Itinulak ni Arima ang parisukat na mesa palapit sa kama na inuupuan ko. Nagkatinginan kami nang ilapag niya ang lampara sa gitna nito pero hindi niya man lang ako nginitian. Weird kid.
Kasalukuyan akong estatwa lang rito sa kama habang pinagmamasdan silang naghahanda para sa aming hapunan. Nagluto si Faith ng sinabawang patola na hinaluan niya ng manok na k*natay ko raw. Austere sure is awesome.
Pagkatapos na ilapag ni Faith ang kanin ay sabay silang naupo ni Arima sa kahoy na upuan sa magkabilang bahagi ko. Nginitian niya si Arima sabay gulo sa buhok nito saka niya ako nilingon.
“Kain ka na, Kuya,” wika niya sabay abot sa ‘kin ng mangkok na nilagyan niya na ng kanin at ulam.
“S-Salamat.” Tinanggap ko ang hawak niya saka mariin itong tinitigan. Simple lang ito pero ang saya-saya ko. Hindi sumagi sa isipan ko na matitikman ko pa ulit ang niluto ni Kate.
“Hindi mo ba nagustuhan ang hinanda ko ngayon, Kuya?” tanong niya nang mapansin na hindi ko pa ginagalaw ang kanyang ibinigay.
“Naku, hindi. Ah, ang ibig kong sabihin masaya ako at matitikman ko ulit ang niluto mo,” nakangiti kong wika sabay pulot sa kahoy na kutsara sa harapan ko.
Wala na akong pakialam kung panaginip man ito o reyalidad. Basta masaya akong makasama ulit ang kapatid ko.
“Ipinagluto ko rin naman kayo kaninang tanghali, ah,” wika niya sabay subo ng kanyang pagkain.
Hindi ko na napigilan na mapangiti pa lalo habang pinagmamasdan si Faith. Maging ang gestures niya, tulad ng paglobo ng kanyang pisngi sa tuwing nagtatampo siya, ay katulad din ng kay Kate. Masaya akong makasama siya ulit kahit na hindi naman talaga ako bagay rito.
“Oh, Arima. Dahan-dahan lang.” Inabutan ni Faith ng tubig ang batang kaharap niya nang mapansin na nabubulunan ito. Maigi ko silang pinagmasdan, may pagkakahawig nga sila.
Kapatid ko rin daw itong si Arima pero si Kate lang talaga ang kinikilala kong kapatid sa pinagmulan kong mundo. Mukhang kapatid ito ni Austere dito sa lugar na ito.
“Siya nga pala, si Arima ang naghiwa ng patola ngayon, Kuya,” nakangiting wika ni Faith sa ‘kin.
“Ah, gano’n ba? Mabuti ‘yan, Arima,” wika ko saka itinuon na ang aking atensyon kay Faith. Wala akong pakialam sa iba as long as makita ko lang na masaya at ligtas si Kate, ayos na ako.
Pagkatapos naming maghapunan ay inilatag na ni Arima ang hihigaan ko. Sa sahig ang puwesto ko habang magkatabi naman sila ni Faith sa kama. Mukhang attach na attach si Faith kay Arima tulad ng isang tunay na kapatid. Pero ako wala talaga akong maramdam na special feelings para sa bunso raw namin. Masyado siya tahimik at saka walang emosyon ang mukha niya kaya hindi ko mawari kung masaya ba siyang nandito ako o ano.
Ayaw ko namang tanungin si Faith kung pipi ba ang kapatid niya baka mahalata na nitong nagpapanggap lang akong si Austere.
Nang maihanda na nina Arima at Faith ang higaan, agad din kaming nahiga sa aming mga puwesto. Si Arima ang inutusan ni Faith na pumatay sa ilaw ng lampara. Tulad ng isang masunuring bata ay ginawa din naman ni Arima utos sa kanya. Kadiliman ang bumalot sa buong kuwarto nang mawalan ng ningas ang lampara. Hindi pa ako inaantok kaya napatingin na lang muna ako sa bubong habang pinapakiramdam ang aking paligid. Hindi ko pa rin talaga naiintindihan ang nangyayari sa ‘kin ngayon. Hindi pa ako siguro kung katotohanan ba itong mundong ginagalawan ko o dala lang ng kabaliwan ko. Malalaman ko ito paggising ko bukas.
This place is too dangerous. Kung totoo man ito, mas pipiliin kong bumalik na lang si Austere para maprotektahan niya ang kapatid ko. Mundo niya naman ‘to, hindi akin. Hindi ko kaya na makita pang muling malagay sa panganib ang buhay ni Kate dahil sa pagiging incompetent ko.
Dala ng pagod at istado ng katawan ko ay hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako. Naalimpungatan ako dis-oras ng gabi nang maramdaman kong may mahigpit na nakayakap sa ‘kin. Nang imulat ko ang aking mga mata, kadiliman ang bumungad sa paningin ko. Sa sobrang dilim, pakiramdam ko ay nakapikit pa rin ako. Ito ang disadvantage ng kuwartong walang bintana.
Dahan-dahan kong kinapa kung sino ang nakayakap sa beywang ko. Nanginginig siya. Base sa maliit niyang katawan, walang duda, si Arima ito.
“Ayos ka lang?” bulong ko sabay haplos sa kanyang likuran. Ilang taon na kaya ang batang ‘to? Teka, ba’t ko ba siya tinatanong? Hindi nga siya nagsasali―
“Ma-May halimaw,” takot niyang wika. Nanlaki ang mga mata ko dahil sa aking narinig. Nakapagsasalita naman pala siya.
“Halimaw? Saan?” nag-aalala kong tanong sabay upo. Agad na napadako ang mga mata ko sa direksyon ni Faith.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang isang kulay pulang mata na sumisilip sa maliit na butas sa may pader, banda sa puwesto ni Arima. Agad kong inialis ang mga braso na nakayakap sa akin para lapitan ang kapatid ko. Dahan-dahan ay ginising ko siya habang nakatingin sa maliit na butas ang mga mata ko. Nasa ibaba lang naman ako ng kama kaya agad ko rin siyang nahanap kahit na wala akong makita.
“F-Faith . . .” Niyugyog ko ang kanyang balikat. Ilang sandali pa ay nagising din siya.
“Uh? Bakit, Kuya?” inaantok niyang tanong.
Hindi ko makita ang mukha ni Faith dahil sa sobrang dilim pero kitang-kita ko ang kulay pulang mata na nakatingin sa direksyon namin. Nakaramdam ako ng kilabot habang nakikipagtitigan ako rito. Sigurado akong hindi ito mata ng tao kung ‘di mata ng isang hindi maipaliwanag na nilalang. Wala itong balintataw kundi pula lamang ang kabuuang kulay ng eye ball nito.
Shit. Problema ‘to!
Kinapa ko ang braso ni Faith at agad ko siyang hinatak pababa sa kama.
“Sumunod kayo sa akin,” bulong ko, hindi maalis-alis ang tingin sa mata na nagmamasid sa amin.
“Ano pong problem—” Hindi pa man natatapos ni Faith ang kanyang sasabihin ay winasak na ng halimaw ang pader na nagsisilbi naming proteksyon.
Lumiwanag ang buong paligid dahil sa sinag ng bilog na buwan. Napaubo ako dahil sa alikabok na nagmula sa nawasak na pader pero hindi ko binitawan si Kate. Nang iangat ko ang aking ulo, napaawang na lang ang labi ko dahil sa takot. Sa unang pagkakataon ay nasaksihan ko ang demon-like appearance ng tinatawag nilang Grosque. f**k!
Nakabuka ang malaking bunganga nito dahilan para makita ang matutulis nitong mga pangil. Tila deformed circle naman ang hugis ng mga mata nito na may naglalabasan pang itim na ugat sa gilid. Ang paa at kamay nito ay may mahahabang kuko na kasing talim ng kutsilyo. Ang balat naman ng halimaw ay kasing itim ng kalangitan. Crap. Napakalaki ng katawan nito. Sa tingin ko mga dalawang metro mahigit ang taas niya.
Ilang sandali pa ay umalingawngaw sa buong kagubatan ang matinis na sigaw ni Faith. Nataranta na ako nang mapaiyak na rin si Arima. s**t! s**t! s**t!
“GRRRAAAA!”
“Takbo!” sigaw ko sabay tulak kay Arima patayo. Saktong pagkaalis namin sa aming puwesto ay siyang pagtama ng matutulis na kuko ng halimaw sa sahig na aming inupuan.
“GRRRAAAA!” sigaw nitong muli sabay lingon sa amin.
Iginaya ko sila Faith papunta sa isang bahay na gawa sa bato. Nagtago din ako kasama nila, pilit na pinapakalma ang malakas na pagtibok ng aking puso.
Narinig namin ang yapak ng halimaw mula sa labas ng bahay. Walang hiya! Kung panaginip man ito gusto ko nang magising. Ayaw ko nang makita pa ulit na mawala ang kapatid ko dahil sa akin!
“Kuya Austere, ano ang gagawin natin?” Nanginginig ang buong katawan ni Faith habang nakayakap sa hindi na maawat na si Arima. Ang malakas na paghikbi ng bunso namin ay nagbibigay sa ‘kin ng presyon. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko!
This is all my fault. Simula nang magkapalit kami ni Austere, nagsunod-sunod na ang kamalasan sa buhay nila Faith. I need to do something. I need to think. Nakatulog na ako kanina at ngayon ay gising na gising na ako. Hindi ito panaginip kung ‘di reyalidad ko na ito. Kailangan kong maprotektahan si Faith. No matter what . . . Hinding-hindi ako makakapayag na maulit pa ang nangyari noon. Pero ano ang magagawa ko? Tama!
“The sword,” bulong ko. Napatayo ako kaya agad akong hinawakan ni Faith sa braso.
“K- Kuya, saan ka pupunta?” Puno ng takot ang mga mata niya habang nakatingin ito sa ‘kin. Gusto kong maiyak, pero kailangan kong pigilan ang sarili ko. I really love, Kate. Dahil sa kanya gusto ko pang mabuhay nang matagal.
Kailangan kong mabuhay. Kapag namatay ako ngayon sino ang magtatanggol kay Faith? Hindi ako makakapayag na mamatay siya ulit. Hindi ako makakapayag.
“Huwag kang mag-aalala. Sa pagkakataong ito, poprotektahan na kita. Pangako ay babalik ako, dito lang kayo,” nakangiti kong saad.
“Pangako?” paninigurado niya. Napangiti ako.
“Pangako.”
Napatango si Faith saka ako binitiwan ako. Nararamdaman ko ang mga mata niyang nakasunod sa ‘kin habang naglalakad ako papalapit sa pinto. Huminga muna ako nang malalim saka ko ito binuksan. Nanginginig ang kalamnan ko pero hindi ako p’wedeng maging duwag ngayon. Nasa katauhan ako ni Austere. Hindi duwag si Austere. I need to protect my sister.