaman.
"Sabihin mo nga ulit yon, Lira" hindi makapaniwalang sambit ni Martin.
"Mahal din kita, Martin... mahal na mahal" sigaw ni Lira.
"Yahoo!! Mahal ako ni Lira mga kababayan!" Sigaw din ni Martin, nahihiyang natatawa sakanya si Lira dahil sa wala itong pakialam kahit sino pa makarinig. Sa sobrang saya ay napayakap sila sa isa't-isa.
Mag gagabi na ng mapagpasyahan nilang umuwi. Naisipan ni Lira na dumaan sa isang mall dahil may bibilhin itong isang bagay.
" Para kanino yan? " tukoy ni Martin sa hawak na bagong cellphone ni Lira.
" May pagbibigyan lang ako nito " tugon niya, tumango naman si Martin habang patuloy sa pagmamaneho "Okay lang ba may puntahan tayo, may dadaanan lang akong bahay? Ihahatid ko lang ito " tukoy nya sa bagong biling cellphone. Tumango naman ulit si Martin at ngumiti sa kanya.
"Gusto ko rin makilala mo sya, Martin. Gusto kong makilala mo si Mira" masayang saad ni Lira sakanya.