AKIRA'S POV
"Nakakarami ka na Ms. Akira."
Napalingon ako kay Shin nang bigla siyang magsalita. Tiningnan ko naman ang mga empty na lata na nasa damuhan at binilang. Sa loob ng kalahating oras ay nakakatatlong beer na pala ako. Kaya pala medyo nakakaramdam na ako ng pagkahilo at pakiramdam ko ay matutumba ako kapag tumayo ako.
Naramdaman ko ang pagtabi sa akin ni Shin. "Alam mo bang ako ang mapapagalitan kapag nalaman ito ng mga magulang mo? Pati kay Miro ay paniguradong yari ako," sabi pa niya sa akin.
Isang pagak na tawa ang pinakawalan ko at saka muling lumagok ng beer. "At sa tingin mo ba ay may pakialam pa sila sa akin? Ni birthday ko nga ay hindi nila mabigyan ng isang buong araw," nakangiti ko pang sabi.
"Ginagawa nila ang lahat Ms. Akira. Trust me," seryosong sabi naman niya sa akin.
Marahan akong napailing kasabay ng pagtulo ng mga luha ko. "Ganyan ang paniniwala ko noon Shin. Pero dahil sa napakaraming nangyari sa akin, hindi ko na magawang magtiwala pa. Mas nangingibabaw sa akin ang paghahanap ng kalinga ng mga magulang. Ramdam na ramdam ko ang pag-iisa. Daig ko pa ang isang ulila," mahabang litanya ko.
Nagbukas muli ako ng isang beer dahil naubos na ang hawak ko. Sinubukan namang kunin ni Shin ang hawak ko ngunit mabilis ko iyong nailayo.
"Ms. Akira," may pag-aalalang sabi pa niya sa akin.
"Alam mo bang halos sasabog na ang isipan ko. Pakiramdam ko ay anumang oras ay mababaliw na ako. Halos kamuhian ko ang sarili ko," parang baliw na sabi ko sapagkat umiiyak ako habang tumatawa.
Kumunot naman ang noo ni Shin at tiningnan ako ng deretso sa mga mata ko. "What do you mean?" naguguluhan niyang tanong sa akin.
Napangisi ako. "Hindi mo na dapat pang malaman iyon."
Muling pumatak ang mga luha ko kasabay ng kusang pag-play sa utak ko ng mga nangyari kagabi.
Sobrang sakit na ng ulo ko at hindi ko alam kung anong dapat pang gawin. Hindi ko na magawang tawagin pa si Miro o sina Shin at Inaki dahil mas nangingibabaw ang sakit ng ulo ko. Napahiga na ako sa bed ko at itinago ang ulo ko sa ilalim ng unan ko.
Hanggang sa ang sakit ay nanalaytay na sa buo kong katawan. Pawis na pawis na rin ako at hindi ko magawang makabangon dahil nanunuot sa mga buto ko ang sakit. Para akong sinusunog at gusto kong isigaw ang lahat ng sakit na nararamdaman ko ngunit walang boses ang lumalabas sa bibig ko. Hindi rin nakatakas sa paningin ko ang paglibot sa akin ng puting liwanag na animo'y isang shield na pumoprotekta sa akin.
Ilang saglit pa ay naramdaman kong umaangat ang katawan ko sa bed ko. Nakakaramdam na rin ako ng takot dahil hindi ko alam kung anong nangyayari sa akin. Mas lalo pang sumakit ang buong katawan ko nang tamaan ako ng sinag ng bilog na buwan. Sobrang bilis din ng t***k ng puso ko na akala ko ay lalabas na lang sa dibdib ko.
Saktong pagsapit ng alas dose ay parang may kung anong enerhiya ang lumabas mula sa katawan ko. Biglang nawala rin ang lahat ng sakit na nararamdaman konat unti unti na rin akong bumababa sa sahig. Nang maramdaman ng mga paa ko ang sahig ay bahagya akong nakahinga ng maluwag. Ngunit may hindi pamilyar na pakiramdam ang nasa katawan ko.
Dahan dahan akong lumapit sa body mirror upang tingnan ang kabuuan ko. At halos mahigit ko ang paghinga ko nang makitang may kung ano sa bandang likuran ko. Bahagya akong tumagilid upang mas makita iyon. At halos mahimatay ako nang makitang may siyam na buntot ang nakakabit sa may likuran ko.
Walong kulay puti na buntot at isang kulay gintong buntot ang nasa may likuran ko. Sobrang naguguluhan ako ngayon at gusto kong sumigaw ng malakas ngunit kapag nakita ako ng mga kasama ko sa bahay na ganito ang anyo ko, paniguradong kakatakutan nila ako.
Pero bakit may ganito ako? Anong klaseng nilalang ako? Isa ba akong halimaw?
Sinubukan kong ipikit ang mga mata ko dahil baka panaginip lamang ito. Baka binabangungot lamang ako at paggising ko ay wala na ang mga buntot na ito. Ngunit sa muling pagmulat ko ng mga mata ko ay nakatayo pa rin ako dito sa harap ng salamin, at may siyam na buntot pa rin.
"Hindi ka nananaginip Akira."
Halos mapatalon ako nang biglang may magsalita sa may likuran ko. Agad akong humarap sa may-ari ng boses at bumungad sa akin ang isang babaeng may kulay puting mahabang buhok. Naka-long dress din siya na kulay puti na parang isang diwata sa mga palabas sa TV. Mahaba at tilos ang mga tainga niya at matangos rin ang kaniyang ilong. At ang mas nakapukaw sa aking pansin ay ang siyam niyang buntot na lahat ay kulay ginto.
Sino ang babaeng ito? Anong kailanga niya sa akin?