Pinanood naman ni Christian ang pagtalikod ni Jester. Hindi maalis sa kanyang mukha ang ngiting nabuo dahil muli niyang narinig ang tinig ni Jester pagkatapos ng mahabang panahon. Tila ba nagbalik sa kanyang ala-ala ang pagnanais na maging malapit sa lalaking nasa harapan niya; ngayon ay malapit na itong mangyari dahil sa tulong na rin ni Justin.
Pagkatapos ng ilang sandali, humarap sa kanya si Jester.
“Maraming salamat,” ang pasasalamat ni Jester kay Christian na nakatulala pa rin at nakatitig sa kanya. “Christian, okay ka lang?” Hindi pa rin nakaimik si Christian at tila ba malalim pa ang kanyang iniisip. “Christian?”
“H-ha?” ang kaagad na tanong ni Christian nang makabalik ito sa kanyang huwisyo.
“Ang sabi ko ay maraming salamat dahil pinahiram mo sa akin ang ballpen mo,” ang paliwanag ni Jester bago ito ibinalik sa kanya.
“Ah, walang anuman,” ang tugon naman ni Christian.
“Mabuti na lang andyan ka,” ang saad ni Jester sabay ngiti. “Osiya, maiwan na kita. May heheramin ka pang libro, hindi ba?”
“Ha?”
Kapwa naman napasulyap ang dalawa sa hawak ni Christian na libro; ang librong basta-basta na lamang hinugot ni Justin sa isa sa mga estante roon.
“Hindi ko alam na interesado ka pala sa Egyptian Geography,” ang komento ni Jester nang mabasa ang titulo ng hawak ni Christian.
“Ah, oo,” ang tugon naman ni Christian. “Marami kasi akong nabasang mga bagay tungkol sa Egyptian Mythology kaya naman naging curious din akong makita ang mga sinaunang sibilasyon.”
Napatango naman si Jester. “See you around,” ang paalam naman nito bago umalis.
“Next,” ang anunsyo ng Student Assistant.
“Sorry, may ibang libro pa pala akong dapat hiramin,” ang tugon naman ni Christian bago tuluyang lumisan. Binalikan naman niya si Justin na naghihntay sa isa sa mga mesa at tahimik na nagbabasa ng kung ano mang librong hawak niya. Kaagad namang lumapit si Christian at naupo sa tabi nito. Natigilan naman si Justin sa pagbabasa at napatingin sa kanya. Tinatamaan siya ng sinag ng araw mula sa bintana kaya naman natigilan si Christian sa kagandahang lalaking nito.
“Mukhang naging maganda ang epekto ng Pakikipag-usap mo kay Jester,” ang komento ni Justin sa biglaang pagkatulala ni Christian. “Huwag kang mag-alala dahil hindi pa natatapos ang lahat. Simula pa lang ‘yun.”
“So, anon ang susunod na gagawin ko?” ang tanong ko naman sa knaya.
“Nasasabik ka na talaga,” ang nakangiting komento ni Justin. “Pero bago ‘yan, nagugutom ka ba?”
Napaisip naman si Christian. “Medyo,” ang tugon niya.
“Heto,” ang wika naman ni Justin bago itinulak sa kanya ang isang eco bag na may lamang kung ano man. Kinuha naman ‘yun ni Christian at tinignan ang laman, milk tea at isang pakete ng chocolate chip cookies. Kaagad naman niyang napansin ang dalawang straw sa loob ng eco bag.
“Justin, may isa pang straw. Baka iyo ito.”
“Hindi,” ang paglilinaw naman ni Justin. “Sinadya ko talagang maglagay ng dalawang straw diyan.”
“Bakit naman?” ang nagtatakang tanong ni Christian ngunit may eksena namang kaagad na pumasok sa kanyang isipan: umiinom siya at si Jester gamit ang magkaibang straw sa nag-iisang plastic cup lulan ang milk tea. Hindi niya maiwasan ang mapangiti dahil sa kanyang naiisip. Mapapatingin sila sa isa’t-isa at mapapangiti.
Kaagad naman siyang bumalik sa kanyang sariling katinuan nang pitikin ni Justin ang kanyang noo. “Justin, naman! Bakit mo naman ginawa ‘yun?”
“Panigurado ako na lumilipad na naman ang isipan mo,” ang komento naman niya habang naka-Ninoy Aquino pose sa mesa at nakamasid sa kanya. “Hindi ka nakikinig sa sinasabi ko.”
“Hoy, nakikinig kaya ako,” ang komento naman ni Christian.
“Kung nakikinig ka, anong mga sinabi ko?”
“Sabi mo, sinadya mong ilagay yung dalawang straw sa eco bag,” ang wika naman ni Christian.
“Tapos?” ang sunod namang tanong ni Justin sa kanya.
“Tapos… tapos…” Hindi naman na makasagot si Christian at napakamot na ng ulo.
“Tignan mo. Pinapatunayan lang nito na hindi ka talaga nakikinig,” komento ni Justin bago kinuha ang Milk Tea sa kanyang tabi.
“Sorry na,” ang paghingi naman ni Christina ng paumanhin sabay tawa.
“Dalhin mo yan at ang librong ibinigay ko sa’yo sa Second floor. Sa pinagilid, maupo kasa ikatlong study table.”
“Sige,” pagpayag naman ni Christian. “Pero hindi mo pa rin sinasagot ang tanong ko. Kung bakit dalawang straw ang inilagay mo.”
“Masyado kang nagmamadali, Christian,” ang komento ni Justin. “Malalaman mo mamaya-maya. Sige na, pumunta ka na sa second floor.”
Tumayo naman si Christian at binitbit ang pagkain at mga libro. Nagtungo nga ito sa ikadalawang palapag. Natigilan naman siya nang makarating sa tuktok ng hagdanan. Pinagmasdan niya ang paligid. May mga estante ng librong naka-display, mga estudyanteng nag-aaral samantalang ang iba ay nakikipagdaldalan o mahimbing na natutulog. Napa-iling na lamang siya bago nagtungo sa lugar kung saan siya dapat pumunta. Naupo siya sa ikatlong upuan at muling napatingin sa paligid. Wala si Jester doon.
“Nasaan na ‘yun?” ang tanong niya sa kanyang sarili. Hindi ba’t siya lamang ang dahilan kung bakit siya naroon? Napabuntong-hininga na lamang siya at inayos ang kanyang mga gamit sa mesa. Ibinuklat niya rin ang librong kinuha ni Justin para sa kanya.
Ilang pangungusap ang kanyang nasa nang marinig niyang may humila sa upuan sa tabi niya. Napatingin naman siya; halos mapatalon siya sa gulat nang makita si Jester. Naupo ito sa katabing mesa at nagbuklat ng mga libro at kuwaderno bago nagsimulang magbasa. Hindi naman siya napapansin nito dahil abala siya sa kanyang ginagawa. Bumilis ang takbo ng kanyang dugo at ang pagtibok ng kanyang puso na tila ba anong minuto ay aatakihin na siya sa puso.
Kaagad naman niyang iniwas ang kanyang mga mata at dinampot ang baso ng milk tea; itinusrok niya ang straw at madaliang uminom. Nakahinga naman siya nang maluwag nang halos makalahati ang baso ng inumin. Hindi niya pa rin makuha ang importansya ng sobrang straw. Muli naman siyang napalingon sa kinalalagyan ni Jester. Kasalukuyan naman itong may hinahanap sa loob ng isang ecobag. May inilabas naman siyang milk tea mula sa eco bag bago marinigna bumulong si Jester sa kanyang sarili. “Hala, nakalimutan ng tindera na maglagay ng straw. Paano na ito? Mawawalan na ng lasa kapag hindi ko kaagad mainom. Marami pa anmang lamang ice.”
“Ang straw!” sigaw ni Christian sa kanyang isipan. Ngayon ay lubos niya nang naiintndhan kung bakit inilagay ni Justin ang isa pang straw sa eco bag. Kaagad namang kinuha ni Christian ang straw at muling napatingin kay Jester. Gusto niyang kaagad ibigay ang straw pero hinding-hindi niya ito magawa.
Huminga naman siya ng malalim bago tinipon ang kanyang lakas. “J-Jester,” pagtawag nito sa lalaking matagal niya nang hinahangaan. Natigilan naman si Jester at napatingin sa kanya.
“Christian, ikaw pala,” ang komento nito sabay ngiti. “Pasensya na, hindi kita napansin. Kanina mo pa ba ako tinatawag?”
“H-hindi naman,” ang tugon ni Christian. “Heto nga pala,” dagdag niya bago ipinakita ang hawak niyang straw. “Narinig ko kasi na nakalimutan ng tindera na maglagay ng straw sa binili mong milk tea kaya heto.”
“Thank you pero paano ka?” ang nag-aalalang tanong ni Christian sa kanya.
“Ah, okay lang ako,” ang tugon ni Christian bago ipinakita ang kanyang inumin. “Nasobrahan naman ng nagtinda sa akin ang straw na kanyang inilagay.”
“Akalain mo,” ang natatawang reaksyon naman ni Jester bago kinuha ang straw mula kay Christian. “Ang suwerte ko naman sa pagkakataon ngayon. Una, nakalimutan ko ang ballpen ko pero dumating ka. Tapos ngayon namang nangangailangan ako ng straw, nariyan ka ulit,” paliwanag niya pa. “Para bang gumawa ang tadhana ng paraan para sa akin ngayong araw. Salamat dito.” Pinanood naman ni Christian si Jester; itinusok ni Jester ang straw sa kanyang inumin at uminom.
“Walang anuman, Jester.”
“Kamusta ka na nga pala?” ang tanong naman ni Jester sa kanya. “Ang tagal na rin nung huling beses tayong nakapag-usap.”
“Hindi ba’t nagkasabay tayo sa jeep nung Biyernes?” ang reaksyon naman ni Christian.
“Oo nga pala,” saad ni Jester. “Pero hindi naman tayo masyadong nakapag-usap.”
“Kung sa bagay,” ang tugon naman ni Christian. “Heto, medyo stressed.”
“Stressed saan?” ang tanong naman ni Jester s akanya.
“Sa major subjects ko,” ang tugon naman ni Christian. “Ang dami kasing kailangang basahin, Noong isang araw pa nga, pinabasa sa amin yung unang stanza ng Sonnet 18 ni William Shakespear tapos kinailangan naming gumawa ng sampung questions mula doon.”
“Mukha ngang nakaka-stress ‘yan,” ang pagsang-ayon naman ni Jester. “Mabuti na lang ay ibang major ang pinasukan ko pero nakaka-stress din, eh.”
“Oo nga pala, Math major ka,” ang saad ni Christian. “Mas mai-stress lang ako kapag ‘yan ang kinuha ko.”
Natawa naman si Jester sa kanyang narinig sabay tango. “Christian, masaya ako na nakausap ulit kita.”
“Ako rin naman,” ang tugon ni Christian.
“Kung ganun, bakit hindi tayo mag-usap nang mas madalas?” ang suhestyon naman ni Jester.
“H-ha?” ang reaksyon naman ni Christian.
“Kung kapwa tayo may libreng oras, magkita tayo para magkuwentuhan,” ang paliwanag ni Jester bago inilabas ang kanyang smart phone. “Kunin ko phone number mo. Pati na rin social media accounts kung mayroon.”
Ah, sige,” ang hindi naman makapaniwalang pagpayag ni Christian.