“Jarred Thompson.”
Jarred Thompson
Jarred Thompson
Jarred Thompson
Paulit-ulit kong narinig ang boses ni Stella na binabanggit ang pangalang iyon. Hindi ako makapagsalita dahil sa gulat, nanatili akong nakatitig sa kanya. Gusto ko siyang tanungin kung ano ba ang itsura nito, kung bata ba o may katandaan na. Ngunit walang ni isang salita ang nagtangkang lumabas sa aking bibig. Pakiramdam ko pati mga kalamnan ko ay nagulat din.
“Hoy! Ano ka ba?! Hindi mo man lang ba ako tatanungin kung gaano siya ka-hot?!” Namumukha na siyang uod na binudburan ng asin.
Sinikap kong ipunin lahat ng natitira kong ulirat upang makabuo ng mga salita.
“G-gwapo ba?” sinubukan kong huwag ma-utal ngunit nabigo ako.
Nararamdaman ko ang panginginig ng aking mga tuhod, pilit ko itong binabalewala ngunit hindi ko magawa.
“Tinatanong pa ba yan?! Syempre oo 'no! Laglag panty!” Gusto kong sabayan ang ingay niya ngunit hindi magawa ng aking sistema. Ayokong ipahalata sa kanya na may mali dahil paniguradong huhukayin niya ito.
Ngumiti ako ng tipid habang nakatingin sa kanya.
Kinabahan ako dahil bigla na lamang siyang tumigil sa kaka-tili habang nakatingin sa akin ng naka-singkit ang mga mata.
“Ba't para kang natatae diyan? Sadyang hindi ka lang ba talaga masaya para sa akin? O...”Ipinagkrus niya ang kanyang mga braso at itinaas ang isang kilay. “O, may hindi ka sinasabi sakin?”biglang dumagundong ang aking dibdib. Ito na nga bang sinasabi ko, ang talas talaga ng pandama nito.
Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Magpapalusot ba ako? Eh ano naman kayang gagawin kong palusot?!
Kung tumakbo nalang kaya ako pauwi? Eh susulungin din ako kapag nagkataon! Alam niya kung nasaan bahay namin eh!
“Ano? Hindi mo ba sasabihin sakin? Alam mo nagtatampo na ako sayo, feeling ko talaga may iba ka nang kaibigan! Lagi ka nalang naglilihim sakin, tapos hindi mo na ako isinasama sa mga lakad mo! Dati hindi ka naman ganyan ah!”Pagdradrama nito habang nakatingin sa ibang direksyon na animo'y nagtatampo ng husto.
Ipinikit ko ang aking mga mata at huminga ng malalim.
“Doon tayo sa kwarto mo mag-usap.” Aya ko sa mismong pagmulat ng aking mga mata. Kinakabahan ako ng sobra pero alam kong wala na akong malulusutan.
Nagliwanag ang kanyang mukha at dali-dali akong hinila paakyat sa ikalawang palapag. Alam niya talaga kung paano ako pasukuin. Hays...
“Masarap ba? Masakit? Ano?! Sabihin mo sakin hoyy! Wag kang madamot kaibigan mo ako!” Niyugyug-yugyog niya ang aking magkabilang balikat na para bang gusto akong tanggalan ng kaluluwa. Kakatapos ko lamang magkwento at talagang walang katumbas ang kabang nararamdaman ko ngayon, at maluha-luha pa ako habang nagkwekwento.
Nagulat ako sa naging reaksyon niya. Ang inaasahan ko ay magagalit siya sakin at pandidirian ako ng husto. Pero mukhang kabaliktaran ang nangyayari ngayon.
Tahimik lamang siya kanina habang kinukwento ko kung ano nga ang nangyari at kung bakit ganoon na lamang ang naging reaksyon ko nang banggitin niya ang buong pangalan ng lalaking iyon, kaya ganoon na lamang ang pagkagulat ko sa kanyang naging reaksyon. Akala ko ay pandidiri ang ibig-sabihin ng katahimikan niya kanina.
“Tumahimik ka nga! Baka marinig tayo ni Lola Gen!” saway ko habang pilit na lumalayo sa kanya. Kapag marinig ni Lola Gen ang pinag-uusapan namin ay siguradong katapusan na nga ng mundo. At kung hindi pa 'to titigil sa kaka-yugyog sakin ay baka tuluyan na nga akong takasan ng kaluluwa.
Kasalukuyan kaming nakaupo sa gitna ng malapad at malambot niyang kama habang nakaharap sa isa't isa.
Sinunod niya ang utos ko, tumahimik nga siya sa awa ng mahabagin. Pero kinabahan naman ako dahil sa klase kanyang ngiti na para bang nasisiraan na ng bait.
“Hindi nga kasi natuloy kasi nga ewan ko sa drama ng matandang yun. Walang sakit kasi nasa akin parin naman ang pinaka-iniingatan.”Paliwanag ko habang nakayakap sa malambot niyang unan.
Tumango siya ng ilang beses ngunit naroon parin ang nakakakilabot niyang ngiti.
“Eh yung isa?” lumapit pa siya sa akin ng kaunti. Kumunot ang aking noo.
“Anong yung isa? At pwede ba? Wag kang ngumiti ng ganyan! Mukha kang takas mental eh!”
“Masarap ba?” tanong niya nang hindi man lang pinapansin ang pakiusap ko, talagang hindi nawala ang kanyang kakaibang ngiti habang nilalaro-laro pa ang dulo ng kanyang buhok.
Hindi naman na ako nagulat pa sa tanong na iyon, dahil alam na alam ko talaga na iyon ang una't huling gusto niyang malaman sa lahat ng mga inamin ko. Ngunit hindi ko maiwasang mailang dahil sa lahat ng mga kalokohang napag-usapan namin ay ito ang pinakabago at imoral.
At nang makita ang sabik na sabik niyang mukha habang hinihintay ang sagot ko ay nakaisip ako ng kalokohan. Kanina pa ako kinakabahan habang siya ay para lang baliw na nakangiti.
Ipinag-krus ko ang aking mga braso, isang pilyang ngiti ang gumuhit sa aking labi. Bahagya kong inilapit sa kanya ang aking mukha. “Gaano kasarap? Sobrang sarap. Noon lang ako nakaramdam ng ganoon klaseng pakiramdam. Nanginginig yung mga binti ko tapos tumitirik pa yung mga mata ko. Kainin ba naman na parang walang bukas yung ano ko, tapos sinisipsip pa. Alam mo? Doon ko lang din nalaman na ang laki pala ng halaga ng dibdib. Ang sarap...”Kwento ko na sinamahan ko pa ng mga ekspresyon sa mukha at pagkagat ng ibabang labi.
Hindi ako umiwas ng tingin sa kanya hanggang sa matapos. At kitang-kita ko kuryusidad at ang kagustuhang maranasan rin iyon.
“Isama mo naman ako sa susunod! Gusto ko din rumaket ng ganun!” Pakiusap niya na sinabayan pa ng pagnguso. Mahina akong tumawa habang pinaglalaruan ang sarili kong mga daliri.
“Gusto mo na bang sumalangit? Paniguradong ipapakain ka ni Lola Gen sa buwaya kapag nalaman niyang nagbebenta ka ng laman.” Pananakot ko na sinimangutan niya lamang.
“Hindi naman kasi malalaman ni Lola eh.” Kapwa kami gulat na napatingin sa pinto nang bigla na lamang itong bumukas at iniluwal si Lola Gen na nakasingkit ang mga matang nakatingin sa kanyang apo.
“At ano ang hindi ko pwedeng malaman?”nakapameywang ito habang hawak-hawak ang mahabang sandok na gawa sa kahoy.
Nagkatinginan kami na kapwa gulat sabay muling ibinalik ang tingin kay Lola. Palihim kong siniko ang kanyang braso.
Tinitigan ko ng mabuti ang matandang nakatayo sa pinto. Kanina pa kaya siya nakikinig sa amin?
“Oh ano? Hindi niyo ba sasabihin sa akin kung anong kalokohan nanaman ang gagawin niyo?”Untag nito saka dahan-dahang naglakad palapit sa amin na mas lalong nagpadagdag sa kabang nararamdaman ko, at alam kong ganoon din ang bruha na nasa tabi ko na ngayon dahil narinig ko ang kanyang mahinang tawa na halatang pilit lang. Kahit papaano ay napanatag ang loob ko dahil base sa kanyang reaksyon ay ang huli lamang ang narinig niya.
“Kasi Lola baka po hindi mo kami payagan kapag sinabi namin eh. Balak po kasi sanang magpasama ni Astrid sa bayan bukas para maghanap ng trabaho. Tsaka balak din po sana namin mamasyal kasi matagal na kaming hindi nakakagala ng magkasama.” deretsong paliwanag niya na walang bakas ng kasinungalingan.
Kahit papaano ay nagpapasalamat naman ako na eksperto sa pagsisinungaling ang bruhang tulad niya. May silbi din pala pagiging sinungaling eh.
“Iyon lang ba? Astrid, totoo ba?”Paninigurado ni Lola Gen habang palipat-lipat ang tingin sa amin.
Sabay kaming tumango na nagmukhang mga maamong tupa.
“O'siya, sana'y nagpaalam nalang kayo sa akin ng diretso. Papayag naman ako.” Ibinaba nito ang mga kamay na kanina pa nakatukod sa kanyang beywang. Mukha namang kombinsido ito sa palusot namin kaya medyo nabawasan na ang matinding kaba ko. Ngumiti ako ng marahan, narinig ko naman ang mahinang bungisngis ng bruha.
“O'siya sige na, bumaba na kayo at nang makakain na tayo. Luto na yung ulam.”Utos nito saka tumalikod at lumabas ng kwarto. Nang marinig namin ang ingay ng hagdan ay kapwa kami nagbuga ng hininga.
“Muntik na yun ah!”napasuntok ako sa ere saka isinubsob ang mukha sa malambot na unan.
Napabalikwas ako nang marinig ang mahihinang bungisngis.
“Sinasapian ka nanaman ba?”Inip kong tanong. Nilalaro niya ang dulo ng kanyang buhok habang nakatingin sakin nang bumubungisngis.
Kung hindi ko lang talaga kilala ang isang 'to ay baka kanina pa ako nagtatakbo habang tinatawag ang lahat ng mga kilalang santo.
“Pumayag si Lola! Isasama mo'ko bukas!”Bulalas nito sabay tayo at nagsimulang magtatalon.
“Gaga ka! Hindi biro yung trabahong yun 'no! Madumi yun!”Paalala ko. Hindi niya ako pinansin bagkus ay nagpatuloy sa pagtalon-talon sa kama.
At dahil alam ko naman na hindi ko siya mapipigilan dahil nga may pagka-laki sa layaw ang isang 'to. Bahala na si batman. Bahala na kung matuhog ang bruhang yun...at ako.
Bumaba ako sa kama at sinimulang pulutin ang mga nahulog na unan.
“Hoyy! Halika na! Bumaba na tayo, kanina pa naghihintay si Lola Gen sa kusina.” Lumundag siya pababa ng kama at nauna nang lumabas nang hindi parin nawawala ang malaking ngiti.
Napailing nalamang ako saka lumabas, bago ako bumaba sa hagdan ay isinara ko muna ng mabuti ang pinto. Pagdating ko sa kusina ay nakaupo na silang dalawa sa pabilog na mesa. Umupo ako sa kanan, magkaharap silang dalawa kaya't napapagitnaan nila ako.
Nang tignan ko si Stella ay ganun parin ang itsura niya, hindi parin mawala-wala ang nakakatakot niyang ngiti.
“Aray!” reklamo ni nito nang tapikin ni Lola Gen ang kamay niya nang makita siya nitong sumasandok ng adobong pakbet.
Hinimas-himas niya ang kanyang kamay habang nakatingin kay Lola Gen nang nakanguso. Pinandilatan siya nito dahilan para mas lalong humaba ang kanyang nguso.
“Magdasal muna tayo bago kumain. Huwag nating kalimutang parating magpasalamat sa Diyos para sa mga grasyang ipinagkaloob niya sa atin.” Pangaral nito saka nauna nang pumikit nagsimulang magdasal. Pipikit na rin sana ako nang bigla akong mapatingin kay Stella na maingat na kumuha ng ulam at diretsong isinubo at agad na pumikit.
Nagdasal ako at eksaktong pagkatapos ko ay tapos na rin sila.
“Kainan na!”sigaw ni Stella sabay sandok ng maraming pakbet. Ngunit agad din itong nagdahan-dahan at ngumiti ng inosente nang pandilatan siya ni Lola Gen.
“O'siya, iha kumain ka na.” Ngiti ni Lola Gen. Ginantihan ko siya ng ngiti at tumango ng isang beses. Sanay naman na akong kumain dito sa kanila pero minsan ay hindi ko talaga maiwasang hindi makaramdam ng kaunting hiya.
Sumandok ako ng kaunting kanin at akmang kukunin ko na sana ang mangkok na may lamang adobong pakbet nang may naunang kumuha nito. Nagulat ako nang tumapat ito sa aking plato.
“Alam kong kaunti lang ang kukunin mo kaya ako na. Tsaka, kailangan maubos natin 'to kasi sinadya kong damihan ng luto yung ulam kasi alam kong paborito niyong dalawa 'to.”ngiti ni Lola Gen na bahagyang nakatayo habang nilalagyan ng ulam ang plato ko. Kabisado niya talaga lahat ng mga hilig namin ng apo niya, lalo na yung mga pagkakapareho namin.
Ngumiti ako bilang pasasalamat saka napalunok nang makitang mas marami pa ang ulam ko kesa sa kanin at halos wala nang espasyo ang plato ko.
Pagkatapos nun ay bumalik na si Lola sa pagkain. Hindi ko alam kong praning lang ba talaga ako o sadyang may kakaiba talaga sa ikinikilos ni Lola Gen simula pa kanina. Naalala kong nasa hapag-kainan kami kaya't iwinaksi ko na lamang ang isiping iyon saka nagsimulang kumain.
“Nga pala, anong oras kayo aalis bukas?”Basag ni Lola Gen sa katahimikan sa kalagitnaan ng payapang pagkain namin.
Nagkatinginan kami ni Stella. Oo nga pala, hindi pa namin napag-usapan kung anong oras kami aalis, ewan ko ba kasi sa babaeng 'to eh hindi ko naman sinabing raraket ako bukas!
Magsasalita na sana ako pero naunahan niya ako.
“Tanghali po La, tsaka sa kanila nalang po ako matutulog mamaya kasi panigurado aabutan kami ng gabi.”tugon niya habang nakasuot ng ngiting tagumpay. Ewan ko nalang talaga kung anong klaseng kaluluwa nanaman ang sumanib sa kanya at bakit tanghali palang kami aalis. May mga bampira ba na sa tanghali rumuronda?
Naging malungkot ang mukha ni Lola Gen na agad ding napalitan ng kasiglahan na alam kong pilit lamang. Alam kong nalungkot siya kasi mag-isa nanaman siya mamaya, at sanay na rin siya na dito ako kumakain sa tuwing umuuwi kami galing sa gala. Ewan pero parang ang suwerte-suwerte ko sa kanila.
“O'sige, para makapaghanda rin ako ng almusal. Dito ka na mag-agahan bukas ha?” ngiti nito na kailanman ay hindi ko magagawang tanggihan.
“Sige po.”Lumapad ang ngiti nito saka sumenyas na magpatuloy na sa pagkain.
Bumalik ang payapang katahimikan. Pagkatapos naming kumain ay agad in akong nagpaalam na uuwi na. Hindi naman ako masyadong nagmamadali dahil binilinan ko naman si Deborah na magluto nalang ng tanghalian dahil baka hapon na ako makauwi, sadyang gusto ko na talagang umuwi dahil kanina pa ako kinakabahan sa kagagawan ng bruha na yun.
“Ingat ka, ah? Ikamusta mo nalang ako kay Crisel. Kung kaya ko lamang sana ang maglakad ng ganoon kalayo ay linggo-linggo sana akong dadalaw sakanya, kaya lang ay sadyang mahina na talaga ang mga tuhod ko.”malungkot na saad ni Lola Gen. Parang isang tunay na anak at matalik na kaibigan ang turing niya kay Mama kay alam kong nalulungkot rin siya sa kalagayan nito. Naging malapit sila sa isa't isa dahil dati namin silang kapitbahay, pero nang tumuntong si Stella ng sekondarya ay napilitan silang lumipat ng bahay sa bayan.“Ayos lang po yun. Tsaka maayos-ayos naman na po si Mama.” Pagsisinungaling ko.
“Mabuti naman kung ganun. Sana ay magtuloy-tuloy na.”anito bagaman naroon parin ang malungkot na ngiti.
“Sana nga po La, eh.”Napangiti ako ng mapait. Sa loob-loob ko ay hinihiling ko na sana ay unti-unti na ngang gumagaling si Mama.
Marahan niyang hinimas ang braso ko. “O'siya, sige na at paniguradong kanina ka pa hinihintay ng kapatid mo.”