Chapter 5 - Reconciliation

1782 Words
“Ho? A-Ano pong nangyari kay Nanay?” tanong ko. Hindi maganda ang relasyon ko sa mga magulang dahil itinakwil nila ako simula nang piliin ko si Dom. Pero hindi maiialis sa akin ang mag-alala kay Nanay. Sa ilang taon na lumipas ay patuloy pa rin akong umaasa na balang araw ay mapapatawad nila ako.               “Hindi ko pa alam ‘nak. Wala pang sinasabi ang Doctor,” sagot ni Tatay sa tanong ko. “S-Sige po, babyahe po ako mamayang madaling araw. Pupunta po ako diyan.” Matapos ang pag-uusap namin ni Tatay ay nagpasya akong umuwi sa probinsya. Mabuti na lang at Byernes ngayon at tinapos ko na rin ang trabaho kanina. Pagkadating ko sa apartment ay mabilis akong gumayak para sa byahe. Ilang oras pa at sakay na ako ng bus pauwi. Ang totoo ay kinakabahan akong harapin ang pamilya ko lalo na si Nanay. Ito ang unang pagkakataon na ipinatawag nila ako ulit. Ang Nanay ko ay makaluma at kilalang relihiyosa sa aming barangay sa probinsya ng Quezon. Sa katunayan, isa siyang acolyte sa church. Kaya nang mabalitaan niya ang relasyon ko kay Dom ay labis ang galit niya sa akin. Kahihiyan lang umano ang dulot ko sa kaniya at sa buong pamilya. Alam kong iniisip ng mga kamag-anak ko na nasilaw lang ako sa pera kaya ako pumatol kay Dom. Isang beses na sinubukan ko sa kanilang ipaliwanag na nagmahal lang ako pero isang malutong na sampal buhat kay Nanay ang inabot ko. Ipinagtabuyan niya ako at simula noon ay ayaw na niya akong makita. Ganoon siya kagalit sa akin. Para bang naubos lahat ng pagmamahal niya sa akin dahil minahal ko si Dom. Lumipas ang anim na taon pero hindi niya ako magawang patawarin kahit ilang beses kong sinubukang lapitan siya. Nawala na ang dati kong nanay na mapagmahal. Tatlong oras ang itinagal ng byahe ko. Pagdating sa terminal ay agad akong sumakay ng jeep patungo sa hospital na sinabi ni Tatay. Sa lobby pa lang ay nanlalamig na ang mga kamay ko sa kaba. Ramdam ko ang malakas na t***k ng puso ko sa bawat hakbang patungo sa room ni Nanay. Naalala ko noong ipinagtabuyan niya ako, sabi niya sa akin ay wala na akong karapatang magpakita pa sa kanila. Ipinilig ko ang ulo. Hindi ngayon ang oras para alalahanin ko ang nangyari sa amin sa nakaraan.               Nabasa ko ang pangalan ni Nanay at ng Doctor niya sa pinto ng kwarto kung saan siya naka-confine. Kumatok ako doon ng mahihina at maya-maya pa ay bumukas iyon. Mga mata agad ni tatay ang sumalubong sa akin. Halata ang pag-aalala at pagod doon.               “Tay,” iyon lang ang nasambit ko.               “Elsa, nandito na ang anak mong si Elyse!” paalam niya sa Nanay. “Halika ‘nak,” akit niya sa akin.               Nag-aalangan na pumasok ako sa loob ng room. Sinulyapan ko si Nanay na matamang nakatingin sa akin. Wala akong mabasang emosyon sa kaniyang mga mata. Sa kabila ng lahat, hindi ko magawang magtanim sa kaniya ng galit. Lalo pa at alam kong mali ako.               “Naririto ka na pala Elyse. Oh, ano ineng? Kumusta ang buhay nakikiapid?” Noon ko napansin ang tiya Gina ko na nakaupo sa isang sulok ng kwarto at nakatingin din sa akin. Bahagya pa siyang umismid nang lingunin ko siya. Siya ang panganay na kapatid ni Nanay at isa sa mga humusga sa buong pagkatao ko. To this day, I can still see traces of hate in her eyes. I can sense her annoyance at my presence, and it makes me feel sad inside. Hindi ko na lang pinansin ang sinabi ni Tiya. Kahit kinakabahan ako na baka ipagtabuyan ako ni Nanay ulit, nagawa ko pa ring lumapit sa kanya at inabot ang kamay niya. Ramdam ko ang mga mata ni Tiya Gina na nakasunod sa bawat galaw ko. Halata sa mga mata ni nanay na may sakit siya dahil wala ang dating kislap noon.               “N-Nay, kumusta po kayo? Ano pong nangyari?” tanong ko.               “Ayos naman ako. Sana ay hindi ka na nag-abala pang pumunta dito,” paiwas na sagot ni Nanay.               “Kaya nagkaganiyan ang Nanay mo dahil sa matinding stress sa iyo Elyse! Wala na iyang ginawa kundi mag-isip simula ng sumama ka sa lalaking ‘yon!” sangat ni Tiya Gina.               Napatungo ako sa sinabi ni Tiya. Maaari ngang isa din ako sa dahilan kung bakit nagkaganito si Nanay.               “H-Huwag po kayong mag-alala Nay, a-ako na po ang bahala sa bill nyo,” sagot ko kahit na ang totoo ay kinukwenta ko sa isip kung magkano pa ba ang natitira sa ipon ko.               “Aba dapat lang! Para may pakinabang ka naman! Hindi ‘yong puro sarili mo lang ang iniisip mo! Pinalaki ka namang maayos pero pulos sakit sa ulo ang iginanti mo sa magulang mo! Siguraduhin mo lang na sayo talaga ang perang gagastusin mo at hind isa lalaking ‘yon!” sabat ulit ni Tiya.               “Ate Gina!” mahinang saway ni nanay sa kapatid.               “Sus! Totoo lang naman ang sinasabi ko. Ilang taon ang lumipas, nagawa kayong tiisin ng batang ‘yan! Talagang pinili pa ang maging kabit!”               Dahil sa narinig ay nilakasan ko na ang loob ko. Hinarap ko silang tatlo. “Nay, Tay, Tiya, s-sorry po kung nasaktan ko kayo noon. Sorry kung sinuway ko po kayo. Pangako po babawi ako sa inyo,” sagot ko habang pinipigil ang luha. Napansin ko si Nanay na nakatitig sa akin ngunit hindi ko mabasa kung ano ang iniisip niya. Si Tatay naman ay mababakasan ng awa ang mga mata.               “Paano kang babawi Elyse? Sapalagay mo ba sa pagsagot sa gastusin sa hospital, mabubura ang kahihiyang dinulot mo sa mga magulang mo?” tanong ni Tiya. Hindi naman umiimik sina Nanay at Tatay.               Pinunas ko ang luha saka nagsalita. “Siguro nga po hindi na mababawi ang kahihiyang ginawa ko. Pero Nay, wala na po kami ni Dom.” Hindi ko ipinahalata kay Nanay na masakit para sa akin ang aming paghihiwalay.               Walang nagsalita sa kanilang tatlo at nanatili lang silang nakatingin sa akin. Biglang dumating ang nurse para kuhanan si Nanay ng BP at painumin ng gamot kaya natigil ang pag-uusap namin. Bahagya akong tumalikod para hindi nito mahalata ang pag-iyak ko.               KINABUKASAN ay bantay pa rin ako kay Nanay. Dumating din ang kapatid ko na si Ate Vicky. Madaming ipinaliwanag ang Doctor na tumingin kay Nanay at lumabas na rin ang resulta ng lab test na ginawa sa kaniya. Mabuti na lang at hindi niya kailangang maoperahan ngunit napakamahal ng mga gamot niya. Kaya kahit nahihiya ako ay tumawag na ako sa kompanya para mag-apply ng loan.               Linggo ng makalabas si Nanay ng hospital. Sumama muna ako sa bahay namin na matagal kong hindi nauwian. Wala iyong masyadong ipinagbago. Kitang-kita ko din ang tinginan at palihim na bulongan ng mga kapitbahay namin pagkakita sa akin. Lalo akong na-guilty dahil doon. Alam kong ayaw na ayaw nila Nanay at Tatay na nasasangkot sa mga eskandalo, pero dahil sa akin ay madami ding humusga sa pagkatao at sa naging pagpapalaki nila sa akin. Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit sila galit na galit sa akin. “Pasensya ka na Elyse ha. Kulang ang ipon namin para sa mga gastusin sa hospital. Kaya kinapalan ko na ang mukha ko at pinatawag ko na sayo si Tatay,” paliwanag sa akin ni Ate Vicky. Naroon kami sa kwarto naming dalawa dati at nagtitiklop ng mga bagong labang damit. May pamilya na siya at kahit pa nagalit sa akin ang mga magulang ko ay hindi niya ako tinalikuran. Lihim pa rin kaming nag-uusap at nagkukumustahan. May sarili na silang bahay ng asawa niya pero pinili niyang doon muna kina Nanay maglagi para may tumingin sa mga ito at dahil na rin naroon ako. Ipinagpapasalamat ko ang presensya niya dahil kahit papaano ay may nakakausap ako dito sa bahay. “Okay lang ate. Dapat lang naman na tayo ang mag-alaga sa kanila.” Napansin siguro ni ate Vicky ang pagiging matamlay ko. “Huwag mo na lang din pansinin iyang mga tsismosa nating kapitbahay. Magsasawa din sila sa kauusap tungkol sayo.” Madami pa kaming napagkwentuhan. Kasama na roon si Dom at ang paghihiwalay namin. Si Nanay ay nanatiling mailap sa akin. Halos hindi pa rin niya ako kinakausap. Kinahapunan ay nagpasya na akong babalik sa Manila. Naalala ko ang mga sinabi ni Maam Abigail na bawal na muna akong umabsent at baka totohanin niyang tanggalin ako sa trabaho. Isa pa ay hindi din naman ako kumportable sa pakikitungo sa akin nila Nanay sa bahay. Naroon ako sa kwarto at inilalagay ang mga damit sa aking bag na dala nang biglang pumasok si Nanay. Napatingin ako sa kaniya habang nakatayo siya sa harapan ko. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin sa kaniya o kung babatiin ko ba siya. “Mabuti naman at naisipan mo na ring humiwalay sa lalaking ‘yon,” simula niya. Napayuko ako. Pinuntahan pala niya ako para magtanong tungkol sa relasyon ko kay Dom. Ano kaya ang magiging reaksyon niya kapag nalaman niyang si Dom ang nakipaghiwalay at hindi ako? Hindi ako sumagot kaya muli siyang nagsalita. “Mabuti at dininig na ng Diyos ang panalangin kong ito. Hindi makabubuti sa iyo ang lalaking ‘yon, Elyse. Sana naman sa susunod ay ayusin mo ang mga desisyon mo sa buhay.” “O-Opo Nay. Alam ko na po. Maniwala po kayo, n-nagsisisi na po ako na hindi ako sa inyo nakinig noon,” sagot ko. Sa kabilang banda ay totoo naman ang sinabi ko. “Kung gayon ay magsimba ka at humingi ka ng tawad sa mga kasalanan mo. Mangumpisal ka.” “O-Opo. Salamat po,” sagot ko habang nakatungo. Hindi ko magawang salubongin ang tingin ni Nanay. Nagulat pa ako ng maupo siya sa tabi ko at hawakan ang mga kamay ko. “Elyse, kaytagal kong ipinagdasal na dumating ang araw na ito. Mahal ka ng Diyos anak kaya inilalayo ka niya sa kasalanan.” Tinitigan ko si Nanay at noon ko napansin ang namumuong luha sa kaniyang mga mata. “S-Salamat nga din pala sa pagtulong mo sa amin. Mag-ingat ka sa byahe.” Sa mga salita ni Nanay ay alam kong pinatatawad na niya ako kahit hindi niya direktang sabihin. Nakita ko ang tipid na pagngiti niya sa akin at marahan niyang pinisil ang kamay ko. Kahit papaano ay nagbunga naman ng maganda ang paghihiwalay namin ni Dom. Masakit man na iniwan niya ako ay bumalik naman ang pamilya ko. Sana lang ay magawa ko na siyang kalimutan ng tuloyan. Ipinapangako kong magsisimula akong muli at aayusin ang buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD