Brianna
"Bea!"
Napalingon ako nang marinig ko na may tumawag sa aking pangalan. Hinanap ko kung saan nagmumula ang tinig hangang sa matanaw ko si Sav. Kaagad ko siyang nginitian kahit hindi pa siya gaanong nakakalapit sa akin.
Ngumiti rin naman siya sa akin ng matamis. Parang ang ganda ganda ng umaga niya ngayon. Sana ay ako rin. Sana maging maganda rin ang umaga ko. Mas lalo pa akong napangiti nang sumagi sa isip ko si Ken. Aaaccckkk! Kinikilig na naman ako. Bakit kasi ang guwapo niya?
"Oh, Sav. Ikaw pala. Good morning."
Kaagad ko rin siyang binati nang makalapit na siya sa akin.
"Good morning, din. Anong ginagawa mo riyan?" tanong niya na may pagtataka. Kumunot pa ng bahagya ang noo niya.
Nakaharap kasi ako ngayon sa isang tinted na bintana ng isang magarang kotse na nakaparada rito malapit sa entrance ng University. Ilang araw na itong naka-park dito na lagi kong nadadaanan.
Mistula itong salamin at sa tingin ko ay ang ganda-ganda ko rito. Kaya naman hindi ko mapigilang manalamin dito. Katatapos ko lang maglagay ng lipstick at ngayon ay sinisipat ko naman ang aking sarili. Ang ganda ko talaga, pero bakit parang hindi man lang iyon napapansin ni Ken. Malabo siguro ang mata niya o baka naman pangit ang taste niya.
Simple lang ang suot ko ngayon. Light blue pants at white fitted blouse lang. Tinernuhan ko lang ng white na rubber shoes. Sabi kasi nila mas simple mas maganda. Ganoon din naman si Sav, simple lang din siya manamit. Naka-jeans at plain blouse lang din siya.
Ibang iba kami kung titingnan sa mga mayayamang babae na nag-aaral dito sa University. Pabongahan kasi lagi sila ng suot nila at talagang mamahalin ang mga damit, samantalang kami ay napakasimple lang.
Nasa nagdadala naman siguro iyon kasi kung maganda at mahal nga ang damit mo kung hindi ka naman confident at comportable wala rin iyong halaga.
"Nag-ayos lang ako saglit," sagot ko.
"Aysus! Ang ganda mo na, kahit 'di ka na mag-ayos diyan."
"Alam ko na iyon. Tinitingnan ko lang kung may nagbago ba. Para kasing mas lalo pa akong gumanda dito, e," biro ko sa kanya.
Kahit na kakikilala lang naming dalawa ay para bang ang tagal na naming magkakilala. Nakapalagayan na namin kaagad ang isa't isa. Magaan ang loob ko sa kanya. Napakabait naman din kasi niya.
Nagtawanan kaming pareho. Medyo napalakas pa nga at nakaagaw ng atensiyon ng ibang estudyante na papasok na rin ngayon sa University. Napatakip kaming pareho sa aming bibig pero hindi pa rin namin mapigil ang mapabungisngis.
"Tara, sabay na tayo." Niyaya na ako ni Sav at sabay na kaming naglakad papasok sa loob.
"Saan ang unang class mo ngayon?" bigla ay naitanong ni Sav sa akin. Napatingin naman ako sa kanya. Nasa tabi ko lang naman siya at sabay kaming naglalakad. Nakapasok na kami ngayon sa loob ng University.
"Sa building C ako ngayon," sagot ko naman habang hindi magkaintindihan ang leeg ko at ulo ko kung saan papaling. Panay ang linga ko sa buong paligid. Lahat ng nakakasalubong at lumalagpas sa amin na mga estudyante ay tinitingnan kong mabuti.
"Ikaw ba?" Naisipan ko na ring itanong sa kanya. Saglit ko lang naman siyang nilingon at muli na namang luminga-linga sa paligid.
"Sa building A ako ngayon."
"Ah, sana magkaklase na lang tayo, nuh. Mag- shift kaya ako ng course?" Bigla ko lang naisip. Puwede naman iyon para maging magkaklase kami. Tumawa naman si Sav dahil sa sinabi ko.
Panay pa rin ang paglibot ng paningin ko sa buong paligid. Para na nga akong madadapa dahil hindi ko na pinagtutuunan pa ng pansin ang nilalakaran ko. Hindi ko pa kasi nakikita ang taong gustong makita ng mga mata ko ngayong umaga. Para maging kompleto na agad ang araw ko. Asan kaya siya?
"May problema ba?"
Muli naman akong napabaling kay Sav dahil sa tanong niyang iyon. Nahalata na yata niya na panay ang linga ko. Nakakunot ang noo niya at may pagtataka na sa mukha niya.
"Huh? W-Wala naman. Bakit?"
"Para kasing magkaka-stiff neck ka na kakalinga mo d'yan. Baka madapa ka pa nga, eh. May hinahanap ka ba? Sino ba iyon?"
"Ha? W-Wala," kaagad kong dipensa sa kanya. Pero mukhang hindi yata siya naniniwala sa akin.
"Naku, sure ka bang wala kang boyfriend?" tanong pa niya na bakas ang kakyuryusuhan sa mukha. Agad din naman akong tumanggi at umiling dahil wala naman talaga akong boyfriend kun 'di crush lang. Ay hindi love ko pala. Parang kinikilig na naman ako.
"O-Oo naman."
"Eh, crush?" Nag-init bigla ang pisngi ko sa tanong niyang iyon. Pakiramdam ko ngayon ay pulang-pula at para ng kamatis ang mukha ko. Tiningnan pa niya ako ng makahulugan kaya nag-iwas ako ng tingin sa kanya. Halatang-halata ba ako? Sabihin ko kaya na, kinakabisado ko lang ang buong paligid kaya ako lumilinga. Maniniwala kaya siya?
"Ha? Wala, ah. Sino naman ang magugustuhan ko rito. Oo, maraming guwapo rito, pero hindi ko sila type, nuh."
"Aysus! Hindi mo ko maloloko. Ano?Guwapo ba 'yon? Nasaan ba? Ituro mo sa akin, dali." Tila na excite siya at naglilingon din sa paligid.
"Wala nga."
"Ayaw pa sabihin. O siya, dito na ko. Ipakilala mo sa akin 'yan, ah." Pahabol pa niya. Ngumiti rin siya at tiningnan ako ng makahulugan.
Huminto na kami sa building A. Hindi ko napansin na mabilis pala kaming naglalakad dahil nakarating kaagad kami sa building A. Nakaramdam naman ako ng lungkot dahil nakarating na nga kami sa building A ay hindi ko pa rin nakikita at nasisilayan si Ken ko. Asan na kaya iyon?
Nagba-bye kami sa isa't isa ni Sav nang lumiko na siya roon.
Nagpatuloy naman na ako sa paglalakad ko. Hindi pa rin ako matigil sa paglinga-linga sa paligid. Baka naman wala pa siya rito. Kung sa bagay masyadong malaki ang University kaya tiyak na mahihirapan akong makita siya.
"Ako ba ang hinahanap mo?" Nagulat ako ng may bigla na lang nagsalita sa tabi ko. Agad akong napalingon.
"Huh!? Ikaw pala, Mark." Kakaibang saya ang naramdaman ko nang makita ko si Mark. Nagtuloy-tuloy naman ang paningin ko sa likurang bahagi niya. Ngunit nadismaya ako ng wala akong makitang ibang tao na kasama niya. Nag-iisa lang siya.
"Good morning! Pero mas maganda ka pa rin sa morning."
Napangiti ako sa papuri niya.
"Good morning din." Patuloy pa rin ako sa paglingon habang naglalakad. Sumabay naman si Mark sa paglalakad ko. Asan na kaya si Ken? Gusto ko sanang itanong kay Mark pero nakakahiya naman kung gagawin ko iyon.
"Sino ba ang nililingon mo? Akala ko pa naman ako ang hinahanap mo." May pagtatampo sa tinig niya. Lumingon lingon din siya na waring hinahanap din ang hinahanap ko. Hindi ko naman alam ang sasabihin ko. Dapat ko bang sabihin na si Ken ang hinahanap ko? Nakakahiya.
"Si Ken ba?"
"H-Hah? H-Hindi, ah."
Nagulat ako at agad nag-init ang mukha ko. Pakirandam ko ay sasabog na ang mukha ko sa sobrang pamumula nito ngayon. Halata ba talaga masyado na si Ken ang hinahanap ko? Mukhang hindi na yata ako makakatangi nito.
"Tsss...mas pogi ba talaga siya sa akin?" wika ni Mark sa malungkot na tinig. Napa-iling pa siya na parang hindi makapaniwala.
Para bang bigla na lang siyang nalugi. Guwapo rin naman siya, kaya nga isa siya sa mga heartthrob, eh. Hinahangaan rin siya ng halos karamihan sa mga kababaihan dito sa University lalo't smiling face siya. Ang kaso kay Ken tumibok ang puso. Aaaaaccckk! Ano ba? Bakit kinikilig na naman ako. Pinigilan ko ang mapangiti.
"Ano bang sinasabi mo?" pagkakaila ko pa rin. Kahit hindi ko alam kung paano pa itatangi gayong nahuli na yata niya talaga ako.
"Hindi siya papasok ngayon."
"Hah? T-Talaga?!"
Nagulat ako sa sinabi niya. Nakaramdam akong bigla ng lungkot. Pano na ang araw kong ito, kung hindi ko siya makikita?
"Sabi ko na nga ba, eh. Ouch! Grabe, ang sakit no'n, ah. Pakiramdam ko basted na agad ako."
Hindi ko na pinansin pa ang pagmamaktol niya. Alam ko naman na nagbibiro lang siya.
"Bakit hindi siya papasok ngayon?" tanong ko kaagad. Talagang interesado akong malaman.
"Kailangan daw siya ng Daddy niya sa office nila."
"Ganun ba?" malamya kong tugon.
"'Wag kang malungkot, nandito naman ako."
"Sinong malungkot? Hindi, ah. Bakit naman ako malulungkot. Ano ka ba?"
"Ay sus! Ang mga babae talaga. Huling huli na nga, tatanggi pa."
Ngumiti siya ng malapad. Hindi ako nakasagot. Wala akong maisip na sasabihin. Talagang nahuli na niya ako. Paano na? Baka asarin niya ako.
"Don't worry, ako ang bahala. Ikukumusta kita sa kanya mamaya."
"Ha? Talaga? Hindi ba nakakahiya 'yon?"
Tumawa siya ng malakas. Hindi ko tuloy alam kung seryoso ba siya na ikukumusta nita ako kay Ken o nagbibiro lang.
"Ang cute mo."
Napangiwi naman ako nang kurutin niya ang kanan kong pisngi at pinanggigilan. Hindi naman ako gaanong nasaktan. Pero parang mas namula pa ang mukha ko at nag-init pa ito ng husto.
Hindi na ako umimik. Bigla akong tinamaan ng matinding hiya. Parang inamin ko na rin talaga. Ano ba self, maghunos dili ka.
"Saan ba ang klase mo ngayon?" tanong niya nang tumahimik ako. Sabay pa rin kaming naglalakad. Napansin ko naman ang mga babaeng estudyante na nagtitinginan sa amin. Nagtaka ako pero bigla ko ring naalala na si Mark nga pala ang kasabay ko. Malamang magtitinginan talaga ang mga 'yan. Ang guwapo ba naman ng kasabay ko at maganda rin naman ako.
"Sa building C ako ngayon." Malamya ko paring sagot. Iniisip ko pa rin kasi si Ken. Parang bigla ay nakaramdam ako nang panlalambot. Si Ken yata ang energy booster ko, tapos ay wala siya.
"Ah, ganun ba? Ako dito na ako sa building B, ah. Kita na lang tayo mamaya."
Nagpaalam na siya noong nakarating na kami sa building B. Kumindat pa ito sa akin. May ka kulitan talaga siya. Dito pala ang klase nila ngayon. Huminto muna ako sa paglalakad. Ngumiti ako ng tipid at kumaway sa kanya para magba-bye.
Nang tuluyan na siyang makapasok sa building ay nag-umpisa na ulit ako sa paglalakad ko. Hahakbang pa nga lang ako nang makarinig ako ng mga babaeng nag-uusap na para bang sinasadya na iparinig sa akin ang usapan nila. Ang lakas kasi ng mga boses nila at tila may mga diin pa sa bawat salita. Napabaling ako sa gawi nila na hindi naman kalayuan sa akin at nakatingin sila ng matalim sa akin. Ano naman kaya ang kasalanan ko?
Nasa apat silang mga babae. Mukhang mga brats at bully sa University base sa mga itsura nila at kung paano sila tumingin. Parang kakainin na nila ako.
"Sino naman 'yan? Bago na naman ba ni Mark?"
"For sure hindi rin 'yan magtatagal."
"Wala naman 'yang binatbat sa ganda mo, friend."
Hindi ko na sila pinansin pa at nagpatuloy na sa paglalakad patungo sa building C. May pagmamadali sa mga kilos ko. Hindi na rin ako lumingon pa sa kanila dahil baka sinusundan nila ako at bigla na lang nila akong pagtulungang lapain. Mukha pa naman silang mga asong tumatahol.