Ilang minuto pa ang ginugol ni Justin sa pagsakay sa bisekleta; ilang beses siyang umikot sa bicycle course bago huminto sa tapat ni Paulo. “Ready ka na ulit subukan?” ang tanong ni Justin kay Christian. Napatango naman si Christian bago sumakay. Ilang subok pa ang kanyang ginawa bago tuluyang nasanay. Mabagal ang kanyang pagpapatakbo ngunit para sa kanya at kay Justin ay isa itong tagumpay.
“Oras na para ibalik ito,” ang wika ni Justin sabay tingin sa kanyang wrist watch. Tumango naman si Christian at hinawakan ang bisekleta sa kanyang tabi.
“Tara na sa mall para manood,” ang suhestyon naman ni Christian nang maibalik ang bisekleta. “Gusto mo bang maglakad? O mas gusto mong sumkay na lang ng jeep?”
“Hindi ba sinabi ko naman sa’yo na gusto kong maglakad-lakad?” ang tanong naman pabalik ni Justin sa kanya.
“Hindi ka pa ba pagod?” ang nakasimangot namang reklamo ni Christian na ikinatawa ni Justin. Umiling naman ang isa.
“Napagod ka na agad?” ang panunukso ni Justin.
“Halika na nga,” saad ni Christian bago nila tinahak ang daan palabas ng Burnham Park. Nilagpasan nila ang Harrison Road na naggsasara tuwing gabi upang maging isang Food Street. Isa ito sa pinakasikat na atraksyon sa lungsod ng Baguio. “Sa panahon mo ba ay sinasara pa rin nila ang Harrison Road?”
“Oo naman,” ang masayang tugon ni Justin. “Halos linggo-linggo ka nga nagpupunta para magukay-ukay.”
“Mabuti naman kung ganun,” ang nakangiting reaksyon ni Christian. “Ang saya kayang magukay-ukay.”
“Alam ko,” ang saad ni Justin. “Palagi nga akong kasama.”
“Ang dami talagang tao,” ang wika ni Christian sabay tingin sa paligid.
“Parang hindi ka naman nasanay,” ang komento ni Justin. Pagkalipas ng ilang minuto nilang paglalkad ay nakarating nga sila mall. Kaagad naman silang dumeretso sa sinehan. “Nakapagdesisyon ka na ba kung anong papanoorin natin?” ang tanong niya. Napatingin naman si Christian sa listahan ng mga palabas. “Gusto ko talagang manood ng horror.”
“Akala ko ba ‘yung science fiction?” ang tanong naman ni Justin.
“Pwes, huwag mo akong tanungin kung anong gusto ko dahil ‘yun naman talaga ang pipiliin ko,” ang reaksyon ni Christian.
“Ang natatandaan ko, sinabi mong pag-iisipan mo,” ang argyumento naman ni Justin.
“May sinabi ba ako?” tanong ni Christian. Awtomatiko namang napasimangot si Justin.
“Osiya para walang away, yung Romantic Comedy na lang panoorin natin,” ni Justin. Pumayag naman si Christian bago sila pumila sa bilihan ng mga movie ticket. Pagkatapos makapili ng upuan ay dumeretso anman sila sa snack bar upang mamili ng kanilang kakainin sa loob ng sinehan.
“Popcorn?” ang tanong ni Justin.
“Butter, ha?” ang bilin naman ni Christian. “Tapos orange soda.”
“Sige,” ang wika ni Justin bago bumili. Pumasok naman sila sa sinehan at nagsimulang manood ng kanilang piniling pelikula.
“NAGUSTUHAN mo ba ‘yung pinanood natin?” ang tanong naman ni Justin kay Christian habang naglalakad sila palabas ng sinehan.
“Nagustuhan ko,” ang nakangiting tugon ni Christian bago itinapon sa basurahan ang knailang pinagkainan. “Nakaktuwa ‘yung character ng babae. Ang pogi rin ng lalaking main lead.”
“Pansin ko nga na nakatitig ka lang sa kanya,” ang tumatawang panunukso ni Justin. “Hilig mo talaga sa mga pogi.” Tinapunan naman siya ng masamang tingin ni Christian. “Kaya nga nagustuhan mo si Jester, eh.”
“Eh, ‘yung napangasawa ko sa hinaharap?” ang retorikal na tanong ni Christian kaya naman natigilan si Justin at napalunok. Bumalik sa kanyang mukha ang pagiging seryoso nito.
“Ah, siya?” ang walang gana nitong tugon. “Maayos naman ang itsura niya. Maraming nagsasabi na maganda siyang lalaki pero aanhin mo ang kagandahan ng pisikal niyang anyo kung sa huli ay sasaktan ka rin naman sa huli. Huwag na natin siya pag-usapan. Kailangan mo anng umuwi,” ang saad niya bago tinignan ang oras. “Maggagabi na rin.”
“Eh, ikaw?” ang tanong naman ni Christian.
“Kailangan ko na ring bumalik sa hinaharap,” tugon ni Justin.
“Sige, uuwi na ako,” ang pagpayag naman ni Christian. “Gusto ko na ring manood ng anime.”
Napangiti naman si Justin at napatango. “Ihatid na kita hanggang sa paradahan.”
“Ah, hindi na,” ang pagtanggi naman ni Christian. “Kaya ko na mag-isa. Isa pa, maliit lang naman ang Baguio kaya madali akong makakarating doon.”
“Sigurado ka?” Tumango naman si Christian. “Osiya, kung yan talaga ang gusto mo.”
“Justin, maraming salamat,” ang pasasalamat ni Christian.
“Para saan?” ang tanong ni Justin.
“Para ngayong araw.”
“Walang anuman. Alam mo namang mahal kita…” ang tugon ni Justin. “bilang nanay. Sige na, umuwi ka na.”
Tumango naman si Christian. At sa mga sandalling ‘yun ay naghiwalay na nga ang dalawa.
TAONG 2050.
Sa isang modernong pamamahay, may biglaang liwanag na nagpakita kasunod ng paglabas ng isang lalaki. Kaagad naman itong napaluhod sabay hawak sa kanyang naninikip na dibdib. Napaubo pa ito na siya naman niyang tinakpan gamit ang kanyang kamay.
Bumukas ang pinto kasunod ng paglabas ng isang lalaking nagmumukhang nasa kuwarenta na ang taon. Kaagad naman niyang linapitan ang lalaking kalalabas lang mula sa liwanag. “Warren!” sigaw nito nang makita siya. Kaagad naman nitong hinawakan ang mga balikat ng lalaking nagngangalang Warren. “Ayos ka lang?!” ang nag-aalalang tanong niya sa kanya.
“A-ayos lang ako,” ang nauutal namang tugon ni Warren. “Kailangan ko lang uminom ng gamot.”
“Hindi ka pa nakakainom ng gamot?” ang gulat na reaksyon ng isa bago tumayo. “Anong oros na? Hindi ba dapat kanina ka pa nakainom?”
“Pasensya na, mahal,” ang paghingi ni Warren ng paumanhin sa kanyang kabiyak. “Nakaligtaan ko lang.”
“Isa ito sa mga bagay na hindi mo dapat kinakalimutan,” ang panenermon sa kanya ng kanyang asawa. “Warren naman! Minsan naiisip ko na gusto mo na lang mamatay at iwanan akong mag-isa.”
“Mahal, alam mo namang hindi ganun,” ang argyumento ni Warren.
“Hindi mo kasi lubos na naiintindihan kung gaano kahirap sa akin ang makita kang ganyan,” ang saad ng isa bago tuluyan nang naluha dahil sa nararamdaman nitong pangamba. Pinilit namang ngumiti ni Warren.
“Mahal, pasensya na, ha?” ang paghingi naman ni Warren ng paumanhin sa kanya. Yinakap naman siya nito.
“Mahal, natatakot ako,” ang wika niya kay Warren. “Huwag na huwag mo akong iiwan.”
“Huwag kang mag-alala,” ang saad ni Warren. “Magiging maayos din ang lahat.”
“A-anong ibig mong sabihin?”
“Pinagkakatiwalaan mo naman ako, di ba?” ang tanong ni Warren sa kanya. “Hindi ba?”
“Oo naman.”
“Gagawin ko ang lahat para sa’yo,” ang wika niya.
“Kung totoo ‘yan, inumin mo muna ang gamot mo,” ang saad naman ng kanyang kabiyak bago inabot sa kanya ang gamot. Ininom naman ni Warren ang tabletang ibinigay sa kanya. “Kanina pa kita hinahanap, narito ka lang pala. Oras na para sa hapunan. Halika na.”
Inalalayan naman niya si Warren at sabay silang nagtungo sa dining area ng kanilang bahay. Binuksan naman ni Warren ang TV. Saktong may ipinapalabas na pelikula.
“Napakaluma naman ng pelikulang pinapalabas nila,” ang koemnto ng kanyang asawa. “Sandali lang, napanood ko na ‘yan dati.”
“Talaga?” ang reaksyon naman ni Warren sabay tingin sa TV. Alam na alam niya ang pelikulang ‘yun. Napangiti naman siya. “Saan mo napanood?”
“Sa sinehan,” ang tugon naman ng kanyang asawa.
“Sino namang kasama mo?” ang sunod na tanong ni Warren.
“Sino na nga bang kasama ko?” ang tanong niya sa kanyang sarili habang inaalala ang nakaraan. “Hindi ko na maalala,” ang saad niya. “Si Mark? Hindi. Sigurado akong hindi si Mark. Hindi ko talaga maalala.”
“Huwag mo na masyadong intindihin,” ang saad ni Warren bago napatingin sa isang larawan nilang dalawa na nakadikit sa pinto ng refrigerator. Ilang taon na ang nakararaan nang makuha ang larawang ito. Magkasama silang nakasakay sa kani-kanilang bisekleta. Napangiti naman si Warren bago napatingin sa kanyang asawa.
“Bakit mo ako tinititigan ng ganyan?” ang nagtatakang tanong ng isa.
“Ikaw kasi ang pinakamagandang nangyari sa akin, Deidei,” ang paglalambing ni Warren.
“Deidei?” ang gulat na reaksyon niya. “Ang tagal na nung huling beses mong ginamit ang palayaw kong ‘yan.”
“Masama bang maglambing?” ang tanong naman ni Warren. “Gusto ko lang maramdaman mo na mahal na mahal kita. At wala akong pinagsisihan na nakilala at naging asawa kita. Sa mahigit dalawang dekada na magkasama tayo, I cherished everything about you.”
“Warren, bakit ba biglaang ganyan na lamang ang mga sinasabi mo?” ang naiiyak namang reaksyon ni Deidei. “Bakit parang tunog ay nagpapaalam ka?”
Umiling naman si Warren bago hinawakan ang kamay ni Deidei.
“Hindi ako nagpapaalam,” ang komento naman ni Warren. “Gusto ko lang ipaalala sa’yo kung gaano kita kamahal. Hindi man tayo madalas na nagkakasundo pero humihingi ako ng kapatawaran sa lahat ng pagkukulang ko.”
“Kahit kailan ay hindi ka nagkulang,” ang komento naman ni Deidei. “Kaya huwag kang mag-iisip ng ganyan.”
Pinilit namang ngumiti ni Warren at tumango ngunit batid niya ang isang katotohanan. Isang katotohanan na siya lang ang nakakaalam at hindi niya maaring ipaalam sa kanyang kabiyak.
“Gusto mo bang manood ng movie ngayong gabi?” ang tanong naman ni Warren kay Deidei sabay pisil sa kanyang kamay. “Horror?”
“Horror?!” ang gulat namang reaksyon ni Deidei. “H-hindi ba ayaw mo ng Horror Movies!”
“Hindi naman siguro masamang subukan kong manood paminsan-minsan,” ang tugon naman ni Warren sabay tawa. “Malay mo, magustuhan ko na sa mga oras na ito.”