Ilang araw ng hindi pumapasok si Ken sa school. Ilang araw ko na siyang hindi nakikita. Para na yata akong mababaliw sa tindi ng pagka-miss ko sa kanya. Wala akong gana sa klase dahil hindi ko siya nakikita, lalo na sa subject na dapat ay kaklase ko siya. Pakiramdam ko hindi kompleto ang araw ko. Nasasayang lang ang pulang lipstick na ipinapahid ko tuwing umaga sa mga labi ko. Excited pa naman akong pumasok tuwing umaga pero para akong bigong-bigo sa tuwing malalaman ko kay Mark na hindi pa siya papasok. Hindi ko naman tinatanong si Mark pero ewan ko ba sa lalaking iyon parang alam na niya na palagi kong hinahanap si Ken kaya automatic na pagnakita niya ako ay sasabihin na niya kaagad na wala si Ken.
Wala naman daw itong sakit ayon din kay Mark, kaya huwag daw akong mag-alala. Nasa opisina lang daw ito ng daddy nito at may mga inaasikaso lang daw ito na importante. Tungkol daw sa kumpanya ng pamilya nila Ken, pero hindi naman na idinetalye ang lahat sa akin ni Mark. Sana lang ay matapos na iyon at pumasok na siyang muli. Kasi talagang miss na miss ko na siya.
"Bea, gusto mo mag-mall tayo mamaya?" pag-aya sa akin ni Sav. Kasalukuyan kami ngayong nakaupo sa isang bench sa likod ng university. Maraming mga pwedeng tambayan at pahingahan dito sa likod ng university. Napakalawak dito at tahimik lang naman sa puwesto namin ngayon. Katatapos lang naming kumain sa canteen at mamaya pa ulit ang susunod naming klase. Two hours ang break time namin ngayon. Kung minsan naman ay three hours. Depende sa class schedule dahil minsan ay half day lang.
"Ayoko," walang gana kong sagot. Wala kasi talaga ako sa mood. Siguro ay napapansin na niya ang pagiging matamlay ko kaya niyayaya na niya akong mamasyal.
"Sa park na lang, maglakad-lakad tayo?"
"Ayoko," walang gana ko pa ring sagot. Nakatukod ang dalawa kong kamay sa magkabila kong panga habang nakatukod naman ang mga siko ko sa bag ko na nakapatong sa mga hita ko.
"Ano ba naman 'yan. Bakit ba ang tamlay mo? May sakit ka ba?" Naramdaman ko ang paglapat ng palad ni Sav sa noo ko at waring sinusuri kong may sakit nga ako. Iniwas ko naman ang noo ko sa palad niya pagkatapos niyang idampi iyon.
"Wala, nuh. Wala lang akong gana ngayon."
"Ngayon? Ngayon lang ba? Eh, halos araw-raw ka na ngang ganyan. Bakit ba kasi? May problema ka ba?" Hindi ako sumagot at sumimangot lang ako. Hindi ko rin siya tinitingnan dahil ang mata ko at nakapako lang sa kawalan.
"'Wag mong sabihin na buntis ka," bigla ay bulalas niya.
Nagulat naman ako sa sinabi niya kaya dagling napabaling na ang paningin ko sa kanya. Mahina lang naman ang pagkakasabi niya pero napalingon pa rin ako sa paligid namin dahil baka may makarinig at pagtsismisan pa ako sa university. Tiyak na sisikat pa ako ng wala sa oras. Ang dami pa naman laging mata na nakatingin sa akin. Pakiramdam ko nga pinag-iinitan ako ng mga brats, eh. Gusto yata nila akong i-bully. Madalas kasi nila akong sundan at hindi ko lang sila pinapansin. Hindi naman ako natatakot pero mahirap pa rin ma-bully lalo't malakas ang impluwesiya nila sa eskwelahan.
Kaagad ko rin namang dinepensahan ang sinabi ni Sav na iyon. Imposible naman kasi ang naiisip niya. Hininaan ko lang ang boses ko.
"What? Ano bang sinasabi mo? Wala nga akong boyfriend. Paano ako mabubuntis?"
"Eh, bakit nga? Ano ngang problema mo? Pwede ka mag-open sa akin ng problema, makikinig ako. Malay mo matulungan kita. Promise, if that's a secret, I'll keep it."
Ramdam ko ang kaseryosohan sa tinig niya. Nahihiya ako pero alam kong mapagkakatiwalaan ko siya. Hindi ko na rin alam kong paano ko maitatago ito sa kanya dahil palagi ko rin siyang kasama at saka magkaibigan na kami kaya dapat lang siguro na sabihin ko na sa kanya.
"Ano kasi..." Paano ko ba uumpisahan?
"Ano? Makikinig ako."
Sinimulan ko na ngang ikwento kay Sav ang lahat. Hindi ko naman maiwasang hindi kiligin habang nagkukuwento ako sa kanya ng tungkol kay Ken at ang first meet up namin. Napapangiti rin naman siya. Marahil ay nadadala rin siya sa kilig na nararamdaman ko.
"Ibig sabihin hindi na virgin yang mga labi mo?" Napakawak naman ako sa mga labi ko at kinikilig na tumango-tango sa kanya.
"Oo. First kiss ko siya," kinikilig ko pa ring wika. Aaaaccckkk. Ano ba? Bakit ba hindi ko mapigil ang kilig ko kay Ken?
"So, siya pala ang nililinga-linga mo tuwing umaga na halos mabali na 'yang leeg mo. Aaayiiii...Alam mo? Guwapo nga siya at ang mga kaibigan niya. Sikat sila dito sa University at maraming babae ang tiyak na nag-aagawan pero ikaw ay nahalikan na agad. Iba ang level mo."
"Pero napakasuplado niya sa akin."
"Pero gusto mo pa rin?"
"Oo, feeling ko nga love ko na siya, eh."
"Ano?! Baka naman masaktan ka lang."
Tama naman si Sav alam kong masasaktan lang ako kapag ipinagpatuloy ko pa ang paghangang nararamdaman ko kay Ken. Mayaman siya at ako ay isang ordenaryong estudyante lang. Kaya minsan pakiramdam ko, iyon ang dahilan kung bakit hindi niya ako nagagawang pansinin.
Pero paano ko nga ba magagawang pigilan ang puso ko na tumitibok na yata kay Ken? Sa tingin ko kasi hindi na lang ito basta paghanga. Pakiramdam ko mahal ko na siya.
Hindi ko na sinabi pa kay Sav ang tungkol sa mga brats. Wala pa naman silang ginagawa sa akin kaya hindi ko muna sasabihin ang tungkol sa kanila.
AFTER nga namin sa school ay nagtungo kami ni Sav sa mall. Napilit niya rin ako na mamasyal. Paiinumin na lang daw niya ako ng energy drink para magka-energy ako. Natawa naman ako sa suggestion niya. Pagdating namin sa mall ay nag-ikot-ikot lang naman kami at nag-window shopping. Dumaan din kami sa books store para bumili ng ilang kailangan namin sa school. Dahil inabot na rin kami ng gabi ay naghanap kami ng makakainan namin. Marami ang tao ngayon sa mall kaya halos puno ang mga fastfood.
Habang naghahanap naman kami ng maaari naming kainan ay nahagip ng paningin ko ang isang pamilyar na mukha. Kaagad napako ang mga mata ko roon. Napatingin rin siya sa akin at nagtama ng sandali ang aming mga mata pero kaagad din siyang bumitaw at pumasok sa entrance ng isang restaurant. Alam kong nakita niya ako at alam kong sa akin sya nakatingin kahit pa ilang metro ang layo namin.
Nataranta ako kaya hinila ko si Sav patungo sa restaurant na pinasukan ni Ken. Nagulat pa si Sav sa ginawa ko.
"Sav, dito. Halika bilis."
"Bakit? Saan tayo pupunta?" Kahit may pagtataka ay nagpatianod naman siya sa akin.
"Nakita ko si Ken, pumasok siya doon sa Italian restaurant. Dali puntahan natin."
"Hah? Saan ba?"
"Dito lang." Hila-hila ko na siya at papasok na sana kami sa restaurant na pinasukan ni Ken nang harangan kami ng guwardiya doon.
"Good evening mga, Ma'am. May reservation po ba kayo?" tanong sa amin ni kuya guard. Malumanay lang naman ang tinig niya at mukha siyang mabait."
"Aah, wala po, eh."
"Ah, pasensiya na po. May mga reservation lang po ang pwedeng pumasok sa loob."
"Ganoon po ba? Saan po ba p'wedeng magpa-reserved?" tanong ko naman kaagad dahil gusto ko na talagang makapasok sa loob niyon.
"Sandali, Bea. D'yan ba tayo kakain? Mukhang mahal diyan?" bulong ni Sav sa tabi ko. Hihila-hila niya rin ng bahagya ang blouse ko sa tagiliran ko pero hindi ko siya pinansin. Alam kong nais niya akong pigilan sa binabalak kong gawin pero desidido akong makasok sa loob. May pera naman ako.
"Ito po ang mga numero na maaari ninyong tawagan for reservation. Kung for today po, eh, pasensiya na po dahil fully book na po kami." Iniabot ni kuya guard ang isang papel. Napanganga naman ako sa sinabi nito. So, hindi rin pala kami makakapasok ni Sav sa loob. Eh, kung sabihin ko kaya na kasama ako ni Ken? Kaso baka naman may iba siyang kasama. Hindi kaya may ka-date siya sa loob? Hayt! Nakakainis naman.
Gusto ko sanang hintayin ang paglabas niya sa restaurant ngunit naririnig ko naman ang pagkalam na ng tiyan namin ni Sav. Gutom na kaming pareho at kailangan na naming kumain. Wala akong nagawa nang yayain na ako ni Sav na umalis at maghanap na ng ibang makakainan namin.
"Sigurado ka bang si Ken ang nakita mo?" tanong ni Sav. Nasa harapan ko siya nakaupo.
Kasalukuyan na kami ngayong kumakain sa isang fast food chain. Ito na lang ang nakita naming maluwag at makakakain kami ng maayos ni Sav. Kung bakit kasi nakikisabay sa pagkain ang maraming tao? Aba, syempre gutom na din sila. Ano ka ba naman Brianna kung ano-ano na ang iniisip mo. Gutom ako pero parang wala na naman akong gana na kumain ngayon. Nilalaro-laro ko lang ang spaghetti na in-order ko gamit ang tinidor. Iniisip ko pa rin kasi kung sino ang kasama ni Ken na kumain ngayon doon sa Italian restuarant. Baka naman siguro family o friends lang. Ang sabi ni Mark ay wala daw itong girlfriend. Baka naman may nililigawan na o dini-date na siya kaya hindi niya ako nagagawang pansinin. Alam kong nakita niya ako kanina bago siya pumasok sa restaurant pero para lang akong hangin sa paningin niya. Blanko lang ang mga mata niya.
"Oo, sigurado ako," malungkot kong sagot. Sino ba naman kasi ang magiging masaya? Nangunot naman ang noo ni Sav.
"Eh, bakit ang lungkot mo pa rin? Hindi ba dapat masaya ka na dahil nakita mo na siya?"
"Paano naman ako magiging masaya? Pakiramdam ko ay may ka-date siyang babae sa restaurant na iyon," pagmamaktol ko. Dinampot ko ang pineapple juice at uminom.
"Alam mo friend, hindi imposible 'yon. Binata iyon at napakaguwapo pa. Tiyak na chikboy din 'yon. Pero hindi ka dapat na mag-alala dahil hindi pa naman siya nag-aasawa. Hindi ka dapat na malungkot d'yan. Sayang ang ganda mo kung nakakunot naman 'yang noo mo"
Lalong akong sumimangot. Parang maiiyak na 'ko. Totoo naman kasi ang sinabi niya. Hindi imposibleng nakikipag-date si Ken dahil nga binata naman ito. Maraming babae talaga ang papangaraping maka-date siya at isa na ako doon. Aasa na lang talaga ako doon sa hindi pa ito nag-aasawa kaya may pag-asa pa ko. Kailangan ko lang mag-isip ng maari kong gawin para mapansin ako ni Ken. Ano nga bang dapat kong gawin? God help me, please.
"Naiinis pa rin ako."
"Kumain ka na muna. Mapapanis na 'yang pagkain mo."
Bumuntong-hininga ako tapos ay inumpisahan ko nang kainin ang spaghetti ko. Sayang naman ito pag 'di ko kinain. Umiling-iling naman si Sav habang natatawang nakatingin sa akin. Tapos na pala siyang kumain. Halatang naguton siya dahil ang bilis niyang kumain, samantalang ako ay mag-uumpisa pa lang.
"Isipin mo na lang Italian food 'yan."
Pang-aasar pa niya na may kasamang pagtawa. Hindi ko na rin naman napigilan pa at natawa na rin ako.