AKIRA'S POV
Bigla akong napabangon nang maalimpungatan ako. Napahawak pa ako sa ulo ko dahil bahagyang sumakit ito. Hindi ko maalala kung paanong nasa kwarto na ako ngayon. Ang alam ko ay nasa may garden kami ni Shin at nagte-training. Pinilit kong isipin kung may nangyari ba ngunit wala akong ibang maalala.
"Mabuti naman at gising ka na," nakangiting bungad sa akin ni Miro nang pumasok siya sa kwarto ko. May bitbit siyang tray ng pagkain at marahang ipinatong iyon sa may bedside table.
"M-may nangyari ba?" kinakabahan kong tanong naman sa kaniya.
Umiwas sa ng tingin sa akin si Miro. "Masyado kang napagod sa training niyo kaya nag-collapse ka," seryosong sabi pa niya habang inaayos ang pagkain ko.
Hindi makapaniwalang napatingin ako sa kaniya. "Talaga?"
"Yes. Kumusta na pala ang pakiramdam mo?" seryosong tanong niya sa akin habang iniaabot sa akin ang pinggan na may lamang mixed veg at kanin.
Tinanggap ko naman iyon at inamoy amoy pa. Agad kong inilayo ang pinggan na ikinakunot naman ng noo ni Miro.
"May problema ba?" tanong pa niya sa akin.
"Amoy na amoy ko ang sibuyas na inilahok sa mixed veg, hindi fresh at malapit nang mabulok," nakasimangot ko namang sabi.
"Ano?" hindi makapaniwalang tanong naman niya sa akin.
Marahan akong napailing at ibinalik ang pinggan sa may table. "Hindi pa naman ako gutom. Nawalan na ako ng gana," sabi ko pa.
"Akira, you need to eat," seryosong sabi naman ni Miro.
Sinamaan ko ng tingin si Miro. "Bakit mo ako sinisigawan?" naiinis kong sabi.
"What? Hindi kita sinisigawan Akira. Ang hina nga ng boses ko o," sabi naman sa akin ni Miro.
"Ang lakas lakas ng boses mo," umiiyak kong sabi. Paanong magiging mahina ang boses ni Miro e samantalang ang lakas ng boses niya. Halos mabingi ako dahil doon.
Magsasalita na sana si Miro ngunit bigla akong napahawak sa magkabila kong tainga. Ang dami kong naririnig na mga boses na hindi ko alam kung saan nanggagaling. Para silang mga bubuyog na nagbubulungan sa may tainga ko. Nakakabingi at nakakairita.
Dahil sa pagkataranta ko, lumabas ako ng kwarto ko sa pag-aakalang maraming tao sa labas na nag-uusap usap. Ngunit ipinagtaka ko na ang bumungad sa akin ay ang bahay na walang katao-tao maliban sa mga katulong na busy sa paglilinis.
Natigilan ako ngunit patuloy ang iba ibang boses sa tainga ko. Hindi ko alam kung saan nanggagaling ang mga ingay na iyon dahil wala naman kaming masyadong kapitbahay dito. Sumasakit na ang ulo ko dahil naririndi na ang tainga ko. Hindi ko alam kung paano mapapatahimik iyon.
INAKI'S POV
Napatayo ako nang makita si Akira na lumabas ng kwarto niya. Distracted siya na panay ang himas sa magkabilang tainga niya. Dumeretso pa siya sa may garden at hindi man lang ako pinansin.
"Anong nangyayari?" tanong ko kay Miro nang makita ko siya.
"Hindi ko alam. Naiinis siya sa akin dahil sinisigawan ko raw siya ngunit mahina naman ang boses ko," hindi mapakaling sagot naman niya sa akin.
"It's her hearing ability. Lumalabas na ang mga kakayahan niya," narinig naming sabi ni Kanji na kalalabas lang ng kwarto niya.
"A-anong gagawin natin?" natatarantang tanong naman ni Miro.
"Wala. Kailangan niyang mapag-aralang mag-isa ang mga kakayahan niya," seryosong sagot naman ni Kanji.
"Magsitahimik kayo!"
It's Akira. Nagkatinginan kaming tatlo at sabay sabay na pinuntahan siya. Naabutan naming nakaluhod siya sa may garden habang hawak pa rin ang mga tainga niya. Ramdam kong umiiyak siya sapagkat nagtataas baba ang kaniyang balikat. Hindi ko maiwasang makaramdam ng awa kay Akira. Nangyayari na ang mga dapat mangyari ngunit wala pa rin siyang alam sa tunay niyang pagkatao.
"Akira," mahinang bulong ni Miro kay Akira. Napalingon naman si Akira sa amin. Lumalakas na talaga ang pandinig niya dahil sa sobrang hina na ng boses ni Miro ay rinig na rinig pa rin niya ito. Paniguradong ang naririnig niya ngayon ay ang mga usapan sa may mall na halos isandaang metro ang layo mula dito.
Lumapit si Miro kay Akira upang pakalmahin ito. Napabitaw naman si Akira sa kaniyang magkabilang tainga at saka inilibot ang paningin sa buong garden.
"Nawala na," wala sa sariling sambit niya
"Ang alin?" agad na tanong naman ni Miro.
"Y-yung mga ingay na naririnig ko kanina. Tumahimik na sila."
"Babe, it's nothing. Nagugutom ka na siguro. Tara nang kumain," nakangiting sabi ni Miro.
"Ayoko. Bulok ang sibuyas na inilahok nila sa pagkain. I smelled it," seryosong sabi naman ni Akira.
Nagkatinginan kami ni Kanji. Pati ang pang-amoy niya ay nag-enhance na rin. Supposedly ay paisa isa lang dapat ang mga abilidad niya na lalabas. Ngunit magkasabay ang pang-amoy at pandinig niya. Masyado yatang na-eexcite ang Fox spirit na lumabas sa kaniya kaya ganoon. Kung magpapatuloy ito ay baka hindi na umabot sa birthday niya ang prinsesa at magpalit anyo na ito.