AKIRA'S POV
Para akong nabunutan ng tinik at nakahinga ng maluwag nang marinig ko ang boses ni Daddy. Pakiramdam ko ay ligtas na ako dahil nandito na ang mga magulang ko.
Marahan akong lumingon kina Mommy at Daddy. Nakatayo sila sa may bintana habang nakatingin sa mga itim na Nine Tailed Fox. Ang tuwang naramdaman ko ay napalitan ng pag-aalala para sa kaligtasan ng mga magulang ko. Alam kong marami pa akong hindi alam tungkol sa pagkatao ko ngunit mas nangingibabaw sa akin ang pag-aalala.
"Akira, anak. Ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong sa akin ni Mommy. Lumapit sila sa akin ni Daddy at agad nila akong niyakap.
"Ms. Akira, hinihintay ko pa rin ang desisyon mo," nakangising sabi naman sa akin ng itim na Nine Tailed Fox.
Agad na bumitaw sa akin si Daddy at pumunta sa may harapan ko. "Hindi mo ba ako naintindihan? Hindi mo makukuha ang anak ko," tiim bagang na sabi pa niya.
Napahawak ako sa bibig ko nang biglang may siyam na buntot din ang lumabas kay Daddy. Katulad ng kay Shin ay kulay puti rin ito. Mas matingkad nga lang ito kumpara kina Shin at sa mga bodyguard.
"K-katulad ka rin nila," hindi makapaniwalang sambit ko.
"Anak, ipapaliwanag namin sa 'yo ang lahat ngunit mas kailangan nating unahin ang kaligtasan mo," seryosong sabi naman sa akin ni Mommy.
Biglang sumulpot sa tabi ni Daddy si Inaki na may siyam na buntot din, kulay puti rin ito. Nang magtagpo ang mga tingin namin ay alanganin siyang ngumiti sa akin.
"Kanji at Inaki, kayo na ang bahala sa prinsesa. Siguraduhin niyong makakatawid agad siya sa mundo natin," narinig ko namang utos ni Daddy kina Shin.
"No Dad. Hindi ko kayo iiwan dito," mariing pagtanggi ko naman.
"It's for your own sake Akira," sagot naman sa akin ni Mommy.
Marahan akong umiling. Hindi ako makakapayag na umalis sa lugar na ito na hindi kasama ang mga magulang ko. Hindi ko sila iiwan sa mga mapapanganib na nilalang na ito.
" Akira, let's go. Malakas ang mga magulang mo dahil sila ang hari at reyna kaya hindi mo na dapat silang alalahanin," seryosong sabi naman sa akin ni Shin.
Wala akong ibang nagawa kundi ang tanggapin ang kamay ni Shin. Naghawak kamay kaming dalawa habang si Inaki naman ay nasa kabilang side ko. Hindi ko alam kung anong gagawin nila dahil kina Mommy lang ako nakatingin. Sana ay maging maayos lang sila. Sana ay totoong malakas ang magulang ko dahil hindi ko kakayanin kung may mangyari mang masama sa kanila.