Inabot naman ni Jester ang kanyang smart phone kay Christian. Kaagad namang inilagay ni Christian ang kanyang phone number bago ibinalik ito kay Jester.
“Hahanapin ko na rin ang social media accounts mo,” ang dagdag ni Jester bago itinago ang kanyang smart phone. “Anon ga palang pangalan na ginagamit mo?”
“Christian Dale Ortiz,” ang sagot naman ni Christian. “Makikita mo naman agad ‘yun dahil mukha ko naman ang gamit ko sa aking profile picture.”
“Nice,” ang nakangiting komento ni Jester. “Ah, may kailangan pa pala akong tapusin bago mag-alauna,” paalam nito kay Christian bago napakamot ng leeg.
“Sige lang,” ang pagpayag naman ni Christian. “May kailangan din pala akong puntahan,” ang dagdag niya pa upang maiwan si Jester at makagawa na ito ng kung ano mang dapat niyang gawin.
“Kung maaga akong matapos puwede bang magsabay tayong mag-lunch?” ang tanong naman ni Jester.
“S-sige,” ang pagpayag naman ni Christian. “Pero kasama ko si Mark parati kung okay lang sa’yo.”
“Oo naman,” ang nakangiting pagpayag ni Jester sabay ngiti. “Text na lang kita mamaya-maya.”
“Sige,” ang muling pagsang-ayon ni Christian bago inayos ang kanyang mga gamit. “Jester,” pagtawag naman niya sabay sukbit ng kanyang bag sa kanyang likuran. “Mauna na ako.”
Natigilan naman si Jester sa pagbabasa at napatingin sa kanya. “Sige. Text-text na lang.”
Tumango naman si Christian bago dahan-dahang naglakad palayo; pinpigilan niya ang sariling hindi magpakita ng kung ano mang emosyon ngunit sa kaloob-looban nito ay lubos ang kanyang kasiyahan na nararamdaman. Nang makarating naman siya sa hagdanan ay mabilis itong tumakbo pababa. Napatingin siya sa paligid at natagpuan si Justin sa dati nitong kinauupuan at nagbabasa ng kung ano mang libro. Kaagad naman niya itong nilapitan.
“Justin!” ang pagtawag nito; hindi niya maikubli ang pagkasabik sa kanyang tinig.
“Christian, ipapaalala ko lang sa’yo na nasa loob ka ng University Library,” ang saad naman ni Justin. “Masyadong malakas ang boses mo,” ang dagdag niya. Napatingin naman si Christian sa paligid, may ilang estudyanteng nakatingin sa kanya.
“S-sorry,” ang paghingi naman niya ng paumanhin sa ilang estudyante na kanyang nagambala. Kaagad naman siyang naupo sa tabi ni Justin. “Justin!” ang muling pagtawag ni Christian. Sa mga oras na ito ay pinipigilan niya ang kanyang pagkasabik. Napahawak ito sa kamay ni Justin na ngumiti naman sa kanya. Alam niyang naging matagumpay ang kanyang unang hakbang. Napatango naman siya sa kanyang sarili.
“Anong balita?” ang tanong naman ni Justin kahit na lam naman niya na kung anong nangyari. Kilalang-kilala niya si Christian at isa sa mga bagay na gusto niyang gawin ay ibahagi ang mga magagandang bagay na nangyari sa kanyang buhay.
“Kinuha ni Jester ang phone number ko,” ang masayang balita ni Christian sa kanya.
“Maganda ‘yan,” ang komento ni Justin. “Ramdam ko na ang mga unang hakbang mo upang maging mas malapit pa sa kanya. Ano anmang pinag-usapan niyong dalawa?”
“Wala namang espesyal,” ang tugon ni Christian. “Nag-usap lang kami tungkol sa acads namin.”
“Yun lang?”
“Oo, eh. Pero ang sabi niya gusto niyang sumabay kumain mamayang lunchtime kung maaga siyang matapos sa kanyang ginagawa,” ang dagdag ni Christian.
“Mabuti naman kung ganun.”
“Pero hindi pa naman siya sigurado,” ang pahabol ni Christian.
“Huwag kang mag-alala,” ang tugon naman ni Justin. “Hindi man kayo magkasabay ngayon ay marami pa namang araw. At siyempre, tutulungan pa rin kitang hanggang sa tuluyan na ngang mahulog ang loob ni Jester sa’yo.”
“Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nasasanay na marinig ‘yan,” ang komento ni Christian. “Para lang kasi akong nasa isang panaginip.”
“Isang panaginip na kahit magising ka ay nangyayari pa rin sa totoong buhay,” komento naman ni Justin. “Enjoy-in mo lang ang bawat sandali ng panaginip na ito.”
“Hindi ko alma pero mas lalo akong kinakabahan.”
“Bakit naman?”
“Kasi hindi ko alma kung magugustuhan niya ako,” ang paliwanag naman ni Christian sabay tingin sa librong hawak niya.
“Sinabi ko naman sa’yo na madali ka niyang magugustuhan,” ang komento naman ni Justin. “Wala namang bagay sa’yo na hindi niya magugustuhan tungkol sa’yo.”
“Hay, ewan,” ang saad naman ni Christian bago siya napapikit at inihiga ang kanyang ulo sa mesa. Isa ito sa mga pagkakataon kung saan hindi niya alam kung gusto niyang umidlip, baka kasi sa kanyang paggising ay mamulat siya sa katotohanan na lahat ng nangyayari ay isa ngang panaginip o isang kathang-isip lamang.
“Christian,” ang pagtawag ng isang tinig. Kaagad naman siyang napaupo at napatingin sa kanyang tabi. Kaagad namang napakunot ng noo si Christian nang mawala nang parang bula si Justin. Wala na siya sa knayang tabi. “Christian,” ang muling pagtawag ng tinig. Kaagad namabn siyang napalingon. Nasa kanyang likuran si Mark. “Narito ka lang pala,” ang komento niya sa kanyang kaibigan. Napatingin naman siya sa librong nakapatong sa mesa. “Ano ba dapat yung gagawin mo at nagbabasa ka ng Egyptian Geology?”
“A-ah, yan ba?” ang nauutal namang tanong ni Christian. “M-may fantasy novel kasi akong gustong gawin. Tapos ang setting ay sa Egypt.”
“Hay naku, Christian. Kilala kita at alam kong nagdadahilan ka lang,” ang komento naman ni Mark. “Huwag mong sabihin sa akin na nakipagkita ka doon sa sinasabi mong taong galing sa hinaharap upang tulungan kang mapalapit kay Jester, ang lalaking matagal mo nang pinapangarap.”
“Ang totoo niyan ay…” Nahihirapan namang sumagot si Christian dahil hindi batid naman niyang hindi siya paniniwalaan ni Mark. “Gumagawa nga ako ng isang nobela.”
Natigilan naman ang dalawa nang mag-vibrate ang smart phone ni Christian sa mesa. Kinuha naman ‘yun ni Christian at tinignan ito. Nanlaki ang mga mata nito at napanganga sa kanyang nakita. Napakunot naman ng noo si Mark nang makita ang naging reaksyon ni Christian. “Sinong nag-text sa’yo?” tanong niya kay Christian. Napatingin naman si Christian sa kanya at hindi makapagsalita. “Huy, ano ba? Okay ka lang?” Hinablot naman niya ang hawak na phone ni Christian at tinignan ang text message na natanggap nito. Napakunot naman siya ng noo anng mabasa ang mensahe mula sa isang unknown number. “Christian, maaga akong matatapos. Kung hindi ka pa nakakapag-lunch, sasabay ako. Si Jester nga pala ito. Ito ang number ko. Text mo na lang ako.”
“Aba’t nakagawa ka na pala ng paraan,” ang komento ni Mark. “Ikaw, ah! Nasa loob pala ang kulo mo.”
“Sa tingin mo ba, magagawa ko talaga ito mag-isa?” ang retorikal namang tanong ni Christian. Muling napalaki ang mga mata ni Mark.
“W-wag mong sabihin na kagagawan nga ito ng tinutukoy mong taong mula sa hinaharap,” angf komento naman ni Mark.
“At hindi ka naman maniniwala kung sasabihin ko sa’yong oo,” komento ni Christian. Natigilan naman sila nang may tumawag kay Christian. Kapwa naman sila napalingon. Nakita nila si Jester na pababa ng hagdanan kasunod ng kanyang paglapit sa dalawa.
“Ikaw pala,” ang wika ni Mark. “Long time no see.”
“Oo nga,eh,” ang tugon naman ni Jester. “Christian, nag-text pala ako sa’yo. Baka hindi mo pa nababasa.”
“Ah, nabasa ko na,” ang tugon naman ni Christian. “Magre-reply na sana ako pero sakto namang dumating ka.”
“Hindi ko nga inaasahan na makikita pa kita rito sa University Library. I guess it’s safe to say na hindi pa rin kayo nakakapag-lunch,” ang wika ni Jester sa dalawa. “Okay lang ba na makisabay ako?”
Napatingin naman si Christian kay Mark. Kaagad namang naramdaman ni Mark ang bigat ng pagtitig ni Christian sa kanya.
“Oo naman,” ang pagpayag ni Mark sabay tingin kay Jester. “Ang tagal na rin nung huli tayong nakipagkuwentuhan.”
“Oo nga eh,” ang pagsang-ayon ni Jester. “Sigurado ako na kapag iisa lang ang block natin ay magiging malapit tayo sa isa’t-isa.”
“Malakas din ang kutob ko,” ang wika ni Mark sabay tingin kay Christian. “Hindi ba, Christian?”
“H-ha?” ang reaksyon naman ni Christian. “Oo nga,” ang nahihiya naman nitong saad.
“Ginutom ako sa paggawa ng kung anu-ano,” ang wika ni Jester. “Saan niyo gustong kumain?”
“Kahit saan basta huwag fast food,” ang tugon naman ni Christian. “Hindi ako mabubusog doon.”
“May alam akong kainan sa malapit,” wika naman ni Jester. ”Madalas ko ‘yung puntahan. At tsaka mura lang ang budget meal nila.”
“Yun oh!” ang natutuwa anmang reaksyon ni Mark. “Mabuti naman kung ganoon!”
“Tara na,” ang yaya ni Jester bago dumagsa ang ibang estudyante roon at baka maubusan pa tayo ng makakain.”
“Tara na, nagugutom na nga rin ako,” ang komento ni Mark sbay tingin kay Christian. Madali namang nag-ayos si Christian ng kanyang mga gamit. Nang makapag-ayos siya ay sabay-sabay naman silang naglakad palabas ng University Library. Nagsimulang mag-usap si Jester at Mark. Sa magkaibigan, si Mark kasi ang mas magaling makipag-socialize. Nanatili naman si Christian sa likuran at pinagmamasdan lamang si Jester. Bigla namang nahati ang kanyang atensyon anng mapansin ang isang lalaking kanilang makakasalubong. Nakatitig ito sa kanya at nakangiti. Si Justin!
“Saan kaya nanggaling ‘yun?” ang tanong naman ni Christian sa kanyang sarili. Bigla namang may inabot sa kanya si Justin bago tuluyang lumayo. Napatingin si Christian sa kanyang hawak na pirasong papel. Buttered Shrimps. Ito ang nakalagay sa papel na may nakamarka pang check mark sa tabi nito. Hindi naman niya kaagad naintindihan kung anong ibig sabihin ng nakalagay doon. Ito ba ang dapat niyang orderin at bakit? Napakakibit balikat na lamang siya.